Tuesday, August 17, 2004

Ang Makataong Kalooban: Tungo sa isang Pilosopiya ng Relihiyon

Ang Makataong Kalooban: Tungo sa isang Pilosopiya ng Relihiyon

ANG MAKATAONG KALOOBAN: TUNGO SA ISANG PILOSOPIYA NG RELIHIYON 
Para kay Kaibigang Ediboy Calasanz at P. Roque J. Ferriols, S.J., alaala ng mga pagpupunyagi.

Isang Pagmumuni sa L’Action ni Maurice Blondel 
JEREMY S. ELIAB 

 Laging may hinahangad ang tao, laging meron siyang ninanasa sa kanyang buhay, aminin man ito o hindi. Nanatili ang mga hangaring ito sa kanyang sarili, ngunit maaring ring mulat siya sa iilan sa mga ito. Sa mga namumulatan niyang hangarin, niloob niyang tupdin ang mga ito sa kanyang buhay. Maaring isang pinakamahalagang ambisyon o bokasyon, o hindi naman kaya’y isang mababaw na pagpapahinga man lamang pagkatapos ng isang mahabang panahong pagpapagal. May mga naisasakatuparan, mayroon ring kabiguan, ngunit nanatili ang kaloobang laging may hinahangad at nais isakatuparan sa buhay. 

May hinahangad sa kalooban ng tao, laging may isang "hindi mapalagay na pusong" naghahanap lagi. Ito ang isang katotohanan na hindi kailan man matatanggihan: kalooban ng tao. May nasa loob ng tao na laging nais isakatuparan sa buhay, minsan nagpupumiglas, minsan namamayapa. Ngunit hindi kailanman namamayapa ng lubusan itong kalooban ng tao – sapagkat laging merong hinahanap na para bagang hindi malaman at hindi matapos-tapos na pagsasagawa sa buong buhay. 

Ito ang pinagsikapang tingnan ni Maurice Blondel sa kanyang tesis doktoral na L’Action (1893). Sinimulan niyang tahakin ang landas ng kalooban, ng paghahangad ng tao, ang landas ng niloloob ng tao. Sa liwanag ng kalooban ng tao, may isang mas tuwirang tanong na nasa likod ng paghahangad at saloobin: May kahulugan ba ang buhay ng tao? May patutunguhan ba ang tao? (LA, 3). Kung ang tao ay katipunan lamang ng kanyang mga saloobin, ano ang saysay at kahulugan ng buhay makatao? Kung ang tao ay pinamamahalaan ng kanyang mga saloobing lampas sa kanya, ano na lang ang kalayaan ng tao na magpasya para sa kanyang sarili? Hindi ba ang mismong kaloobang nangingibabaw sa kalayaan ng tao ay isang malungkot na pangitain at kapalaran ng tao? 

Aaminin kong ang obra maestra ni Blondel ay mahirap basahin, bukod sa halos lahat na mapagkukunan ng mga teksto ay pagsasalin mula sa wikang Pranses. Ngunit sa kabila nito, may tunay na pangkaraniwang hinahanap at nais ipakita si Blondel, pangkaraniwan lalo na sa mga namimilosopiya at nanampalataya, upang pagmunihan ang halaga ng kanilang relasyon sa kalooban ng Diyos. Isa ring paanyaya sa mga di-nanampalataya ang kanyang nais ilahad, mula sa isang akademikong larangan, upang pagmunihan ang halaga ng kanilang relasyon sa isang Absolutong pinapalagay lamang sa ideya. Isa ring paanyaya sa mga hindi naniniwala, sa mga hindi Kristiyano, na tingnan ang kalooban ng tao at hanapin ang mga mumunting tinig ng pagtawag na naroroon. Napakahaba ng imbentaryo ng kanyang pananaliksik, sapagkat nais niyang tingnan ang lahat ng palagay ng may paggalang sabay pagtitimbang kung ito na ba ang kabuuang niloloob ng tao sa kanyang buhay. 

Tatalakayin ng pagmumuni-muning ito ang kalooban ng tao na tumutungo sa isang Pilosopiya ng Relihiyon. Sa pagsisikap na ilahad ni Blondel ang iba’t ibang obhetong niloloob ng tao sa kanyang buhay, paano ba pumapasok ang Pilosopiya ng Relihiyon sa isang makataong pagsasaloob, sa isang makataong pagsisikap na gampanan at isakatuparan ang saloobin? Kung ang tao ay isang nilalang na tumutungo sa kanyang kaganapan, saan at kanino makikita ang kanyang kaganapan sa mismong pagtalakay sa kalooban ng tao? Saan ba nananahan ang pamamayapa ng kaloobang dinamiko? Ito ang mga tanong na ginagalawan ng papel na ito. Sa huling bahagi, magbibigay ako ng kaunting pagmumuni-muni sa tulong ni Gabriel Marcel ukol rin sa kalooban ng tao. 


L’Action 

 Ang panahon ng L’Action ay tigib sa pagsisikap na ihiwalay ang pilosopiya mula sa pagiging Teolohiya. Naghahari sa buhay Pranses noong panahon ni Blondel ang mga adhikaing makatao at sekular na mayroong matinding impluwensiya nina Comte, Taine, at Renouvier. Kaya maraming puna mula sa iba’t ibang pilosopo ang L’Action sapagkat tinatalakay nito ang tungkol sa pananampalataya sa pamamagitan ng disiplina ng Pilosopiya. Nakikita nilang isang pakikialam na naman ito ng pag-iisip sa pananampalataya o isang pag-iisip pilosopikong nais lamang ipagtanggol ang teolohiya. Nais pangatawan ni Blondel ang isang gawaing pilosopiko na humahantong sa isang pagmumulat sa Diyos, hindi sa isang pilit na pamimilosopiyang ipinapalagay kaagad ang pananampalataya bago pa ang pagmumunimuni, kundi hinahayaan niya ang galaw ng pagmumuni, ang galaw ng pagmamalay, sa isang mabagsik na galaw ng pagtatanong at pagsusuri, na humantong kung saan man ito hahantong, na walang pagpapalagay ontolohikal. 

Samakatuwid, ang buong galaw ng pagtalakay ay isang kusang pagpasok sa tunay na pagmumuning malaya at nakabukas sa lahat ng posibilidad, lahat ng paninindigan. Tinitingnan ang kakayahan ng bawat paninidigan – kung angkop at sapat ba ito o nagkukulang na dapat lampasan, iwanan at iwaksi sa kahulihulihan (LA, 12). Ayon pa kay Blondel, sa simula ng L’Action: 

Sa ugat ng walang kapita-pitagang pagtanggi o sa pinakabaliw na layaw ng kalooban, kailangang matutunan natin kung wala bang sinaunang galaw na nanatili laging ating iniibig at niloloob, kahit na hindi natin aaminin o abusuhin man ito…. Dapat lamang na ilagay natin ang ating sarili sa pinakasukdulan ng magkakasalungat na rayos upang makuha, sa pinakasentro nito, ang mahalagang katotohanan sa bawat pagmamalay at ang galaw na pangkaraniwan sa lahat ng kalooban (LA, 12). 

Samakatuwid, tinatanong ang lahat ayon sa kanilang kakanyahan na ginagamit ang sarili nilang batayan. Tinitingnan ang lahat, sinusubukan kung "naroroon ba sa kanilang sarili ang kanilang sapat na pagpapaliwanag o ang pagwawaksi" (LA, 12). Itong imbentaryo ng mga layunin na niloloob ng kaloobang makatao ay pagpapakita ng mga posibleng dadaanan ng kalooban habang naghahanap ng katuparan sa paglalakbay sa buhay. Ngunit hindi rin kailangan na daanan ito lahat, o ayon sa pagkasunod-sunod na inilahad ni Blondel sapagkat "hindi posible, ngunit hindi rin kailangan na ubusin ang buong sanglibutan upang maramdaman na hindi ito ang magpapawi ng ating pagka-uhaw" (LA, 305). Ang mahalaga dito ay merong kaloobang naghahanap ng katuparan, at pagsasakatuparan nito ay nangangailangan ng isang pagkilos. May isang tunay na pagka-uhaw na hindi napapawi sa lahat ng uri at pamamaraan ng pag-iinom. Isang pagkauhaw ito na naghahanap ng katugma, na kasing tindi rin ng panloob na dinamismo nito. 


Vinculum Substantiale 

 Nagsimula itong pagtataka ni Blondel sa katangian ng pagkilos o pagsasagawa mula sa mga klasikal na sipi ni Aristoteles. Mula sa kanyang personal na mga nota na may panahong Nobyembre 1882, may binabanggit siya ukol sa pagkilos o pagsasagawa bilang accidens ng substantia. Tunay ngang hindi ito ang substantia ngunit napakahalaga sapagkat sa pamamagitan nito lamang nailalantad at naipapakita ng substantia ang pagka-substantia nito. Hindi meron sa tunay na kahulugan nito, ngunit meron, sa maluwag na pakahulugan, sa mismong relasyon nito sa meron. Hindi maaring tanggihan ang katotohanang ito, na siya namang nagbigay ng loob kay Blondel na pagmunihan at sundan ang galaw ng pagmumunimuni ukol sa katunayan ng pagkilos. 

Ang kanyang pambungad na teksto ukol sa pagkilos o pagsasagawa ay may pamagat na Vinculum Substantiale. Kung wala siyang nakitang tugon at paliwanag kay Aristoteles, dito niya tiningnan ang katangian ng pagkilos bilang isang galaw na nagmumula sa mismong substantia, isang panloob na enerhiyang kusang "lumalabas, umaapaw" na hindi lamang basta isang accidens. Ayon pa sa kanyang nota "ang mabuti ay kung ginagawa ito" (NOTA, 1). Kaya ang pagsasagawa o pagkilos ay kabutihan mismo ng substantia. Nangyayari ang kabutihan sa pagsasagawa. Ang hindi pagsasagawa ay nagbubunga ng kabaligtaran, isang pagsalungat sa meron. Samakatuwid, ang mismong pagsasagawa o pagkilos ay napakahalaga sapagkat dito lamang naisasakatuparan ang meron, isang proseso ng pagpapaganap at pagsasabuo ng substantia. 

