June 10, 2004: (Sabado) TORONTO. Maaga pa akong nagising upang sumama sa mga isang grupo ng mga alumni na pupunta sa Niagara. 7AM pa lamang, nasa lobby na kami ni Fr. Ting Samson, SJ, mabilisang pagkain ng almusal. Tapos handa na kaming lahat, dala ko ang cameras at iba pa.
Mag-aalas nuwebe na ng umaga, hindi pa dumating ang sasakyan naming bus. Yun pala, ang kinontrata ng AAAC na tao, Linggo ba naman nakareserba ang bus. Ibig sabihin isang araw at isang gabing maghihintay ng bus sa lobby. hehehe. Nagkaroon ng munting rebolusyon ang mga Pilipinong Atenista sa Toronto - hindi lang pala sa Pilipinas ang "PAL is always late." Heto, di lang late... talagang super late. Mamaya maririnig mo na ang mga Atenistang sumisigaw "Give me my refund, I paid $60 for this trip." Kawawa naman ang mga Canadians, napagalitan ng isang 5'4" na mga pinoy. Kaso yung mama na sinisingil, wala nang pera! Binayaran na niya ang bus na kinabukasan pa darating, pati ang mga fees sa Niagara.
Hindi na lang kami sumama sa mga nagrebolusyong Atenista. Umeskapo na kami, at tinawagan ang isang dating estudiyante ng Xavier University na nasa Toronto. Alas diyes y medya ng umaga, naglakad na kami... eto ang sabi kong ALAY-LAKAD dahil pitong oras kaming maglalakad sa downtown Toronto.
Mula sa itaas heto ang makikitang area na nilakad namin:
Heto naman ang mapa na dala dala ko, sakaling mawala ako at di na namin alam kung paano umuwi sa Marriot. Mahirap na.
Nagsimula kami sa harapan ng Marriot Eaton Hotel, merong art exhibit kaya nakiusyoso kami. May ukay-ukay, may mga ceramics, iba ibang glass making design, etc. Binaybay namin ang Bay Street. Habang nakikita namin ang malaking City Hall of Toronto:
Dumaan kami sa Old City Hall, sa Toronto Stock Exchange, Hockey Hall of Fame. Ito yung mga hindi mo gaanong makita kung sasakay sa tren o sa bus. Sarap maglakad dahil sariwa ang hangin. Sa dulo ng Bay Street ang Union Train Station, ang mga tren papuntang iba't ibang lugar sa Canada, pati sa US ay nasa loob. Dumaan din kami sa Air Canada Centre papuntang Harbour St na kaharap ng Lake Ontario. Tumambay kami sa Queen's Quay Terminal. Medyo nakakapagod kaya umupo muna kami habang pinapanood ang lawa.
Nakatiyempo ako ng isang bangkang de layag na dumaan, ikot ng ikot upang makakuha ng ako ng tamang anggulo at sabay banat ng "rule of thirds" sa photocomposition:
Doon na kami kumain sa harbour, bumili lang kaming tatlo ng makain sa Subway. Tapos lakad uli paakyat naman sa Spadina St. Dumaan kami sa Navy Wharf, Blue Jays Centre, na malapit sa Skydome. Nadaanan din namin ang CN Tower:
Habang binabaybay namin ang Spadina, dadaanan din ang Chinatown. Pati ang street names at pedestrian signs, bilingual - English/Chinese. Ukay ukay naman ang Chinatown. Tapos lumiko kami pakanan, sa College St. Ito ang daan sa harapan ng University Toronto.
Pumasok kami sa main street ng University of Toronto. Marami ring naglalakad kahit na summer vacation. May kasalan pa nga sa loob ng university. Dito rin pala natagpuan ang Insulin, mga propesor sa Dept of Chemistry sa Medical School ng Univ of Toronto. Ang galing!
Pagkatapos, pumunta kami sa Legislative Buildings sa harapan ng Queen's Park. Ang ganda ng mga bulaklak, at 18th century pa itong mga gusaling ito.
Lumabas kami sa Bloor St West at pumasok sa Royal Ontario Museum. Kamanghamangha ang collections ng Museum. Inabot kami ng humigit sa isang oras sa loob, ngunit kulang pa rin yun. Di ko naubos ang iba ibang galleries. Mabilisan lang ang pagbisita, di makapagmuni sa mga collections.
Tapos habang paalis na kami, may isang turistang nagbigay sa amin ng tickets para naman sa Art Gallery of Ontario. Ang bait naman nun. Sakay kami ng subway train papuntang Dundas St. Mabilisan din, di masyadong makapagmuni sa mga paintings.
Bumalik kami bago mag-ala sais sa Marriot Eaton Hotel. May misa 6PM tapos may gala night. Formal lahat, kaya nakabarong kaming nasa delegation. Noong gabi na, lumabas uli kami kasama ang kapatid na babae ni Bobby Guevarra (titser ko sa Liberation Theology), pumunta kami sa isang sikat na jazz bar "The Senator." Naalaala ko ang 7th Heaven sa Davao, ang galing ng tugtog.
1 comment:
magandang araw sir bong! mukha po yatang mapipilitan tayong magtagalog dito a! hehe... wow... dami nyo na palang mga lugar na napuntahan! sarap talagang maglakbay papunta sa ibat-ibang lugar... sana makapaglakbay rin ako balang araw. tsaka ang gaganda rin po ng mga nakuha nyong litrato sir bong! ('yung isa na kuha sa mataas e medyo nakakalula!) O_o Ang layo ng nilakad nyo... patuloy lang po kayo sa pagkwento sir bong at patuloy rin po akong magbabasa! hehe... ingat po kayo! ---mike gaya
Post a Comment