ANG MITSA NG KANDILA
Bong S. Eliab
Naipasa sa Mababang Kapulungan ng ating Kongreso ang House Bill 5185 bilang pagpapawalang bisa ng Presidential Decree 772. Pinararatangan ng P.D. 772 ang maralitang taga-lungsod na walang lupa bilang kriminal, isang mabilisang pagpaparatang na ang mahihirap na walang sapat na kita dahil sa kahirapan ay isang kiriminal: "dahil mahirap ka, kriminal ka." Dahil dito, nagkaisa ang mga Kongresista sa pangunguna ni Gregorio Andolana na dapat ngang ipawalang bisa ng Kongreso ang nasabing batas na nagpapataw ng kaparusahan, may kaparusahan para sa kanya dahil ang kasalanan ay mahirap siya.
Ngayon naman, nasa Senado na nakabinbin ang nasabing panukalang batas. Nasa kamay na rin ng mga Senador ang buhay ng nasabing batas – kung sakaling nakikita nila na ang P.D. 772 ay isang pabigat sa pasanin ng mahihirap, isang pagpapahirap pa sa mga mahihirap. Magiging isang pagsubok ito sa kanilang sarili – kung kumikiling ba sila tungo sa pagpapalaya ng mga maralitang taga-lungsod o hindi, kung naririnig ba nila ang mga hinaing ng mga mahihirap o hindi.
Ngunit hindi lamang sa larangan ng mga Mambabatas manggagaling ang pagbaklas ng P.D. 772. Nasa kamay rin ng mabisang pakikilahok at pagbabantay ng mga maralitang taga-lungsod. Ayon kay Jurgen Habermas, isang sosyolohikong Aleman, na ang pakikilahok ng lahat ay mahalaga tungo sa mas malusog na bayan. Ang bawat isa ay may karapatang makilahok, magsalita, magpahayag ng kanyang opinyon ukol sa mga isyu at bagay na may kinalaman sa kanilang buhay. Ang pananahimik naman ay isang tanda na tinatanggap ng mahihirap kung ano man ang magiging pasya ng mga lumahok, iyong mga Senador at ang mga iba’t ibang interes na sumusundot sa kanila.
Kailangang lumahok ang bawat isang maralitang taga-lungsod sa proseso ng pagpapasya, lalo na ng mga batas na diretsang may kinalaman sa kanilang buhay. Marami nang tahanan, pamilya at kinabukasan ang sinira at winasak ng P.D. 772, kaya trabaho rin ng bawat isa na kumilos upang ihinto itong hindi makatarungang batas na bumabaon pa sa buhay dalita. Sinu-sino ba ang dapat kumilos? Lahat na nakatira sa kalunsuran na walang sariling lupa, lahat na tahanang hindi tiyak ang kanilang paninirahan, mga batang lansangan, mga mahirap na mag-aaral na nangangarap magkaroon ng pamilya at sariling tahanan sa kinabukasan, mga guro na kulang ang sahod upang bumili ng desenteng bahay, at lahat ng Pilipinong nangangarap na magkaroon ng isang tahanang payapa, may kasarinlan at katiyakan.
Kailangan ang mga adhikain at pangarap natin ang lalabas sa batas, kailangan ang ating panlipunang kapakanan ang maluluwal ng Kongreso, ng Senado, ng Pangulo. Mangyayari lamang ito kung mabisa at malawakan ang pakikisangkot na nangyayari upang maisalin ang ating mga layunin at pangarap sa isang panlipunang layunin. Mayroong koalisyon ng mga pangkat at NGO, ang KALAS 772 upang pagsikapang dalhin at iahin ang interes ng mga maralita sa mesa ng Kongreso. "Kung mas marami ang naghahain, maraming makikikain, kung kaunti ang naghahain, hindi papansinin." Mayroon yatang dinamismo ang Kongreso ngayon na kailangang ipakita ang lakas at dami ng mga tao upang himukin silang ipasa ang batas. Kailangan pa bang daanin sa ganoong proseso ang pagsasabatas ng mga patakarang magpapagaan ng dusa at hirap ng mga tao?
Kung seryoso ang Kongreso ukol sa nakasaan sa ating Saligang Batas, na responsibilidad nilang gumawa at magsagawa ng hakbang upang palaguin ang panlipunang katarungan, tungo sa kapakanan ng mas nakakararami, tungo sa kalayaan mula sa pagkagapos ng kadena ng paghihirap, matagal na sanang naipawalang bisa ang P.D. 772. Ngunit batas rin ang kanilang ginagawa kung pinapalitan nila ng pangalan ang isang kalsada, ang isang plaza, ang isang bayan, ang isang eskwelahan, at iba pang pagpapangalan. Huwag naman sanang gawing isang kalagayan ng katamaran ang honorableng bulwagan ng Kongreso, huwag naman sanang gawing lugar ng mga hindi na nangingilatis kung ano ang mahalaga, huwag naman sanang gawing isang bulwagan ng palabas at katangahan – sa halip isang bulwagan ng katarungan at katinuhan.
Sa panig naman ng maralitang taga-lungsod, hindi rin ito panahon at lugar upang papatay-patay. Madalas magsasabi na lamang na "wala namang mangyayari diyan." Kaya uso ngayon ang walang pakialam. Kung hindi maipawalang bisa ang P.D. 772, nabigo ang pagpaparating ng adhikain ng maralita sa mga kinauukulan. Nagtagumpay ang ganid sa pera at kapangyarihan, nabigo ang kalayaan mula sana sa kahirapan, at unti-unting guguho at mawawasak ang mga maliliit na tahanan. Marami na ring dugo, buhay at kinabukasan ng maralita ang naialay sa altar ng P.D. 772, ngayong taon ang tiyak na panahon upang magtirik ng kandila para sa ganap na kapayapaan ng P.D. 772 sa hukay ng kasaysayan. Sana, magtirik ang bawat isa ng kanyang sariling kandila sa kanyang puso upang bigyang liwanag ng kadilimang dala ng kahirapan. Ayon pa sa isang pilosopong Intsik: "Mas mabuti pang magsindi ng kandila kaysa sumpain ang dilim."
Narito ang aking kandila: makilahok tayo sa proseso ng pagpapawalang bisa ng P.D. 772 sapagkat buhay natin, tahanan natin, kinabukasan natin ang nakataya.