Ngunit hindi lamang isang prosesong nakalutang, o isang konsetong nasa isip lamang, ngunit totoong naroroon at binubuo, hinuhubog ang substantia. Isang vinculum sibstantiale ang pagsasagawa, isang kuwan na bumubuo, hindi mula sa labas, kundi isang panloob na bumubuo at nag-uugnay sa lahat na nasa substantia. Ito ang sementong nag-uugnay upang maging buo ang meron. Sa mismong vinculum subtantiale ni Blondel nagkaroon ng bagong mukha ang pagsasagawa, ang pagkilos na hindi masyadong pinag-abalahan ng mga nakaraang pilosopo. 

Mula sa pambungad ng vinculum substantiale, sinimulan ni Blondel ang pagtahak sa buhay ng tao bilang pagsisikap na isakatuparan ang makataong kalooban. Hinahanap niya ang ugat ng makataong pagsasagawa, at kung ano ang layunin at hantungan nito. 


Makataong Kalooban 

 24 Nobyembre 1883 – Niloloob ko. Nawa ang buong buhay ko tumugon at magbigay kahulugan: niloloob ko. Niloloob ko na lumoob kasama ang Diyos, kung ano ang niloloob ng Diyos, bilang niloloob ng Diyos sa akin; hindi ko alam kung ano iyon, ngunit kasama siya magagawa ko ang lahat na kung ako lamang ay hindi ko magagawa…..Niloloob ko, niloloob ko ngayon, upang masabi rin bukas: niloloob natin; upang masabi rin natin sa pinto ng kamatayan: niloloob Niya (NOTA, 1). 

Laging may niloloob ang tao. At ang mga saloobing ito ay kanyang pinagsisikapang isinasagawa sa kanyang buhay. Ngunit ang hindi pagsasagawa ay isang ring pagasasagawa. Kaya ang pagsasagawa ay isang katotohanang hindi matatakasan ng tao sa kanyang buhay sapagkat ang pagtanggi ay isang pagkilala. Ang pagsasagawa at pagkilos ay isang hindi maiiwasang akto (LA, 4). Ngunit ang niloob madalas ay hindi naisasagawa, nabibigo rin. May pagkakataon ring nagagawa ang hindi naman sinasadyang niloloob, ngunit sa kahulihulihan ay tinanggap na rin bilang niloloob. 

Sa pagsasaloob ng tao, ito ang mismong galaw ng kalooban na makiugnay sa mundong nakapaligid sa kanya. Ang mismong paghahangad ng kalooban, na "tumitingin" at "lumalabas" ay tanda ng paghahanap ng kalooban ng tao ng kapayapaan at kaganapan. Maraming niloloob ang tao sa kanyang buhay --- at ito ang iniisa-isa ni Blondel sa kanyang buong pagtalakay sa L’Action. Pinapalawak ng kalooban ang kanyang sarili. Naglalakbay ang kalooban upang hanapin ang hinahanap nito, mulat man ang tao o hindi. Mistulang kamay na nagsisikap abutin ang nais abuting hindi maabot-abot. 

Tunay ngang mulat minsan ang tao sa kanyang kalooban, ngunit may pagkakataong hindi rin niya namamalayang may ibang tagong kaloobang naroroon sa kanyang sarili. May kaloobang kusang umaapaw sa tao, na minsan hindi niya pinasyang loobin niya, niloloob pa rin niya. Ito ang dahilan kung minsan, hinahangad ng tao ang isang bagay at biglaan na lamang sasabihin, "parang may kulang" sa kanyang hinahangad. May pinasyang niloob ang tao, ngunit nararanasan niyang "parang hindi ito ang niloob ko," ngunit sadya ngang niloob ng sarili. Laging may natitirang hindi a sapat ang natutuklasan. Mistulang kamay na umaabot, ngunit pag may nahawakang kongretong mahalaga, nararanasan na may mas mahalaga pang kailangang hanapin. Hindi sapagkat walang halaga o hindi mainam ang natuklasan, kundi may panloob na tawag upang magpatuloy at umusad. Hindi napapahinto ng panlabas na obheto ang panloob na kalooban. May lumalampas basta na hindi basta-basta lamang, hindi isang guni-guni, kundi tunay na kaloobang dinamiko. 


Sa isang taong pinasya niyang mahalin ang isang kapuwa tao, mula sa kanyang kalayaan na "magmahal", pinagsisikapan niyang tupdin ito sa konkretong paraan. Ngunit habang pinapangatawan ito, may mga pagkakataong naiisip rin ng tao, nadarama rin ng sarili ang isang pagdududa sa kanyang niloloob. Totoong buo ang pagmamahal tungo sa kapuwang iyon, totoong tunay at tapat ang pagpapasya at pagtataya, ngunit nararanasan ang isang hindi-maipaliwanag na kaloobang bumabaling lampas pa sa minamahal na kapuwa tao. Hindi pagtataksil ng kalooban, kundi isang "kaloobang hindi mapalagay", isang kaloobang wala pa sa sariling tahanan. May ibang kaloobang sinauna pa sa pinasya’t mulat na pagsasaloob ng tao na minsan nakikialam sa mismong pasyang isakatuparan, o dili kaya’y naroroon sa lahat ng pagpapasya, paghahangad at pagsasaloob ng tao na tumutulak sa kanyang magpatuloy, umusad, kumilos pa sa paglalakbay. 

Itong pagka-hindi-sapat na karanasan ay ugat ng walang sawang paghahangad at paghahanap ng tao na nanggagaling sa kaloobang kusang nakaukit sa tao, tinatawag ito ni Blondel na la volonté voulante (BC, 7). Kaya sa isang taong nagpasyang mahalin ang kanyang kapuwa tao, sa mismong pagsasakatuparan sa kanyang niloob, mula sa kanyang kalooban, nanatili ang pagka-hindi-sapat. Hindi ibig sabihing kulang ang pagmamahal, kundi habang pinapangatawan ng tunay ang pagmamahal, ng may pagsisigasig, may iba namang hinahangad ang kalooban. Bumabaling sa iba, tumitingin muli sa iba, hindi bilang pagtataksil kundi isang kusang galaw ng malayang kalooban. May panloob na dinamismong lumalampas sa mga niloloob ng tao. 

"Ngayon, kailangan nating umusad" (LA, 4), sabi ni Blondel. Upang hanapin itong hinahangad ni Blondel, kailangang sundan ang galaw ng kalooban at pagmamalay habang naglalakbay, ipagpatuloy ang pagmumuni-muni, ngunit itong pag-usad na wala munang ipinapalagay. Ninanais ni Blondel na tahakin ang landas ng kalooban sa isang maka-penomenolohikal na paraan (BC, 9). Hayaang loobin ng kalooban ng tao ang kahit na anong niloloob nito, at hanapin kung saan namamayapa ang kalooban, na wala muna ang bigat ng ontolohikal na pagkilala. Ang pagsunod sa galaw ng dinamikong kalooban sa buhay ay isang pakikisabay sa sinaunang kilos ng kalooban. 

Samakatuwid, ang pagmumulat sa dinamismo ng kalooban ng tao ay isang pagkilala na merong saloobing mulat ang tao (la volonté voulue) at may kusang galaw ng kalooban nasa kaloob-looban ng tao (la volonté voulante) (BC, 7). Ang kusang gumagalaw na kalooban ang nagpapaapoy sa tao sa kanyang buhay, ang tumutulak sa tao na magpatuloy, maglakbay, umusad sa buhay. Isang bukal ng enerhiya ng tao na nagbibgay buhay sa kanyang kahulugan bilang tao, nagbibigay oryentasyon sa kanyang paglalakbay. 

Ang Hindi Maiiwasang Pag-akyat (Imbentaryo) 

 Ang kusang galaw ng kalooban na nasa tao ang nagbibigay ng oryentasyon sa mismong hakbangin ng pagpapatuloy. Hindi ito isang pilit o pinilit na pagpapatuloy, kundi isang pagkukusa -- sapagkat ang paghinto ay isang pag-amin na merong tinatanggihan (LA, 33). Isang pangangailangan ang pag-usad, hindi lamang sa tulak ng pagmumunimuni, kundi mismong galaw ng kalooban, galaw na nagmumula sa kalagayan ng pagka-hindi-pa-sapat. Isa rin itong pasyang kailangan ang pakikisabwat ng pagmamalay, ang payagan na magpatuloy ang pag-usad upang sundin ang galaw. Ang katindihan nitong galaw ng kalooban ay makikita sa buong imbentaryo ng pagsisikap ng tao sa buong buhay, at sa bawat hakbang nito ay masusulyapan lagi ang "pagka-hindi-sapat" (BC, 7). Habang hinahanap ng tao ang kaganapan at katuparan, hinahangad niyang magkaroon ng pagkakatugma ang kanyang niloloob at ang kusang galaw ng kanyang kalooban, na palagi namang di-nagkakatugma sa bawat pagsisikap na patugmahin. 

Itong pagpukaw ng pagkabalisa mula sa pagka-hindi-pagtutugma ng kalooban ay pagpapakita ng nakatagong balangkas ng kalooban ng tao. Isang hindi mawasak at hindi maaring matanggihang galaw ng kalooban ay laging umiiral sa bawat pagsasaloob ng tao. Unang hakbang na tinalakay ni Blondel ang diletantismo na tumatangging may problema sa pagsasagawa. Ito ang paninidigan ng taong ang lahat ay walang pinagkakaiba, tunay ang lahat na nagkakasalungatan, at walang hangaring tingnan kung may pagkakatugma ba (TC, 56). Isa itong pagsisikap ipagtanggol ang sarili sa lahat upang mapanatili ang pagkahawak sa sarili – ang pagkabuo. Ngunit isang pagkabuo na hungkag sapagkat walang katapatan, walang paninindigan (LA, 30). Isang makasariling pag-samba sa hungkag na sarili. Mistulang laro lamang na hindi matapos-tapos ang lahat, na walang isang seryosong pagbibigay ng sarili. Kaya ang mismong pagtangging diletantismo ay isang pagkilala na meron ngang problema, nasa isang paninindigang may intrinsikong nagkakasalungatan ang posisyon ng dilentante. 

Hindi rin maaring negatibo ang tugon. Ang loobin ang wala ay nagpapakita ng isang pagsasalungat rin (BC, 7). Ang pagsasabing "walang tunay na hantungan ang tao kundi kamatayan, nihilismo" ay isang matigas na paninidigan ng mga istowiko. Itong paninindigang nagmumula sa wala at hahantong sa wala ang lahat ay kailangang iwanan sapagkat ang pagmamatigas lamang loob ay isang pagkilala ng layuning ng kalooban. Ngunit sa kusang galaw ng kalooban, merong kusang niloloob ang kalooban, "may ;ayunin ang pagsasagawa" (LOA, 84). Hindi wala, may kuwan na hinahangad (LA, 54). Itong pag-amin ay bumubukal mismo sa kalooban na hindi matatanggihan, isang kailangan aminin sabay tanggapin at umusad. 

Ngunit hindi lamang nanatiling isang kuwan ang hinahangad. Nagkakaroon ng hugis, ito ang mga obheto ng ating pandama na nasa paligid (LA, 56). Ngunit itong mga obhetong nasa ating paligid ay walang kahulugan kung walang nag-iipon. Nagmimistulang agos ng mga pandama na walang kahulugan, walang saysaya at patutunguhan. Ito ang pagsilang ng agham na siyang nag-iipon ng mga obheto ng pandama upang gawing isang maayos na kabuuan (BC, 7). Sa pagkakaisa ng dalawang uri ng agham, ang matematika at ang agham natural, naisasagawa ang mismong pagbubuo ng mga karanasang nasa nibel ng pandama (LA, 60). Ngunit itong pagkabuo ay hindi lamang katipunan ng mga karanasang pandama, kundi isang lampas pa dito, isang kabuuan mula sa pagsasagawa ng pag-iipon ng agham. 

Habang naiaayos ng agham ang mga karanasang pandama, sinusukat ayon sa nagpapakita, hindi sapat lamang ang pag-iipon na nangyayari. Kahit nagtatagumpay ang agham, hindi ito dahil sa kanyang sarili lamang at pagsisikap lamang ng agham, kundi may isang lampas pa na gumagawa mismo ng pag-aagaham at nagbibigay layunin sa lahat ng pananaliksik. Kailangan ng agham na may gumagawa ng pag-aagham. Hindi mangyayari ang pagkakaisa ng matematika at agham natural kung walang pagmamalay na gumagawa ng pagsasanib ng sukat at napagmasdan. "Isang suheto na gumagawa" ang kailangan upang pangatawanan ang pag-aagham. Ito ang suhetong epiphenomenon na hindi maaring iuwi bilang obheto ng pag-aral ng agham, kundi isang pagmamalay na bumubuo at nagsasagawa ng mga gawaing makaagham (LA, 91). Lumalampas sa kapatagan ng pagmamasid at pagsusukat ang pagmamalay. Ito ang suhetong nagbibigay ng kabuuan at oryentasyon sa buong kilos ng agham. 

Sa pagmamalay ng tao, naiipon rin ang kanyang sarili. Mula sa kanyang mga nakaraang pag-iiral bilang tao – mga katotohanang kanyang tinanggap, nakasanayan, natutunan, lahat ng ito ay bumubuo sa kanyang sarili bilang pagmamalay. Ngunit itong pagmamalay ay mulat rin sa mga posibilidad na hinaharap nito sa kinabukasan – mga posibleng motibasyon (mobiles) na hinihimok ang pagmamalay na tumugon (LA, 113). Kaya nasa nibel ang pagmamalay ng pag-angat tungo sa kalayaang mula sa pagka-gapos ng nakaraan. Kailangang aminin ang pagkagapos, ngunit sabay may galaw ng kalooban na hindi ito ang lahat. May posibilidad na nakahain sa pagmamalay: kalayaang maaring galawan ng pagsasabuo ng sarili, muling pagbabago at paglilikha ng sarili. Ang pagsasagawa ng pagmamalay, sa liwanag ng kalayaang ito, ay isang pagpapasya – isang pagpapasyang malaya mula sa iba’t ibang mobiles na umuudyok sa pagmamalay. Kaya, may isang pagkakailangang tanggapin ang pagkagapos, at sa mismong pagtanggap, naroroon ang pagpapalaya (BS, 91). Ang pagpapasyang mula sa kalayaan ng pagmamalay ay lumilikha ng bagong karanasan, na hindi rin ibang iba at bagong bago, may ugnayan pa rin sa nakaraang pagmamalay. Ngunit sa pagpapasya, mula sa liwanag ng kalayaan, pumapasok ang sarili sa isang mataas na larangan at antas ng pagmamalay, sapagkat may isang malayang pagsisikap na nangyayari (LOA, 85). 

Habang umuusad ang galaw ng kalooban, umaangat ang kalayaan tungo sa pagsasagawa nito. Hindi maaring manatiling nakalutang ang kalayaan ng pagmamalay, kundi kailangan itong isagawa, isakatuparan. Upang pangatawanan ang kalayaan, bumabangga ito sa mismong pagsasagawa. Upang pangatawanan ang kalayaan, kailangan ang katawan, ang pagkilos ng katawan. Ang pag-sasalaman ng kalayaan sa katawan ay isang pagsasakondisyon, samakatuwid, ng kalayaan. Ang hindi pagsasakatuparan ng kalayaan, ay hindi talaga tunay na kalayaan sapagkat hindi matutupad. Samakatuwid, isang kondisyon ng walang-hanggang kalayaan ang maging may hangganan, sumasakatawan (LA, 150). Ito ang tanda ng pagiging bukod-tangi, pagiging indibidwal ng bawat isa. Nagkakaroon ng tunay na mukha ang pagmamalay, mula sa malayang pasya nito, sa pagsasakatuparan ng pasyang malaya. 

Ang pagiging indibidwal ay hindi maisasakatuparan kung hindi nakikipagkapuwa. "Hindi nakagapos ang pagsasagawa sa loob lamang ng buhay indibidwal" (LA, 195). Sa pag-amin ng pagka-bukod-tangi, naroroon ang pagkakailangang magbahagi ng pagka-bukod-tangi sa iba ring sariling bukod-tangi (BS, 7). Sa pagtutulungan ito upang lumikha ng isang malalim na katapatan, nakakabuo ang pagka-indibidwal ng isang mas lampas pa sa katipunan ng indibidwal – ang lipunan. Sa ganito ring paraan, ang kalooban ay nagbubunga hindi lamang ng lipunan, kundi ng sangkatauhan (LA, 259). Ngunit hindi lamang nagtatapos dito, naglalakbay pa ang kalooban sa tungo sa buong sankalawakan (TC, 147), hanggang sa larangan ng etika at metapisika hanggang sa isang paghantong sa superstisyon: isang pagsisikap hanapin ang katuparan ng kalooban sa mismong buong imbentaryo na dinaanan sa pamamagitan ng pagtanggao na sapat na ito sa kanyang sarili. 

Isa itong superstisyon sapagkat inilalagay ng kalooban ang isang obhetong nasa imbentaryo bilang katuparan ng lahat ng pagsasaloob ng tao –isang pagtatalaga ng relihiyosong halaga sa isang limitadong nilalang na naranasan ng kalooban. Sa pag-usad ng hinahangad ng kaloobang makatao, naroroong sa bawat hakbangin ang hindi-pagka-sapat na kalagayan, isang tanda na kahit mayroong sinadyang niloloob ang kalooban, hindi pa rin sapat lagi ang nahahantungan (BC, 8). Kaya ang superstisyon ay isang pagbaling sa mga obhetong nadaanan at bigyang halaga ang ito lampas sa kanilang napapakitang halaga, samakatuwid gawing sapat ang totoong hindi naman sapat (TC, 193). Hindi ba ito isang panlilinlang lamang sa kalooban? Tunay ngang isang pagsubok na palitan ng may hangganan ang walang hangganan, isang paghalili ng may hangganan sa absoluto, upang mabuhay sa isang di-tunay na kaganapan at anino lamang ng tunay na pagkakatugma ng kalooban. 

Nilakbay ng kalooban ang imbentaryo ng lahat na posibleng penomena ng kalooban, ngunit hindi pa rin napapawi ang katutubong galaw ng kalooban, hindi pa rin namamatay ang elan (LA, 300). Kaya kailangang loobin ng kalooban ang sarili nito mismo. At sa pagsasaloob mismo ng sarili nito, nararanasan ng tao ang isang matinding pagkauhaw pa rin (LA, 301). Nagkukulang pa rin ang sariling kalooban, lumalampas pa rin sa sariling kalooban ang elan, hindi pa rin namamatay ang katutubong galaw ng dinamikong kalooban ng tao. Isang paglalampas na kailangan, ngunit imposible. 

Mula sa pagsasalungatang ito sumisibol ang ideya ng Nag-iisang Karapat-dapat, ang ideya ng Diyos. Ngunit nanatiling ideya lamang hangga’t hindi naisasakatuparan. Ang pagsasagawa at pagsasakatuparan ng katutubong galaw ng kalooban ang "sementong bumubuo at humuhubog sa tao" (LA, 178). Ngunit hindi ganap na mabubuo at mahuhubog ang tao kung maiwan lamang sa kanyang sarili, sa kanyang pagsiikap na isakatuparan at tupdin ang kaganapan ng kanyang sarili, sa pamamagitan ng kanyang sarili. Nangangailangang isagawa ang ideya ng Absoluto, ngunit papaano? Imposible, pero kailangan. Ngunit hindi kailanman hahantong sa katiyakan at katuparan ang ideya kung hindi aaminin at isagawa ng kalooban ang pagtanggap sa Diyos, sa kalooban ng Diyos. Naiiwan ang kalooban sa sa isang sangangdaan: pasyahin mula sa kalayaan na tanggapin ang Diyos o hindi: 

Oo o hindi, loloobin ba niyang mabuhay, kahit hanggang sa huling hininga, na maghari sa kanya ang Diyos? O di kaya, magkunwaring sapat na siya sa kanyang sarili na walang Diyos…. (LA, 327). 

Nakahain sa tao ang isang napakahalagang pagpapasya. Ang aminin na lahat ng kanyang dinaanang pagsasaloob ay nabigo. Ito ang kabiguang kailangang tanggapin – na hindi matatamo ang hinahangad ng tao sa mundong ito. Na sa bawat paghahangad nangyayari ang kabiguan, na sa bawat kalooban, may natitirang hindi pa ring napapawi ang pagka-uhaw. 

Ito bang pagka-uhaw ay isang uring parusa na pinanatili sa tao? Isang hindi matapos-tapos na pagdurusa mula sa pagmumulat na hindi kailanman matutupad ng pagmamalay ang mga hangarin nito? Tunay ngang pagdurusa at impiyerno sa isang nagpasyang bumaling sa obhetong nadaanan, na nasa labas ng Diyos, sapagkat pinili ng kalooban ang walang hanggang "pagka-hindi-sapat." Ang walang hanggang pag-kauhaw ay tunay ngang pagdurusa, na pinili ng kalooban mula sa kanyang kalayaan, kung papasyahin nitong bumaling at pilliin ang sarili. 


Banal na Kalooban: Pag-aantabay sa Biyaya 

 Sa katutubong galaw ng dinamismo ng kalooban natutuklasan, pagkatapos na madaanan ang lahat na ito, ang tunay na hinahanap ng kalooban: ang Diyos. Nagkakaisa ang kalooban ng tao at ang kalooban ng Diyos sa katutubong galaw ng kalooban – "isang lihim na kasal ang nangyayari sa pagitan kaloobang makatao at kaloobang banal" (LA, 342). Isang pagtaksil sa sumpaang ito ang pasyang bumaling sa sarili laban sa Diyos, humahantong na rin sa pagdurusa at kapahamakan ng kalooban. Ang pagtanggi na piliin ang kalooban sa Diyos ay isang pangangalunya sa sumpaan ng ating kalooban sa kalooban ng Diyos, na siyang bukal ng makataong kalooban. 

Ang tumugon sa tawag ng buhay at nagsasagawa ng kaloobang makatao ay isang pakikibahagi mismo sa kalooban ng Diyos. Naroroon mismo ang kalooban ng Diyos sa katutubong galaw ng kalooban ng tao, bago ang lahat. Ngunit dumadaan ang kalooban sa paglalakbay mula sa isang hindi-pagkakatugma tungo sa isa pang antas hanggang humantong sa pagpapasyang napakahalaga tungo sa pakikiisa sa kalooban ng Diyos. "Isang pakikiisa na bumubuo sa atin, isang ugnayang ating niloloob sa ating sarili para sa Kanya habang niloob Niya iyon mula sa Kanya para sa atin" (LA, 342). 

Kaya ang pagpapasyang ito ay isang pagbibigay ng kalooban ng tao sa kalooban ng Diyos. Ang mismong hindi pagbibigay ng kanyang kalooban sa Diyos ay magbubunga ng hindi pagtamo ng tunay na pagsasakatuparan ng hangarin. Ang mismong kaloobang tinatago sa sarili, para sa sarili ang maghahadlang sa kaganapan ng sarili (LA, 345). Wala nang ibang landas kung ito lamang. Hindi hahantong sa kaganapan ang pagsasagawa kung hindi ibibigay ng Diyos ang kanyang sarili sa tao (LA, 346). Isang malayang pagbitiw ng sarili, ng kaloobang makatao at isang paghihintay sa biyayang ipagkakaloob. 

Ang pagbibitiw na ito ay kasing "sakit ng panganganak" (LA, 348). Binibitiwan hindi lamang ang isang mahalagang bahagi, kundi ang kabuuan ng kaloobang makatao upang tanggapin ang kabuuan ng Kanyang pagbibigay. Sa kalaunan, ang pagbibitiw na ito ay isang pagbibigay daan sa pagtatanggap, na hindi humihingi, ngunit nag-aantabay sapagkat ang Kanyang kalooban ang maghahari sa atin, na siya na ring katuparan ng katutubong kalooban. Ang pagkakaloob Niya ng kanyang sarili sa tao ay isang handog na inaantabayanan. Kaya ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay isang patuloy na gawain (LA, 378). Ang pananampalataya ay isang patuloy na gawain at pagtutupad sa kalooban ng Diyos. Isa itong hindi matapos-tapos na pagbibitiw ng makataong kalooban, bilang kaganapan ng sariling kalooban, sa buhay ng tao. 

Pilosopiya ng Relihiyon 

Sa isang penomenolohikal na pagtalakay sa iba’t ibang elementong niloloob ng kalooban, humantong ang lahat ng pagmumuni sa isang pagmumulat sa ideya ng Diyos. Itong pagmumulat at pag-amin ay hindi isang pilit na sumulpot, kundi kusang dumarating, isang pagkukusang kailangan, sapagkat hindi matatanggihan ang katutubong galaw ng kalooban na laging nakakaranas ng "pagka-hindi-sapat." Ang pagmumulat ay naghahain sa kalooban ng isang pasyang kailangan pangatawanan – at ito ang pasyang nagbibigay saysay sa buong obheto ng kalooban. Ang Pilosopiya ay humahantong sa ideya ng Diyos, ngunit kailangang lumundag at magpasyang pangatawanan ang pananampalataya, na nakahain bilang pasya sa Pilosopiya. Nagkakaroon lamang ng tunay na kahulugan ang mga obhetong niloob kung ito ay tinanggap ngunit hindi sapat ng kalooban na tao, para sa kanyang sarili – na ngayon ay magpapasya sa pagtanggap na ang lahat sa mundong ito ay isang bigong tagumpay. Pagkabigo sapagkat wala sa mundo, wala sa sarili ang katuparan … ngunit isa ring tagumpay dahil nakahain ang isang paanyayang kailangang magbukas ng kalooban, bitawan ang kalooban upang tanggapin ang banal na kalooban, na siya mismong bukal na magpapawi ng pagkauhaw. 

Isang pilosopiya ng relihiyon, samakatuwid, ang L’Action sapagkat mula sa disiplina ng isang pag-iisip na mayroong mabagsik na sinusundang daloy, mula sa isang makisig na pagmumunimuni ng pagmamalay, ng penomenolohiya humahantong sa isang pagkilala sa Diyos na naghahari ngunit sabay nagpapalaya. Sa isang banda, isang paanyaya samakatuwid, itong buong pagsisikap ni Blondel sa mga "hindi nanampalatayang isip" (BC, 199). Nais niyang ipakita na tunay ngang ang hinahanap ng kalooban ng tao ay ang Diyos. Ngunit ang kanyang paglalahad ay hindi isang pagtatanggol ng teolohiya o isang pagsisikap na talunin ang mga argumentong laban sa pananampalataya. Nanatili si Blondel sa isang mahinahon ngunit tiyak na landas ng pagmumulat sa Diyos sa kusang pag-usad ng pagmamalay upang sundan ang galaw ng kalooban. 

Dito rin nailalahad ang katotohanan ng kalayaan ng tao at ang biyaya ng Diyos. Ang kalayaan na gumagalaw sa kalooban ng tao, ngunit isang kalayaang biyaya rin ng Diyos sa tao. Upang pangatawanan ng tao ang kalayaang ito, kailangan niyang isabuhay. Ngunit sa kahulihulihan, kailangan niya ring bitawan ang kalayaan, mula sa kanyang kalayaan, magpasyang bitawan ito upang tanggapin, na may kalayaan, ang kalooban ng Diyos: isang pagwawaksi ng kalayaan upang maging ganap na malaya. Hindi ba ito ang hinahanap ng kalooban? Ang pagkakatugma ng kalooban ng Diyos sa kalooban ng tao ay nasa pagbibitiw upang hayaang tanggapin ang pagdating ng kalooban ng Diyos, ng pagbabahagi ng sarili ng Diyos. 

Kaya ang kalagayang makatao ay "isang paghahanda ng daan" upang hintayin ang pagdating ng inaasahan. Isang adbiyento. Ang papel ng kalooban ng tao ay upang mabigay ng puwang sa kalooban ng Diyos, kaya kailangan nitong bitawan ang kanyang sarili upang tanggapin ang bukal ng kanyang sarili. Kailangan nitong tanggihan ang kanyang kalooban upang bigyan ng puwang ang bukal ng kanyang kalooban. "Kailangan makakatanggap lamang ang kalooban ng tao mula sa isang mas lampas pa sa kamay ng tao" (LA, 445), na siyang kahulugan ng buhay at hantungan ng kalooban. Doon lamang namamayapa ang kalooban, sa pamamaalam sa sarili, upang tanggapin ang kandungan ng Diyos. 

Kaya nga ang kataga ng paghihiwalay pisikal 
Na nagsisimula sa pagyayakap ng magkakaibigan 
Na maghihiwalay, 
Ang yakap na laging malayo 
Sa pinakamahigpit na akap nito ay 
Ang salitang "paalam" (LA, 405). 

Ngunit kailangan ibigay ang lahat para sa lahat; 
May banal na kapalit ang buhay; 
Kahit sa kabila ng kanyang mayabang o sensuwal na pagkukulang, 
May sapat na pagbubukas-palad ang sangkatauhan na mas maging bahagi 
Sa sinumang hihingi ng lampas dito (LA, 445). 


Endnotes: 



Maurice Blondel, L’Action (1893): essay on a critique of life and a science of practice, isinalin ni Oliva Blanchette (Indiana: University of Notre Dame Press, 1984) [Mula dito, lahat ng pagsangguni sa tekstong ito ay magkakaroon ng tanda ng LA]. 

Henri Bouillard, Blondel and Christianity, isinalin ni James M. Somerville (Massachusetts: Corpus Publications, 1969), 3. [Mula dito, lahat ng pagsangguni sa tekstong ito ay magkakaroon ng tanda ng BC]. 

Mula dito, lahat ay aking pagsasalin. 

Isasalin ko sa Pilipino ang action bilang pagkilos, pagsasagawa, paggalaw, pagsasakatuparan o sa pandiwang "pinapangatawanan." Gagamitin ko ang mga katagang ito ayon sa angkop na konteksto. 

Mula sa mga notang ibinigay sa klase na may pamagat na From the private notebooks of Maurice Blondel. [Mula dito, lahat ng pagsangguni sa notang ito ay may tanda na NOTA]. 

James M. Somerville, Total commitment: Blondel’s L’Action (Washington: Corpus Instrumentorum, Inc., 1968), 18. [Mula dito, lahat ng pagsangguni sa tekstong ito ay may tanda na TC]. 

Hindi ko tinutukoy dito ang pagdududa ni Descartes, kundi ang isang pagdududang mula sa kaibuturan ng sarili, mula sa kaloob-looban na para bagang umaalingawngaw na hindi pa ito ang hinahanap, hindi pa ito ang ganap na mamahalin, sa kabila ng katapatan ng pagmamahal. 

Adequatio: ang pagtutugma ng la volonté voulue sa la volonté voulante. 

John J. McNeill, The Blondelian synthesis (Leiden, Netherlands: E.J. Brill, 1966), 71. [Mula dito, lahat ng pagsangguni sa tekstong ito ay may tanda na BS]. 

Maurice Blondel, The letter on apologetics and History and dogma, isinalin nina Alexander Dru at Illtyd Trethowan (New York: Harvill Press, 1964), 90. [Mula dito, lahat ng pagsangguni sa tekstong ito ay may tanda na LOA].