Thursday, August 26, 2004

Balik-Tanaw 8: With the Willis Family and Friends


With Uncle Claude and Aunt Beth Willis


The Willis - Uncle Claude, Aunt Beth and cousin Erick Matthew


At San Simeon Bay area (45 min drive from Hearst Castle)


With my classmates and friends in Tracy, California (ADMU 1993)



The Power of Two

Wednesday, August 25, 2004

Balik-Tanaw 7: Niagara Falls

June 11, 2004: NIAGARA. Check out na kami sa Hotel. Inanyayahan ako ni Rolly Bertumen na matulog sa kanilang bahay dahil kinabukasan pa ang flight ko papuntang Philadelphia. Sinundo niya ako sa hotel, at nagbiyahe kami papuntang Niagara Falls.

Dumaan muna kami sa Niagara by the Lake, bago kami pumunta sa Falls.... to be continued... for more pictures, visit my photo collection at http://photos.heremy.com/eliab.

Balik-Tanaw 6: Alay-Lakad sa Ontario

June 10, 2004: (Sabado) TORONTO. Maaga pa akong nagising upang sumama sa mga isang grupo ng mga alumni na pupunta sa Niagara. 7AM pa lamang, nasa lobby na kami ni Fr. Ting Samson, SJ, mabilisang pagkain ng almusal. Tapos handa na kaming lahat, dala ko ang cameras at iba pa.

Mag-aalas nuwebe na ng umaga, hindi pa dumating ang sasakyan naming bus. Yun pala, ang kinontrata ng AAAC na tao, Linggo ba naman nakareserba ang bus. Ibig sabihin isang araw at isang gabing maghihintay ng bus sa lobby. hehehe. Nagkaroon ng munting rebolusyon ang mga Pilipinong Atenista sa Toronto - hindi lang pala sa Pilipinas ang "PAL is always late." Heto, di lang late... talagang super late. Mamaya maririnig mo na ang mga Atenistang sumisigaw "Give me my refund, I paid $60 for this trip." Kawawa naman ang mga Canadians, napagalitan ng isang 5'4" na mga pinoy. Kaso yung mama na sinisingil, wala nang pera! Binayaran na niya ang bus na kinabukasan pa darating, pati ang mga fees sa Niagara.

Hindi na lang kami sumama sa mga nagrebolusyong Atenista. Umeskapo na kami, at tinawagan ang isang dating estudiyante ng Xavier University na nasa Toronto. Alas diyes y medya ng umaga, naglakad na kami... eto ang sabi kong ALAY-LAKAD dahil pitong oras kaming maglalakad sa downtown Toronto.

Mula sa itaas heto ang makikitang area na nilakad namin:


Heto naman ang mapa na dala dala ko, sakaling mawala ako at di na namin alam kung paano umuwi sa Marriot. Mahirap na.



Nagsimula kami sa harapan ng Marriot Eaton Hotel, merong art exhibit kaya nakiusyoso kami. May ukay-ukay, may mga ceramics, iba ibang glass making design, etc. Binaybay namin ang Bay Street. Habang nakikita namin ang malaking City Hall of Toronto:



Dumaan kami sa Old City Hall, sa Toronto Stock Exchange, Hockey Hall of Fame. Ito yung mga hindi mo gaanong makita kung sasakay sa tren o sa bus. Sarap maglakad dahil sariwa ang hangin. Sa dulo ng Bay Street ang Union Train Station, ang mga tren papuntang iba't ibang lugar sa Canada, pati sa US ay nasa loob. Dumaan din kami sa Air Canada Centre papuntang Harbour St na kaharap ng Lake Ontario. Tumambay kami sa Queen's Quay Terminal. Medyo nakakapagod kaya umupo muna kami habang pinapanood ang lawa.



Nakatiyempo ako ng isang bangkang de layag na dumaan, ikot ng ikot upang makakuha ng ako ng tamang anggulo at sabay banat ng "rule of thirds" sa photocomposition:



Doon na kami kumain sa harbour, bumili lang kaming tatlo ng makain sa Subway. Tapos lakad uli paakyat naman sa Spadina St. Dumaan kami sa Navy Wharf, Blue Jays Centre, na malapit sa Skydome. Nadaanan din namin ang CN Tower:



Habang binabaybay namin ang Spadina, dadaanan din ang Chinatown. Pati ang street names at pedestrian signs, bilingual - English/Chinese. Ukay ukay naman ang Chinatown. Tapos lumiko kami pakanan, sa College St. Ito ang daan sa harapan ng University Toronto.

Pumasok kami sa main street ng University of Toronto. Marami ring naglalakad kahit na summer vacation. May kasalan pa nga sa loob ng university. Dito rin pala natagpuan ang Insulin, mga propesor sa Dept of Chemistry sa Medical School ng Univ of Toronto. Ang galing!


Pagkatapos, pumunta kami sa Legislative Buildings sa harapan ng Queen's Park. Ang ganda ng mga bulaklak, at 18th century pa itong mga gusaling ito.


Lumabas kami sa Bloor St West at pumasok sa Royal Ontario Museum. Kamanghamangha ang collections ng Museum. Inabot kami ng humigit sa isang oras sa loob, ngunit kulang pa rin yun. Di ko naubos ang iba ibang galleries. Mabilisan lang ang pagbisita, di makapagmuni sa mga collections.


Tapos habang paalis na kami, may isang turistang nagbigay sa amin ng tickets para naman sa Art Gallery of Ontario. Ang bait naman nun. Sakay kami ng subway train papuntang Dundas St. Mabilisan din, di masyadong makapagmuni sa mga paintings.

Bumalik kami bago mag-ala sais sa Marriot Eaton Hotel. May misa 6PM tapos may gala night. Formal lahat, kaya nakabarong kaming nasa delegation. Noong gabi na, lumabas uli kami kasama ang kapatid na babae ni Bobby Guevarra (titser ko sa Liberation Theology), pumunta kami sa isang sikat na jazz bar "The Senator." Naalaala ko ang 7th Heaven sa Davao, ang galing ng tugtog.

Thursday, August 19, 2004

Balik-Tanaw 5: Toronto, Ontario

July 8, 2004: Nagsimula ang convention ng All Ateneo Alumni in North America sa Marriot Eaton Hotel. Maraming dumalo, ito ang iilang mga tao na maalala kong mga kasing edad ko, sina Alex Lao - kasama ko sa Musmos (ADMU 96) at Indhira Banares - Vice-Consul (ADMU 94). Nakilala ko na rin ang mga ka-email ko, sina Jun Dabu at Flor Lopez.



Sa unang araw ng convention, reception night. Sayawan, kantahan at inuman. Masarap ng salmon ng Toronto, da best! Napasama pa ako sa pagkanta ng 1960's pa na Ateneo de Manila school song ... di ko alam ang kanta, nakisabay lang ako sa mga magkakapatid na Buktaw. Ang alam ko na kasi “Win or lose, it’s the school we choose. This is the place where we belong!” song....

Dumating na rin si Father Ting Samson, SJ, presidente ng Xavier University sa Cagayan de Oro. Nawala pa ang mga bag niya sa eroplano, kaya hindi siya makabihis. Dumating rin si Fr. Bill Kreutz, SJ, presidente ng Ateneo de Zamboanga University, at si Fr. Tito Caluag, SJ, bise presidente ng Ateneo de Manila University. Tinulungan ko rin si Fr Ting sa paghahanda ng kanyang "presentation" para sa susunod na araw, kasama ang ilang alumni mula sa Ateneo de Cagayan. Alas dos na ng umaga ako nakatulog.

July 9, 2004: Heto na kami, formal attire. Nagsimula ang convention sa pagkanta ng tatlong national anthems: Pilipinas, Canada, US. Nagsalita si Fr. John Rye, SJ tungkol sa cura personalis at Jesuit Education. Tapos ang isang Canadian Rep na si McTeague nagsalita rin ukol sa "men and women for others." Tapos ang ulat ng bawat presidente ng Ateneo. Siyempre una ang Davao, kasi alphabetical. Bongga pa kasi DVD video ang presentation namin, ang ibang Ateneo powerpoint lang.

Sa hapon, break-out concurrent sessions: merong tungkol sa pagnenegosyo sa Canada, merong family and marriage, merong immigrating to Canada, at iba pa. Andoon ako sa family and marriage. Si. Fr Ed ang nagsalita at isang parish priest sa downtown Toronto.

Sa gabi, reception ng mga alumni sa bawat Ateneo Delegation. Dahil ang Davao delegration ay dadalhin ng mga Bertumen sa kanilang Bayanihan Center, sumabay na rin ang ibang Ateneo doon, para isa na lang. Bongga, ang ADDU alumni ang HOST ng lahat ng Ateneo delegation mula sa limang schools. Mahilig si Rolly Bertumen kumanta, videoke at kainan sa gabi. Kumanta rin si Fr. Ed ng tatlong kanta!

Hinatid kami ni Bernie Sychangco sa Marriot, 1AM. Nakakapagod rin.

Balik-Tanaw 4: Toronto, Ontario

Mula Vancouver, humigit kumulang sa anim na oras din ang biyahe patungong Toronto sakay sa Air Canada. Mas malambing pa rin ang flight attendant ng Cebu Pacific at Philippine Airlines. Sa Air Canada, self service ... ikaw maghanap ng kumot, ng headphones, pati pagkain di ka makapili.

Meron akong katabing mukhang instik na babae. Yun pala Vietnamese, papunta daw sa Toronto para sa isang munting family reunion. Ang liit niya, balingkinitan, akala ko 19 years old, yun pala 32 na. Dala niya ang kanyang anak.

At napanood ko uli ang "The Prince and Me." Kalagitnaan natulog na ako, nakinig kay Chopin at Mozart.

Dumating kami sa Pearson International Airport, Missisauga 6:30 ng umaga. Sinundo kaagad kami ng isang grupo ng mga alumni ng Ateneo de Davao University na sina Flor Lopez (2nd from left), Rolly at Alice Bertumen (1st and 2nd fron right).

Tapos, nag-almusal na kami kasama si Bernie Sychangco (nakapula), ang presidente ng All Ateneo Alumni Canada (AAAC). Masaya ang almusal dahil ang wayter sa resto ay isang Indian, tapos marunong mag Pilipino ng kaunti: "magandang umaga," "salamat," "kape pa." Tinanong namin bakit siya marunong magPilipino, yun pala, gelpren niya pinay... pero noon pa daw. Limang taon din daw sila.



Nagkwentuhan na ng mga ala-ala sa Ateneo, mga gurong batikan (sa bisaya, "banggiitan"), mga kaklase, at higit sa lahat ang kabutihan naidulot ng paghubog at pag-aaral sa Ateneo, sa piling ng mga Heswita. Sabi Rolly, galing siya sa Glan. BSA ang kurso niya, may Heswita rin na tumulong sa kanya hanggang nagtapos siya sa Ateneo. Wala pang daily bread noon, kaya walang libreng almusal o pananghalian sa Ateneo. Kakain lang siya ng kendi at iinom ng tubig para itawid ng gutom habang nasa Ateneo. Naging akolito pa nga siya ng Heswitang yaon. Si Alice kaklase niya sa kolehiyo, naging asawa niya.

Dumating na rin ang ibang AAAC coordinators na kinatawan ng Xavier University, Ateneo de Manila University and Ateneo de Zamboanga University. Sinundo naman si Engr. Henry Omolida ng kanyang pinsan. Tapos pumunta na kami sa Bayanihan Center ng mga Bertumen sa Scarborough. Nagkape uli at preview ng MTV na ginawa ko para sa convention, at ng Ateneo Blue Knight Song MTV.

Hapon na kami pumasok sa Toronto Marriot Eaton Hotel. Pagkatapos kong magpahinga, naglakad na kami sa downtown. Tapos sumakay uli kami sa Double Decker Bus, ang ticket puwedeng gamitin sa loob ng dalawang araw na sakay-baba sa dalawangpu't isang panturistang destinasyon. Pumunta kami ng University of Toronto, sa Dome, sa CN Tower, sa Casa Loma, at iba pa. Di kasi ako nakinig sa drayber na tourist guide din. Masyado akong nasubsob sa camera at sa pagpili ng anggulo.

Noong gabi na, kumain kami sa isang Chinese resto malapit lang sa Eaton (nasa Yonge Street). Dami ring Pilipinong kumakain dun. Tapos, bumalik sa hotel at nanood ng konting TV. Sa sobrang pagod at jetlag ... naidlip na ako sa hotel.

Wednesday, August 18, 2004

Balik-Tanaw 3: Trip to Vancouver

June 6, 2004: Paalis na ako ng Davao, maaga pa akong gumising dahil ang aga naman ng flight na pinili. Kailangan kasing PAL, para yung mga gamit ko sa Vancouver ko na kukunin para wala na akong bitbitin sa Maynila. Kasama ko si Ate Venus mula Davao. Sa NAIA na kami nag-almusal.

Umalis na rin kami ng Maynila, 4:40PM. At nagsimula na ang labintatlong oras na biyahe. Tatlong beses ko rin napanuood ang "The Prince and Me." Pero isang beses lang ako umiyak, hehehe. Sentimental tear ducts.

1PM kami lumapag sa Vancouver. Ang flight pa namin sa papuntang Toronto, 11:30PM. Kaya ang haba pa ng oras na maghihintay. Pagkatapos asikasuhin ang customs and immigration papers, sumakay na kami ng Airporter papuntang downtown Vancouver. May kanita akong dalawang magkaibigan, nagkakantahan... malamang maganda ang hapon nila.



Tapos sumakay kami ng Double Decker bus upang umikot ikot. Bumababa kami minsan sa Prospect Point sa Stanley Park. Kasama ko dito si Fr. Ed Martinez, SJ, presidente ng Ateneo de Davao University.



Tapos pumunta kami sa harbour. Ang ganda ng langit, kaya heto:


Kumain kami ng napakasarap na French crepes sa isang restobar. Di ko naubos, ang laki kasi.Tapos lakad lakad sa ibat ibang kalye. Tapos giniginaw na ako, brrrrrr. Pero ang isang napakahalagang natutunan ko sa aking munting panahong pamamalagi dito ay ang ganda ng mga bulaklak ... ang ritmo ng takbo ng buhay ay tulad na tulad sa Davao. Hindi kasing bilis ng Manila, at hindi kasing bagal ng Basilan. Hinayhinay pero kanunay.



Bumalik na kami sa Vancouver International Airport, 10:00PM. Buti na lang merong WiFi hotspot sa airport. Kaya nakapag-internet ako, nakausap ko via Mac IM Chat si Igy Castrillo. Dito ko rin nalaman na imposibleng makatanggap ako ng SMS sa aking Globephone. So, balik ako sa payphone kung tatawag ako sa Davao.

Tuesday, August 17, 2004

Antikwadong Tapayan (Circa 1993)

ANTIKWADONG TAPAYAN
Jose Jefrey Robles
[The poem he made for my Aegis]



Naglalakad ako pauwi sa bukang-liwayway
Iniipon at binubuo ang nagkapirapirasong nakaraan
Umaasang makabanaag ng matibay na moog na laging masasandalan.
Subalit naturol isang antikwadong tapayan,
Nilumot ng pagsisikap sa dantaon nitong itinahan;
Nasabi: Kayang kayang pasanin, magaan lang naman.
Ngunit natamban mga paa na siksik nitong tagiliran
At nang angati’y di-tumaas sa kinatatayuan
Kaya marahang binuksan antikwadong tapayan
At natampok ang mga mata sa tubig na laman
Nagtaka, napatanong, nag-isip ‘pagkat ‘di inaasahan
Napaluha, merong tahimik na ligaya sa namulatan.
At nang mapagpasensiyang idinilig ang tubig sa dawagan


Sa malumanay na agos nabanaag ang maliwanag pang buwan
At pumalaot, kay ganda, samu’t saring kulay sa mata.
Tubig na nagpapakulay ng buhay ng nasasalamuha
At natanggal na ang malaon nang nakapiring kadiliman
Hayun, tingnan mo, matatag na tumatayo
Isang magaang antikwadong tapayan
Nakabukas at handang tumanggap na naman.
Nawa’y muli ang langit ngayong umaga umulan
Nang makabahagi muli ng dalisay na laman
Sariwang tubig sa mga uhaw at tuyong dawagan.

The Famous Rico Abelardo Poem

Mangyari lamang ay tumayo ang mga nagmamahal
Nang makita ng lahat ang mukha ng pag-ibig
Ipamalas ang tamis ng malalim na pagkakaunawaan
Sa mga malabo ang paningin.


Mangyari lamang na tumayo rin ang mga nagmahal at nasawi
Nang makita ng lahat ang mga sugat ng isang bayani
Ipadama ang pait ng kabiguan
Habang ipinagbubunyi ang walang katulad
Na kagitingan ng isang nagtaya.


Mangyari lamang ay tumayo ang mga nangangambang magmahal
Nang makita ng lahat ang kilos ng isang bata
Ipamalas ang katapatan ng damdamin na pilit ikinukubli
Ng pusong lumaki sa mga engkanto't diwata.


Mangyari lamang na tumayo ang nagmahal, minahal at iniwan
Ngunit handa pa ring magmahal
Nang makita ng lahat ang yaman ng karanasan
Ipamalas ang katotohanang nasaksihan
Nang maging makahulugan ang mga paghahagulhol sa dilim.


At sa mga nanatiling nakaupo
Mangyari lamang ay dahan-dahang tumalilis
Palabas sa nakangangang pinto
Umuwi na kayo!
At sumbatan ang mga magulang
Na nagpalaki ng isang halimaw.


At sa lahat ng mga nakaiwang nakatayo
Mangyari lamang na hagkan ang isa't isa
At yakapin ang mga sugatan
Mabuhay tayong lahat
Na nagsisikap makabalik sa ating pinagmulan
Manatiling masaya at higit sa lahat
Magpatuloy sa pagmamahal.


RICO ABELARDO

If you forget me

One of favorite poems.. still mesmerizes me.

IF YOU FORGET ME
Pablo Neruda

I want you to know
One thing.
You know how this is:
If I look
At the crystal moon, at the red branch
Of the slow autumn at my window,
If I touch near the fire
The impalpable ash
Or the wrinkled body of the log,
Everything carries me to you,
As if everything that exists,
Aromas, light, metals,
Were little boats that sail
Toward those isles of yours that wait for me.


Well, now,
If little by little you stop loving me
I shall stop loving you little by little.
If suddenly
You forget me,
Do not look for me,
For I shall already have forgotten you.


If you think it long and mad,
The wind of banners
That passes through my life,
And you decide
To leave me at the shore
Of the heart where I have roots,
Remember that on that day,
At that hour,
I shall lift my arms
And my roots will set off
To seek another land.


But if each day,
Each hour,
You feel that you are destined for me
With implacable sweetness,
If each day a flower
Climbs to your lips to seek me,
Ah my love, ah my own,
In me all that fire is repeated,
In me nothing is extinguished or forgotten,
My love feeds on your love, beloved,
And as long as you live it will be in your arms
Without leaving mine.

Door and Bridges (1992 San Jose)

DOORS AND BRIDGES

Walking along the corridors of life
Across empty halls and painted walls of white
Beneath the moon and stars,
Amidst the shadows there
You find a door that leads to the who knows where.
Through hills and mountains, oceans, seas and streams,
Crossing wooden bridges endless though they seem,
Aimlessly you journey, looking beyond the sky so wide,
You wonder what is on the other side.

I guess life is just like that:
It’s opening doors and crossing bridges,
It’s trying to make our every dream come true,
It’s meeting people saying hi
And in the end we say good-bye
It’s you finding me and I finding you.

We’ve opened so many doors together,
We’ve crossed a thousand bridges side by side
But after all the doors and bridges
Finding what’s on the other end
I think the best thing that I found is a friend.

And now we stand before another door
But it’s not like any door we’ve come across before
`Cause I know you’ll have to go alone
And I’ll have to stay behind here on my own.

Maybe someday our paths will cross again
Among life’s many doors and bridges, who knows
I just hope that when they do
When you find me and I find you
You will remember me `cause
I ‘ll remember you.

Ex Contingentia at Potensyal

EX CONTINGENTIA AT POTENSYAL
Bong S. Eliab at Roque J. Ferriols, S.J.
Dibisyon ng Pilosopiya
Pamantasan ng Ateneo de Davao


Namumulatan natin na ang ating pagiging tao ay tigib sa kaligayahan, tigib rin sa pagkadapa. Maraming beses tayong nagtagumpay at magtatagumpay, maraming beses rin tayong nabigo at mabibigo. Ngunit laging nanatili ang ating potensyal. Laging kasama ng tao ang kanyang kakayahan na sumaibayo at lampasan ang kanyang sarili, ngunit isang paglampas na hindi iniiwan ang sarili, kundi laging kasama ang sarili. Potensyal: isang lumang kataga na nagpapahiwatig ng binhi ng nakatagong kakayahan na minsan pinapatulog ng tao. Maaaring gisingin, pangatawanan. Kapag pinapatubo, dinidiligan at patuloy na inaalagaan sa daloy na panahon, maaring maging isang kahanga-hangang paghakbang tao, ng buong sangkatauhan, sa paglalakbay sa buhay.


Sana wala . . . pero meron, kahulugan


Habang naglalakad ako minsan sa likod ng seminaryo, may maliit na gubat doon na puno ng samu't saring klase ng tanim at insekto. Biglang may napagmasdan akong isang kakaibang kulisap na hindi ko pa nakita sa lahat ng aking paglalakad sa bahaging iyon, ibang iba sa mga ipis, langaw, kuto, at mga langgam. Parang patpat na mahaba sa malayo. Ang bagal kung lumakad, berde ang kulay ng buong katawan. Ginising ng mahiwagang kulisap na ito ang aking pagtataka sapagkat hindi nasanay ang aking mga mata at pag-uunawa sa ganoong uri ng insekto. Ngayon lang ako nakakita ng insektong ito. Ginigising ang aking kakayahang magtaka at magtanong. Ano kaya ito?


Posibleng ang dahilan kung bakit nawawala ang pagkamahiwaga at pagkailangang pagtakhan ng mga nagmemeron sa mundong ito ay dahil nasasanay na ang pag-uunawa ng tao na kinakasagupa niya araw-araw ang mga bagay, at nagiging pangkaraniwan na lamang. Nawawala sa iba't ibang antas ang pagtataka at mapagkilatis na pag-uunawa ng tao at nakaligtaan na niyang damhin ang pagkamahiwaga at pagkabukod-tangi kahit ng mga pangkaraniwang nagmemeron tulad ng bato, bulaklak, tanim, kapuwa, kaibigan, pag-ibig. Madalas kung meron nang pangalan at nakasulat na sa diksiyunaryo ay para bagang alam na ng tao ang lahat.


Itong "patpat" na insekto ang nagpabighani sa aking sarili, ginising ang katutubong pagtataka sa akin. Nagtatanong ako. Anong hayop ito? Nangangain kayo ito ng ipil-ipil? O ito ba ang kumain sa aming mga halaman sa likod ng bahay? Nangangagat ba ito kapag hinawakan? Alam na kaya ito ng mga siyentista? Meron na ba itong siyentipikong pangalan? Baka. Ngunit merong isang tanong na siyang ugat ng mga tanong: Bakit meron, sana wala. Hindi ito sumulpot dito sa kanyang sariling poder lamang. Kung siya lamang, walang wala sana itong insektong ito. Kung siya lamang maiwan sa kanyang sarili, hindi niya kayang magmeron siya. Hindi niya kayang likhain ang mga komplikadong galaw ng mga sidhay na nasa kanyang katawan, ni hindi siya mulat sa nangyayari sa kanyang katawan, sa kanyang sarili, sa nakakapaligid sa kanya. Ngunit buhay na buhay, totoong totoo na merong hayop sa aking harapan na gumagalaw at nagpapabighani sa akin.


Humantong ang pagmumuni sa isang pag-amin at pagtanggap na merong nagpameron sa insektong ito, at patuloy na nagpapameron sa kanya sa bawat sandali. At sabay sa pagmumulat na merong patuloy na nagpapameron, namumulatan rin ang pag-uunawa na may nakikitang kahulugan, kahit hindi sapat ngunit nakakagat pa rin sa katotohanan.


Bakit kaya meron, sana wala? Para ano pa? Ano ang dahilan kung bakit meron? Ano ngayon ang kahulugan nito, ang kahulugan ng presensya nito? Maaring may hula ka. At sabay totoo ring hula, ayon sa matinong pag-uunawa. Abot-kaya ng tao. Ngunit kahit hula lamang, tunay pa ring may dahilan at may tunay na kahulugan kung bakit meron ito. Ngayon, nasa antas ako ng pagtatanong na naghahagilap sa kahulugan ng kuwan na ito. Ngunit isang paghahagilap sa mailap, at hindi basta-basta mahuli-huling kahulugan. May naaninagan akong kahulugan, tumatalab rin sa aking pag-uunawa ang mismong kuwan na ito, meron akong nababakasan at natatanggap na kahulugan, pero, sabay hindi ko rin lubusang maunawaan.


Totoo na tumatalab ang aking pag-uunawa sa aking inuunawa, ngunit isang pagtalab na sabay alanganin. Ngunit tunay at totoo pa rin ang kahulugan na binababaran ng aking pag-uunawa, tinatablan, kinikilatis, niyayaman at inaangkin. . Natatauhan ako na pati ang aking pag-uunawa ay may hangganan rin sa paghahanap ng kahulugan. Mula sa malayo nararanasan ko na may isang pagkatiyak na merong tunay na kahulugan ito, ang mga iyon, at lahat lahat sa aking paligid. Kaya patuloy akong nagsisikap na unawain, hanapin ang kanilang kahulugan . . . maaring lumalayo o lumalapit ako sa tunay na kahulugan. Meron akong nasusulyapang kahulugan, kahit hindi ito ang buong kahulugan, tunay pa ring kahulugan, tunay pa ring kaalaman na dapat pagyamanin. Meron nga akong natuklasan sa meron, ngunit ang aking natuklasan ay tanong pa rin, bukal ng hindi matapos-tapos na pagtatanong at pagtataka.


Kaya humahantong tayo sa isang metapisikong paninindigan: kailangan na may tunay na kahulugan, may "dapat" na kahulugan at dahilan kung bakit nagmemeron ito o ang mga iyon, sa halip na "sana wala". Ang pagkakailangan ay hindi isang pagpipilit kundi isang mapagkumbabang pag-amin na may tunay na kahulugan, kahit ang nakikita ng tao ay aninag lamang ng tunay na kahulugan, ng "dapat" dahilan. Na sana walang insektong "patpat" sa gubat, pero meron. Ngayon, halimbawa, naglalakad ako sa kapaligiran ng Ateneo at ang karaniwang kong nakikita ay iyong mag-aaral, mga guro, gusali, kaktus, atbp. Hindi na natin tatanungin kung bakit walang insektong patpat dito. At bakit kailangang merong insekto? Pero ang pagiging `andodoon ng insekto ay napakahiwaga na maaring tanungin: bakit nandirito ito, sana wala. Bakit meron ito sa gubat, bakit merong gubat, bakit merong gubat sa malaking pinapaligiran ng tubig, bakit merong mga isla na pinapapaligiran ng tubig sa sanglibutan, bakit merong sanglibutan sa loob ng isang galaksi, bakit may galaksi sa loob ng sangkalawakan. . . . ? May dahilan, at may sapat na dahilan at kahulugan, ngunit laging nag-aapuhap ang tao sapagkat hindi sapat lagi ang kanyang pinakamabuting alam. At ang pagkakailangang merong nakakaalam nitong lahat, ang "Kuwan" na iyon ay nararanasan bilang makapangyarihan at nakabitin sa kanya ang lahat na nagmemeron.


Nakabitin ang ating buong pagmemeron at ang buong kahulugan nito sa Kanya. Kaya ang mga nagmemerong may hangganan at limitado sa mundong ito, tatawagin nating contingens (Latin, na ibig sabihin "nakabitin sa"). Sa isang pinakapayak na talinhaga maaring maaninagan ang ibig sabihin ng salitang contingens sa mga halimbawang ito: mainit ang bato sa aking bintana, ang init nito ay nakabitin sa araw na sumisinag sa bato. Kung wala ang init, wala sa poder ng bato ang maging mainit. May hindi-bato, lampas sa bato, na nagpapainit sa bato. Ngunit itong talinhaga na ito ay hindi pa rin sapat.


O ayon sa salita ng makata: "maghapong umaagos mula sa iyong kamay, parang alikabok na naaanod sa iyong sinag na makapangyarihan". Nakikita lamang ng ating mga mata ang alikabok sa pamamagitan ng sinag ng araw, parang nakabitin sa sinag ng araw ang pagmemeron ng alikabok. Ngunit hindi pa rin sapat ang talinhaga, sapagkat ang mismong Meron, lampas sa lahat na halimbawa at talinhaga, ngunit maaring makakatulong sa ating nag-aapuhap na pag-uunawa. Bakit hindi sapat? Sapagkat lahat na talinhaga, lahat ng bagay na ginagawang panturo ay mga panturo lamang. At kung tutuusin, nilikha niya ang mga panturo na ito, kaya kulang pa rin upang ihambing sa kanyang kadakilaan ang kahit na anumang paghahambing. Sa kabilang banda, mahalaga at kailangan pa ring gumamit ng mga talinhaga at panturo upang kahimanwari ay tumalab ang pag-uunawa ng tao sa kanyang kadakilaan.


Karupukan: Pagkamaaring hindi Magmeron


Sa ating pagharap sa daigdig na ating ginagalawan, nararanasan natin ang meron. Isang katipunan ng lahat lahat, na para bagang isang nandiriyan na may pagkakailangang tanungin at pagtakhan: sana wala, ngunit ang katakataka ay meron. Sana walang daigdig, ngunit meron, nagmemeron, nagpapaunawa, nagpapatuklas, nagpapakita. Kahit na ano man ang ating nahahagilap at nararanasan, laging contingens, laging nakabitin, sapagkat sana wala, wala sa kanyang poder na magmeron siya kung siya lamang. Nararanasan natin ang karupukan ng bawat isang nagmemeron: sana wala, maaring wala sana. Wala sa kanyang poder ang magmeron. Pero meron. Kaya may nagpapameron sa kanya. At sa bawat sandali ng kanyang pagmemeron, naroon pa rin ang posibilidad na hindi magmeron, naroroon lagi ang posibilidad na maglaho, naroroon lagi ang kanyang pagkamarupok. Kaya sa bawat sandali may nagbibiyaya sa kanya upang manatili siyang meron, pinapatatag, binubuo, hinihilom, sa gitna ng kanyang karupukan.


Sa ating pagtatanong, merong dahilan at sapat na kahulugan kung bakit meron at hindi wala. Merong nakakaunawa kung bakit ito ito at iyon iyon, meron ito at meron iyon. Hindi maaring sabihing purong aksidente at purong tsamba lamang ang mga nangyari, at nangyayari: sumikat ang araw kaninang umaga, bumaha sa amin, nahulog ang buko mula sa punong niyog, nag-aaral kami ng Pilosopiya ng Relihiyon, nag-aaral ako sa Ateneo, ipinanganak ako ni Nanay, kaibigan ko si Bedette, nakikipagkapuwa tao ako . . . . Kahit para bagang tsamba o aksidente minsan ang nararanasan ng tao, meron pa ring dahilan, kahulugan, alam-di-alam. Nag-aapuhap ang tao, laging naghahanap at may natutuklasan rin siyang liwanag, may nakikita rin siyang dahilan at kahulugan, sabay mulat na hindi pa ito lahat, "baka", "hula", ito nga pero bahagi lamang ng kabuoan.


Bumalik tayo sa ating mahiwagang insekto. Nasa isang kalagayan tayo na naghahanap kung bakit meron insekto dito. Ang hinahanap natin ay hindi kung bakit dito at hindi doon, kundi bakit meron. At kung maiwan lamang sa kanyang sarili, hindi kaya ng insekto, na "maging" insekto siya kung siya lamang. At hindi alam ng insekto na meron siya, at wala sa kanya ang dahilan kung bakit siya "magiging" o "naging" insekto, o dahilan kung bakit hindi siya "maging" insekto.


Sa atin mismong karanasan, nakakasagupa tayo ng kapuwa tao, pati na rin ang ating sarili. Meron kapuwa tao, meron sarili. Sana wala. Pero meron. Kung maiwan lamang siya sa kanyang sarili, sana wala, sapagkat hindi niya kaya na magmeron sa kanyang sarili. Kung ako lamang maiwan sa aking sarili ay sana wala ako. Meron Siya kaya meron ako, ikaw, meron tayong lahat. Nakabitin ang ating pamemeron sa kanyang biyaya at kapangyarihan.


Ang Walang Simula at Katapusang Nagmemeron


Hindi sapat sabihin na ang kahulugan ng isang nagmemeron dito sa mundong ito ay batay sa haba ng panahon ng kanyang pagmemeron. Hindi sinasabi ng isang geologo na, kung bakit merong ilog at bundok, matagal na ang mga ito kaya ganoon. O halimbawa ng isang tao, ang kahulugan ni X ay ito - mula sa panahong ito hanggang sa namatay siya. O sa isang insekto, bakit meron? sapagkat meron na iyan kahapon pa. O sasabihin pa natin, meron nang daigdig na hindi na maalaala ng tao kung kailan nagsimula. Ang tanong dito ay bakit meron at hindi ilang taon o haba ng panahon. Hindi nakabatay lamang sa daloy ng panahon ang kahulugan, ngunit sa mismong pagiging meron niya.


Kung magtatanong ang isang tao kung bakit merong tubig sa dagat, paano nagkaroon ng tubig, saan nanggaling ang tubig bago pa ito sumipot sa dagat, iyon ang buod ng tanong. O `di kaya sa siyentipikong pagmamasid, bakit meron tubig, bakit merong molekula, bakit meron atomo, o bakit meron elektrons o photons, sana wala. Hindi iyan tinatanong ng agham. Paano ito sumapit dito? Paano ito sumulpot, sumipot, dumating? Kailangan ang pagkilala na mapakumbaba na nakabitin ito sa isang lampas pa sa tubig, molekula o atomo, atbp. Contingentia: ang pagka-basta't-sumapit.


Tanda ng pagkamarupok kung nagsisimula at naglalaho ang isang nagmemeron. Kung titingnan natin ang mga nilalang na may buhay: kapuwa tao, pusa at aso, kamote at kalabasa -- lahat may buhay, ngunit sabay namamatay rin. Nalalanta ang mga dahon ng kamote, nanghihina at tumatanda ang pusa at aso. Lumilipas ang kanilang panahon -- at lalong lumilitaw ang karupukang tumatalab sa lahat na nagmemeron..


May mga naninindigan na kapag pinagmasdan ng tao ang ibang nagmemeron, tulad ng bato o tubig, apoy, hangin, mga mineral -- mga walang buhay, may simula at may katapusan ba sila? Ang buong sanglibutan nating yari sa bato, lava, buhangin, at mineral, saan galing ito. Kung sila lamang, sana wala. May simula ba ang ating galaksi? Sabi nga ni San Buenaventura, maaaring ang mundo natin ay walang simula at walang hangganan. Laging nandodoon, laging nagmemeron, laging gumagalaw. Patuloy ang pag-ikot nito sa bawat sandali tungo sa kawalang hangganan, tungo sa hindi matapos-tapos na pag-ikot. Ibig bang sabihin, na hindi contingens ang mundo sapagkat walang simula at walang hangganan? Hindi ito nakabitin sa kahit na anong kuwan, sapagkat nandodoon na? Basta nagmemeron lamang sa kanyang sarili?


Kung totoo mang walang simula at walang katapusan, contingens pa rin sapagkat nakabitin pa rin ang mundong umiikot ng walang hangganan sa lampas pa dito. Kung ang mundo lamang maiwan sa kanyang sarili, sana wala. Pero bakit merong mundong umiikot ng walang hanggan? Kailangang merong dahilan at kahulugan kung bakit merong mundong umiikot ng walang hanggan. Hindi mulat ang mundo kung bakit mundo siya. Kaya ang tanda rin ng karupukan kapag walang pagmumulat sa kahulugan. Tatalakayin ito sa mga susunod na bahagi.


Hindi aksidente at purong tsamba lamang na nagkaroon ng isang dambuhalang mundong maaring matitirhan ng mga may buhay. Kahit sabihin pang ang mundo ay patuloy na magmeron sa lahat ng panahon, ad infinitum, nanatili pa rin ang kanyang pagka-contingens sapagkat sana wala . . . . at ang kanyang paggalaw ay laging nasa panahon, lumilipas rin ang meron ng mundo.


Ang mga Nilikha at ang Maylikha


Tumutungo tayo ngayon sa isang pag-uunawa sa lahat na nilikha sa ating kapaligiran, na minsan nakakaligtaan nating makita ang katotohanang tumatalab sa bawat isang nagmemeron sa ating kapaligiran, mula sa katabi nating kapuwa at mga mahihiwagang mga bagay hanggang sa malayong mga bituin at galaksi. Nakikita ang pagkamarupok sa lahat na nagmemeron, mula sa napakapayak na mineral, tanim, hayup, hanggang sa pinakamasalimuot na tao. Ang mga may buhay (tao, tanim, hayup), isinisilang at namamatay, naglalaho. Ganoon rin sa mga walang buhay, kahit maaring walang simula at walang katapusan, ay may bahid pa rin ng pagkamarupok; kung sila lamang sana wala sila; at wala silang pag-uunawa tulad ng tao, walang pagmamalay, walang malay-sarili, at walang buhay. Mas matindi pa rin ang tao sa lahat na nagmemeron, sa lahat ng nilikha, sapagkat meron siyang pagmumulat, pag-uunawa na likas sa kanya. Ngunit sa kabila ng matinding pagmemeron ng tao, umiiral pa rin ang pagkamarupok niya, kung maiwan lamang siya sa kanyang sarili, sana walang wala siya.


Kaya nararanasan ng tao na ang bawat sandali ng kanyang pagmemeron ay isang biyaya, na patuloy na paglikha, paghubog, pagsasabuo sa kanyang marupok na pagmemeron na nasa bingit lagi ng kawalaan, na may pagkamaaring mawala. At kailangan ang mapakumbabang pag-amin na merong Meron na nagpapameron sa akin, at sa lahat, naglalang, lumilikha, humuhubog, sa pamamagitan ng kanyang mapagpalang kamay. Kaya, nakabitin sa Mismong Meron na ito ang lahat na nagmemeron. Ibinabahagi (participatio) niya ang kanyang meron sa lahat ayon sa nababagay (proportio).


Magpatulong tayo sa talinhaga ng apoy sa kandila at liwanag mula sa apoy. Nakabitin sa apoy ang liwanag, palibhasa nagliliwanag ang apoy. Ngunit hindi nakabitin ang apoy sa liwanag, sabay likas sa apoy na laging nagliliwanag. Samakatuwid, nilikha ng apoy ang liwanag, nakabitin sa apoy ang liwanag. Ngunit hindi maaring hindi magliwanag ang apoy. Iba pa rin kung ang Banal ang pinag-uusapan, palibhasa ang kandila ay materyal at isang limitadong nagmemeron. Ang mismong Meron ay nagliliwanag ngunit hindi naaubos, hindi nalulusaw, laging buong buo, matatag. Kaya ang mga nilikha ay may pagkamarupok sapagkat nakabitin ang kanilang pagmemeron sa isang sukdulang Meron, Meron na Meron, super-Meron.


Saan at Kailan


Kahit na ang mga nagmemeron na walang simula at walang katapusan ay marupok at nakabitin pa rin sa Kanya. Halimbawa ng mundo na walang simula at walang katapusan, nasa loob lagi ng kalawakan at panahon, gumagalaw lagi sa loob ng saan at kailan. At ang nagmemeron na gumagalaw sa loob ng saan at kailan ay may bahid ng karupukan, may bahid ng wala.


Kung titingnan natin, gumagalaw lagi tayo sa panahon. Laging ang ating ngayon ay nagiging kanina, at ang kanina ay wala na. Wala pa ang mamaya, wala pa ang bukas. Isang pagmumulat na nasa loob ako lagi ng panahon, isang panahon na marupok, may hangganan, laging natatablan ng wala. Hindi posibleng ang ngayon ko, ito na ang buong panahon. `Ika nga nga makata: "parang mga tupang pinapastol tungo sa bukas." Lumilipas ang ating pagmemeron, at patuloy na naglalakbay ang bawat isa tungo sa bukas, paglalakbay na hindi natin maaring talikuran, bagkus tanggapin bilang biyaya na binigyan tayo ng pagkakataon higit sa lahat na "lumakbay", "makaranas", maging meron!


Ganoon din sa kalawakan. Laging nasa loob tayo ng ating saan, dito na may halong wala, kaya marupok. Ang meron ko dito, wala diyan, wala doon, may hangganan. Hindi maaaring narito ako, sabay doon, sabay diyan, o nandodoon sa lahat ng doon. Kumakalat ang aking karanasan sa iba’t ibang lugar. Hindi ko nararanasan ang lahat sa "iisang lugar" lamang. Minsan may pagkakataong iniipon ko ang naranasan ko mula sa iba ibang lugar upang buoin ko ang aking sarili. Ngunit minsan rin nararanasan ko ang "pagkakalat" ng aking sarili. "Sumasabog" ako, ngunit nararanasan kong may walang sawang umiipon rin sa aking pagkasabog. May nagbibiyaya sa akin ng kakayahang ipunin muli ang aking sarili, at hindi nawawala itong kakayahan at posibilidad na ito kahit sa gitna ng "pagkakalat", "pagsasabog".


Ang Mismong Meron na pinanggalingan ng lahat na limitadong nagmemeron, maaninagan nating siya ang sukdulan kaya may pagka-kailangan nasa labas siya ng karupukang nararanasan na tumatalab sa mga nagmemeron. Kaya kailangan nasa labas siya at lampas pa ng kalawakan at panahon, walang simula at katapusan, alam na alam ang lahat na nangyayari. Lampas pa siya sa lahat ng kalawakan at sa lahat ng panahon, sabay napapadoon sa lahat ng doon, napapanahon sa lahat ng panahon, nagpapasimula at naglalagay ng hangganan, nagpapatapos, nagpapaalam at di-nagpapaalam, nag-iipon sa mga kumakalat, nagpapatatag sa mga humihina, at patuloy na nililikha ang kanyang mga nilikha.


Kapit sa Kahulugan at Tindi ng Pagmemeron


Sa ating pagdanas sa meron bilang paksa, sa meron bilang analogia, nakikita natin ang iba-ibang nagmemeron, hawig na hawig, sabay ibang-iba. Hawig na hawig lahat sapagkat nasa mundo ng meron, nagmemeron. "Lumalaban" sa wala ang bawat meron, "itinitirik" ang sarili sa meron. Ngunit ibang iba sapagkat nauunawaan natin na ibang iba ang meron dito at ang meron doon. Ang pusa hawig sabay iba sa tanim, ang tanim hawig sabay iba bato, ang bato hawig sabay iba sa tao.


Sa mismong pagkakaiba doon nagkakahawig, sa mismong pagkakahawig doon nagkakaiba: analogia. Kaya kitang kita na lahat na nagmemeron, tinatanggap nila ang kanilang meron mula sa mismong Meron. Samakatuwid magkakawig ang lahat. Ang bato, kamote, talisay, kaibigan, lahat ay magkakahawig sapagkat ang meron nila ay galing sa mismogn Meron. Lahat ay nasa mundo ng sangkameronan, lumalaban sa wala, nagisisikap na mabuhay sa meron, manatili. Samakatuwid, walang hamak na pinagkaiba ang bato, ang tanim, ang hayup, ang tao … sapagkat lahat ay lumalaban sa wala, hawig na itinitirik ang kanilang sarili sa meron. Kaya hawig ang pagmemeron ng bato sa pagmemeron ko bilang tao.


Ngunit ang bawat isang nagmemeron ay iba sa bawat isa. Ang bawat isa, tinatanggap nila ang kanilang meron mula sa mismong Meron ayon sa nababagay at nararapat sa kanila o proportio. Kaya ang kanilang pagsasabuhay ng kanilang meron ay ayon na rin sa nababagay sa kanilang meron. Nagpapakatao ang tao, nagpapakahayup ang hayup, nagpapatanim ang tanim. May kanya kanyang pagmemeron ang bawat isa ayon sa nababagay sa kanilang meron. Kaya iba ang pagmemeron ng bato sa pagmemeron ko bilang tao.


Meron bilang analogia. Ang meron dito at ang meron doon, nagkakahawig. Nagkakaiba rin. Kailangan ang isang pag-uunawang mapagkilatis upang makita at mamulatan sa intrinsekong pagkakaiba sabay pagkakahawig ng meron.


Ngayon, sa lahat ng mga nagmemeron, naaninigan natin na ang tao ang pinakamatindi. Matindi sapagkat nakakaunawa siya, merong pagmumulat, merong pagmamalay, kaya mas matindi ang kanyang paglaban sa wala, pagtirik ng sarili sa meron kaysa sa mga hayop, tanim, at mineral. Mulat siyang meron siya, mulat siyang nagmemeron siya, sabay alam niyang lumalaban siya sa wala. Kaya ang lahat na ginagawa ng tao (kumain, matulog, maglakad, magtiyaga, mag-aral, manalangin, atbp.), isang patuloy na pagsisikap na lumaban sa wala, at alam niyang ginagawa niya ito, o kahit man lamang pinagsisikapang malaman na ginagawa niya ito. Iba lagi ang kalidad ng pamumuhay ng tao sa ibang nagmemeron. Analogia pa rin.


Kaya para bagang hagdan ang buong sangkameronan. Nasa tuktok ng hagdan ang tao, at sa ilalim ng hagdan ang mga mineral na walang buhay. Namulatan nating matindi ang tao sa kabila ng kanyang karupukan sapagkat meron siyang mahiwagang pag-uunawa, malay-sarili. Tao lamang ang nakapagtatanong ukol sa kahulugan: bakit narito siya, ano ang buhay, ano ang tao, para sa ano ang maging tao, ano ba ang kahulugan ng pag-asa, ano ba ang kahulugan ng buhay, pakikipagkapuwa, pakikitungo sa Banal, atbp. Ngunit minsan, may mga panahon na nasa krisis ang tao, at nasa kadiliman siya, may pagkabigo, humihina ang kanyang pagmemeron. Tulad ng tanim, humihina rin ang pagmemeron, nalalanta. At sa panahon na mahina ang pagmemeron, humihina rin ang kapit sa kahulugan, o malabo ang nakikitang kahulugan. Kaya minsan, sa gitna ng kadiliman, at nawawalan ng pag-asa ang tao, humihina ang kanyang kapit sa kahulugan, halimbawa, ng buhay. Kaya nararanasan ng tao ang kahinaan ng kanyang loob, na minsan lumalabas sa pagsasabing "sabog ako" o "kalat". Humihina ang loob. Hindi nakikita ang halaga at kahulugan ng buhay, ng pagiging tao. Ngunit likas rin sa taong ipunin muli ang kanyang sarili, magbalik-loob, maglakas loob. Nararanasan na merong umuudyok sa taong magpakatatag at magpatuloy pa rin.


Kahit humihina ang kapit sa kahulugan, sabay ng paghina ng pagmemeron, naroroon pa rin sa tao, kahit katiting, ang pagnanasa sa tunay na kahulugan, ang pagnanais na makita ang liwanag sa gitna ng dilim. Naroroon pa rin sa tao ang diwang naghahagilap sa gitna ng agaw-dilim, at panghihina. Likas pa rin sa kanya ang magpatuloy na tumugon sa tawag ng meron at kahulugan. Naroon pa rin sa tao ang likas na hanapin, kumapit sa meron at kahulugan. At itong pagnanasa, kakayahan, at potensyal ng tao na hanapin ang kahulugan ay hindi nawawala kahit sa pinakamatinding kadiliman at pagkakalat ng sarili. Ang mahalaga lamang ay buhayin ang "pinatutulog" na potensyal. Gawin ang magagawa ayon sa abot-kaya, at hindi ang kibit-balikat na pagsasabing "hanggang dito lang ang kaya ko" o "ako’y tao lamang".


May mga sandali na matinding nagmemeron ang tao, buhay na buhay rin ang kanyang kapit sa kahulugan. Sabay ang pananabik sa buhay, sa tindi ng pagkapit at pagnamnam ng tunay ng kahulugan. Nararanasan niya na ang pagiging tao ay isang patuloy na pagsisikap, patuloy na pagtubo, at patuloy na paghahanap. Nararanasan niyang mas nagiging tao siya, taong tao. Kaya't ang umiiral na may pag-uunawa at pagnanais sa kahulugan, ngunit mahina ang kapit sa kahulugan, ay umiiral na mahina rin ang meron. Ang karupukan, samakatuwid, isang landas ng nagpapamulat sa atin sa isang lampas pa sa ating hindi marupok. Ito ang pagkakataon na aminin na tao, sa isang mapagkumbabang paraan, na marupok nga siya. Ngunit sabay sa pag-amin ng kanyang karupukan, natutuklasan rin niya ang kanyang potensyal. Potensyal: lumang salita iyan na ang ibig sabihin ang pagkamaaari. Ang potensyal ay hindi nawawala, pinapatulog lamang ng tao, at sa panahon ng matindi ang karupukan, kailangan lamang buhayin niya ang potensya na nasa kanya. Hinti ito naglalaho. Isang binhi na kailanman hindi namamatay, laging naroroon sa puso ng bawat isang nagmemeron. Binhing nakatanim sa bawat nagmemeron na kailangan lamang gisingin, diligan, alagaan at patubuin.


Sinauna Bilang Potensyal


Nagkataon na nasa tuktok kami ng bundok, sa isang bahay dasalan. Mga kasama ko'y gumaganap ng banal na pagsasanay bilang paghahanda sa ordenasyon sa pagkapari. Nagkataon na bumangon ang malakas na bagyo. Pusod ng bagyo ang huminto sa hindi kalayuan sa amin. Huminto ang pusod; hindi ang malalakas na hangin na iniikot ng pusod. Dalawang araw, dalawang gabi. Mga puno at bahay nalulunod, naaanod sa hangin. Nagtataka kami kung kami'y magigiba.


Isa sa pinag-usapan namin ay pamimilosopiya. Noong nag-aaral ng pilosopiya ang aking mga kasama, kasama sa kanilang mga babasahin ang ilan sa aking mga sinulat. Nagtaka sila kung may lalabas na pilosopikong pagtalakay sa ilang mga atitud na mapagmamasdan sa kalinangang Pilipino; mga atitud, na kung tutuusin mo, ay pilosopiko at karapat-dapat pagmunihan, palalimin sa isang pilosopikong pag-uunawa. Halus hiniling nila na gumawa ako ng ganoong pagtalakay.


Pagtataka sa maraming nibel ang ginigising ng kanilang mga sinabi, at nakita ko na kailangan kong isipin ito ng totohanan. Kaya't sinabi ko sa kanila: iisip-isipin ko, at anuman ang matagpuan ko ay aking ibabahagi sa inyo sa huling yugto ng isang libro na matagal ko nang sinusulat at hindi pa matapus-tapos.


Ngayon nakarating na ako sa huling yugtong ito at inaalok ko ang hindi isang pilosopikong pagsususuri, kundi ilang mga ligaw na puna at isang mungkahi ukol sa potensyal. Kung may interes pa kayo, mga kapuwa, at kung binabasa ninyo ito, heto ang ipinapangako ko sa inyo.


Pagpili sa Wikang gagamitin


Madalas may nagtatanong: Mag-iimbento ka ba ng pilosopiyang Pilipino? O kaya: Maari bang magkaroon ng pilosopiyang Pilipino? Ang mga tanong na iyan ay pag-aksaya lamang ng panahon. Kung talagang nais ng isang taong mamilosopiya, ang hinahanap niya ay ang totoo na nagpapakita sa kanya. At gagamitin niya ang anumang makakatulong sa paghanap sa totoo. Kung ang pinag-aabalahan niya ay Pilipino ba ako? O Intsik? O Indian? O kung ano? Hindi na siya namimilospiya. Lalabas siyang gaya ng taong tingin ng tingin sa salamin sa walang katapusang pagka-bagabag baka hindi siya mukhang Pinoy.


Bukal sa lahat ng tao ang hanapin ang katotohanan, at lahat ng wika ay likha ng tao. Kaya taglay ng bawat wika ang kapaitan at pananabik ng paghabol sa katotohanan: paghabol na ginaganap ng mga unang naghubog at ng mga sunod na gumamit sa wikang iyon. Kaya lahat ng wika ay maaring gamitin sa paghahanap sa totoo kung may kalooban ang gumagamit. At kung ayon sa totoo ang kanyang paggamit.


Madalas akong pagpunahan na kung katotohanan ang hinahanap mo, hindi importante kung anong wika ang gagamitin mo sa iyong pamimilosopiya. Iyan ay isang delikadong puna. Kung may tao sa aklatan, at sinubukan niyang mamilosopiya sa isang wika na ibang di hamak sa sinasalita ng mga nagmamaneho ng dyipni, nagwawalis-tingting sa mga kalsada, nagsisilbi sa mga turo-turo, masasabi kaya na ang taong iyon ay gumagalaw sa katotohanan? Sapagkat hindi mapagkakaila na, angkinin man ng tao o sadyang limutin, palaging mananatiling totoo na lahat ng tao, pati ang mga namimilosopiya, ay napapaligiran ng mga kapuwa tao na nagsasalita. At kapag nagsisikap mamilosopiya ay pumipili sa wikang gagamitin niya, ang kanyang pagpili ay bunga ng kanyang atitud sa salita ng mga pumapaligid sa kanya. At ang kanyang atitud ay maaring katotohanan, maaring kasinungalingan.


Kakayahang Tumingin


Kung ugali ng taong gamitin ang ngala't konsepto bilang bungang-isip (panturo sa totoo), mararanasan niya na ang bawat wika ay may kakayahang turuan siyang tumingin. Mararanasan din niya na ang bawat wika ay may kakayahang yumaman. Para bagang natututo pati ang wika. At lumalago ang kakayahan ng wikang magbigay ng udyok tumingin, kapag ang gumagamit ay sabik maturuan at maudyukan tumingin. Matutuklasan niya na maaring bastusin ang isang wika, at ang kakayang ng wika na magturo ay hihina at maglalaho. Pero may malalim na buhay ang bawat wika, at maaring gisingin ito kung maliksi at alisto ang gumagamit. Kaya't ang paggamit ng isang wika, sa anumang wika, ay pakikisalamuha sa mga gumamit at gumagamit sa wika, pagkilatis sa kayamanang iniwan nila sa wika, pagtanggap, pang-ingat, pagsisid sa kalaliman, pagtampisaw sa kababawan … at tuluyang pagpapatubo sa wika. Sapagkat ang matinong pag-ibig sa wika ay sanhi ng matinding pagmemeron para sa mga gumagamit at para sa kanilang kasalamuha.


Kuwentuhan


Nangyari na hindi kami magkasundo ng isang kaibigan. Nag-initan kami. Hindi ko maalaala kung bakit. Sa isang sandali, `ika niya, "Mabigat na sabihin ito sa iyo. Ayaw ko sanang sabihin at may utang ako sa iyo, pero sasabihin ko pa rin."


"Anong utang ito? Wala kang utang sa akin."


"Ikaw talaga. Kung makarinig ka ng `utang' wala kang maisip kundi kuwarta. Hindi utang na kuwarta ang sinasabi ko. Utang na loob! Hindi mo ba alam?"


Noong nag-aaral kami sa seminaryo, nagkataon na lumalangoy kami sa isang ilog na malakas ang agos sa gitna. Natangay ako ng agos at paglingon ko, napuna kong hinahabol ako ni X. Malakas siya at mabilis. Umabay siya sa akin. Sabi niya, "Magrelaks ka lang. Paglapit ko ilagay mo ang dalawa mong kamay sa aking balikat. Wala kang ibang gagawin." Sinundan ko ang sinabi niya, at sa ilang saglit nasa tabing ilog na kami.


Sa daloy na panahon nagtapos kami sa seminaryo at may mga hindi kanais-nais na ginawa si X. Madalas siyang pintasan kapag nagkukuwentuhan ang mga nakakakilalala sa kanya. Sa loob ko alam kong totoo ang kanilang mga ipinipintas sa kanya, pero hindi ako nakikisali sa istoryahan. At kung may pagkakataon ay ikinekwento ko kung papaano niya akong inaahon sa mabilis na agos ng ilog noong araw pa. Utang ko sa kanya na ingatan ang alaala ng kanyang kabutihan.


Tingnan natin ang isang bersyon Iloko ng Mga Gawa. Naaalaala mo iyong sundalo na guwardiya ng mga presong Kristiyano. Nagkaroon ng lindol sa gabi. Nabuksan ang pinto ng bilangguan at natanggal ang tanikala ng mga preso. Akala ng guwardiyang nakatakas na ang lahat ng kanyang sakop at sa kanyang takot mapapakamatay na lamang siya. Nang makita ito ni Pablo, "Huwag mong sasaktanin ang iyong katawan!" sigaw niya. "Nandito kaming lahat." Naghanap ng sulo iyong guwardiya at patakbong pumasok sa kanila't lumuhod na nangininig sa takot sa paanan nina Pablo at Silas. Saka inilabas niya sila at winika, "Mga Ginoo, ano ang utang kong gawin upang ako'y maligtas?"


Natatanaw yata ng mga sinaunang humubog sa ating mga sari-saring wika na ang abot-tanaw ng totoo ay tigid sa ugnayan at relasyon. Ugnayan ng pangyayari sa pangyayari, ng angkan sa angkan, ng kalooban sa kalooban. Naunawaan nila na bukal sa mismong pagka-sarili ng bawat tao na magkaroon, tumanggap, lumikha ng ugnayang ito. Tinatanaw nilang sagrado ang ugnayan. Mula sa ugnayang ito lumitaw ang salitang "utang". Utang ng taong manatiling tapat sa tunay na pakikipagkapuwa sa kinapal, sa kapuwa-taong nilalang, pakikipagkapuwa sa Maykapal. Alam nila na may tunay at mapaglikhang pagtupad sa ugnayan, at meron namang huwad at nakakawasak na pagpanggap tupdin.


Palaging nagtutulungan sina Juan at Pedro. Sabi ni Juan, meron siyang utang na loob kay Pedro. Sabi ni Pedro, meron siyang utang na loob kay Juan. Walang nakakaalaala kung sino ang unang nagtulong kanino at walang nag-aabalang makaalaala. Isang dangal ang magkaroon ng utang na loob sa isang kaibigan. Hindi binabayaran, tinatanaw ang utang na loob. Tanawin. Ingatan. Alagaan. Bigyang halaga. Ibigin.


Nagsustituto ako sa kura paroko sa isang bayang bulubundukin. Mga ilog na nakabaon sa pagitan ng matataas na pampang. Matatarik na gilid ng bundok. Dudulas sa putik iyong dyip. Dumidikit sa iyong pilik-mata ang pinong pinong patak ng ulan.


"Ilang linggo ka ba dito?"


"Tatlo"


"Mag-ingles tayo. O kaya managalog. Magpraktis kami para sa Maynila."


"Huwag na. Sa eskwela ang Ingles. At pagdating mo sa Maynila, tatlong linggo lamang at magaling ka nang managalog. Magbisaya tayo."


"Hindi ka magaling."


"Tatlong linggo lamang at magaling na ako." Kaya't nagbisaya kami.


Tatlong linggo at oras nang magpaalam. Nagprograma kami. Nagkanta ng ingles iyong isa, at napansin ko na may pagkukulang sa salita at bigkas. At natauhan ako. Kung tatlong linggo sana kaming nag-iingles o nananagalog, palagi ko sanang winawasto ang kanilang salita at bigkas. Ang yabang yabang ko na sana. Baka iniisip ko na ngayon : ako lamang ang edukado, at taga-bundok silang lahat.


Kakaiba talaga ang nangyari. Tatlong linggo nilang winawasto ang aking salita at bigkas, pero hindi sila yumayabang. Mapasensiya sila. Tatlong linggo nilang ibinabahagi sa akin ang kanilang wika: isang espesyal na uri ng pagtingin, ng pakiramdam, ng karunungan. Ibinibahagi nila ang buong sibilisasyon. Sa boses, sa galaw ng kamay, sa kilos ng katawan, tinuturuan nila akong magsalita. Sapagkat ang nag-aaral ng bagong wila ay parang batang nagsisimulang magsalita. At kung siya'y matanda na, muli siyang natututong matuto. Sa oras ng pagpapaalam nadama kong nagpapaalam ako sa aking mga guro. At noong inikot ng aking tingin ang mga bundok na pumapaligid, nagalak ako na kay yaman ng mga bundok.


Sabi ng isa, "Salamat sa iyong pakikibagay sa amin." Pakikibagay. Malalim na salita iyan sa bisaya. Pakig-angay. Salitang nagmumula sa ugnayan. Loob sa loob, puso sa puso, tao sa tao.


Huwaran


Tinatawag sa ating pansin ni de Finance, na nararanasan natin ang abot-tanaw ng meron bilang totalidad ng meron na iba iba ang tindi sa di-masukat na kalawakan. At sapagkat napakayaman nito, ang bawat kalinangan ay gumagamit ng iba't ibang huwaran sa kanilang pagsisikap na mabuhay sa isang diwang matino at malusog sa gitna ng nakakabulagang kayamanan nito. Halimbawa, ginigiit ni Heidegger na ang huwaran ng kanluran ay ang huwaran ng mga sinaunang Griyego. Mababakasan sa kanilang wika na ang dating ng meron sa kanila ay physis, ang sanlibutan bilang sangtumutubo.


Ang mundong meron ay tumutubo. At katangian ng tumutubo na magtago at magpakita. Kaya't ang totoo ay ang meron na inakit magpakita, at nakita.


Ang huwaran ng ating kalinangan ay tao bilang malalim, sagrado, mapaglikha at nakikipagkapuwa sa kapuwa tao at sa Maykapal. Kaya't ang dating sa atin ng meron ay ugnayan. Ang sanlibutan bilang personal na pakikisalamuha sa atin ng Maykapal. Kaya't ang totoo ay tao na tapat sa tao, tapat sa ugnayan at sa pakikipagbuklod.


Mababakasan ang paggalang sa kalaliman ng tao, sa iba't ibang paraan, sa kayamanan ng ating sari-saring wika. "Loob", sabi nila sa Pilipino; "Kabubut-on", sa Cebuano; "Nakem" naman sa Iloko. Tiyak ako na may katumbas ito sa lahat ng ating mga wika; bakas ng pagkagulat ng mga sinauna sa kalaliman at hiwaga ng bawat tao. May buong daigdig ang loob. Masiraan ng loob. Palakasin ang loob. Kalamayin ang loob. Buoin ang loob. … Sapagkat ang tao ay … sarili, ako … nararanasan natin na may kalooban. Maaring masiraan ng loob, buoin ang loob, gumalaw sa kagandahang loob, maging masamang loob, magbalik-loob. Kayang magbayad ng utang na kuwarta (pisikal at kemikal). Kayang alagaan, pairalin, gawing mapaglikha …. Sa madali't sabi .. tanawin ang utang na loob.


At sapagkat malalim ang hiwaga ng tao, malalim rin ang kanyang pakikibuklod. Tingnan ang katagang "kapuwa" na palaging ginagamit. Kapuwa tayong naghihintay sa dentista. Kapuwa kitang nag-aantabay na bumerde ang ilaw ng trapik. Sa ulan ay kapuwa kitang nakikisilong. At ang "ka" na tanda ng pakikipagkapuwa sa kapatid, kabayan, kaibigan, kasintahan, katoto, kasama, kababata, katrabaho, kainuman, kaaway…


Mababakasan iyang lahat, at higit pa riyan sa ating samo't saring wika. At lahat niyan ay potensyal. Maari nating buhayin, likhain muli. Maari nating gawing bahagi ng mga hindi inaakalang kombinasyon. Halimbawa, baka magawa natin ang hindi pa nagagawa: maglikha ng kalinangan na personal at makatao, at sabay, teknikal. Teknolohiya dahil sa tao; at huwag baliktad.


Pero sa buhay pang-araw-araw ngayon ay madalas ituring na makaluma at katawa-tawa ang mga katagang gaya ng "loob", "pakikipagkapuwa", at iba pa. At ang metodo ng maraming manunuri ay iuwi ang kalinangan sa makikisig na konseptong nakasara at iuwi sa mga kasong matatalakay sa metodo ng pagsukat. Ang potensyal, paglipad, paglikha, ang hindi inaakala ay nawawala.


Mungkahi Ukol sa Potensyal


Sa panahon na gagala-gala sa kadiliman ang mga kalinangan, mabuting alalahanin ang kasabihang Intsik, "Lalong mabuting magsindi ng isang kandila kaysa sumpain ang dilim."


Ito ang aking kandila: Magpakaalisto sa buhay pang-araw-araw sa potensyal ng kalooban at ugnayan; buhayin ito, ulitin at sariwain. Mag-imbento ng bagong istilo ng pananatiling tapat sa halaga at hiwaga ng kalooban at ugnayan. Sapagkat bahagi tayo ng sangkatauhan. At ang malubhang pangangailangan ng buong sangkatauhan ay gawin ang hindi pa nagagawa: maglikha ng kalinangang personal at makatao, sabay teknikal. Teknolohiya dahil sa tao; at huwag baliktad.


Sa Huli


At sa katapusan matatapos na rin ang librong hindi matapos-tapos. Sinusulat ang mga talatang ito sa isang bahay sa isang baranggay na ang salita ay Iloko. Dito ko sinimulan ang librong ito …ngayon ang huling araw ng 1990. Ang malaking bahagi ng librong ito ay dito ko rin isinulat. Sa bolpen at papel muna. Nasa Maynila ang kompyuter.


Maraming salamat sa mababait na kaibigang nakatira dito. May katahimikan dito. Mayayapakan mo ang lupa at mararamdaman mo ang sinaunang bisa ng planeta. Matitingala mo ang langit at mararamdaman mo ang bagsak ng enerhiya mula sa buong sansinukob.


Napapaligiran kami ng palayan. Matagal nang natapos ang paggapas. Nabilang na ang ani. Lumalapit na ang hating gabi at nagsisimula nang magputukan ang mga babati sa bagong taon. Maliwanag ang buwan at maaaninagan mo ang mga dahon ng monggo at mais na nakatanim ngayon sa kabukiran. Ngunit aangkinin ko pa rin ang ilang talatang isinulat ng isang pari, meron na higit sa isang daang taon:






At wiwikain ko ay mapalad ako
Ang kahalimbawa ko ay nagsabog ng binhi;
Tinamaan ko ay ang mabuting lupa.
At sa kinakamtan kong tuwa
Ang nakakaparis ko
Ay isang magsasakang kumita ng aliw
Uupo sa isang pilapil
Nanood ng kanyang halaman
At sa kanyang palayan na parang inaalon sa hirap ng hangin,
At sa bungang hinog na butil na gintong nagbitin ng uhay
Ay kumita ng saya
Munti ang pagod ko, munti ang puyat ko;
At palibhasa ay kapos sa lakas na sukat pagkunan
Ngunit ang pakinabang ko sa pagod at puyat
Ay naibayuhan.




At ikaw, mambabasa, naririyan ka pa ba? Sa iyo rin, salamat.






Urdaneta Bactad Proper
Urdaneta, Pangasinan
31 Disyembre 1990










Footnotes:

1 Hinango ko ang mga paksa sa notang ito mula sa aking mga personal na nota sa Pilosopiya na pasingit-singit kong sinulat sa daloy ng mabagsik na pangangailangan, sa libro ni P. Roque J. Ferriols, S.J. na Pambungad sa Metapisika at Pilosopiya ng Relihiyon, at sa impluwensiya ni Sto. Tomas de Aquino, at mga gabay-sulatin ni Richard Taylor sa isang sulating Metapisika.


2 Sidhay: isang lumang kataga upang isalin ang salitang cell, isang batayang biolohikal na bahagi o elemento ng buhay. Ang salitang sidhay ay nagmumula sa dalawang salita na silid at buhay, isang silid ngunit may buhay sa kanyang sarili.


3 Madalas itong tinatalakay sa pamimilosopiya. Ibig sabihin ng pinakamabuting alam ay ang aking abot-tanaw, isang kaalaman na patuloy pinapatubo sa buong buhay, isang kaalaman na hindi nakasara kundi nakabukas sa posibilidad ng mas malawak pa na abot-tanaw ng meron. Kaya hindi isang matigas na konsepto ang ibig sabihin ng "pinakamabuting alam", kundi parang binhi na kapag patuloy na dinidiligan at inaalagaan, maaring tumubo at mamunga, humantong sa mga posibilidad na hindi inaakala.


4 Tingnan ang libro ni Roque J. Ferriols, Pambungad sa Metapisika (Quezon City: Ateneo de Manila University), 152 - 153. Ang pagbabahagi o participatio ay laging ayon sa proportio. Ibig nitong sabihin, ang pagbabahagi ng meron mula sa Mismong Meron sa mga nagmemeron ay ayon laging sa nararapat. Lahat ng nagmemeron, galing ang kanilang meron sa Mismong Meron, kaya magkakahawig ang lahat. Lahat ng nagmemeron, tinatanggap nila ang kanilang meron mula sa Mismong Meron, ayon sa nababagay, kaya ibang iba rin ang bawat isa. Hawig sabay iba: analogia.


5 Roque J. Ferriols, S.J., Pambungad sa Metapisika (Quezon City: Ateneo de Manila University, 1991), 235 - 241.


6 Joseph de Finance, S.J. Isang pilosopo na maraming librong sinulat. Pero ang tinutukoy ko rito ay galing sa ilang mga nota sa ontolohiya na nabasa ko noong araw sa microfilm. Balita ko na iyong mga notang iyon ay unang balangkas pala para sa isang libro.


7 Tingnan ang katagang batayan na Aletheia sa libro ni Fr. Roque J. Ferriols, S.J., Mga Sinaunang Griyego (Quezon City: Ateneo de Manila University, 1992).


8 Modesto de Castro, Urbana at Felisa (Manila: J. Martinez, 1902), 9.

Ang Makataong Kalooban: Tungo sa isang Pilosopiya ng Relihiyon

Ang Makataong Kalooban: Tungo sa isang Pilosopiya ng Relihiyon

ANG MAKATAONG KALOOBAN: TUNGO SA ISANG PILOSOPIYA NG RELIHIYON 
Para kay Kaibigang Ediboy Calasanz at P. Roque J. Ferriols, S.J., alaala ng mga pagpupunyagi.

Isang Pagmumuni sa L’Action ni Maurice Blondel 
JEREMY S. ELIAB 

 Laging may hinahangad ang tao, laging meron siyang ninanasa sa kanyang buhay, aminin man ito o hindi. Nanatili ang mga hangaring ito sa kanyang sarili, ngunit maaring ring mulat siya sa iilan sa mga ito. Sa mga namumulatan niyang hangarin, niloob niyang tupdin ang mga ito sa kanyang buhay. Maaring isang pinakamahalagang ambisyon o bokasyon, o hindi naman kaya’y isang mababaw na pagpapahinga man lamang pagkatapos ng isang mahabang panahong pagpapagal. May mga naisasakatuparan, mayroon ring kabiguan, ngunit nanatili ang kaloobang laging may hinahangad at nais isakatuparan sa buhay. 

May hinahangad sa kalooban ng tao, laging may isang "hindi mapalagay na pusong" naghahanap lagi. Ito ang isang katotohanan na hindi kailan man matatanggihan: kalooban ng tao. May nasa loob ng tao na laging nais isakatuparan sa buhay, minsan nagpupumiglas, minsan namamayapa. Ngunit hindi kailanman namamayapa ng lubusan itong kalooban ng tao – sapagkat laging merong hinahanap na para bagang hindi malaman at hindi matapos-tapos na pagsasagawa sa buong buhay. 

Ito ang pinagsikapang tingnan ni Maurice Blondel sa kanyang tesis doktoral na L’Action (1893). Sinimulan niyang tahakin ang landas ng kalooban, ng paghahangad ng tao, ang landas ng niloloob ng tao. Sa liwanag ng kalooban ng tao, may isang mas tuwirang tanong na nasa likod ng paghahangad at saloobin: May kahulugan ba ang buhay ng tao? May patutunguhan ba ang tao? (LA, 3). Kung ang tao ay katipunan lamang ng kanyang mga saloobin, ano ang saysay at kahulugan ng buhay makatao? Kung ang tao ay pinamamahalaan ng kanyang mga saloobing lampas sa kanya, ano na lang ang kalayaan ng tao na magpasya para sa kanyang sarili? Hindi ba ang mismong kaloobang nangingibabaw sa kalayaan ng tao ay isang malungkot na pangitain at kapalaran ng tao? 

Aaminin kong ang obra maestra ni Blondel ay mahirap basahin, bukod sa halos lahat na mapagkukunan ng mga teksto ay pagsasalin mula sa wikang Pranses. Ngunit sa kabila nito, may tunay na pangkaraniwang hinahanap at nais ipakita si Blondel, pangkaraniwan lalo na sa mga namimilosopiya at nanampalataya, upang pagmunihan ang halaga ng kanilang relasyon sa kalooban ng Diyos. Isa ring paanyaya sa mga di-nanampalataya ang kanyang nais ilahad, mula sa isang akademikong larangan, upang pagmunihan ang halaga ng kanilang relasyon sa isang Absolutong pinapalagay lamang sa ideya. Isa ring paanyaya sa mga hindi naniniwala, sa mga hindi Kristiyano, na tingnan ang kalooban ng tao at hanapin ang mga mumunting tinig ng pagtawag na naroroon. Napakahaba ng imbentaryo ng kanyang pananaliksik, sapagkat nais niyang tingnan ang lahat ng palagay ng may paggalang sabay pagtitimbang kung ito na ba ang kabuuang niloloob ng tao sa kanyang buhay. 

Tatalakayin ng pagmumuni-muning ito ang kalooban ng tao na tumutungo sa isang Pilosopiya ng Relihiyon. Sa pagsisikap na ilahad ni Blondel ang iba’t ibang obhetong niloloob ng tao sa kanyang buhay, paano ba pumapasok ang Pilosopiya ng Relihiyon sa isang makataong pagsasaloob, sa isang makataong pagsisikap na gampanan at isakatuparan ang saloobin? Kung ang tao ay isang nilalang na tumutungo sa kanyang kaganapan, saan at kanino makikita ang kanyang kaganapan sa mismong pagtalakay sa kalooban ng tao? Saan ba nananahan ang pamamayapa ng kaloobang dinamiko? Ito ang mga tanong na ginagalawan ng papel na ito. Sa huling bahagi, magbibigay ako ng kaunting pagmumuni-muni sa tulong ni Gabriel Marcel ukol rin sa kalooban ng tao. 


L’Action 

 Ang panahon ng L’Action ay tigib sa pagsisikap na ihiwalay ang pilosopiya mula sa pagiging Teolohiya. Naghahari sa buhay Pranses noong panahon ni Blondel ang mga adhikaing makatao at sekular na mayroong matinding impluwensiya nina Comte, Taine, at Renouvier. Kaya maraming puna mula sa iba’t ibang pilosopo ang L’Action sapagkat tinatalakay nito ang tungkol sa pananampalataya sa pamamagitan ng disiplina ng Pilosopiya. Nakikita nilang isang pakikialam na naman ito ng pag-iisip sa pananampalataya o isang pag-iisip pilosopikong nais lamang ipagtanggol ang teolohiya. Nais pangatawan ni Blondel ang isang gawaing pilosopiko na humahantong sa isang pagmumulat sa Diyos, hindi sa isang pilit na pamimilosopiyang ipinapalagay kaagad ang pananampalataya bago pa ang pagmumunimuni, kundi hinahayaan niya ang galaw ng pagmumuni, ang galaw ng pagmamalay, sa isang mabagsik na galaw ng pagtatanong at pagsusuri, na humantong kung saan man ito hahantong, na walang pagpapalagay ontolohikal. 

Samakatuwid, ang buong galaw ng pagtalakay ay isang kusang pagpasok sa tunay na pagmumuning malaya at nakabukas sa lahat ng posibilidad, lahat ng paninindigan. Tinitingnan ang kakayahan ng bawat paninidigan – kung angkop at sapat ba ito o nagkukulang na dapat lampasan, iwanan at iwaksi sa kahulihulihan (LA, 12). Ayon pa kay Blondel, sa simula ng L’Action: 

Sa ugat ng walang kapita-pitagang pagtanggi o sa pinakabaliw na layaw ng kalooban, kailangang matutunan natin kung wala bang sinaunang galaw na nanatili laging ating iniibig at niloloob, kahit na hindi natin aaminin o abusuhin man ito…. Dapat lamang na ilagay natin ang ating sarili sa pinakasukdulan ng magkakasalungat na rayos upang makuha, sa pinakasentro nito, ang mahalagang katotohanan sa bawat pagmamalay at ang galaw na pangkaraniwan sa lahat ng kalooban (LA, 12). 

Samakatuwid, tinatanong ang lahat ayon sa kanilang kakanyahan na ginagamit ang sarili nilang batayan. Tinitingnan ang lahat, sinusubukan kung "naroroon ba sa kanilang sarili ang kanilang sapat na pagpapaliwanag o ang pagwawaksi" (LA, 12). Itong imbentaryo ng mga layunin na niloloob ng kaloobang makatao ay pagpapakita ng mga posibleng dadaanan ng kalooban habang naghahanap ng katuparan sa paglalakbay sa buhay. Ngunit hindi rin kailangan na daanan ito lahat, o ayon sa pagkasunod-sunod na inilahad ni Blondel sapagkat "hindi posible, ngunit hindi rin kailangan na ubusin ang buong sanglibutan upang maramdaman na hindi ito ang magpapawi ng ating pagka-uhaw" (LA, 305). Ang mahalaga dito ay merong kaloobang naghahanap ng katuparan, at pagsasakatuparan nito ay nangangailangan ng isang pagkilos. May isang tunay na pagka-uhaw na hindi napapawi sa lahat ng uri at pamamaraan ng pag-iinom. Isang pagkauhaw ito na naghahanap ng katugma, na kasing tindi rin ng panloob na dinamismo nito. 


Vinculum Substantiale 

 Nagsimula itong pagtataka ni Blondel sa katangian ng pagkilos o pagsasagawa mula sa mga klasikal na sipi ni Aristoteles. Mula sa kanyang personal na mga nota na may panahong Nobyembre 1882, may binabanggit siya ukol sa pagkilos o pagsasagawa bilang accidens ng substantia. Tunay ngang hindi ito ang substantia ngunit napakahalaga sapagkat sa pamamagitan nito lamang nailalantad at naipapakita ng substantia ang pagka-substantia nito. Hindi meron sa tunay na kahulugan nito, ngunit meron, sa maluwag na pakahulugan, sa mismong relasyon nito sa meron. Hindi maaring tanggihan ang katotohanang ito, na siya namang nagbigay ng loob kay Blondel na pagmunihan at sundan ang galaw ng pagmumunimuni ukol sa katunayan ng pagkilos. 

Ang kanyang pambungad na teksto ukol sa pagkilos o pagsasagawa ay may pamagat na Vinculum Substantiale. Kung wala siyang nakitang tugon at paliwanag kay Aristoteles, dito niya tiningnan ang katangian ng pagkilos bilang isang galaw na nagmumula sa mismong substantia, isang panloob na enerhiyang kusang "lumalabas, umaapaw" na hindi lamang basta isang accidens. Ayon pa sa kanyang nota "ang mabuti ay kung ginagawa ito" (NOTA, 1). Kaya ang pagsasagawa o pagkilos ay kabutihan mismo ng substantia. Nangyayari ang kabutihan sa pagsasagawa. Ang hindi pagsasagawa ay nagbubunga ng kabaligtaran, isang pagsalungat sa meron. Samakatuwid, ang mismong pagsasagawa o pagkilos ay napakahalaga sapagkat dito lamang naisasakatuparan ang meron, isang proseso ng pagpapaganap at pagsasabuo ng substantia. 

Ngunit hindi lamang isang prosesong nakalutang, o isang konsetong nasa isip lamang, ngunit totoong naroroon at binubuo, hinuhubog ang substantia. Isang vinculum sibstantiale ang pagsasagawa, isang kuwan na bumubuo, hindi mula sa labas, kundi isang panloob na bumubuo at nag-uugnay sa lahat na nasa substantia. Ito ang sementong nag-uugnay upang maging buo ang meron. Sa mismong vinculum subtantiale ni Blondel nagkaroon ng bagong mukha ang pagsasagawa, ang pagkilos na hindi masyadong pinag-abalahan ng mga nakaraang pilosopo. 

Mula sa pambungad ng vinculum substantiale, sinimulan ni Blondel ang pagtahak sa buhay ng tao bilang pagsisikap na isakatuparan ang makataong kalooban. Hinahanap niya ang ugat ng makataong pagsasagawa, at kung ano ang layunin at hantungan nito. 


Makataong Kalooban 

 24 Nobyembre 1883 – Niloloob ko. Nawa ang buong buhay ko tumugon at magbigay kahulugan: niloloob ko. Niloloob ko na lumoob kasama ang Diyos, kung ano ang niloloob ng Diyos, bilang niloloob ng Diyos sa akin; hindi ko alam kung ano iyon, ngunit kasama siya magagawa ko ang lahat na kung ako lamang ay hindi ko magagawa…..Niloloob ko, niloloob ko ngayon, upang masabi rin bukas: niloloob natin; upang masabi rin natin sa pinto ng kamatayan: niloloob Niya (NOTA, 1). 

Laging may niloloob ang tao. At ang mga saloobing ito ay kanyang pinagsisikapang isinasagawa sa kanyang buhay. Ngunit ang hindi pagsasagawa ay isang ring pagasasagawa. Kaya ang pagsasagawa ay isang katotohanang hindi matatakasan ng tao sa kanyang buhay sapagkat ang pagtanggi ay isang pagkilala. Ang pagsasagawa at pagkilos ay isang hindi maiiwasang akto (LA, 4). Ngunit ang niloob madalas ay hindi naisasagawa, nabibigo rin. May pagkakataon ring nagagawa ang hindi naman sinasadyang niloloob, ngunit sa kahulihulihan ay tinanggap na rin bilang niloloob. 

Sa pagsasaloob ng tao, ito ang mismong galaw ng kalooban na makiugnay sa mundong nakapaligid sa kanya. Ang mismong paghahangad ng kalooban, na "tumitingin" at "lumalabas" ay tanda ng paghahanap ng kalooban ng tao ng kapayapaan at kaganapan. Maraming niloloob ang tao sa kanyang buhay --- at ito ang iniisa-isa ni Blondel sa kanyang buong pagtalakay sa L’Action. Pinapalawak ng kalooban ang kanyang sarili. Naglalakbay ang kalooban upang hanapin ang hinahanap nito, mulat man ang tao o hindi. Mistulang kamay na nagsisikap abutin ang nais abuting hindi maabot-abot. 

Tunay ngang mulat minsan ang tao sa kanyang kalooban, ngunit may pagkakataong hindi rin niya namamalayang may ibang tagong kaloobang naroroon sa kanyang sarili. May kaloobang kusang umaapaw sa tao, na minsan hindi niya pinasyang loobin niya, niloloob pa rin niya. Ito ang dahilan kung minsan, hinahangad ng tao ang isang bagay at biglaan na lamang sasabihin, "parang may kulang" sa kanyang hinahangad. May pinasyang niloob ang tao, ngunit nararanasan niyang "parang hindi ito ang niloob ko," ngunit sadya ngang niloob ng sarili. Laging may natitirang hindi a sapat ang natutuklasan. Mistulang kamay na umaabot, ngunit pag may nahawakang kongretong mahalaga, nararanasan na may mas mahalaga pang kailangang hanapin. Hindi sapagkat walang halaga o hindi mainam ang natuklasan, kundi may panloob na tawag upang magpatuloy at umusad. Hindi napapahinto ng panlabas na obheto ang panloob na kalooban. May lumalampas basta na hindi basta-basta lamang, hindi isang guni-guni, kundi tunay na kaloobang dinamiko. 


Sa isang taong pinasya niyang mahalin ang isang kapuwa tao, mula sa kanyang kalayaan na "magmahal", pinagsisikapan niyang tupdin ito sa konkretong paraan. Ngunit habang pinapangatawan ito, may mga pagkakataong naiisip rin ng tao, nadarama rin ng sarili ang isang pagdududa sa kanyang niloloob. Totoong buo ang pagmamahal tungo sa kapuwang iyon, totoong tunay at tapat ang pagpapasya at pagtataya, ngunit nararanasan ang isang hindi-maipaliwanag na kaloobang bumabaling lampas pa sa minamahal na kapuwa tao. Hindi pagtataksil ng kalooban, kundi isang "kaloobang hindi mapalagay", isang kaloobang wala pa sa sariling tahanan. May ibang kaloobang sinauna pa sa pinasya’t mulat na pagsasaloob ng tao na minsan nakikialam sa mismong pasyang isakatuparan, o dili kaya’y naroroon sa lahat ng pagpapasya, paghahangad at pagsasaloob ng tao na tumutulak sa kanyang magpatuloy, umusad, kumilos pa sa paglalakbay. 

Itong pagka-hindi-sapat na karanasan ay ugat ng walang sawang paghahangad at paghahanap ng tao na nanggagaling sa kaloobang kusang nakaukit sa tao, tinatawag ito ni Blondel na la volonté voulante (BC, 7). Kaya sa isang taong nagpasyang mahalin ang kanyang kapuwa tao, sa mismong pagsasakatuparan sa kanyang niloob, mula sa kanyang kalooban, nanatili ang pagka-hindi-sapat. Hindi ibig sabihing kulang ang pagmamahal, kundi habang pinapangatawan ng tunay ang pagmamahal, ng may pagsisigasig, may iba namang hinahangad ang kalooban. Bumabaling sa iba, tumitingin muli sa iba, hindi bilang pagtataksil kundi isang kusang galaw ng malayang kalooban. May panloob na dinamismong lumalampas sa mga niloloob ng tao. 

"Ngayon, kailangan nating umusad" (LA, 4), sabi ni Blondel. Upang hanapin itong hinahangad ni Blondel, kailangang sundan ang galaw ng kalooban at pagmamalay habang naglalakbay, ipagpatuloy ang pagmumuni-muni, ngunit itong pag-usad na wala munang ipinapalagay. Ninanais ni Blondel na tahakin ang landas ng kalooban sa isang maka-penomenolohikal na paraan (BC, 9). Hayaang loobin ng kalooban ng tao ang kahit na anong niloloob nito, at hanapin kung saan namamayapa ang kalooban, na wala muna ang bigat ng ontolohikal na pagkilala. Ang pagsunod sa galaw ng dinamikong kalooban sa buhay ay isang pakikisabay sa sinaunang kilos ng kalooban. 

Samakatuwid, ang pagmumulat sa dinamismo ng kalooban ng tao ay isang pagkilala na merong saloobing mulat ang tao (la volonté voulue) at may kusang galaw ng kalooban nasa kaloob-looban ng tao (la volonté voulante) (BC, 7). Ang kusang gumagalaw na kalooban ang nagpapaapoy sa tao sa kanyang buhay, ang tumutulak sa tao na magpatuloy, maglakbay, umusad sa buhay. Isang bukal ng enerhiya ng tao na nagbibgay buhay sa kanyang kahulugan bilang tao, nagbibigay oryentasyon sa kanyang paglalakbay. 

Ang Hindi Maiiwasang Pag-akyat (Imbentaryo) 

 Ang kusang galaw ng kalooban na nasa tao ang nagbibigay ng oryentasyon sa mismong hakbangin ng pagpapatuloy. Hindi ito isang pilit o pinilit na pagpapatuloy, kundi isang pagkukusa -- sapagkat ang paghinto ay isang pag-amin na merong tinatanggihan (LA, 33). Isang pangangailangan ang pag-usad, hindi lamang sa tulak ng pagmumunimuni, kundi mismong galaw ng kalooban, galaw na nagmumula sa kalagayan ng pagka-hindi-pa-sapat. Isa rin itong pasyang kailangan ang pakikisabwat ng pagmamalay, ang payagan na magpatuloy ang pag-usad upang sundin ang galaw. Ang katindihan nitong galaw ng kalooban ay makikita sa buong imbentaryo ng pagsisikap ng tao sa buong buhay, at sa bawat hakbang nito ay masusulyapan lagi ang "pagka-hindi-sapat" (BC, 7). Habang hinahanap ng tao ang kaganapan at katuparan, hinahangad niyang magkaroon ng pagkakatugma ang kanyang niloloob at ang kusang galaw ng kanyang kalooban, na palagi namang di-nagkakatugma sa bawat pagsisikap na patugmahin. 

Itong pagpukaw ng pagkabalisa mula sa pagka-hindi-pagtutugma ng kalooban ay pagpapakita ng nakatagong balangkas ng kalooban ng tao. Isang hindi mawasak at hindi maaring matanggihang galaw ng kalooban ay laging umiiral sa bawat pagsasaloob ng tao. Unang hakbang na tinalakay ni Blondel ang diletantismo na tumatangging may problema sa pagsasagawa. Ito ang paninidigan ng taong ang lahat ay walang pinagkakaiba, tunay ang lahat na nagkakasalungatan, at walang hangaring tingnan kung may pagkakatugma ba (TC, 56). Isa itong pagsisikap ipagtanggol ang sarili sa lahat upang mapanatili ang pagkahawak sa sarili – ang pagkabuo. Ngunit isang pagkabuo na hungkag sapagkat walang katapatan, walang paninindigan (LA, 30). Isang makasariling pag-samba sa hungkag na sarili. Mistulang laro lamang na hindi matapos-tapos ang lahat, na walang isang seryosong pagbibigay ng sarili. Kaya ang mismong pagtangging diletantismo ay isang pagkilala na meron ngang problema, nasa isang paninindigang may intrinsikong nagkakasalungatan ang posisyon ng dilentante. 

Hindi rin maaring negatibo ang tugon. Ang loobin ang wala ay nagpapakita ng isang pagsasalungat rin (BC, 7). Ang pagsasabing "walang tunay na hantungan ang tao kundi kamatayan, nihilismo" ay isang matigas na paninidigan ng mga istowiko. Itong paninindigang nagmumula sa wala at hahantong sa wala ang lahat ay kailangang iwanan sapagkat ang pagmamatigas lamang loob ay isang pagkilala ng layuning ng kalooban. Ngunit sa kusang galaw ng kalooban, merong kusang niloloob ang kalooban, "may ;ayunin ang pagsasagawa" (LOA, 84). Hindi wala, may kuwan na hinahangad (LA, 54). Itong pag-amin ay bumubukal mismo sa kalooban na hindi matatanggihan, isang kailangan aminin sabay tanggapin at umusad. 

Ngunit hindi lamang nanatiling isang kuwan ang hinahangad. Nagkakaroon ng hugis, ito ang mga obheto ng ating pandama na nasa paligid (LA, 56). Ngunit itong mga obhetong nasa ating paligid ay walang kahulugan kung walang nag-iipon. Nagmimistulang agos ng mga pandama na walang kahulugan, walang saysaya at patutunguhan. Ito ang pagsilang ng agham na siyang nag-iipon ng mga obheto ng pandama upang gawing isang maayos na kabuuan (BC, 7). Sa pagkakaisa ng dalawang uri ng agham, ang matematika at ang agham natural, naisasagawa ang mismong pagbubuo ng mga karanasang nasa nibel ng pandama (LA, 60). Ngunit itong pagkabuo ay hindi lamang katipunan ng mga karanasang pandama, kundi isang lampas pa dito, isang kabuuan mula sa pagsasagawa ng pag-iipon ng agham. 

Habang naiaayos ng agham ang mga karanasang pandama, sinusukat ayon sa nagpapakita, hindi sapat lamang ang pag-iipon na nangyayari. Kahit nagtatagumpay ang agham, hindi ito dahil sa kanyang sarili lamang at pagsisikap lamang ng agham, kundi may isang lampas pa na gumagawa mismo ng pag-aagaham at nagbibigay layunin sa lahat ng pananaliksik. Kailangan ng agham na may gumagawa ng pag-aagham. Hindi mangyayari ang pagkakaisa ng matematika at agham natural kung walang pagmamalay na gumagawa ng pagsasanib ng sukat at napagmasdan. "Isang suheto na gumagawa" ang kailangan upang pangatawanan ang pag-aagham. Ito ang suhetong epiphenomenon na hindi maaring iuwi bilang obheto ng pag-aral ng agham, kundi isang pagmamalay na bumubuo at nagsasagawa ng mga gawaing makaagham (LA, 91). Lumalampas sa kapatagan ng pagmamasid at pagsusukat ang pagmamalay. Ito ang suhetong nagbibigay ng kabuuan at oryentasyon sa buong kilos ng agham. 

Sa pagmamalay ng tao, naiipon rin ang kanyang sarili. Mula sa kanyang mga nakaraang pag-iiral bilang tao – mga katotohanang kanyang tinanggap, nakasanayan, natutunan, lahat ng ito ay bumubuo sa kanyang sarili bilang pagmamalay. Ngunit itong pagmamalay ay mulat rin sa mga posibilidad na hinaharap nito sa kinabukasan – mga posibleng motibasyon (mobiles) na hinihimok ang pagmamalay na tumugon (LA, 113). Kaya nasa nibel ang pagmamalay ng pag-angat tungo sa kalayaang mula sa pagka-gapos ng nakaraan. Kailangang aminin ang pagkagapos, ngunit sabay may galaw ng kalooban na hindi ito ang lahat. May posibilidad na nakahain sa pagmamalay: kalayaang maaring galawan ng pagsasabuo ng sarili, muling pagbabago at paglilikha ng sarili. Ang pagsasagawa ng pagmamalay, sa liwanag ng kalayaang ito, ay isang pagpapasya – isang pagpapasyang malaya mula sa iba’t ibang mobiles na umuudyok sa pagmamalay. Kaya, may isang pagkakailangang tanggapin ang pagkagapos, at sa mismong pagtanggap, naroroon ang pagpapalaya (BS, 91). Ang pagpapasyang mula sa kalayaan ng pagmamalay ay lumilikha ng bagong karanasan, na hindi rin ibang iba at bagong bago, may ugnayan pa rin sa nakaraang pagmamalay. Ngunit sa pagpapasya, mula sa liwanag ng kalayaan, pumapasok ang sarili sa isang mataas na larangan at antas ng pagmamalay, sapagkat may isang malayang pagsisikap na nangyayari (LOA, 85). 

Habang umuusad ang galaw ng kalooban, umaangat ang kalayaan tungo sa pagsasagawa nito. Hindi maaring manatiling nakalutang ang kalayaan ng pagmamalay, kundi kailangan itong isagawa, isakatuparan. Upang pangatawanan ang kalayaan, bumabangga ito sa mismong pagsasagawa. Upang pangatawanan ang kalayaan, kailangan ang katawan, ang pagkilos ng katawan. Ang pag-sasalaman ng kalayaan sa katawan ay isang pagsasakondisyon, samakatuwid, ng kalayaan. Ang hindi pagsasakatuparan ng kalayaan, ay hindi talaga tunay na kalayaan sapagkat hindi matutupad. Samakatuwid, isang kondisyon ng walang-hanggang kalayaan ang maging may hangganan, sumasakatawan (LA, 150). Ito ang tanda ng pagiging bukod-tangi, pagiging indibidwal ng bawat isa. Nagkakaroon ng tunay na mukha ang pagmamalay, mula sa malayang pasya nito, sa pagsasakatuparan ng pasyang malaya. 

Ang pagiging indibidwal ay hindi maisasakatuparan kung hindi nakikipagkapuwa. "Hindi nakagapos ang pagsasagawa sa loob lamang ng buhay indibidwal" (LA, 195). Sa pag-amin ng pagka-bukod-tangi, naroroon ang pagkakailangang magbahagi ng pagka-bukod-tangi sa iba ring sariling bukod-tangi (BS, 7). Sa pagtutulungan ito upang lumikha ng isang malalim na katapatan, nakakabuo ang pagka-indibidwal ng isang mas lampas pa sa katipunan ng indibidwal – ang lipunan. Sa ganito ring paraan, ang kalooban ay nagbubunga hindi lamang ng lipunan, kundi ng sangkatauhan (LA, 259). Ngunit hindi lamang nagtatapos dito, naglalakbay pa ang kalooban sa tungo sa buong sankalawakan (TC, 147), hanggang sa larangan ng etika at metapisika hanggang sa isang paghantong sa superstisyon: isang pagsisikap hanapin ang katuparan ng kalooban sa mismong buong imbentaryo na dinaanan sa pamamagitan ng pagtanggao na sapat na ito sa kanyang sarili. 

Isa itong superstisyon sapagkat inilalagay ng kalooban ang isang obhetong nasa imbentaryo bilang katuparan ng lahat ng pagsasaloob ng tao –isang pagtatalaga ng relihiyosong halaga sa isang limitadong nilalang na naranasan ng kalooban. Sa pag-usad ng hinahangad ng kaloobang makatao, naroroong sa bawat hakbangin ang hindi-pagka-sapat na kalagayan, isang tanda na kahit mayroong sinadyang niloloob ang kalooban, hindi pa rin sapat lagi ang nahahantungan (BC, 8). Kaya ang superstisyon ay isang pagbaling sa mga obhetong nadaanan at bigyang halaga ang ito lampas sa kanilang napapakitang halaga, samakatuwid gawing sapat ang totoong hindi naman sapat (TC, 193). Hindi ba ito isang panlilinlang lamang sa kalooban? Tunay ngang isang pagsubok na palitan ng may hangganan ang walang hangganan, isang paghalili ng may hangganan sa absoluto, upang mabuhay sa isang di-tunay na kaganapan at anino lamang ng tunay na pagkakatugma ng kalooban. 

Nilakbay ng kalooban ang imbentaryo ng lahat na posibleng penomena ng kalooban, ngunit hindi pa rin napapawi ang katutubong galaw ng kalooban, hindi pa rin namamatay ang elan (LA, 300). Kaya kailangang loobin ng kalooban ang sarili nito mismo. At sa pagsasaloob mismo ng sarili nito, nararanasan ng tao ang isang matinding pagkauhaw pa rin (LA, 301). Nagkukulang pa rin ang sariling kalooban, lumalampas pa rin sa sariling kalooban ang elan, hindi pa rin namamatay ang katutubong galaw ng dinamikong kalooban ng tao. Isang paglalampas na kailangan, ngunit imposible. 

Mula sa pagsasalungatang ito sumisibol ang ideya ng Nag-iisang Karapat-dapat, ang ideya ng Diyos. Ngunit nanatiling ideya lamang hangga’t hindi naisasakatuparan. Ang pagsasagawa at pagsasakatuparan ng katutubong galaw ng kalooban ang "sementong bumubuo at humuhubog sa tao" (LA, 178). Ngunit hindi ganap na mabubuo at mahuhubog ang tao kung maiwan lamang sa kanyang sarili, sa kanyang pagsiikap na isakatuparan at tupdin ang kaganapan ng kanyang sarili, sa pamamagitan ng kanyang sarili. Nangangailangang isagawa ang ideya ng Absoluto, ngunit papaano? Imposible, pero kailangan. Ngunit hindi kailanman hahantong sa katiyakan at katuparan ang ideya kung hindi aaminin at isagawa ng kalooban ang pagtanggap sa Diyos, sa kalooban ng Diyos. Naiiwan ang kalooban sa sa isang sangangdaan: pasyahin mula sa kalayaan na tanggapin ang Diyos o hindi: 

Oo o hindi, loloobin ba niyang mabuhay, kahit hanggang sa huling hininga, na maghari sa kanya ang Diyos? O di kaya, magkunwaring sapat na siya sa kanyang sarili na walang Diyos…. (LA, 327). 

Nakahain sa tao ang isang napakahalagang pagpapasya. Ang aminin na lahat ng kanyang dinaanang pagsasaloob ay nabigo. Ito ang kabiguang kailangang tanggapin – na hindi matatamo ang hinahangad ng tao sa mundong ito. Na sa bawat paghahangad nangyayari ang kabiguan, na sa bawat kalooban, may natitirang hindi pa ring napapawi ang pagka-uhaw. 

Ito bang pagka-uhaw ay isang uring parusa na pinanatili sa tao? Isang hindi matapos-tapos na pagdurusa mula sa pagmumulat na hindi kailanman matutupad ng pagmamalay ang mga hangarin nito? Tunay ngang pagdurusa at impiyerno sa isang nagpasyang bumaling sa obhetong nadaanan, na nasa labas ng Diyos, sapagkat pinili ng kalooban ang walang hanggang "pagka-hindi-sapat." Ang walang hanggang pag-kauhaw ay tunay ngang pagdurusa, na pinili ng kalooban mula sa kanyang kalayaan, kung papasyahin nitong bumaling at pilliin ang sarili. 


Banal na Kalooban: Pag-aantabay sa Biyaya 

 Sa katutubong galaw ng dinamismo ng kalooban natutuklasan, pagkatapos na madaanan ang lahat na ito, ang tunay na hinahanap ng kalooban: ang Diyos. Nagkakaisa ang kalooban ng tao at ang kalooban ng Diyos sa katutubong galaw ng kalooban – "isang lihim na kasal ang nangyayari sa pagitan kaloobang makatao at kaloobang banal" (LA, 342). Isang pagtaksil sa sumpaang ito ang pasyang bumaling sa sarili laban sa Diyos, humahantong na rin sa pagdurusa at kapahamakan ng kalooban. Ang pagtanggi na piliin ang kalooban sa Diyos ay isang pangangalunya sa sumpaan ng ating kalooban sa kalooban ng Diyos, na siyang bukal ng makataong kalooban. 

Ang tumugon sa tawag ng buhay at nagsasagawa ng kaloobang makatao ay isang pakikibahagi mismo sa kalooban ng Diyos. Naroroon mismo ang kalooban ng Diyos sa katutubong galaw ng kalooban ng tao, bago ang lahat. Ngunit dumadaan ang kalooban sa paglalakbay mula sa isang hindi-pagkakatugma tungo sa isa pang antas hanggang humantong sa pagpapasyang napakahalaga tungo sa pakikiisa sa kalooban ng Diyos. "Isang pakikiisa na bumubuo sa atin, isang ugnayang ating niloloob sa ating sarili para sa Kanya habang niloob Niya iyon mula sa Kanya para sa atin" (LA, 342). 

Kaya ang pagpapasyang ito ay isang pagbibigay ng kalooban ng tao sa kalooban ng Diyos. Ang mismong hindi pagbibigay ng kanyang kalooban sa Diyos ay magbubunga ng hindi pagtamo ng tunay na pagsasakatuparan ng hangarin. Ang mismong kaloobang tinatago sa sarili, para sa sarili ang maghahadlang sa kaganapan ng sarili (LA, 345). Wala nang ibang landas kung ito lamang. Hindi hahantong sa kaganapan ang pagsasagawa kung hindi ibibigay ng Diyos ang kanyang sarili sa tao (LA, 346). Isang malayang pagbitiw ng sarili, ng kaloobang makatao at isang paghihintay sa biyayang ipagkakaloob. 

Ang pagbibitiw na ito ay kasing "sakit ng panganganak" (LA, 348). Binibitiwan hindi lamang ang isang mahalagang bahagi, kundi ang kabuuan ng kaloobang makatao upang tanggapin ang kabuuan ng Kanyang pagbibigay. Sa kalaunan, ang pagbibitiw na ito ay isang pagbibigay daan sa pagtatanggap, na hindi humihingi, ngunit nag-aantabay sapagkat ang Kanyang kalooban ang maghahari sa atin, na siya na ring katuparan ng katutubong kalooban. Ang pagkakaloob Niya ng kanyang sarili sa tao ay isang handog na inaantabayanan. Kaya ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay isang patuloy na gawain (LA, 378). Ang pananampalataya ay isang patuloy na gawain at pagtutupad sa kalooban ng Diyos. Isa itong hindi matapos-tapos na pagbibitiw ng makataong kalooban, bilang kaganapan ng sariling kalooban, sa buhay ng tao. 

Pilosopiya ng Relihiyon 

Sa isang penomenolohikal na pagtalakay sa iba’t ibang elementong niloloob ng kalooban, humantong ang lahat ng pagmumuni sa isang pagmumulat sa ideya ng Diyos. Itong pagmumulat at pag-amin ay hindi isang pilit na sumulpot, kundi kusang dumarating, isang pagkukusang kailangan, sapagkat hindi matatanggihan ang katutubong galaw ng kalooban na laging nakakaranas ng "pagka-hindi-sapat." Ang pagmumulat ay naghahain sa kalooban ng isang pasyang kailangan pangatawanan – at ito ang pasyang nagbibigay saysay sa buong obheto ng kalooban. Ang Pilosopiya ay humahantong sa ideya ng Diyos, ngunit kailangang lumundag at magpasyang pangatawanan ang pananampalataya, na nakahain bilang pasya sa Pilosopiya. Nagkakaroon lamang ng tunay na kahulugan ang mga obhetong niloob kung ito ay tinanggap ngunit hindi sapat ng kalooban na tao, para sa kanyang sarili – na ngayon ay magpapasya sa pagtanggap na ang lahat sa mundong ito ay isang bigong tagumpay. Pagkabigo sapagkat wala sa mundo, wala sa sarili ang katuparan … ngunit isa ring tagumpay dahil nakahain ang isang paanyayang kailangang magbukas ng kalooban, bitawan ang kalooban upang tanggapin ang banal na kalooban, na siya mismong bukal na magpapawi ng pagkauhaw. 

Isang pilosopiya ng relihiyon, samakatuwid, ang L’Action sapagkat mula sa disiplina ng isang pag-iisip na mayroong mabagsik na sinusundang daloy, mula sa isang makisig na pagmumunimuni ng pagmamalay, ng penomenolohiya humahantong sa isang pagkilala sa Diyos na naghahari ngunit sabay nagpapalaya. Sa isang banda, isang paanyaya samakatuwid, itong buong pagsisikap ni Blondel sa mga "hindi nanampalatayang isip" (BC, 199). Nais niyang ipakita na tunay ngang ang hinahanap ng kalooban ng tao ay ang Diyos. Ngunit ang kanyang paglalahad ay hindi isang pagtatanggol ng teolohiya o isang pagsisikap na talunin ang mga argumentong laban sa pananampalataya. Nanatili si Blondel sa isang mahinahon ngunit tiyak na landas ng pagmumulat sa Diyos sa kusang pag-usad ng pagmamalay upang sundan ang galaw ng kalooban. 

Dito rin nailalahad ang katotohanan ng kalayaan ng tao at ang biyaya ng Diyos. Ang kalayaan na gumagalaw sa kalooban ng tao, ngunit isang kalayaang biyaya rin ng Diyos sa tao. Upang pangatawanan ng tao ang kalayaang ito, kailangan niyang isabuhay. Ngunit sa kahulihulihan, kailangan niya ring bitawan ang kalayaan, mula sa kanyang kalayaan, magpasyang bitawan ito upang tanggapin, na may kalayaan, ang kalooban ng Diyos: isang pagwawaksi ng kalayaan upang maging ganap na malaya. Hindi ba ito ang hinahanap ng kalooban? Ang pagkakatugma ng kalooban ng Diyos sa kalooban ng tao ay nasa pagbibitiw upang hayaang tanggapin ang pagdating ng kalooban ng Diyos, ng pagbabahagi ng sarili ng Diyos. 

Kaya ang kalagayang makatao ay "isang paghahanda ng daan" upang hintayin ang pagdating ng inaasahan. Isang adbiyento. Ang papel ng kalooban ng tao ay upang mabigay ng puwang sa kalooban ng Diyos, kaya kailangan nitong bitawan ang kanyang sarili upang tanggapin ang bukal ng kanyang sarili. Kailangan nitong tanggihan ang kanyang kalooban upang bigyan ng puwang ang bukal ng kanyang kalooban. "Kailangan makakatanggap lamang ang kalooban ng tao mula sa isang mas lampas pa sa kamay ng tao" (LA, 445), na siyang kahulugan ng buhay at hantungan ng kalooban. Doon lamang namamayapa ang kalooban, sa pamamaalam sa sarili, upang tanggapin ang kandungan ng Diyos. 

Kaya nga ang kataga ng paghihiwalay pisikal 
Na nagsisimula sa pagyayakap ng magkakaibigan 
Na maghihiwalay, 
Ang yakap na laging malayo 
Sa pinakamahigpit na akap nito ay 
Ang salitang "paalam" (LA, 405). 

Ngunit kailangan ibigay ang lahat para sa lahat; 
May banal na kapalit ang buhay; 
Kahit sa kabila ng kanyang mayabang o sensuwal na pagkukulang, 
May sapat na pagbubukas-palad ang sangkatauhan na mas maging bahagi 
Sa sinumang hihingi ng lampas dito (LA, 445). 


Endnotes: 



Maurice Blondel, L’Action (1893): essay on a critique of life and a science of practice, isinalin ni Oliva Blanchette (Indiana: University of Notre Dame Press, 1984) [Mula dito, lahat ng pagsangguni sa tekstong ito ay magkakaroon ng tanda ng LA]. 

Henri Bouillard, Blondel and Christianity, isinalin ni James M. Somerville (Massachusetts: Corpus Publications, 1969), 3. [Mula dito, lahat ng pagsangguni sa tekstong ito ay magkakaroon ng tanda ng BC]. 

Mula dito, lahat ay aking pagsasalin. 

Isasalin ko sa Pilipino ang action bilang pagkilos, pagsasagawa, paggalaw, pagsasakatuparan o sa pandiwang "pinapangatawanan." Gagamitin ko ang mga katagang ito ayon sa angkop na konteksto. 

Mula sa mga notang ibinigay sa klase na may pamagat na From the private notebooks of Maurice Blondel. [Mula dito, lahat ng pagsangguni sa notang ito ay may tanda na NOTA]. 

James M. Somerville, Total commitment: Blondel’s L’Action (Washington: Corpus Instrumentorum, Inc., 1968), 18. [Mula dito, lahat ng pagsangguni sa tekstong ito ay may tanda na TC]. 

Hindi ko tinutukoy dito ang pagdududa ni Descartes, kundi ang isang pagdududang mula sa kaibuturan ng sarili, mula sa kaloob-looban na para bagang umaalingawngaw na hindi pa ito ang hinahanap, hindi pa ito ang ganap na mamahalin, sa kabila ng katapatan ng pagmamahal. 

Adequatio: ang pagtutugma ng la volonté voulue sa la volonté voulante. 

John J. McNeill, The Blondelian synthesis (Leiden, Netherlands: E.J. Brill, 1966), 71. [Mula dito, lahat ng pagsangguni sa tekstong ito ay may tanda na BS]. 

Maurice Blondel, The letter on apologetics and History and dogma, isinalin nina Alexander Dru at Illtyd Trethowan (New York: Harvill Press, 1964), 90. [Mula dito, lahat ng pagsangguni sa tekstong ito ay may tanda na LOA]. 

Bhagavadgita: Kalagayan ng Tao

BHAGAVAD-GITA: KALAGAYAN MAKATAO BILANG PAGHIHIRAP AT PAGKAKATAONG SUMAIBAYO
Jeremy S. Eliab
Pamantasan ng Ateneo de Manila

Paano ba maaring magsalita ang taong may matatag na karunungan? Paano ba siyang maaring lumakad, umupo?
-- Arjuna (Gita 1972, 41)

Ang sinumang hindi namamahagi sa patuloy na nakatakdang galaw ay masama, O Arjuna; sa pagsasaya mula sa pagnanasa sa pita ng laman, namumuhay siyang hungkag.
-- Krishna (Gita 1972, 46)


Sa kasalukuyang panahon na laganap ang pagtuklas ng agham at ang buháy na buháy na paggamit ng makabagong teknolohiya, isang matinding pasya ang mangahas upang tuklasin at magpagpag ng maalikabok na teksto ng mga sinaunang ninuno ng sangkatauhan. Kadalasan, nauuwi lamang sa paghanga at pag-alaala ang pagtingin sa mga klasikal na naisulat ng mga dakilang tao. Ngunit mahalaga ring magbalik-tanaw sa nakaraan, hindi upang panoorin ang mga karanasan ng mga tao noon, ngunit upang pasukin ng may paggalang ang kanilang mga naranasan tulad natin bilang tao ring marupok ngunit nagsisikap na maghanap ng tunay na kahulugan ng buhay makalupa.


Isa sa mga mahalaga at buo pang klasikal na teksto sa kasaysayan ng Pilosopiyang Silangan ay ang Bhagavad-Gita. Ang pagmumunimuning ito ukol sa kayamanan ng Bhagavad-Gita ay isang pagsisikap na pagpagin ang ilan sa halaga at buháy na kahulugan ng pagmemeron tao sa pamimilosopiyang Silangan. Maaaninagan natin na may tahasang pagkakaiba ang Kanluraning pag-iisip sa pilosopiyang isinilang sa Silangan. Madalas taliwas ang pag-uunawa sa kulturang Hinduismo lalo na ng mga Kanluraning mambabasa at mananaliksik (Organ 1974, 4). Sanhi ito ng pagpataw ng Kanluraning konsepto at pananaw sa pilosopiyang ibang iba ang kanyang pinagmulan at mundong ginagalawan.


Isang pagsisikap rin itong subukang ilagay sa wikang Filipino ang kayamanan ng Gita. May isa pang layunin ang paggawa nito sa Filipino --isang pagtatalaban ng abot-tanaw ng Gita ng India at ng kasalukuyang kulturang Filipino. Kahit na madalas malakas ang impluwensiya ng Kanluran sa kulturang Filipino, hindi rin maitatatwang may matatag na pagkakahawig, hindi lamang sa larangang pangkultura, kundi sa mismong larangan ng pagpapakatao ang Hindu at Pilipino. Ayon pa kay Hans-Georg Gadamer, ang pagtatalabang ito ng abot-tanaw (Horizontverschmelzung) ay posible lamang sapagkat ang klasikal na teksto at ang mambabasa nito ay bahagi isang tradisyong patuloy na gumagalaw (Gadamer 1984, 306). Nagpapakita ang teksto bilang posibilidad sa mambabasa na makapag-unawa at magpalawak ng abot-tanaw. Ito na rin ay isang pagpapakita ng samu’t saring kulay at kayamanan ng teksto at ng mambabasa o taga-pagsalin. Kaya nga "sabay isang interpretasyon ang bawat pagsasalin" (Gadamer 1984, 384).


Hawig rin ito sa pagsisikap na kalagayan ni Arjuna sa Gita, mahirap at nakakatakot harapin ang gawain ng pagsasalin at pananaliksik ukol sa Bhagavad-Gita, ayon sa abot-kaya at sa mangilan-ngilan na mapagkukunan ng kaalaman. Ngunit itong kalagayan ng paghihirap ay isa ring pagkakataon upang harapin at pangatawanan ang nararapat gawin. Kailangang lumaban ang mandirigmang si Arjuna sapagkat ito ang kanyang tawag, ito ang kanyang tungkulin o dharma. Sa pakikipaglaban niya nakikilala ang kanyang tunay na kakayahan at kahulugan bilang mandirigma, bilang tao. Ganoon rin, ang bawat isang nagpapagpag sa kayamanan ng nakaraan ay hindi lamang nakikita ang kayamanan nito kundi ang kayamanan rin ng kasalukuyan, na bunga ng patuloy na agos ng tradisyon sa bawat salinlahi (Gadamer 1984, 304). Nakikila rin niya ang kanyang sarili at kakayahan, ang kanyang kontekstong nakikipag-usap at nakikipagtalaban sa teksto, sa Bhagavad-Gita.


Gagamitin ko ang librong Song of God: Bhagavad-Gita, pagsasalin mula sa Sanskrit na teksto tungo sa Ingles nina Swami Prabhavananda at Christopher Isherwood, na may pambungad ni Aldous Huxley. Sa tekstong ito, lalayunin kong tingnan ang kalagayan ni Arjuna bilang isang pagpapahiwatig ng kalagayan ng tao. Nasa krisis at pagka-alanganin ang kalagayang ito, ngunit susubukan kong tingnan sa Gita kung paano nalalampasan ni Arjuna ang kalagayang ito, habang nararanasan niya itong krisis.


May nakatakdang apat na bahagi ang pagsisikap na ito. Tinatalakay unang una ang ukol istorya ng Bhagavad-Gita, samakatuwid isang pambungad ukol sa diwa at patutunguhan ng Gita. Pangalawa, tatalakayin ang kalagayan ni Arjuna bilang sagisag ng paghihirap ng tao. Paksa rin sa bahaging ito ang pag-uunawang Hinduismo ukol sa paghihirap, ang sanhi ng paghihirap at kalagayan ng pagkabihag. Ang Gita, sa kabilang banda, ay hindi nagtatapos sa paghihirap kundi sa kaligtasan mula sa paghihirap. Panghuli, papasok ang talakayan sa landas tungo sa kaligtasan. Samakatuwid, may pinapakita ang Gita na makataong landas at pamumuhay na maaring kaligtasan sabay hantungan ng lahat na nagmemeron: ang kaganapan ng lahat.


 


Ang Bhagavad-Gita: Isang Paglalagom


Isang bahagi lamang ng mas malawak na epikong Mahabharata ang Gita. Ang buong Gita ay isang pagpapatuloy ng kasaysayan ng isang mas malawak na abot-tanaw ng pagtinging Hindu sa sanglibutan. Masasalamin sa buong teksto ang paulit-ulit na pag-uusap nina Krishna at Arjuna, ang pagtatanong at pag-aapuhap ni Arjuna at pagpapaliwanang ni Krishna, ang pagkalito ni Arjuna at katiyakan ni Krishna, ang kahinaan ni Arjuna at pagpapalakas-loob ni Krishna. Samakatuwid, ang buong Gita ay isang sagisag ng paghahanap ni Arjuna ng kaliwanagan bilang taong nasa agaw-dilim, at si Krishna naman ang nagbibigay ng liwanag bilang isang pagpapakita ng ang Diyos sa isang taong naghihirap ang nagbibigay ng liwanag.


Nagsisimula ang Gita sa isang hamon ng pakikidigma sa angkang Pandavas ni Arjuna. Nagsisimula ang Gita Nagkaroon ng sa isang alitan sa pagitan ng pinsan ni Arjuna na si Duryodhana ukol sa usaping pangkaharian. Hinahamon ng pakikidigma ang angkang Pandavas ni Arjuna nina Duryodhana Hindi lamang naging alitan ng dalawang angkan, nakisali na rin ang ibang hari at lokal na prinsipe sampu ng kanilang nasasakupan, hanggang ang buong India ay nahati sa dalawang panig (Prabhavananda at Isherwood 1972, 26). Bilang punong mandirigma ng kanyang angkan, nasa kamay ni Arjuna ang pagpapasya kung lalaban ba o hindi. Nasa alanganing kalagayan si Arjuna sapagkat ang kanyang kalaban ay mismong ang kanyang mga pinsan, kamag-anak at kadugo. Kung sakaling maglalaban, dadanak ang dugo ng kanyang angkan at dahil dito nalulungkot siya.


Nahahati sa labinwalong kabanata ang buong Gita. Tinatalakay ng unang kabanata ang ukol sa kalungkutan ni Arjuna. Mula ikalawang kabanata hanggang sa ika-labinwalo ay ang paglalahad ng buong pag-uusap, tanong-tugon nina Arjuna at Krishna. Maraming nagsasabi na itong mga kabanata ang "Ebanghelyo ng India." May apat na nagsasalita sa buong Gita: si Haring Dhritarashtra, Sanjaya, Arjuna at Krishna. Isang bulag si Haring Dhritarashtra, na ama ni Duryodhana, at si Sanjaya naman ang kanyang ministro at mangangarwahe. Isinasalaysay ni Sanjaya sa kanyang bulag na hari ang buong nangyayari sa Kurukshetra, pati ang usapan nina Krishna at Arjuna (Prabhavananda at Isherwood 1972, 28).


Naging personal na mangangarwahe ni Arjuna si Krishna. Sa kanilang pagsasama bago ang digmaan, nagkaroon sila ng isang matalik at malalim na ugnayan sina Arjuna at Krishna. Natagpuan ni Arjuna na si Krishna pala ay isang pagsasatao ng Diyos na bilang nagbibigay gabay at liwanag sa kanya. Habang nasa kalagayan si Arjuna ng pagka-alanganin at pagdududa ukol sa kanyang kailangang gawin, Ppinapaliwanag ni Krishna sa kanya na dapat tingnan niya ang buhay sabilang kabuuan, na kahit ang mga detalye ng buhay tulad ng angkan, pakikipagkaibigan, katapatan at ugnayang kultural o tradisyunal ay dapat isailalim sa malawak na kabuuan ng buhay. Inaanyayahan ni Krishna si Arjuna na huwag magpakulong at magpakagapos sa baha-bahagi ng buhay kundi tingnan ang buhay bilang may tungkulin at dapat gawin. Samakatuwid, hinahamon ni Krishna si Arjuna na makipaglaban sapagkat ito ang papel niya bilang punong mandirigma. Sa pakikipaglaban, dito lamang matutupad ang kanyang tungkulin at ang kanyang pagmemeron bilang mandirigma, bilang si Arjuna. Sa pagsasakatuparan ng tungkulin, nararanasan rin niya ang kanyang buhay bilang may patutunguhan at tunay na kahulugan.


Nasa kalagayan ng pagkalito si Arjuna. Dala ng pagkalitong ito sa posibleng mangyayari, nalulungkot siya. Nasa situwasyon siya ng sangangdaan kung saan ang kanyang pagpapasya ay isang mahalagang pagpipili, isang napakahalagang pagbabago ng pananaw, pamumuhay at pagkatao. Kung makikipaglaban siya, mapapatay niya ang kanyang mga kamag-anak, mga minamahal, kaibigan, kanyang mga dating guro at kalaro. Dahil sa namumuong takot at lungkot, sinasabihan niya si Krishna mas nanaisin pa niyang sumuko o mamatay kaysa patayin ang kanyang makakalaban (Edgerton 1964, 105). Ilang beses inuulit-ulit ni Arjuna na:


Ano ba ang mapapala ko sa pagkitil ng aking mga kamag-anak ?
Paano ko sila sasaktan, hindi ko ito hihilingin:
Hinding hindi, kahit na hindi ko matatamo
Ang trono ng tatlong sanglibutan.


. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .


Sa halip, hahayaan kong sumugod ang masasamang anak ni
Dhritarashtra dala ang kanilang sandata laban sa akin;
Hindi ako titinag, hindi ko sila sasaktan,
Ngayon hayaan ko silang patayin ako,
Mas mabuti pang ganyan ang mangyayari(Gita 1972, 32 - 34).


Ngunit kung hindi naman siya makikipaglaban, isang malaking kahihiyan ang kanyang mapapala hindi lamang sa harapan ng kanyang angkan kundi sa harapan ng Diyos sapagkat hindi niya pinangatawanan ang ibinigay sa kanyang responsibilidad bilang isang mandirigma. Sinasabihan siya ni Krishna na:


Ngunit kapag tumanggi kang lumaban sa matarungan digmaan,
Umiiwas ka sa iyong dapat gampanan.
Magiging makasalanan ka at kahiya-hiya.
Masasama ang sasabihin ng mga tao ukol sa iyo
Sa lahat ng mga taon (Gita 1972, 39).


Kahit anuman ang kanyang pipiliin, nakikita niya ang napipintong kalungkutan. Ang buong Gita, samakatuwid, ay isang mahabang pag-aapuhap at pagmumunimuni ni Arjuna, sa paggabay ni Krishna, bago magsimula ang digmaan (Edgerton 1964, 105). Ayon sa Mahabhrata, umabot ang buong digmaan sa labinwalong araw, at nangyari ito sa kapatagan ng Kurukshetra. Napatay si Duryodhana at nagtagumpay ang mga Pandavas.


Ang buong diwa ng Bhagavad-Gita ay ang pagtahak ni Arjuna sa ga-buhok na landas tungo sa kabutihan at kaganapan. Nasa kalagayan siya ng pagkalito, nasa kalagayan ng pag-aagaw-dilim: makikipaglaban ba o hindi? Ano ba ang nararapat na landas? Tutupdin ba niya ang kanyang dharma bilang mandirigma o dili kaya hahayaang niyang patayin siya ng kanyang mga kalaban sapagkat mahal niya sila? Sa kalagayang ito, sa mismong krisis na ito naitatanim ang binhi ng paghahanap sa liwanag. Ito ang papel ni Krishna - ang magbigay liwanag sa kalagayan ng kadiliman ni Arjuna.


May ibang pag-uunawa naman na nagsasabing hinikayat ni Krishnang makipaglaban si Arjuna. Marahil hindi maaring tanggihan ang ganitong pag-uunawa at pagbibigay ng ganitong kahulugan sa Gita. Ngunit isa sa mga nagpagpag rin sa kayamanan ng Gita ay ang dakilang Mohandas K. Gandhi. Natuklasan muli niya ang isang sariwa’t bagong kahulugan sabay sinaunang ibig sabihin ng Gita: hindi paghihiganti o karahasan kundi pagsasagawa ng tawag na dapat gawin ng tao (Merton 1965, 4). Pinangatawanang bigyang liwanag ni Gandhi ang kahulugan ng salitang dharma, na hindi isang pagtaliwas sa diwa ng Gita ngunit nasa liwanag ng bagong pakahulugan at mas malawak na abot-tanaw ng salita: ang pagsasagawa ng nararapat sa tao.


 


Paghihirap ang Makalupang Kalagayan


Ayon sa paninindigang Hinduismo, ang paksa na ugat ng lahat na sumasangang landas tungo sa Diyos ay ang paghihirap ng mga nilalang sa lupa. Sa mga mas nauuna pang tekto sa Gita, ang Upanisads at Vedas, sinasabing merong isang Dakilang Brahman na pinanggalingan ng lahat ng nilalang (Edgerton 1964, 121). Ang bawat nilalang ay sumasalamin sa Dakilang Brahman, sinasabi ni Krishna na "bahagi ng aking sarili ang Diyos na nasa bawat nilalang" (Prabhavananda at Isherwood 1972, 111). Ngunit sa kanyang pagsasa-nilalang, pumapasok sa makalupa at materyal na katawan ang kaluluwang mula sa Dakilang Brahman. Itong pagsasakatawan ang sanhi ng karupukan at pagkalimot ng kaluluwa sa kanyang pinanggalingan. Kaya, naghihirap rin ang kaluluwa, hindi lamang dala ng pagkalimot at pagkamarupok, kundi ng kanyang kalagayan ng pagka-bilanggo sa loob ng materyal na katawang nagpapataw ng hangganan sa bawat kanyang gawain.


Sa pananaw ng Hinduismo, hindi magkasalungat ang katawan at kaluluwa. Ayon sa Brhradaranyaka Upanisads, ang materyal na katawan o prakriti at ang kaluluwa o purusa ay sabay bumubukal mula Dakilang Brahman (Zaehner 1973, 13). Ang katawan ay isang biyaya para sa kaluluwa upang mabuhay, ito ang kanyang tahanan, ito ang kanyang larangang maaring magagalawan. Hindi iiral ang purusa kung wala ang prakriti. Samakatuwid, hindi dapat tingnan ang pagsasalubong ng purusa at prakriti sa isang negatibong pananaw, sapagkat kaganapan ng purusa ang pagsasa-prakriti, at kaganapan rin ng prakriti ang pagsasa-purusa.


May tahasang pagkakaiba ito sa Kanluraning pag-iisip na ang katawan ay ibang iba at kabaligtaran ng kaluluwa. Sa Kanluraning pilosopiya, madalas tinatalakay ang dalawa bilang naglalabanan, bilang banggaan ng masama at ng mabuti. Magiging ganap lamang ang kaluluwa kapag nalampasan nito ang katawan sa pamamagitan ng kamatayan. Sa kabilang banda, walang nangyayaring kamatayan sa paniniwalang Hindu. Maaring paulit-ulit mamatay ngunit hindi talaga kamatayan bilang hangganan ng lahat ng buhay. Ang kamatayan sa Hinduismo ay tanda ng pagbabagong anyo, maaring sa lupa o sa langit.


Kung titingnan natin sa pananaw ng Gita, kahit na ang mismong katawan ay tinatatawag na sitwasyon ng pagkabihag at paghihirap, ito mismo ay sabay biyaya rin. May positibong abot-tanaw ang paninging Silangan sa materyal na aspeto, ngunit hindi rin ito nangangahulugang ang prakriti ay mas mahalaga kaysa sa purusa. Ang dalawa ay mga bahagi ng kabuuang pamumuhay na makalupa. Kaya kailangang tingnan ang dalawa bilang nagtutulungan, bilang bahagi ng iisang buhay, bilang bumubukal mula sa Dakilang Brahman.


Unawain ito, O Arjuna:
Lahat na nilalang ay nagmumula sa
Pagkakaisa ng prakriti at purusa (Gita 1972, 104).


Sa Gita, hindi ibig sabihin na ang Diyos ay naging isang nilalang sa pagkatao ni Krishna. Hindi masyadong pinapahalagahan ang pagiging isang nilalang o pagiging tao ni Krishna, nakikilala siya hindi bilang nilalang mula sa pagsasalubungan ng purusa at prakriti. Mas pinagdidiinan ng pansin ang kanyang pagiging Diyos, pagiging isang avatar o pagpapakita ng Diyos. Madalas kapag kinakausap ni Krishna si Arjuna, nagpapakilala siya, hindi bilang isang nilalang, kundi bilang Brahman. Sinabi ni Krishna:


Sapagkat ako si Brahman sa katawang ito,
Ang Buhay na walang hanggan
Na hindi mamatay:
Ako ang Katotohanan
At Kaligayahan magpakailanman (Gita 1972, 110).


Samakatuwid, si Krishna ay tanda ng kaganapan at hindi kasama sa kalagayang nararanasan ni Arjuna. Sinasagisag ni Krishna ang Diyos bilang nakikipagtagpo, hindi lamang minsanan, kundi sa lahat ng pagkakataon sa pamamalagi ng tao kalagayan kanyang kinapapalooban.


Sa kaunting panahong pagsasama nila bago ang digmaan, madalas nakikipag-ugnayan si Arjuna kay Krishna na tumataglay ng dalawang aspeto nito: pagkanilalang at pagka-banal. Ngunit madalas nakakalimutan ni Arjuna ang pagka-Diyos ni Krishna dala ng kanyang kahinaan at karupukan. Pagpapakita ito ng Gita na hindi makakayanan ng taong makiugnay sa banal ng tuluyan at walang pagkukulang (Prabhavananda at Isherwood 1972, 29). Laging may pagkukulang dala ng kanyang kahinaan. Maraming beses humingi ng paumanhin si Arjuna kay Krishna ukol sa pagkalimot na ito. Namamangha rin si Arjuna sa kababaang loob ng Diyos na nakikipag-ugnayan sa kanya bilang kaibigan, kapuwa at kasama sa kanyang pakikibaka sa mundo ng kahinaan.


Hindi lamang pagkalimot sa Dakilang Brahman ang pagkukulang ng bawat isang nilalang sa pag-uunawang Hinduismo. Napapatindi pa ang pagkukulang na ito sa pamamagitan ng gawi, pag-uugali, gawain at pamumuhay ng isang nilalang sa kanyang pananatili sa materyal na katawan. May pag-uunawa ang Hinduismo na hindi namamatay ang purusa, "ang walang kamatayang naninirahan na nakagapos sa katawan" (Gita 1972, 106) sapagkat ito ay isang pagpepresensiya ni Brahman sa sanlibutan. Ngunit habang namumuhay ang nilalang, maaring paiba-iba siya ng prakriti, maaring sa buhay niya ngayon ay bilang aso, sa susunod na buhay ay bilang tao. Samakatuwid maaring magkakaroon ng maraming uri ng buhay, maaring maraming larangan o nibel ng pamumuhay ang purusa ayon sa prakriti na maaring mapuntahan ito. Parang kasuotan ang prakriti na maaring hubari’t isuot ng purusa. Nagbabago, tumutubo, tumatanda, isinisilang at naagnas ang prakriti; matatag, buo, hindi nanginginig at walang hanggan naman ang purusa. Ayon kay Krishna:


Pinapalitan ng katawan
Ang sira nang mga damit;
Pinapalitan naman ng kaluluwa
Ang sira nang mga katawan.
Sinusuot muli ng naninirahan
Ang bagong katawan
Tulad ng damit (Gita 1972, 37).


Ang uri ng pamumuhay ng isang nilalang sa dati niyang buhay ang nagtatakda ng susunod na prakriti o buhay ng purusa. Kung naging mabuti ang aso, ayon sa kanyang tungkulin bilang aso, maaring ang susunod niyang buhay ay nasa mas mataas na antas. Kung masama naman ang gawi ng isang tao ngayon sa kanyang buhay, maaring ang susunod niyang buhay ay nasa mas mababang antas ng mga nilalang. Kaya masasabing ang gawaing mabuti ay nagbubunga ng mabuti, at ang gawaing masama ay nagbubunga ng masama. Ito ang prinsipyong karma (Zaehner 1973, 17). Isang pagtitimbang ng kabuuang kalidad ng buhay ang prinsipyong ito at hindi lamang mga detalye at partikular na pangyayari sa buhay ng isang nilalang. Maaring maging sanhi ng tuluyang pagkagapos sa mababang antas ng pamumuhay ang purusa dahil sa mababang kalidad ng kanyang pamumuhay, o umangat upang humantong sa kaligtasan mula sa pagkagapos.


Habang paulit-ulit na sumasa-prakriti ang purusa, maaaring ito ang maging daan upang gumanda at lumundag lagi sa mas mataas na antas ng buhay. Ngunit maari ring ito ang maging sanhi ng paulit-ulit na pagsilang at paulit-ulit na kamatayan. Tinatawag itong samsara (Venkateswaran 1968, 166). Hangga’t hindi makalabas ang purusa sa paulit-ulit na pagsilang at kamatayan, hindi ito makakamit ng kaligtasan. Kaya ang mismong pagsasalin-salin sa iba’t ibang katawang materyal ay tanda ng paghihirap, ng pagkukulang.


Kung babalikan natin ang buong istorya ng Gita, pinapakita ang kalagayan ng tao sa pagkatao ni Arjuna. Nasa kalagayan siya na parang binunot sa sarili niyang kinatatayuan, isang kalagayang parang wala pa sa sariling tahanan, isang kalagayang patuloy pang tinatahak at nilalakbay. Kaya masasabing ang kalagayan ng pagsasa-prakriti ay isang sitwasyon ng paglalakbay, hindi lamang isang moral na paglalakbay tungo sa kabutihan, kundi isang pagpapakatao mismo. Masasabi ring ang samsara ang paglalakbay, nagpapalit ng katawan hanggang humantong sa kaligtasan mula sa paulit-ulit na pagsilang. Sinabi namang hantungan ng lahat ng pagsisikap ang kaligtasan ito.


Ang dahilan ng patuloy na pagsasalin-salin sa iba’t ibang katawan o samsara ay pagkadikit at paglalasing ng nilalang sa kaligayahang idinudulot ng materyal na katawan. Pinapaliwanag ni Krishna na ang kalungkutan ni Arjuna ay sanhi ng pagkadikit niya sa makataong ugnayan. Nalulungkot si Arjuna sapagkat nakikita niya ang buhay bilang katawang materyal lamang, kaligayahan ang magkaroon ng katawan at aliw mula sa katawan. Kalungkutan naman ang idinudulot ng kamatayan. Nakikita lamang niya buhay bilang katawang materyal na masasaktan, mapapatay, maaagnas at maglalaho. Inaakala ni Arjuna na maglalaho na magpakailanman ang kanyang mga kamag-anak kapag pumasya siyang lumaban sapagkat mawawalay siya sa kanila kapag naglaho ang presensiyang pisikal ng kanyang minamahal.


Hinihikayat naman ni Krishna si Arjuna na ang mahalaga ay ang tingnan ang kabuuan ng buhay, hindi lamang materyal na katawan kundi bilang lumalampas sa materyal, ang larangan na di-mahipo at di-makita. Sinusubukang ipaliwanag ni Krishna sa kanya na:


Sinabi na mamatay ang katawan,
Ngunit walang hanggan naman
Iyong naninirahan sa katawan.
Walang hangganan, hindi mawawasak.
Samakatuwid, lumaban ka (Gita 1972, 36).


Bumubunga ng pagkabulag na makita ang lampas pa sa katawan, ang kaligayahang sumasaibayo sa katawan itong pagkadikit sa materyal. Ito ang kaligayahan mula sa paglabas sa samsara, ito ang kaligayahang mula sa kapayapaan ng purusa na hindi na magsasalin-salin sa iba’t ibang katawan. Sa kabilang banda, ang paghantong sa ganitong uring pagmumulat ay isang paglalakbay na hindi nangyayari bilang minsanan lamang. Mahirap at matindi ang pagsubok sa paglalakbay na ito, hinahamon ang katapatan ng tao sa gitna ng kahirapan at sakit.


Ngunit mahihirapan ang mga tapat sa di-nakikita,
Sapagkat mahirap mamulatan
Ng sumakatawang purusa
Ang di-nakikita.
Sinasanay ng mga tapat ang kanilang sarili
Ukol sa kanilang natutunang karunungan,
Ako bilang kanilang laging hiling.
Sa akin nila isinusuko ang kanilang puso at isip.
Lubos kong minamahal sila (Gita 1972, 98, 100).


Samakatuwid nagmumula mismo sa Dakilang Brahman ang buong paghihirap ng tao na sinasagisag ni Arjuna sa Gita. Isang biyaya, hangganan sabay isang abot-tanaw ng pamumuhay itong kalagayan ng pagkabihag, kalagayan ng pagkawala-sa-sariling-tahanan. Habang ginagalugad at tinutuklas ng purusa ang larangang materyal na prakriti, maaring magpakasasa ang tao sa kaligayahang idinudulot ng materyal na katawan hanggang sa tuluyan na nitong makalimutan lampas pa sa katawan. Ngunit maari rin namang siya sa katotohanan, sa hindi nagbabago, buong buo, matatag, hindi nanginginig at walang hanggan. Ito ang panahon ng liwanag, ito ang panahon ng pagkamulat at kaligtasan.


 


Ang Kaligtasan mula sa Kalagayan ng Paghihirap


Mula sa ikalawang hanggang sa ikalabinwalong kabanata ng Gita, ang pagtatanong ni Arjuna kay Krishna ay ukol sa iba’t ibang landas tungo sa kaligtasan. Nasa mismong kalagayan rin ng paghihirap, ng pagkabihag ang kaligtasan mula sa samsara. Sapagkat sumusunod sa batas ng karma ang buhay, tumpak ring sabihin sa pamamagitan ng mabuting gawi, pag-aasal at pamumuhay, natatamo ng purusa ang kaganapan (de Nicolas 1973, 206, 314). Ito ang panahon ng pagkakalas sa pagkagapos, ito ang panahon ng pag-uwi sa sariling tahanan.


Sa Sanskrit, katumbas ng kaligtasan ang katagang moksha. Sa Hinduismo, ang mundo ng moskha ang pinag-iikutan ng samu’t saring sistema ng pag-iisip at relihiyon. Tatalakayin lamang dito ang ilan sa mahahalagang aspeto ng moksha na sinasabi ng Gita. Naisilang itong mundo ng moksha mula sa karanasan ng tao na ang mundo na makalupa ay puno ng paghihirap. Kung ating titingnan ang nararanasan ng tao, laging sumusunod sa batas ng karma: magbubunga ang mabuting gawain o yoga ng mabuti, magbubunga ang masamang gawain ng masama. Paulit-ulit itong mangyayari ng walang patid, isang paulit-ulit na pagpapasan ng kailangang gawin sapagkat ang bawat buhay na kinasilangan ay nagdadala ng panibagong responsibilidad at dapat gawin. Sa mga Hindu, ito ang kanilang impiyerno – ang walang hanggang pagsilang at kamatayan sa mundo ng paulit-ulit, walang patutunguhan at nakakabagot na buhay materyal.


May pagka-mistiko ang Gita, ibig sabihin laging may ipinapalagay na ibang klaseng mundo na nasa larangang lampas sa nararanasan ngayon ng tao. Ngunit hindi rin ibig sabihin na itong mundong ito ay hindi matatamo ng tao sa kanyang buhay-lupa. Maaring mangyari na mararanasan ito ng tao ngunit sa isang mahirap at mahabang proseso sa kanyang buhay (Organ 1974, 29).


Ang buong pag-uusap nina Krishna at Arjuna ang sandali ng pagbubunyag ng Dakilang Brahman ng landas upang makatakas sa pagkagapos sa samsara. Hindi lamang tangan ni Krishna ang sekreto ukol sa moksha kundi ang pagmamahal at tunay na pag-aalala ng Diyos sa tao na mismong kanyang kalooban mailigtas (Zaehner 1966, 65). Sa kalagayan ni Arjuna dumating ang biyaya ng liwanag bilang kaligtasan hindi lamang sa materyal na pakikidigma sa kanyang hinaharap na kalaban kundi sa mundo mismong naghahari ang samsara at ang batas ng karma.


Unang landas ng kaligtasan ay ang pagmumulat o jhana-yoga. Sapagkat ang sanhi ang paghihirap ay ang pagkabulag ng tao sa harapan ng katotohanan, na ang tunay at totoo lamang ang hindi nagbabago. Habang hindi ito nakikilala ng nilalang, nakadikit pa rin ito sa kaligayan ng katawan. Ang paghihiwalay naman sa kaligayahang dulot ng katawan habang nabubuhay dito ay ang pagkilala ng ibang kaligayahan - ang kaligayahang hindi galing sa katawan kundi mula sa pagkilala ng Tunay na Sarili o ãtman. Isang pagmumulat sa purusa ang pagkilalang ito, isang pagkilala at pag-amin sa walang hanggang purusa na nasa katawan. Kay Krishna, "ito ang pinakamataas na antas ng pag-uunawa" (Prabhavananda and Isherwood 1972, 100), ang malaman ng isang nilalang ang pagkakaiba ng purusa sa prakriti. Hindi lamang nakikila ang purusa na nasa kanya, kundi ang Dakilang Brahman na nagpepresensiya sa pamamagitan ng purusa. Kasabay nito, nakikila rin ng taong naliwanagan ang presensiya ng Dakilang Brahman hindi lamang sa kapuwa tao kundi sa lahat na nilalang. Ito ang panahon ang pagdanas sa presensiya ng Dakilang Brahman sa buhay makalupa (Edgerton 1964, 165). Samakatuwid, ang unang hakbang ng kaligtasan ay ang tunay na pag-uunawa at pagmumulat sa kalikasan ng mga nilalang, na ang bawat isang nilalang ay may isang hindi nagbabagong purusa at may marupok na prakriti.


Sinasabing tunay marunong ang tumitingin
Na gumagawa ng walang pagnanasa
Sa binubunga ng gawang katawan.
Kusang nangyayari ang gawain,
At ang mga kadena nito’y nawasak,
Natunaw ng apoy ng aking karunungan.
Tinalikuran niya ang mga bunga,
Wala na siyang hahanapin pa:
Sapat na ang atman,
Gumagawa siya,
Ngunit nilalampasan niya
Ang kanyang ginagawa (Gita 1972, 52)


Hindi lamang pagmumulat sa kalikasan ng purusa at prakriti ang dapat maranasan, kailangan ng matalas at alisto na pag-uunawa na ang Dakilang Brahman ay dapat makilala rin sa bawat nilalang. Hindi isang pagkilalang nasa larangan lamang ng guni-guni at isip kundi isang pagkilala na sabay isinasabuhay sa kongkretong karanasan at pakikisalamuha ng tao sa kanyang kapaligiran (de Nicolas 1973, 197). Isang pagkilala na isinabuhay, isang pagkilala na dumadaloy at isinasakatuparan ng pakikipagrelasyon at pakikipag-ugnayan. Tinatawag itong pangalawang landas na pagsasabuhay o karma-yoga (Renou 1962, 43) ng namulatan. Kaya masasabing ang Gita ay hindi lamang epistemolohikal kundi may isang paglalahad etikal rin.


Hindi buo at sapat ang pagmumulat at pag-uunawa kung hindi naman ito isinasabuhay sa kongkretong karanasan. Pinagdidiinan ng pansin ng Gita na ang paglalakabay tungo sa tunay na hantungan ng tao ay isang pamumuhay at hindi lamang isang minsanang pasya at pangyayari. Sinasaklaw ng pamumuhay na ito ang buong buhay, ang kabuuang kalidad ng pamumuhay. At espesyal na pinagdidiinan ng pansin na ang pamumuhay ay dapat hubad sa pagnanasang materyal. Ang ibig sabihin, isang pagsasagawa na hindi ninananasa ang ibinubunga nito, maging kaligayahan man o kalungkutan, tagumpay man o pagkabigo.


Ngunit hindi rin nagpapakita ang Gita ng malinaw na dapat gawin ng tao o kung paano isasabuhay ng tao ang kanyang namulatan. Hindi malinaw na sinasabi ng Gita ang dapat na pamumuhay. Hinahayaan nito ang bawat isa na magnilay, magtimbang, mag-isip ayon sa kanyang sariling kakayahan kung ano ang nararapat gawin. Sinasabi ito ni Krishna sa panghuling bahagi ng kanilang pag-uusap, na sa aking palagay, isang napakahalagang habilin kay Arjuna:


Ngayon, tinuruan kita ng
Pinakatagong lihim ng karunungan.
Pagnilayan mo ito.
Mamumuhay at gumawa
Ayon sa pinakamabuting alam mo.
Ito ang mga huling salitang ibabahagi ko sa iyo,
Ang pinakamalalim ng tanang katotohanan.
Sinasabi ko ito para sa iyong kabutihan.
Pinili kitang maging kaibigan,
Minahal kitang isang kaibigan (Gita 1972, 129).


Kailangan itong pamumuhay ay dapat sabayan ng katapatan o bhakti-yoga (Organ 1974, 148). Kung hinahayaan ang bawat isa na gumawa ng sarili niyang landas upang makamit ang moksha, ang napiling landas mula sa pagmumulat (jhana-yoga) na isinasabuhay (karma-yoga) ay dapat gawin sa isang tapat na pamamaraan (bhakti-yoga). Masisilayan dito na hinihingi sa bawat isa ang kanyang katapatan upang makamit ang minimithi niyang kaligtasan. Ito ang hinihingi ni Krishna kay Arjuna. Nagdududa si Arjuna, natatakot at nalulungkot. Unti-unti siyang tinatalo ng kanyang damdamin, ng kanyang mga pagnanasa at ninanasa, ng kanyang mga pinapangarap. Kahit na ang kanyang katapatan ay binabantaang wasakin ng mga tukso ng kanyang damdamin. Kaya sinasabi sa kanya ni Krishna:


Ibigin mo ako ng buo mong puso,
Pakamahalin mo ako,
Lagi akong sambahin,
Sa akin ka lamang pumugay,
At matatagpuan mo ako:
Ito ang aking pangako
Na malugod na nagmamahal sa iyo.
Ibigay mo sa akin ang lahat ng iyong pinapasan,
Ako na iyong silungan at takbuhan.
Huwag ka nang matakot,
Sapagkat ililigtas kita
Mula sa kasalanan at pagkagapos (Gita 1972, 129).


Binubuo ng tatlong yoga ang buong buhay ng tao, na nagsisimula sa walang kadudadudang pagmumulat at humahantong sa pagsasabuhay, na siya namang nga landas ng kaligtasan (White 1972, 245). Nagsisilbing mga haligi ito tungo sa pagkamit ng tao ng kaligtasan. Ngunit itong tatlong landas ay nakatayo sa isang batayan na siyang saligan ng buong pamimilosopiya at abot-tanaw ng Hinduismo. Tinatawag itong saligan bilang dharma.


 


Dharma: Landas ng Pagpapakatao tungo sa Moksha


Itong huling bahagi ay isang pagsisikap na tingnan ang dharma bilang isang tunay na landas sa pamumuhay ng tao na nais iparating ng Gita. Sapagkat itong pagmumunimuni ay nasa larangang pilosopiko, hindi maiiwasan sa pagtalakay ng abot-tanaw ng Hinduismo na pumasok ang pagninilay sa larangan ng teolohiya. Dala ito ng katangiang Hindu na laging ang paniniwala ay sabay isang pamimilosopiya, teolohiya sabay pilosopiya samakatuwid.


Una, hindi isang doktrina o isang prinsipyo ang Gita. Ito ay isang buhay na pagpapakita sa isang pangkaraniwa’t madalas na karanasan ng tao: ang krisis ng tao sa kanyang paghahanap ng kanyang sarili, kanyang kahulugan, at tunay na patutunguhan. Ito ang kongkretong kalagayan ni Arjuna sa simula ng Bhagavad-Gita – isang kongkretong kalagayan na posibleng nararanasan ng bawat tao, upang magmeron bilang tao, ay dapat harapin at buuin ang kanyang sarili at paninindigan. Ang nararanasan ni Arjuna, na isinalaysay sa unang kabanata, ay nagsisimula lamang sa isang tanong: "lalaban ba ako o hindi?" Isa siyang mandirigma, isang prinsipe, isang politiko, isang pinuno - hindi lamang isang pangkaraniwang tao. Sa gagawin niyang pasya nakabitin hindi lamang ang kanyang personal na buhay kundi ang lipunan na kanyang kinapapalooban. Ang kanyang pasya ay isang pasyang mahalaga, pasyang magbabago ng mukha ng lipunan, ng mga relasyon, ng mukha ng kanilang daigdig.


Ngayon nasa bingit siya ng digmaan – nakaharap siya sa labanan, isang pakikipaglabanan sa kanyang dharma: susundin ba niya ito o hindi? Ngunit bago talakayin ang karanasang dharma sa Gita, mahalagang balikan ang mundo ng Hinduismo upang makita ang konteksto ng katagang dharma. Nagmula ang katagang dharma sa pandiwang dharati na ang ibig sabihin ay "hawak," "dala," "alaala," "manatili at tumagal." Ang ugat ay dhr na may kahulugang "ang saligan" o "ang humahawak" (de Nicolas 1976, 213). Kung pagmumunihan itong salita – may isang lumalabas na ang dharma ay isang "kuwan" na laging dala-dala ng tao, hawak niya at hawak rin siya, laging nagpapaalaala o inaalaala, nanatili sa kalooban ng tao, binabata ng tao, tumatagal sa kanya. May isang espesyal na katangian ito sa Hinduismo. Isang pagpapakita ito ng butil ng pag-asa na nasa kaloob-looban ng tao, isang binhi ng kaligtasan na nakatanim na sa kanyang pagkatao. Kung kayang maunawaan o masilayan lang ito, maaring magbigay ito ng kasiyahan mula sa tapat pagsasakatuparan, maaring ito ang magbigay gabay sa kanya tungo sa kaligtasan mula sa samsara. Samakatuwid isang ontolohikal na pundasyon ang dharma ng lahat ng makataong kilos at gawain. Ito ang nagbibigay ng katuturan at patutunguhan sa bawat pagpapasya ng tao.


Maliwanag na tema ng Gita ang walang sawang pagtuklas ng dharma sa bawat gawain, sa bawat isang papel sa lipunan, sa bawat isang tao. Pinagdidiinan ng pansin na isang likas na nakaukit sa tao ang kanyang "dapat" gawin, nakatakda ayon sa kalikasan ng kanyang pagiging tao. Pinapaliwanag ni Krishna kay Arjuna na:


Pantas man at pinuno,
Taga-bigay at tagapag-lingkod:
Merong dharma ang bawat isa
Nakatakda na ayon sa kanyang kalikasan (Gita 1972, 126).


Ang apat na uri ng taong binanggit ay ang apat na antas ng tao sa mundo ng Hinduismo na ang ibig sabihin lahat ng tao. Hindi ito lugar upang tingnan nating masusu itong apat na uri ng pagkakahon sa mga tao ayon sa apat na kategorya. Ngunit mula rin dito, makikita nating sakop ng dharma ang lahat, walang taong makakatakas sa dharma. Ipinapakita na ang bawat isa ay meron nang nakalagdang responsibilidad, meron nang nakatakdang dapat gawin. Kung ang bawat isang nasa kalagayan ng paghihirap ay meron nang nakalagdang dapat gawin, kailangang isailalim itong dharma sa taltong yoga. Ibig sabihin kapag ang isang tao, ayon sa kanyang kalikasan ay namulatan niyang ang kanyang dharma ay maging mandirigma, kailangang isabuhay niya ito ng buong katapatan.


Ngayon narinig mo kung paano maging ganap ang isang tao,
Kung maging tapat lamang siya sa kanyang ginagawa
Na likas sa kanya.
Makakahantong siya sa kaganapan
Kung gagawin niya ang kanyang dharma
Bilang isang pagsamba sa Panginoon,
Na bukal ng buong sangkalawakan,
Sanhi ng lahat ng gawain,
Kahitsaa’t kailanman (Gita 1972, 127).


Ang pagsasagawa ng dharma ay isang personal na gawain. Hindi maaring ang dharma ng isang tao ay ipapagawa niya sa iba. Kaya, ang responsibilidad ng isang tao, ang kanyang likas na bokasyon o tawag ay isang personal na gawaing kanya lamang ito pananagutan. Ano ba ang ibig sabihin ng pananagutan dito? Kung ang bawat tao ay kailangang managot sa batas ng karma sa bawat kanyang gawain, mabuti man ito o masama, siya rin ang babalikat ng bubungahin nito, hindi ang ibang tao. Kung tutuusin, ang pasya ng bawat indibidwal ay isang personal na pasya. Kapag humantong ang pasya sa isang pagsasakatuparan nito, nagsisimula ang pagsasagawa at ang tawag na dapat itong isakatuparan ng tao sa kanyang pamumuhay. At upang pangatawanan ito ang buong puso, kailangan ang hindi nagmamaliw na katapatan.


Mas mabuti pang gawin ang likas na
Dharmang nakatalaga,
Kahit hindi magaling ang pagkagawa
Kaysa gawin ang dharma ng iba,
Kahit napakagaling man
Ang pagkakagawa nito. (Gita 1972, 127).


May espesyal na dharma ang bawat isa, ngunit sa Gita – may isang hiblang tumatahi sa lahat ng makataong dharma. Itong hibla ang kasangkapan kung bakit ang bawat isang dharma na isinasakatuparan ng bawat isa ay may kinalamanan din sa kani-kanilang kapuwang may dharma rin. Kaya posible ang pakikipagkapuwa, posible ang pagtutulungan – sapagkat ang bawat isa ay tapat sa kanyang papel, ayon sa kanyang pinakamabuting alam at sa kakayahang nasa kanyang kamay. Maaring may mga dharmang nagkakasalungatan, tulad halimbawa ng mga banggaan ng interes nina Arjuna at ng kanyang mga pinsan. Ngunit ayon sa abot-tanaw ni Krishna ang mundo ay isang mundo ng kaayusan o rita. Lahat ay merong lugar – ang bawat isa ay merong tawag. Nangyayari lamang pagsasalungat lamang kung hindi malinaw ang dharma o `di kaya’y hindi sinusunod ng tao ang kanyang tunay na dharma.


Kahit na pinagdiriinan ang pagkapersonal ng pagsasagawa ng dharma, binibigyang diin rin sabay ni Krishna na ang pagsasagawa ng dharma ay isang paglilingkod sa kapuwa at sa Diyos. Ang seryosong tao na isinasabuhay ang kanyang dharma ay laging naglilingkod sa kanyang kapwang may dharma rin. Ginagalang niya ang dharma ng iba. Sabay sa paggalang na ito, nararanasan rin ng tao ang dharma bilang isang biyaya – isang likas na naroroon sa kanyang pagkatao - upang iligtas siya sa kadiliman at paghihirap sa samsara. Ito rin ang kanyang kabutihan, na nagmumula sa isang Dakilang Kaibigan na nagmamahal sa kanya.


Ngayon, tinuruan kita ng
Pinakatagong lihim ng karunungan.
Pagnilayan mo ito.
Mamumuhay at gumawa
Ayon sa pinakamabuting alam mo.
Ito ang mga huling salitang ibabahagi ko sa iyo,
Ang pinakamalalim ng tanang katotohanan.
Sinasabi ko ito para sa iyong tunay na kabutihan.
Pinili kitang maging kaibigan,
Minahal kitang isang kaibigan (Gita 1972, 129).


Talasanggunian




De Nicolas, Antonio. 1976. Avatara: The humanization of philosophy through the Bhagavad-Gita. New York: Nicolas Hays Ltd.


Edgerton, Franklin. 1964. The Bhagavad-Gita. New York: Harper and Row, Publishers, Inc.


Gadamer, Hans-Georg. 1984. Truth and Method. 2d revised ed. Translated by Joel Weinsheimer and Donald G. Marshall. New York: Continuum Publishing Company.


Matthew, Anjilvel. 1969. The message of the Gita. Delhi: The Ecumenical Christian Centre.


Merton, Thomas. 1965. Gandhi on non-violence: Selected texts from Mohandas K. Gandhi’s non-violence in peace and war. New York: New Directions Publishing Corporation.


Nakamura, Hijime. 1964. Ways of thinking of eastern peoples: India-China-Tibet-Japan. Honolulu: East-West Center Press.


Organ, Troy Wilson. 1974. Hinduism: Its historical development. New York: Barron’s Educational Series, Inc.


Prabhavananda, Swani and Isherwood, Christopher. 1972. The song of God: Bhagavad-Gita. New York: New American Library.


Renou, Louis. 1962. Hinduism. New York: George Braziller.


Shri Aurobindo. 1949. Essays on the Gita. 4th ed. Calcutta: Arya Publishing House. (check Anjilvil, 73)


Singer, Milton, ed. 1968. Krishna: Myths, rites, and attitudes. Chicago: University of Chicago Press.


Venkateswaran, T.K. 1968. Radha-Krishna Bhajanas of South India. In Krishna: Myths, rites, and attitudes, ed. Milton Singer, 139-172. Chicago: University of Chicago Press.


White, David. 1972. The yoga of knowledge in the Gita according to Sri Aurobindo. International Philosophical Quarterly 12 (June): 243-50.


Zaehner, R. C. 1966. Hinduism. London: Oxford University Press.


_____________. 1973. The Bhagavad-Gita with a commentary based on the original sources. London: Oxford University Press.