Sunday, August 15, 2021

Paalam, Padre Roque J. Ferriols, S.J.

 


Alaala kay P. Roque J. Ferriols, S.J.
Mahirap ang magpaalam sa isang gurong naging bahagi ng aking buhay. Naging guro ko si Padre Roque sa halos lahat ng aking pag-aaral ng Pilosopiya: Sinaunang Griyego (Ancient Greek Philosophy), Pilosopiya ng Tao 1 at 2, Pilosopiya ng Relihiyon, Etika, Epistemolohiya/ Ontolohiya, Soren Kieregaard, Sto. Tomas de Aquino / Joseph de Finance, atbp. Bukod sa naging guro ko siya sa Ateneo de Manila University (1991-1993), kasama rin namin siya sa San Jose Seminary bilang Spiritual Director (1989-1993), at noong nagturo ako sa Ateneo de Manila (1996-1998).
Minsan, kasama ng mga kaklase ko, sinamahan namin siya sa kanyang kuwarto sa San Jose habang nagkukuwentuhan ukol sa buhay. Mula sa isang aparador, may mga tubo siyang kinuha - ang kanyang mga diploma. Wala pang cellphone noon, wala ring digital camera. Ngunit naala-ala ko ang diploma niya mula sa Fordham University.
Palagi rin siyang nagmimisa sa aming komunidad sa Colegio. Naroon rin siya tuwing meron kaming Potpourri (isang teatrikong pagdiriwang ng talento). Naging bahagi si P. Roque ng halos apat na taong nasa kolehiyo ako.
Noong una ko siyang naging guro, kabang kaba ako. Bukod sa hindi ako magaling sa Filipino o pananagalog, namimilipit akong magsalita sapagkat galing ako sa Antique. Matigas, maraming "R", at "nagaragumo" ang bigkas namin. Ngunit kapag pilosopiya ang pinag-uusapan, kapag katotohanan at meron ang masumpungan, kahit na anong wika ~ lalabas ang kayamanan ng katotohanan. Dito ko nasilayan ang yaman ng wika - Griyego, Latin, Español. Maalaala ko, ineensayo ako ni P. Roque sa espanyol sa hapag-kainan (main refectory) noong nag-aaral ako kay Señora Torres. Palibhasay ang apat na kurso ko sa Espanyol (Spanish 1-4) ay magtatapos sa isang dulang "Don Quixote de La Mancha."
Nagagalit si Padre Roque kapag may maiingay sa pasilyo ng aming klase (Gonzaga Hall, Bellarmine Hall, Kostka Hall, Faura Hall). Minsan may isang magbabarkadang napadaan at naghihiyawan. Nang malaman nilang klase pala ni Padre Roque ang nadaanan nila, kumaripas silang tumakbo sa hagdanan, habang lumundag si P. Roque mula sa kinauupuan niyang mesa tungo sa pasilyo sabay pasigaw sa isang Fordham accent: "You keep quiet there. We are having a serious intellectual intercourse." Napapangiti kaming patago sa aming mga silya.
Nalundag ko ang hirap ng pananagalog sa unang semestre. Tuwing merong kaming pagsusulit sa susunod na dalawang taon, nauubos ko ang isang Blue Book sa dalawa o talong tanong na kailangan sagutin. Nag-uumapaw ang mga salita, habang hinahabol ng aking kamay at bolpen ang kumpas ang pamimilosopiya, ng meron.
(At meron na rin kaming isang kurso sa Matematika na sa Filipino, guro namin noon si Ginoong Salas sa unang palapag ng Faura Hall.)
Matindi at malalim ang impluwensiya ni Padre Roque sa akin. Malaki ang utang na loob na tinatanaw ko hindi lang sa kanyang pagbibigay mulat sa isang katamaran ng isip, kundi pati na rin sa katamaran ng diwa. Isang pag-ehersisyo ng isip na kailangan gawin araw-araw upang maranasan ang meron. Isang araw-araw na ubos-lakas-na-pagbaling ng diwa na nasa ekonomiya sa larangan ng espiritu. Si Padre ang "nagtuturo ng daliri," gumigising at nagbibigay loob, nagpapamulat ng isip sa akin, mula noon hanggang ngayon. Ang kanyang pilosopiya ang landas na naaninagan ang galaw ng patuloy na paglikha, isang mapaglikhang kilos ng ating Maykapal.
Noong kuwan, binisita ko siya kasama ng isa kong kaklase sa Jesuit Wellness Center. Nagkuwentuhan kami ukol sa Davao, ukol sa kahulugan ng mga pangalan ng mga anak ko (Fyodor Alec at Trevor Myles). Nagtawanan, at nagbalik-tanaw sa nakaraan. At humarap sa kinabukasan ng Pilipinas. Meron siyang ibinulong sa akin, na kailanman aking yayamanin ~ mga katagang ni hindi ko pa narinig sa buong buhay ko.
Nanaisin kong sipiin ang sumusunod mula sa Pilosopiya ng Relihiyon, pahina 14:
Si Alyosha ay nagdadalamhati sa kamatayan ng kanyang minamahal na guro. Itinuturing siyang santo ng mga tao, kaya 't inaasahan niya na hindi mabubulok ang kanyang bangkay. Nagbulong-bulungan ang mga tao. Nalungkot si Alyosha, hindi dahil sa pagkabulok, kundi dahil sa mga bulong-bulungan. Doon siya nakadanas ng hieropaniya: na ang buong buhay makalupa, hanggang sa nakalilitong dalamhati nito, ay pagsasaatin ng banal. Nakatulog siya sa lamay at napanaginipan niya ang namatay. Noong nagising siya, tumayo siya at lumabas sa mabituin na gabi.
"Ang katahimikan ng lupa ay parang naghahalo sa katahimikan ng langit. Ang hiwaga ng lupa at ang hiwaga ng mga bituin ay nagkaisa.
Tumayo si Alyosha, tumanaw at bigla siyang napataub sa lupa. Hindi niya malaman kung bakit niya niyakap ang lupa. Hindi niya masabi kung bakit niya hindi mapigilan ang kanyang pagnanais na halikin ang lupa, halikin ang buong lupa. Hinalik niya ang lupa, umiiyak, humihikbi, dinidiligan ang kanyang luha. At taos puso niyang isinumpa na iibigin niya ang lupa, iibigan niya magpakailanman." Salin ni Padre Roque sa "The Brothers Karamazov" ni Fyodor Dostoyevsky
Sa huli, sisipiin ko ang iyong libro sa huling pahina:
"At sa quinacamtang cong toua ang nacacaparis co, i, isang magsasacang cumita nang alio, uupo sa isang pilapil, nanood nang caniyan halaman, at sa caniyang palayan na parang inaalon sa hirap nang hangin, at sa bungang hinog na anaqui butil na guintong nagbitin sa uhay, i. cumita ng saya.
Munti ang pagod co, munti ang puyat co; at palibhasa, I, capus sa lacas na sucat pagcunan, nguni ang paquinabang co sa pagod at puyat ay na ibayuhay."
Maraming salamat, P. Roque. At paalam.


https://banyuhay101.blogspot.com/2004/08/mga-pakikiniig-kay-soren-kierkegaard.html


No comments: