Tuesday, August 17, 2004

Si Ligaya at ang PD 772

SI LIGAYA AT ANG P.D. 772
Jeremy Saracanlao-Eliab

Kawawa ang nagpapait ng hatol
at nagtatapon ng katarungan sa lupa!
Niyuyurakan ninyo ang dukha …
pang-aapi sa matuwid, panghihingi ng lagay,
pandaraya sa mga dukha sa hukuman.
(Amos 5: 7, 11a, 12b)

"Ligaya ang itawag mo sa akin." Ito ang aking naririnig sa mga batang maliliit na naglalaro sa kalsada. Naging uso ito sapagkat ang pelikulang Ligaya ang naging bukambibig sa showbiz, mga tabloid at maging sa usapan sa loob ng bus at jeep. Sino ba naman ang ayaw maging maligaya sa gitna ng paghihirap natin dito? Kahit sa pangalan lamang, may yapak ng pangarap at pag-asa upang lumaya mula sa sakit, kirot at paghihirap.

Napapanahon rin sa palabas na Ligaya ang ang pagpapawalang bisa ng P.D. 772 sa ating Mababang Kapulungan. Isang panukalang batas bilang 5185 (HB 5185) na ipinasa ng dalawang komite, na pinangungunahan nina Mambabatas Andolana, Apostol, Lagman, Liban at Montemayor, ang nakasalang ngayon sa bulwagan ng Kongreso. Nilalayon nitong panukalang batas na baklasin ang matagal nang nakabaong paratang: kriminal ang mga mahihirap na walang lupa. Sapagkat ayon sa P.D. 772, otomatikong kriminal ang lahat na walang lupang nagtitirik ng kanilang tahanan sa mga nakatiwangwang na lupa. Pero kailangang may masilungan, kailangang may tirahan, at katitirikan ng tirahan ang bawat isang Pilipino. Ang buong Pilipinas ay para sa Pilipino, hindi lamang sa mga mayayamang may lupa, o sa banyagang nagdadala ng pera, trabaho, at "pangakong" kaunlaran, na magpakailanmang pinapangako hanggang.

Sapagkat ba ang isang Pilipinong walang lupa, naninirahan sa isang tiwangwang na lupa, otomatikong kiminal na kaagad? Wala nang proseso, wala nang "presumption of innocence," ayon pa sa isang abogado. Isang mabilisang pagparatang … ni hindi na titingnan kung bakit walang lupa ang isang maralita, bakit siya nagtirik ng isang tirahan, isang nakapaliit tirahan man lang na ipagkakasya ang kanyang pamilya at mga anak, mga kakaunting gamit sa kanyang tinubuang lupa.

"Ligaya ang itawag mo sa akin." Kung kaligayahan ng mga may-lupa ang P.D. 772 sapagkat may pera sila at maaring bumili, nang bumili pa, at magpalawak pa ng lupa at gawing kriminal ang mga walang lupa sapagkat binibili ang lahat para gawing subdivisions. Kumakalat ang mga maharlikang di-abot-kayang subdivisions sa kalunsuran, habang kumakalat at palipat-lipat naman ang mga maralitang taga-lunsod dahil sa demolisyon. Itong pagpaparami ng subdivisions, ang lantarang legal na pagkakamkam ng lupang para sana sa lahat, sa pamamagitan ng lubos na kapangyarihan ng pera ay isang nakatalukbong na pagkakait ng karapatang pantao ng mga maralitang tagalungsod para sa tunay na pabahay at desenteng paninirahan.

Kung ito ang ikinaliligaya ng mga nais kamkamin ang lupa upang mas lalong kumita, dahil sa kawalan ng sapat planong lokal ukol sa tamang paggamit ng lupa sa lungsod, ang kaligayahang ito ay tulad ng mga lalaking sa pelikulang Ligaya bumibili ng aliw, dahil meron silang pera upang maging maligaya, na sabay niyuyurakan ang karapatang-pantao ng mga babae. Baka magsasabi pa tayong, gusto naman ng mga babaeng ito ang magbigay ng aliw! Sino ba ang may nais maging mahirap at maghirap? Sino ba ang hindi hahanap ng kaligayahan sa buhay niya? Naging mababa ng lipad ni Ligaya sapagkat kasama siya sa mga ginawang latak ng lipunan, kaya napilitan ng ganoong uring trabaho upang mabuhay … karapatan niyang mabuhay, karapatan rin niyang galangin ang kanyang dignidad.

Kaligayahan ng maralitang taga-lungsod ang magkaroon ng lupa upang katitirikan ng kanilang mga abang tahanan. Kay gandang pakinggan ang salitang tahanan na nagmumula sa salitang-ugat na "tahan", tulad ng "tumahan sa pag-iyak at paghikbi si Ligaya," "pumayapa ang kanyang buhay sapagkat may tahanan na siya." Kapag tayo ay nasa ating tahanan, hindi ba natin nararanasan ang ibang klaseng kapayapaan? Isang damdaming ligtas tayo, makakatulog tayo ng mahimbing, kasama ang ating mahal sa buhay? Iba talaga ang tahanan. Kahit na sa ibang tahanan tayo at pagsabihang "feel at home," iba pa rin ang tahanan na sarili natin, na maari tayong maging tayo, maging ako ako, maging ikaw ikaw. Doon nararanasan natin ang ibang klaseng ligaya. Kaya nga ibang klaseng ligaya ang naranasan ni Dolor sa tahanan ni Polding, sapagkat doon niya naranasan ang pansamantalang panggalang sa kanya bilang tao, bilang babae.

Kung maranasan natin ang mawalan ng tahanan, ang madama ang kalagayang hindi-alam kung saan ihihiga ang katawan pagsapit ng gabi, hindi mapakali, hindi mapalagay, palaboy-laboy, ito ang paghihirap na dala ng P.D. 772. Madadagdagan ang mga "batang lansangan" ng mga mahihirap na walang tirahan, at magkakaroon ng "pamilyang lansangan." Ligaya ng maralita ang magkaroon ng tahanan sapagkat tinutugunan nito ang kanyang karapatan bilang tao. Pumapayapa lamang ang paghikbi at pagdurusa ng maralita kapag ang "dapat" para sa kanila ang mabisang pinapairal.

Kung ang ngipin ng P.D. 772 ang hayaang maghari, saan pupunta ang abang maralita? Lulutang na lang sa hangin? Lulutang na lang sa tubig? Upang maging matuwid at iwasan ang pagiging isang kriminal? Naging isang dayuhan ang abang maralita sa kanyang sariling bayan, naging kriminal siya sa kanyang sariling bayang may Saligang Batas na nagtatanggol sa kanyang karapatan, sapagkat wala siyang lupa, at mahirap lamang siya. Sa halip na tulungan ng lipunan ang mahirap, ginawa pang kriminal. Ano na lang kaya kung pati ang tubig at hangin ay gawing pribado rin, tulad ng lupa? At kakamkamin rin ito ng mga may perang kayang bilhin ang lahat ng hangin at tubig sa legal na paraan? Kriminal tayong lahat na humihinga, kriminal tayong lahat na umiinom at naliligo sapagkat ninakaw natin ito sa mga mayayamang nagmamay-ari daw nito. Karapatan nating huminga, karapatang nating uminom ng tubig, karapatang nating manirahan, karapatan nating mabuhay.

Kasama pati ang mga Lumad at mga katutubong Pilipinong nakatira sa bulubundukin ng Mindanao at Luzon ay ginawang kriminal ng P.D. 772. Maaring gamitin ng sinumang may pera at sapat na legal na pamamaraan upang kunin sa mga katutubo ang lupa. Tingnan lamang ang nangyayari ngayon sa pagitan ng Bukidnon at Davao City o BUDA. Nagsusulputan ang mga rest houses ng mga mayayaman sa lupang para sa mga katutubo, na pinalayas naman sa pamamagitan ng dahas at bisa ng makakapal na pera. Tingnan naman ang mga katutubong pinapaalis sa dulong bahagi ng Luzon dahil sa mga dam at pagmimina. Ilang tahanan ang winasak ng P.D. 772, ilang buhay ang nasawi, ilang dugo ang inialay upang ipagtanggol sa karapatan sa Lupang Tinubuaan? Hindi natin dapat hintayin pa ang pagkakataong magsisisi tayo dahil sa pagpapabaya, isang panlipunang pagpapahirap ang P.D. 772.

Kung tutuusin, milyon-milyong Pilipino ang huhulihin sa bisa ng P.D. 772, kakasya kaya tayong lahat sa bilibid ng Muntinlupa? Ngayon pa nga lamang may mga problema na sa kakulangan ng pagkain at mga kasikipan ng mga gusali para sa mga bilanggo, mga bilanggong pati ang kanilang karapatang pantao rin ay nilabag, dadagdagan pa ng milyong bilanggong lumabag sa P.D. 772. Isang pahirap sa pamahalaan, at higit sa lahat sa mga maralita ang P.D. 772. Kung tutuusin, isang kahibangan ang P.D. 772. Sinabi ni Gng. Imelda Marcos na "lip service" lamang ang HB 5185 na nagpapawalang bisa sa P.D. 772, ngunit hindi ito laway at hungkag na tunog ng mga pompiyang. Karapatan ng tao ang sumisigaw sa usapin, na naghihingalo at tumatawag ng pansin, ang karapatang isinasakripisyo sa dambana’t altar ng kaunlaran para sa Pilipinas 2000. Ang P.D. 772 ay isang batas na hindi makatarungan, at isang harap-harapang uri ng modernong pang-aapi, isang mayabang na pagpapasikat ng mga makasariling may-lupa na walang pagtingin at puso sa karapatang pantao ng maralita.

Ayon nga kay Ligaya sa huling bahagi ng pelikula, itong pera ang nagpapatakbo sa buhay ng tao, nang dahil sa kasakiman ng tao sa kayamanan, na humahalinang sarilinin niya ito, ito na rin ang gumagapos sa mga mahihirap sa kahirapan. Merong sapat na lupa, ngunit ang kasapatan ay nakamkam ng kasakiman, at ang kasakimang ito ay binabantayan ng P.D. 772. Kailan lamang magiging maligaya si Ligaya? Kapag may tunay siyang tahanan na tinatamasa niya ang mapayapang pamumuhay na ginagalang ang kanyang karapatang pantao. "Ligaya ng itawag mo sa tahanan."

No comments: