Tuesday, August 17, 2004

Bhagavadgita: Kalagayan ng Tao

BHAGAVAD-GITA: KALAGAYAN MAKATAO BILANG PAGHIHIRAP AT PAGKAKATAONG SUMAIBAYO
Jeremy S. Eliab
Pamantasan ng Ateneo de Manila

Paano ba maaring magsalita ang taong may matatag na karunungan? Paano ba siyang maaring lumakad, umupo?
-- Arjuna (Gita 1972, 41)

Ang sinumang hindi namamahagi sa patuloy na nakatakdang galaw ay masama, O Arjuna; sa pagsasaya mula sa pagnanasa sa pita ng laman, namumuhay siyang hungkag.
-- Krishna (Gita 1972, 46)


Sa kasalukuyang panahon na laganap ang pagtuklas ng agham at ang buháy na buháy na paggamit ng makabagong teknolohiya, isang matinding pasya ang mangahas upang tuklasin at magpagpag ng maalikabok na teksto ng mga sinaunang ninuno ng sangkatauhan. Kadalasan, nauuwi lamang sa paghanga at pag-alaala ang pagtingin sa mga klasikal na naisulat ng mga dakilang tao. Ngunit mahalaga ring magbalik-tanaw sa nakaraan, hindi upang panoorin ang mga karanasan ng mga tao noon, ngunit upang pasukin ng may paggalang ang kanilang mga naranasan tulad natin bilang tao ring marupok ngunit nagsisikap na maghanap ng tunay na kahulugan ng buhay makalupa.


Isa sa mga mahalaga at buo pang klasikal na teksto sa kasaysayan ng Pilosopiyang Silangan ay ang Bhagavad-Gita. Ang pagmumunimuning ito ukol sa kayamanan ng Bhagavad-Gita ay isang pagsisikap na pagpagin ang ilan sa halaga at buháy na kahulugan ng pagmemeron tao sa pamimilosopiyang Silangan. Maaaninagan natin na may tahasang pagkakaiba ang Kanluraning pag-iisip sa pilosopiyang isinilang sa Silangan. Madalas taliwas ang pag-uunawa sa kulturang Hinduismo lalo na ng mga Kanluraning mambabasa at mananaliksik (Organ 1974, 4). Sanhi ito ng pagpataw ng Kanluraning konsepto at pananaw sa pilosopiyang ibang iba ang kanyang pinagmulan at mundong ginagalawan.


Isang pagsisikap rin itong subukang ilagay sa wikang Filipino ang kayamanan ng Gita. May isa pang layunin ang paggawa nito sa Filipino --isang pagtatalaban ng abot-tanaw ng Gita ng India at ng kasalukuyang kulturang Filipino. Kahit na madalas malakas ang impluwensiya ng Kanluran sa kulturang Filipino, hindi rin maitatatwang may matatag na pagkakahawig, hindi lamang sa larangang pangkultura, kundi sa mismong larangan ng pagpapakatao ang Hindu at Pilipino. Ayon pa kay Hans-Georg Gadamer, ang pagtatalabang ito ng abot-tanaw (Horizontverschmelzung) ay posible lamang sapagkat ang klasikal na teksto at ang mambabasa nito ay bahagi isang tradisyong patuloy na gumagalaw (Gadamer 1984, 306). Nagpapakita ang teksto bilang posibilidad sa mambabasa na makapag-unawa at magpalawak ng abot-tanaw. Ito na rin ay isang pagpapakita ng samu’t saring kulay at kayamanan ng teksto at ng mambabasa o taga-pagsalin. Kaya nga "sabay isang interpretasyon ang bawat pagsasalin" (Gadamer 1984, 384).


Hawig rin ito sa pagsisikap na kalagayan ni Arjuna sa Gita, mahirap at nakakatakot harapin ang gawain ng pagsasalin at pananaliksik ukol sa Bhagavad-Gita, ayon sa abot-kaya at sa mangilan-ngilan na mapagkukunan ng kaalaman. Ngunit itong kalagayan ng paghihirap ay isa ring pagkakataon upang harapin at pangatawanan ang nararapat gawin. Kailangang lumaban ang mandirigmang si Arjuna sapagkat ito ang kanyang tawag, ito ang kanyang tungkulin o dharma. Sa pakikipaglaban niya nakikilala ang kanyang tunay na kakayahan at kahulugan bilang mandirigma, bilang tao. Ganoon rin, ang bawat isang nagpapagpag sa kayamanan ng nakaraan ay hindi lamang nakikita ang kayamanan nito kundi ang kayamanan rin ng kasalukuyan, na bunga ng patuloy na agos ng tradisyon sa bawat salinlahi (Gadamer 1984, 304). Nakikila rin niya ang kanyang sarili at kakayahan, ang kanyang kontekstong nakikipag-usap at nakikipagtalaban sa teksto, sa Bhagavad-Gita.


Gagamitin ko ang librong Song of God: Bhagavad-Gita, pagsasalin mula sa Sanskrit na teksto tungo sa Ingles nina Swami Prabhavananda at Christopher Isherwood, na may pambungad ni Aldous Huxley. Sa tekstong ito, lalayunin kong tingnan ang kalagayan ni Arjuna bilang isang pagpapahiwatig ng kalagayan ng tao. Nasa krisis at pagka-alanganin ang kalagayang ito, ngunit susubukan kong tingnan sa Gita kung paano nalalampasan ni Arjuna ang kalagayang ito, habang nararanasan niya itong krisis.


May nakatakdang apat na bahagi ang pagsisikap na ito. Tinatalakay unang una ang ukol istorya ng Bhagavad-Gita, samakatuwid isang pambungad ukol sa diwa at patutunguhan ng Gita. Pangalawa, tatalakayin ang kalagayan ni Arjuna bilang sagisag ng paghihirap ng tao. Paksa rin sa bahaging ito ang pag-uunawang Hinduismo ukol sa paghihirap, ang sanhi ng paghihirap at kalagayan ng pagkabihag. Ang Gita, sa kabilang banda, ay hindi nagtatapos sa paghihirap kundi sa kaligtasan mula sa paghihirap. Panghuli, papasok ang talakayan sa landas tungo sa kaligtasan. Samakatuwid, may pinapakita ang Gita na makataong landas at pamumuhay na maaring kaligtasan sabay hantungan ng lahat na nagmemeron: ang kaganapan ng lahat.


 


Ang Bhagavad-Gita: Isang Paglalagom


Isang bahagi lamang ng mas malawak na epikong Mahabharata ang Gita. Ang buong Gita ay isang pagpapatuloy ng kasaysayan ng isang mas malawak na abot-tanaw ng pagtinging Hindu sa sanglibutan. Masasalamin sa buong teksto ang paulit-ulit na pag-uusap nina Krishna at Arjuna, ang pagtatanong at pag-aapuhap ni Arjuna at pagpapaliwanang ni Krishna, ang pagkalito ni Arjuna at katiyakan ni Krishna, ang kahinaan ni Arjuna at pagpapalakas-loob ni Krishna. Samakatuwid, ang buong Gita ay isang sagisag ng paghahanap ni Arjuna ng kaliwanagan bilang taong nasa agaw-dilim, at si Krishna naman ang nagbibigay ng liwanag bilang isang pagpapakita ng ang Diyos sa isang taong naghihirap ang nagbibigay ng liwanag.


Nagsisimula ang Gita sa isang hamon ng pakikidigma sa angkang Pandavas ni Arjuna. Nagsisimula ang Gita Nagkaroon ng sa isang alitan sa pagitan ng pinsan ni Arjuna na si Duryodhana ukol sa usaping pangkaharian. Hinahamon ng pakikidigma ang angkang Pandavas ni Arjuna nina Duryodhana Hindi lamang naging alitan ng dalawang angkan, nakisali na rin ang ibang hari at lokal na prinsipe sampu ng kanilang nasasakupan, hanggang ang buong India ay nahati sa dalawang panig (Prabhavananda at Isherwood 1972, 26). Bilang punong mandirigma ng kanyang angkan, nasa kamay ni Arjuna ang pagpapasya kung lalaban ba o hindi. Nasa alanganing kalagayan si Arjuna sapagkat ang kanyang kalaban ay mismong ang kanyang mga pinsan, kamag-anak at kadugo. Kung sakaling maglalaban, dadanak ang dugo ng kanyang angkan at dahil dito nalulungkot siya.


Nahahati sa labinwalong kabanata ang buong Gita. Tinatalakay ng unang kabanata ang ukol sa kalungkutan ni Arjuna. Mula ikalawang kabanata hanggang sa ika-labinwalo ay ang paglalahad ng buong pag-uusap, tanong-tugon nina Arjuna at Krishna. Maraming nagsasabi na itong mga kabanata ang "Ebanghelyo ng India." May apat na nagsasalita sa buong Gita: si Haring Dhritarashtra, Sanjaya, Arjuna at Krishna. Isang bulag si Haring Dhritarashtra, na ama ni Duryodhana, at si Sanjaya naman ang kanyang ministro at mangangarwahe. Isinasalaysay ni Sanjaya sa kanyang bulag na hari ang buong nangyayari sa Kurukshetra, pati ang usapan nina Krishna at Arjuna (Prabhavananda at Isherwood 1972, 28).


Naging personal na mangangarwahe ni Arjuna si Krishna. Sa kanilang pagsasama bago ang digmaan, nagkaroon sila ng isang matalik at malalim na ugnayan sina Arjuna at Krishna. Natagpuan ni Arjuna na si Krishna pala ay isang pagsasatao ng Diyos na bilang nagbibigay gabay at liwanag sa kanya. Habang nasa kalagayan si Arjuna ng pagka-alanganin at pagdududa ukol sa kanyang kailangang gawin, Ppinapaliwanag ni Krishna sa kanya na dapat tingnan niya ang buhay sabilang kabuuan, na kahit ang mga detalye ng buhay tulad ng angkan, pakikipagkaibigan, katapatan at ugnayang kultural o tradisyunal ay dapat isailalim sa malawak na kabuuan ng buhay. Inaanyayahan ni Krishna si Arjuna na huwag magpakulong at magpakagapos sa baha-bahagi ng buhay kundi tingnan ang buhay bilang may tungkulin at dapat gawin. Samakatuwid, hinahamon ni Krishna si Arjuna na makipaglaban sapagkat ito ang papel niya bilang punong mandirigma. Sa pakikipaglaban, dito lamang matutupad ang kanyang tungkulin at ang kanyang pagmemeron bilang mandirigma, bilang si Arjuna. Sa pagsasakatuparan ng tungkulin, nararanasan rin niya ang kanyang buhay bilang may patutunguhan at tunay na kahulugan.


Nasa kalagayan ng pagkalito si Arjuna. Dala ng pagkalitong ito sa posibleng mangyayari, nalulungkot siya. Nasa situwasyon siya ng sangangdaan kung saan ang kanyang pagpapasya ay isang mahalagang pagpipili, isang napakahalagang pagbabago ng pananaw, pamumuhay at pagkatao. Kung makikipaglaban siya, mapapatay niya ang kanyang mga kamag-anak, mga minamahal, kaibigan, kanyang mga dating guro at kalaro. Dahil sa namumuong takot at lungkot, sinasabihan niya si Krishna mas nanaisin pa niyang sumuko o mamatay kaysa patayin ang kanyang makakalaban (Edgerton 1964, 105). Ilang beses inuulit-ulit ni Arjuna na:


Ano ba ang mapapala ko sa pagkitil ng aking mga kamag-anak ?
Paano ko sila sasaktan, hindi ko ito hihilingin:
Hinding hindi, kahit na hindi ko matatamo
Ang trono ng tatlong sanglibutan.


. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .


Sa halip, hahayaan kong sumugod ang masasamang anak ni
Dhritarashtra dala ang kanilang sandata laban sa akin;
Hindi ako titinag, hindi ko sila sasaktan,
Ngayon hayaan ko silang patayin ako,
Mas mabuti pang ganyan ang mangyayari(Gita 1972, 32 - 34).


Ngunit kung hindi naman siya makikipaglaban, isang malaking kahihiyan ang kanyang mapapala hindi lamang sa harapan ng kanyang angkan kundi sa harapan ng Diyos sapagkat hindi niya pinangatawanan ang ibinigay sa kanyang responsibilidad bilang isang mandirigma. Sinasabihan siya ni Krishna na:


Ngunit kapag tumanggi kang lumaban sa matarungan digmaan,
Umiiwas ka sa iyong dapat gampanan.
Magiging makasalanan ka at kahiya-hiya.
Masasama ang sasabihin ng mga tao ukol sa iyo
Sa lahat ng mga taon (Gita 1972, 39).


Kahit anuman ang kanyang pipiliin, nakikita niya ang napipintong kalungkutan. Ang buong Gita, samakatuwid, ay isang mahabang pag-aapuhap at pagmumunimuni ni Arjuna, sa paggabay ni Krishna, bago magsimula ang digmaan (Edgerton 1964, 105). Ayon sa Mahabhrata, umabot ang buong digmaan sa labinwalong araw, at nangyari ito sa kapatagan ng Kurukshetra. Napatay si Duryodhana at nagtagumpay ang mga Pandavas.


Ang buong diwa ng Bhagavad-Gita ay ang pagtahak ni Arjuna sa ga-buhok na landas tungo sa kabutihan at kaganapan. Nasa kalagayan siya ng pagkalito, nasa kalagayan ng pag-aagaw-dilim: makikipaglaban ba o hindi? Ano ba ang nararapat na landas? Tutupdin ba niya ang kanyang dharma bilang mandirigma o dili kaya hahayaang niyang patayin siya ng kanyang mga kalaban sapagkat mahal niya sila? Sa kalagayang ito, sa mismong krisis na ito naitatanim ang binhi ng paghahanap sa liwanag. Ito ang papel ni Krishna - ang magbigay liwanag sa kalagayan ng kadiliman ni Arjuna.


May ibang pag-uunawa naman na nagsasabing hinikayat ni Krishnang makipaglaban si Arjuna. Marahil hindi maaring tanggihan ang ganitong pag-uunawa at pagbibigay ng ganitong kahulugan sa Gita. Ngunit isa sa mga nagpagpag rin sa kayamanan ng Gita ay ang dakilang Mohandas K. Gandhi. Natuklasan muli niya ang isang sariwa’t bagong kahulugan sabay sinaunang ibig sabihin ng Gita: hindi paghihiganti o karahasan kundi pagsasagawa ng tawag na dapat gawin ng tao (Merton 1965, 4). Pinangatawanang bigyang liwanag ni Gandhi ang kahulugan ng salitang dharma, na hindi isang pagtaliwas sa diwa ng Gita ngunit nasa liwanag ng bagong pakahulugan at mas malawak na abot-tanaw ng salita: ang pagsasagawa ng nararapat sa tao.


 


Paghihirap ang Makalupang Kalagayan


Ayon sa paninindigang Hinduismo, ang paksa na ugat ng lahat na sumasangang landas tungo sa Diyos ay ang paghihirap ng mga nilalang sa lupa. Sa mga mas nauuna pang tekto sa Gita, ang Upanisads at Vedas, sinasabing merong isang Dakilang Brahman na pinanggalingan ng lahat ng nilalang (Edgerton 1964, 121). Ang bawat nilalang ay sumasalamin sa Dakilang Brahman, sinasabi ni Krishna na "bahagi ng aking sarili ang Diyos na nasa bawat nilalang" (Prabhavananda at Isherwood 1972, 111). Ngunit sa kanyang pagsasa-nilalang, pumapasok sa makalupa at materyal na katawan ang kaluluwang mula sa Dakilang Brahman. Itong pagsasakatawan ang sanhi ng karupukan at pagkalimot ng kaluluwa sa kanyang pinanggalingan. Kaya, naghihirap rin ang kaluluwa, hindi lamang dala ng pagkalimot at pagkamarupok, kundi ng kanyang kalagayan ng pagka-bilanggo sa loob ng materyal na katawang nagpapataw ng hangganan sa bawat kanyang gawain.


Sa pananaw ng Hinduismo, hindi magkasalungat ang katawan at kaluluwa. Ayon sa Brhradaranyaka Upanisads, ang materyal na katawan o prakriti at ang kaluluwa o purusa ay sabay bumubukal mula Dakilang Brahman (Zaehner 1973, 13). Ang katawan ay isang biyaya para sa kaluluwa upang mabuhay, ito ang kanyang tahanan, ito ang kanyang larangang maaring magagalawan. Hindi iiral ang purusa kung wala ang prakriti. Samakatuwid, hindi dapat tingnan ang pagsasalubong ng purusa at prakriti sa isang negatibong pananaw, sapagkat kaganapan ng purusa ang pagsasa-prakriti, at kaganapan rin ng prakriti ang pagsasa-purusa.


May tahasang pagkakaiba ito sa Kanluraning pag-iisip na ang katawan ay ibang iba at kabaligtaran ng kaluluwa. Sa Kanluraning pilosopiya, madalas tinatalakay ang dalawa bilang naglalabanan, bilang banggaan ng masama at ng mabuti. Magiging ganap lamang ang kaluluwa kapag nalampasan nito ang katawan sa pamamagitan ng kamatayan. Sa kabilang banda, walang nangyayaring kamatayan sa paniniwalang Hindu. Maaring paulit-ulit mamatay ngunit hindi talaga kamatayan bilang hangganan ng lahat ng buhay. Ang kamatayan sa Hinduismo ay tanda ng pagbabagong anyo, maaring sa lupa o sa langit.


Kung titingnan natin sa pananaw ng Gita, kahit na ang mismong katawan ay tinatatawag na sitwasyon ng pagkabihag at paghihirap, ito mismo ay sabay biyaya rin. May positibong abot-tanaw ang paninging Silangan sa materyal na aspeto, ngunit hindi rin ito nangangahulugang ang prakriti ay mas mahalaga kaysa sa purusa. Ang dalawa ay mga bahagi ng kabuuang pamumuhay na makalupa. Kaya kailangang tingnan ang dalawa bilang nagtutulungan, bilang bahagi ng iisang buhay, bilang bumubukal mula sa Dakilang Brahman.


Unawain ito, O Arjuna:
Lahat na nilalang ay nagmumula sa
Pagkakaisa ng prakriti at purusa (Gita 1972, 104).


Sa Gita, hindi ibig sabihin na ang Diyos ay naging isang nilalang sa pagkatao ni Krishna. Hindi masyadong pinapahalagahan ang pagiging isang nilalang o pagiging tao ni Krishna, nakikilala siya hindi bilang nilalang mula sa pagsasalubungan ng purusa at prakriti. Mas pinagdidiinan ng pansin ang kanyang pagiging Diyos, pagiging isang avatar o pagpapakita ng Diyos. Madalas kapag kinakausap ni Krishna si Arjuna, nagpapakilala siya, hindi bilang isang nilalang, kundi bilang Brahman. Sinabi ni Krishna:


Sapagkat ako si Brahman sa katawang ito,
Ang Buhay na walang hanggan
Na hindi mamatay:
Ako ang Katotohanan
At Kaligayahan magpakailanman (Gita 1972, 110).


Samakatuwid, si Krishna ay tanda ng kaganapan at hindi kasama sa kalagayang nararanasan ni Arjuna. Sinasagisag ni Krishna ang Diyos bilang nakikipagtagpo, hindi lamang minsanan, kundi sa lahat ng pagkakataon sa pamamalagi ng tao kalagayan kanyang kinapapalooban.


Sa kaunting panahong pagsasama nila bago ang digmaan, madalas nakikipag-ugnayan si Arjuna kay Krishna na tumataglay ng dalawang aspeto nito: pagkanilalang at pagka-banal. Ngunit madalas nakakalimutan ni Arjuna ang pagka-Diyos ni Krishna dala ng kanyang kahinaan at karupukan. Pagpapakita ito ng Gita na hindi makakayanan ng taong makiugnay sa banal ng tuluyan at walang pagkukulang (Prabhavananda at Isherwood 1972, 29). Laging may pagkukulang dala ng kanyang kahinaan. Maraming beses humingi ng paumanhin si Arjuna kay Krishna ukol sa pagkalimot na ito. Namamangha rin si Arjuna sa kababaang loob ng Diyos na nakikipag-ugnayan sa kanya bilang kaibigan, kapuwa at kasama sa kanyang pakikibaka sa mundo ng kahinaan.


Hindi lamang pagkalimot sa Dakilang Brahman ang pagkukulang ng bawat isang nilalang sa pag-uunawang Hinduismo. Napapatindi pa ang pagkukulang na ito sa pamamagitan ng gawi, pag-uugali, gawain at pamumuhay ng isang nilalang sa kanyang pananatili sa materyal na katawan. May pag-uunawa ang Hinduismo na hindi namamatay ang purusa, "ang walang kamatayang naninirahan na nakagapos sa katawan" (Gita 1972, 106) sapagkat ito ay isang pagpepresensiya ni Brahman sa sanlibutan. Ngunit habang namumuhay ang nilalang, maaring paiba-iba siya ng prakriti, maaring sa buhay niya ngayon ay bilang aso, sa susunod na buhay ay bilang tao. Samakatuwid maaring magkakaroon ng maraming uri ng buhay, maaring maraming larangan o nibel ng pamumuhay ang purusa ayon sa prakriti na maaring mapuntahan ito. Parang kasuotan ang prakriti na maaring hubari’t isuot ng purusa. Nagbabago, tumutubo, tumatanda, isinisilang at naagnas ang prakriti; matatag, buo, hindi nanginginig at walang hanggan naman ang purusa. Ayon kay Krishna:


Pinapalitan ng katawan
Ang sira nang mga damit;
Pinapalitan naman ng kaluluwa
Ang sira nang mga katawan.
Sinusuot muli ng naninirahan
Ang bagong katawan
Tulad ng damit (Gita 1972, 37).


Ang uri ng pamumuhay ng isang nilalang sa dati niyang buhay ang nagtatakda ng susunod na prakriti o buhay ng purusa. Kung naging mabuti ang aso, ayon sa kanyang tungkulin bilang aso, maaring ang susunod niyang buhay ay nasa mas mataas na antas. Kung masama naman ang gawi ng isang tao ngayon sa kanyang buhay, maaring ang susunod niyang buhay ay nasa mas mababang antas ng mga nilalang. Kaya masasabing ang gawaing mabuti ay nagbubunga ng mabuti, at ang gawaing masama ay nagbubunga ng masama. Ito ang prinsipyong karma (Zaehner 1973, 17). Isang pagtitimbang ng kabuuang kalidad ng buhay ang prinsipyong ito at hindi lamang mga detalye at partikular na pangyayari sa buhay ng isang nilalang. Maaring maging sanhi ng tuluyang pagkagapos sa mababang antas ng pamumuhay ang purusa dahil sa mababang kalidad ng kanyang pamumuhay, o umangat upang humantong sa kaligtasan mula sa pagkagapos.


Habang paulit-ulit na sumasa-prakriti ang purusa, maaaring ito ang maging daan upang gumanda at lumundag lagi sa mas mataas na antas ng buhay. Ngunit maari ring ito ang maging sanhi ng paulit-ulit na pagsilang at paulit-ulit na kamatayan. Tinatawag itong samsara (Venkateswaran 1968, 166). Hangga’t hindi makalabas ang purusa sa paulit-ulit na pagsilang at kamatayan, hindi ito makakamit ng kaligtasan. Kaya ang mismong pagsasalin-salin sa iba’t ibang katawang materyal ay tanda ng paghihirap, ng pagkukulang.


Kung babalikan natin ang buong istorya ng Gita, pinapakita ang kalagayan ng tao sa pagkatao ni Arjuna. Nasa kalagayan siya na parang binunot sa sarili niyang kinatatayuan, isang kalagayang parang wala pa sa sariling tahanan, isang kalagayang patuloy pang tinatahak at nilalakbay. Kaya masasabing ang kalagayan ng pagsasa-prakriti ay isang sitwasyon ng paglalakbay, hindi lamang isang moral na paglalakbay tungo sa kabutihan, kundi isang pagpapakatao mismo. Masasabi ring ang samsara ang paglalakbay, nagpapalit ng katawan hanggang humantong sa kaligtasan mula sa paulit-ulit na pagsilang. Sinabi namang hantungan ng lahat ng pagsisikap ang kaligtasan ito.


Ang dahilan ng patuloy na pagsasalin-salin sa iba’t ibang katawan o samsara ay pagkadikit at paglalasing ng nilalang sa kaligayahang idinudulot ng materyal na katawan. Pinapaliwanag ni Krishna na ang kalungkutan ni Arjuna ay sanhi ng pagkadikit niya sa makataong ugnayan. Nalulungkot si Arjuna sapagkat nakikita niya ang buhay bilang katawang materyal lamang, kaligayahan ang magkaroon ng katawan at aliw mula sa katawan. Kalungkutan naman ang idinudulot ng kamatayan. Nakikita lamang niya buhay bilang katawang materyal na masasaktan, mapapatay, maaagnas at maglalaho. Inaakala ni Arjuna na maglalaho na magpakailanman ang kanyang mga kamag-anak kapag pumasya siyang lumaban sapagkat mawawalay siya sa kanila kapag naglaho ang presensiyang pisikal ng kanyang minamahal.


Hinihikayat naman ni Krishna si Arjuna na ang mahalaga ay ang tingnan ang kabuuan ng buhay, hindi lamang materyal na katawan kundi bilang lumalampas sa materyal, ang larangan na di-mahipo at di-makita. Sinusubukang ipaliwanag ni Krishna sa kanya na:


Sinabi na mamatay ang katawan,
Ngunit walang hanggan naman
Iyong naninirahan sa katawan.
Walang hangganan, hindi mawawasak.
Samakatuwid, lumaban ka (Gita 1972, 36).


Bumubunga ng pagkabulag na makita ang lampas pa sa katawan, ang kaligayahang sumasaibayo sa katawan itong pagkadikit sa materyal. Ito ang kaligayahan mula sa paglabas sa samsara, ito ang kaligayahang mula sa kapayapaan ng purusa na hindi na magsasalin-salin sa iba’t ibang katawan. Sa kabilang banda, ang paghantong sa ganitong uring pagmumulat ay isang paglalakbay na hindi nangyayari bilang minsanan lamang. Mahirap at matindi ang pagsubok sa paglalakbay na ito, hinahamon ang katapatan ng tao sa gitna ng kahirapan at sakit.


Ngunit mahihirapan ang mga tapat sa di-nakikita,
Sapagkat mahirap mamulatan
Ng sumakatawang purusa
Ang di-nakikita.
Sinasanay ng mga tapat ang kanilang sarili
Ukol sa kanilang natutunang karunungan,
Ako bilang kanilang laging hiling.
Sa akin nila isinusuko ang kanilang puso at isip.
Lubos kong minamahal sila (Gita 1972, 98, 100).


Samakatuwid nagmumula mismo sa Dakilang Brahman ang buong paghihirap ng tao na sinasagisag ni Arjuna sa Gita. Isang biyaya, hangganan sabay isang abot-tanaw ng pamumuhay itong kalagayan ng pagkabihag, kalagayan ng pagkawala-sa-sariling-tahanan. Habang ginagalugad at tinutuklas ng purusa ang larangang materyal na prakriti, maaring magpakasasa ang tao sa kaligayahang idinudulot ng materyal na katawan hanggang sa tuluyan na nitong makalimutan lampas pa sa katawan. Ngunit maari rin namang siya sa katotohanan, sa hindi nagbabago, buong buo, matatag, hindi nanginginig at walang hanggan. Ito ang panahon ng liwanag, ito ang panahon ng pagkamulat at kaligtasan.


 


Ang Kaligtasan mula sa Kalagayan ng Paghihirap


Mula sa ikalawang hanggang sa ikalabinwalong kabanata ng Gita, ang pagtatanong ni Arjuna kay Krishna ay ukol sa iba’t ibang landas tungo sa kaligtasan. Nasa mismong kalagayan rin ng paghihirap, ng pagkabihag ang kaligtasan mula sa samsara. Sapagkat sumusunod sa batas ng karma ang buhay, tumpak ring sabihin sa pamamagitan ng mabuting gawi, pag-aasal at pamumuhay, natatamo ng purusa ang kaganapan (de Nicolas 1973, 206, 314). Ito ang panahon ng pagkakalas sa pagkagapos, ito ang panahon ng pag-uwi sa sariling tahanan.


Sa Sanskrit, katumbas ng kaligtasan ang katagang moksha. Sa Hinduismo, ang mundo ng moskha ang pinag-iikutan ng samu’t saring sistema ng pag-iisip at relihiyon. Tatalakayin lamang dito ang ilan sa mahahalagang aspeto ng moksha na sinasabi ng Gita. Naisilang itong mundo ng moksha mula sa karanasan ng tao na ang mundo na makalupa ay puno ng paghihirap. Kung ating titingnan ang nararanasan ng tao, laging sumusunod sa batas ng karma: magbubunga ang mabuting gawain o yoga ng mabuti, magbubunga ang masamang gawain ng masama. Paulit-ulit itong mangyayari ng walang patid, isang paulit-ulit na pagpapasan ng kailangang gawin sapagkat ang bawat buhay na kinasilangan ay nagdadala ng panibagong responsibilidad at dapat gawin. Sa mga Hindu, ito ang kanilang impiyerno – ang walang hanggang pagsilang at kamatayan sa mundo ng paulit-ulit, walang patutunguhan at nakakabagot na buhay materyal.


May pagka-mistiko ang Gita, ibig sabihin laging may ipinapalagay na ibang klaseng mundo na nasa larangang lampas sa nararanasan ngayon ng tao. Ngunit hindi rin ibig sabihin na itong mundong ito ay hindi matatamo ng tao sa kanyang buhay-lupa. Maaring mangyari na mararanasan ito ng tao ngunit sa isang mahirap at mahabang proseso sa kanyang buhay (Organ 1974, 29).


Ang buong pag-uusap nina Krishna at Arjuna ang sandali ng pagbubunyag ng Dakilang Brahman ng landas upang makatakas sa pagkagapos sa samsara. Hindi lamang tangan ni Krishna ang sekreto ukol sa moksha kundi ang pagmamahal at tunay na pag-aalala ng Diyos sa tao na mismong kanyang kalooban mailigtas (Zaehner 1966, 65). Sa kalagayan ni Arjuna dumating ang biyaya ng liwanag bilang kaligtasan hindi lamang sa materyal na pakikidigma sa kanyang hinaharap na kalaban kundi sa mundo mismong naghahari ang samsara at ang batas ng karma.


Unang landas ng kaligtasan ay ang pagmumulat o jhana-yoga. Sapagkat ang sanhi ang paghihirap ay ang pagkabulag ng tao sa harapan ng katotohanan, na ang tunay at totoo lamang ang hindi nagbabago. Habang hindi ito nakikilala ng nilalang, nakadikit pa rin ito sa kaligayan ng katawan. Ang paghihiwalay naman sa kaligayahang dulot ng katawan habang nabubuhay dito ay ang pagkilala ng ibang kaligayahan - ang kaligayahang hindi galing sa katawan kundi mula sa pagkilala ng Tunay na Sarili o ãtman. Isang pagmumulat sa purusa ang pagkilalang ito, isang pagkilala at pag-amin sa walang hanggang purusa na nasa katawan. Kay Krishna, "ito ang pinakamataas na antas ng pag-uunawa" (Prabhavananda and Isherwood 1972, 100), ang malaman ng isang nilalang ang pagkakaiba ng purusa sa prakriti. Hindi lamang nakikila ang purusa na nasa kanya, kundi ang Dakilang Brahman na nagpepresensiya sa pamamagitan ng purusa. Kasabay nito, nakikila rin ng taong naliwanagan ang presensiya ng Dakilang Brahman hindi lamang sa kapuwa tao kundi sa lahat na nilalang. Ito ang panahon ang pagdanas sa presensiya ng Dakilang Brahman sa buhay makalupa (Edgerton 1964, 165). Samakatuwid, ang unang hakbang ng kaligtasan ay ang tunay na pag-uunawa at pagmumulat sa kalikasan ng mga nilalang, na ang bawat isang nilalang ay may isang hindi nagbabagong purusa at may marupok na prakriti.


Sinasabing tunay marunong ang tumitingin
Na gumagawa ng walang pagnanasa
Sa binubunga ng gawang katawan.
Kusang nangyayari ang gawain,
At ang mga kadena nito’y nawasak,
Natunaw ng apoy ng aking karunungan.
Tinalikuran niya ang mga bunga,
Wala na siyang hahanapin pa:
Sapat na ang atman,
Gumagawa siya,
Ngunit nilalampasan niya
Ang kanyang ginagawa (Gita 1972, 52)


Hindi lamang pagmumulat sa kalikasan ng purusa at prakriti ang dapat maranasan, kailangan ng matalas at alisto na pag-uunawa na ang Dakilang Brahman ay dapat makilala rin sa bawat nilalang. Hindi isang pagkilalang nasa larangan lamang ng guni-guni at isip kundi isang pagkilala na sabay isinasabuhay sa kongkretong karanasan at pakikisalamuha ng tao sa kanyang kapaligiran (de Nicolas 1973, 197). Isang pagkilala na isinabuhay, isang pagkilala na dumadaloy at isinasakatuparan ng pakikipagrelasyon at pakikipag-ugnayan. Tinatawag itong pangalawang landas na pagsasabuhay o karma-yoga (Renou 1962, 43) ng namulatan. Kaya masasabing ang Gita ay hindi lamang epistemolohikal kundi may isang paglalahad etikal rin.


Hindi buo at sapat ang pagmumulat at pag-uunawa kung hindi naman ito isinasabuhay sa kongkretong karanasan. Pinagdidiinan ng pansin ng Gita na ang paglalakabay tungo sa tunay na hantungan ng tao ay isang pamumuhay at hindi lamang isang minsanang pasya at pangyayari. Sinasaklaw ng pamumuhay na ito ang buong buhay, ang kabuuang kalidad ng pamumuhay. At espesyal na pinagdidiinan ng pansin na ang pamumuhay ay dapat hubad sa pagnanasang materyal. Ang ibig sabihin, isang pagsasagawa na hindi ninananasa ang ibinubunga nito, maging kaligayahan man o kalungkutan, tagumpay man o pagkabigo.


Ngunit hindi rin nagpapakita ang Gita ng malinaw na dapat gawin ng tao o kung paano isasabuhay ng tao ang kanyang namulatan. Hindi malinaw na sinasabi ng Gita ang dapat na pamumuhay. Hinahayaan nito ang bawat isa na magnilay, magtimbang, mag-isip ayon sa kanyang sariling kakayahan kung ano ang nararapat gawin. Sinasabi ito ni Krishna sa panghuling bahagi ng kanilang pag-uusap, na sa aking palagay, isang napakahalagang habilin kay Arjuna:


Ngayon, tinuruan kita ng
Pinakatagong lihim ng karunungan.
Pagnilayan mo ito.
Mamumuhay at gumawa
Ayon sa pinakamabuting alam mo.
Ito ang mga huling salitang ibabahagi ko sa iyo,
Ang pinakamalalim ng tanang katotohanan.
Sinasabi ko ito para sa iyong kabutihan.
Pinili kitang maging kaibigan,
Minahal kitang isang kaibigan (Gita 1972, 129).


Kailangan itong pamumuhay ay dapat sabayan ng katapatan o bhakti-yoga (Organ 1974, 148). Kung hinahayaan ang bawat isa na gumawa ng sarili niyang landas upang makamit ang moksha, ang napiling landas mula sa pagmumulat (jhana-yoga) na isinasabuhay (karma-yoga) ay dapat gawin sa isang tapat na pamamaraan (bhakti-yoga). Masisilayan dito na hinihingi sa bawat isa ang kanyang katapatan upang makamit ang minimithi niyang kaligtasan. Ito ang hinihingi ni Krishna kay Arjuna. Nagdududa si Arjuna, natatakot at nalulungkot. Unti-unti siyang tinatalo ng kanyang damdamin, ng kanyang mga pagnanasa at ninanasa, ng kanyang mga pinapangarap. Kahit na ang kanyang katapatan ay binabantaang wasakin ng mga tukso ng kanyang damdamin. Kaya sinasabi sa kanya ni Krishna:


Ibigin mo ako ng buo mong puso,
Pakamahalin mo ako,
Lagi akong sambahin,
Sa akin ka lamang pumugay,
At matatagpuan mo ako:
Ito ang aking pangako
Na malugod na nagmamahal sa iyo.
Ibigay mo sa akin ang lahat ng iyong pinapasan,
Ako na iyong silungan at takbuhan.
Huwag ka nang matakot,
Sapagkat ililigtas kita
Mula sa kasalanan at pagkagapos (Gita 1972, 129).


Binubuo ng tatlong yoga ang buong buhay ng tao, na nagsisimula sa walang kadudadudang pagmumulat at humahantong sa pagsasabuhay, na siya namang nga landas ng kaligtasan (White 1972, 245). Nagsisilbing mga haligi ito tungo sa pagkamit ng tao ng kaligtasan. Ngunit itong tatlong landas ay nakatayo sa isang batayan na siyang saligan ng buong pamimilosopiya at abot-tanaw ng Hinduismo. Tinatawag itong saligan bilang dharma.


 


Dharma: Landas ng Pagpapakatao tungo sa Moksha


Itong huling bahagi ay isang pagsisikap na tingnan ang dharma bilang isang tunay na landas sa pamumuhay ng tao na nais iparating ng Gita. Sapagkat itong pagmumunimuni ay nasa larangang pilosopiko, hindi maiiwasan sa pagtalakay ng abot-tanaw ng Hinduismo na pumasok ang pagninilay sa larangan ng teolohiya. Dala ito ng katangiang Hindu na laging ang paniniwala ay sabay isang pamimilosopiya, teolohiya sabay pilosopiya samakatuwid.


Una, hindi isang doktrina o isang prinsipyo ang Gita. Ito ay isang buhay na pagpapakita sa isang pangkaraniwa’t madalas na karanasan ng tao: ang krisis ng tao sa kanyang paghahanap ng kanyang sarili, kanyang kahulugan, at tunay na patutunguhan. Ito ang kongkretong kalagayan ni Arjuna sa simula ng Bhagavad-Gita – isang kongkretong kalagayan na posibleng nararanasan ng bawat tao, upang magmeron bilang tao, ay dapat harapin at buuin ang kanyang sarili at paninindigan. Ang nararanasan ni Arjuna, na isinalaysay sa unang kabanata, ay nagsisimula lamang sa isang tanong: "lalaban ba ako o hindi?" Isa siyang mandirigma, isang prinsipe, isang politiko, isang pinuno - hindi lamang isang pangkaraniwang tao. Sa gagawin niyang pasya nakabitin hindi lamang ang kanyang personal na buhay kundi ang lipunan na kanyang kinapapalooban. Ang kanyang pasya ay isang pasyang mahalaga, pasyang magbabago ng mukha ng lipunan, ng mga relasyon, ng mukha ng kanilang daigdig.


Ngayon nasa bingit siya ng digmaan – nakaharap siya sa labanan, isang pakikipaglabanan sa kanyang dharma: susundin ba niya ito o hindi? Ngunit bago talakayin ang karanasang dharma sa Gita, mahalagang balikan ang mundo ng Hinduismo upang makita ang konteksto ng katagang dharma. Nagmula ang katagang dharma sa pandiwang dharati na ang ibig sabihin ay "hawak," "dala," "alaala," "manatili at tumagal." Ang ugat ay dhr na may kahulugang "ang saligan" o "ang humahawak" (de Nicolas 1976, 213). Kung pagmumunihan itong salita – may isang lumalabas na ang dharma ay isang "kuwan" na laging dala-dala ng tao, hawak niya at hawak rin siya, laging nagpapaalaala o inaalaala, nanatili sa kalooban ng tao, binabata ng tao, tumatagal sa kanya. May isang espesyal na katangian ito sa Hinduismo. Isang pagpapakita ito ng butil ng pag-asa na nasa kaloob-looban ng tao, isang binhi ng kaligtasan na nakatanim na sa kanyang pagkatao. Kung kayang maunawaan o masilayan lang ito, maaring magbigay ito ng kasiyahan mula sa tapat pagsasakatuparan, maaring ito ang magbigay gabay sa kanya tungo sa kaligtasan mula sa samsara. Samakatuwid isang ontolohikal na pundasyon ang dharma ng lahat ng makataong kilos at gawain. Ito ang nagbibigay ng katuturan at patutunguhan sa bawat pagpapasya ng tao.


Maliwanag na tema ng Gita ang walang sawang pagtuklas ng dharma sa bawat gawain, sa bawat isang papel sa lipunan, sa bawat isang tao. Pinagdidiinan ng pansin na isang likas na nakaukit sa tao ang kanyang "dapat" gawin, nakatakda ayon sa kalikasan ng kanyang pagiging tao. Pinapaliwanag ni Krishna kay Arjuna na:


Pantas man at pinuno,
Taga-bigay at tagapag-lingkod:
Merong dharma ang bawat isa
Nakatakda na ayon sa kanyang kalikasan (Gita 1972, 126).


Ang apat na uri ng taong binanggit ay ang apat na antas ng tao sa mundo ng Hinduismo na ang ibig sabihin lahat ng tao. Hindi ito lugar upang tingnan nating masusu itong apat na uri ng pagkakahon sa mga tao ayon sa apat na kategorya. Ngunit mula rin dito, makikita nating sakop ng dharma ang lahat, walang taong makakatakas sa dharma. Ipinapakita na ang bawat isa ay meron nang nakalagdang responsibilidad, meron nang nakatakdang dapat gawin. Kung ang bawat isang nasa kalagayan ng paghihirap ay meron nang nakalagdang dapat gawin, kailangang isailalim itong dharma sa taltong yoga. Ibig sabihin kapag ang isang tao, ayon sa kanyang kalikasan ay namulatan niyang ang kanyang dharma ay maging mandirigma, kailangang isabuhay niya ito ng buong katapatan.


Ngayon narinig mo kung paano maging ganap ang isang tao,
Kung maging tapat lamang siya sa kanyang ginagawa
Na likas sa kanya.
Makakahantong siya sa kaganapan
Kung gagawin niya ang kanyang dharma
Bilang isang pagsamba sa Panginoon,
Na bukal ng buong sangkalawakan,
Sanhi ng lahat ng gawain,
Kahitsaa’t kailanman (Gita 1972, 127).


Ang pagsasagawa ng dharma ay isang personal na gawain. Hindi maaring ang dharma ng isang tao ay ipapagawa niya sa iba. Kaya, ang responsibilidad ng isang tao, ang kanyang likas na bokasyon o tawag ay isang personal na gawaing kanya lamang ito pananagutan. Ano ba ang ibig sabihin ng pananagutan dito? Kung ang bawat tao ay kailangang managot sa batas ng karma sa bawat kanyang gawain, mabuti man ito o masama, siya rin ang babalikat ng bubungahin nito, hindi ang ibang tao. Kung tutuusin, ang pasya ng bawat indibidwal ay isang personal na pasya. Kapag humantong ang pasya sa isang pagsasakatuparan nito, nagsisimula ang pagsasagawa at ang tawag na dapat itong isakatuparan ng tao sa kanyang pamumuhay. At upang pangatawanan ito ang buong puso, kailangan ang hindi nagmamaliw na katapatan.


Mas mabuti pang gawin ang likas na
Dharmang nakatalaga,
Kahit hindi magaling ang pagkagawa
Kaysa gawin ang dharma ng iba,
Kahit napakagaling man
Ang pagkakagawa nito. (Gita 1972, 127).


May espesyal na dharma ang bawat isa, ngunit sa Gita – may isang hiblang tumatahi sa lahat ng makataong dharma. Itong hibla ang kasangkapan kung bakit ang bawat isang dharma na isinasakatuparan ng bawat isa ay may kinalamanan din sa kani-kanilang kapuwang may dharma rin. Kaya posible ang pakikipagkapuwa, posible ang pagtutulungan – sapagkat ang bawat isa ay tapat sa kanyang papel, ayon sa kanyang pinakamabuting alam at sa kakayahang nasa kanyang kamay. Maaring may mga dharmang nagkakasalungatan, tulad halimbawa ng mga banggaan ng interes nina Arjuna at ng kanyang mga pinsan. Ngunit ayon sa abot-tanaw ni Krishna ang mundo ay isang mundo ng kaayusan o rita. Lahat ay merong lugar – ang bawat isa ay merong tawag. Nangyayari lamang pagsasalungat lamang kung hindi malinaw ang dharma o `di kaya’y hindi sinusunod ng tao ang kanyang tunay na dharma.


Kahit na pinagdiriinan ang pagkapersonal ng pagsasagawa ng dharma, binibigyang diin rin sabay ni Krishna na ang pagsasagawa ng dharma ay isang paglilingkod sa kapuwa at sa Diyos. Ang seryosong tao na isinasabuhay ang kanyang dharma ay laging naglilingkod sa kanyang kapwang may dharma rin. Ginagalang niya ang dharma ng iba. Sabay sa paggalang na ito, nararanasan rin ng tao ang dharma bilang isang biyaya – isang likas na naroroon sa kanyang pagkatao - upang iligtas siya sa kadiliman at paghihirap sa samsara. Ito rin ang kanyang kabutihan, na nagmumula sa isang Dakilang Kaibigan na nagmamahal sa kanya.


Ngayon, tinuruan kita ng
Pinakatagong lihim ng karunungan.
Pagnilayan mo ito.
Mamumuhay at gumawa
Ayon sa pinakamabuting alam mo.
Ito ang mga huling salitang ibabahagi ko sa iyo,
Ang pinakamalalim ng tanang katotohanan.
Sinasabi ko ito para sa iyong tunay na kabutihan.
Pinili kitang maging kaibigan,
Minahal kitang isang kaibigan (Gita 1972, 129).


Talasanggunian




De Nicolas, Antonio. 1976. Avatara: The humanization of philosophy through the Bhagavad-Gita. New York: Nicolas Hays Ltd.


Edgerton, Franklin. 1964. The Bhagavad-Gita. New York: Harper and Row, Publishers, Inc.


Gadamer, Hans-Georg. 1984. Truth and Method. 2d revised ed. Translated by Joel Weinsheimer and Donald G. Marshall. New York: Continuum Publishing Company.


Matthew, Anjilvel. 1969. The message of the Gita. Delhi: The Ecumenical Christian Centre.


Merton, Thomas. 1965. Gandhi on non-violence: Selected texts from Mohandas K. Gandhi’s non-violence in peace and war. New York: New Directions Publishing Corporation.


Nakamura, Hijime. 1964. Ways of thinking of eastern peoples: India-China-Tibet-Japan. Honolulu: East-West Center Press.


Organ, Troy Wilson. 1974. Hinduism: Its historical development. New York: Barron’s Educational Series, Inc.


Prabhavananda, Swani and Isherwood, Christopher. 1972. The song of God: Bhagavad-Gita. New York: New American Library.


Renou, Louis. 1962. Hinduism. New York: George Braziller.


Shri Aurobindo. 1949. Essays on the Gita. 4th ed. Calcutta: Arya Publishing House. (check Anjilvil, 73)


Singer, Milton, ed. 1968. Krishna: Myths, rites, and attitudes. Chicago: University of Chicago Press.


Venkateswaran, T.K. 1968. Radha-Krishna Bhajanas of South India. In Krishna: Myths, rites, and attitudes, ed. Milton Singer, 139-172. Chicago: University of Chicago Press.


White, David. 1972. The yoga of knowledge in the Gita according to Sri Aurobindo. International Philosophical Quarterly 12 (June): 243-50.


Zaehner, R. C. 1966. Hinduism. London: Oxford University Press.


_____________. 1973. The Bhagavad-Gita with a commentary based on the original sources. London: Oxford University Press.