TAG-ARAW NG PAKIKIPAGKAIBIGAN: YUGTO NG PAMAMAHINGA
BONG S. ELIAB
Kay sarap magtampisaw sa malamig ng tubig sa ilog ngayong linggo. Ang maranasan ang nakakasariwang dalisay na batis sa isang malayong baryo ay isang napaka-espesyal na karanasan upang pawiin ang init ng araw at hapo ng ating mga pagod na diwa. agtampisaw, maghabulan, sisisid sa tubig, at bulaga! Biglang nagsidatingan ang mga dating kaibigan, mga kaklase sa elemetarya, mga nasa highschool .... oyyy! ang iba may asawa na at anak! Ang iba naman, tandang binata't dalaga pa rin. Magsisimula nang magbiruan, magkuwentuhan, kantahan, habang binabasa ng bawat isa ang hindi pa naliligo -- kuwentuhan muli na parang isang napakahabang nobela ng mga kaibigan, isang hindi matapos-tapos na hagikhikan at halakhakan. Sa loob ko, mapayapa at maligaya at nakakasariwa itong tag-araw kasama muli ang mga kaibigan.
Buwan ng pamamahinga at bakasyon ang mga buwan ng Abril at Mayo para sa mga mag-aaral. Pagkatapos ng isang taon ng matinding pagsubsob sa mga libro at notbuk, pagsusunog ng kilay, cramming, ang kahindik-hindik na eksam sa Math, ngayong tag-araw, uupo muna tayo at lasapin ang pahinga sa gitna ng nagbabagang init ng araw. Isa sa pinakamahalagang pangyayari sa mga buwan na ito ang makita ang mga dating kaklase, mga kamag-anak, pamilya at higit sa lahat ang matalik na kaibigan.
Kay gandang balikan ang ating mga masasayang nakaraan, mga nakaraang naging bahagi ng ating pagtubo sa buhay. Naalaala ko pa noong bata pa ako ang mga kabalastugang ginawa noong panahon, mga kapilyuhan, mga biro-biro, higit sa lahat ang malalim na katapatan ng kaibigan. Minsan ko lang nakikita ang mga kaibigan ko, dala ng aking mapaglakbay na buhay, lumilipad saan-saan ayon sa ihip ng paglilingkod at pag-aaral. Ngunit tuwing tag-araw, ito ang panahon ng pagbisita at pagpapanibago ng lakas, ito ang panahon upang sariwain ang katapatan, ito ang panahon upang patatagin ang pakikipagkaibigang humihina, balikan ang alaala ng mga nakaraan at kumuha ng lakas at pag-asa mula
doon upang magpatuloy muli sa buhay.
Sa tuwing uuwi ako sa amin, maging sa Antique man o sa Davao, ang unang nasa isip at puso ko ang aking mga kaibigan. Ewan ko ba, nararanasan ko sa aking buhay na ang mga lugar ay mga sangkap lamang kung saan nangyayari ang ganoong mahiwagang katapatan ng mga tao sa isa't isa, ang katapatan ng magkakaibigan na lumalampas sa mga mabilis
na pag-usad ng panahon at palipat-lipat ng lugar. Nagiging mahalaga lamang ang isang lugar o ang isang panahon sapagkat may mahalagang pangyayari doon, at iyon ang pangyayaring hindi kailanman nawawalan ng halaga ni kumukupas na kahulugan -- pakikipagkaibigan. Sa aking palagay, ang pinakamahiwagang himala na nangyayari lagi sa sanglibutan ito, sa gitna ng mga kahindik-hindik na karahasan, digmaan, alitan, ay ang
pagsilang ng pakikipagkaibigan sa pagitan ng dalawang tao.
Ano ba talaga ang nangyayari sa pakikipagkaibigan? Hindi lamang siguro isang sikolohikal na pagpapaliwanag, ni isang biolohikal na pangangailangan, ni isang sosyolohikal na katotohanan na kailangan ng tao na magkaroon ng kaibigan. May mas higit pa sa mga teorya ng agham panlipunan o ng pisiolohikal na galaw ng mga glandula ang ugnayan na minsan hindi kayang hulihin ng mga paliwanag ng mga dalubhasa -- iyan
ang tanda ng hiwaga, isang hindi maipaliwanag na kayamanan ng pakikipagkaibigan. Sa kaibuturan ng ating pagiging tao, naroroon ng binhi ng pakikipagkaibigan; o kung wala man ang binhi, ang posibilidad na maging binhi; o kung wala man ang posibilidad, ang pagnanais man lamang na maging posibilidad. At itong binhi ng pakikipagkaibigan, pinapatubo at inaalagaan kasama ang isang kapwa -- kaya nga pinapatubo ng dalawa ang binhi ng pakikipagkaibigan, inaalagaan, inaaruga, dinidiligan, pinaglalaanan ng panahon. Kapag pinabayaan naman, nalalanta, naninilaw ang dahon, maaring hindi mamunga, at hahantong sa paglaho at pagkamatay ng ugnayan.
Tunay ngang ang pakikipagkaibigan ay isang paglalaan ng panahon. Ngunit sa tingin ko, hindi naman talaga panahon ang inilalalaan. Kapag naglalaan ako ng panahon sa matalik kong kaibigan, hindi panahon ang binibigay ko. Sarili ko ang aking binibigay. Ganoon rin siya. Pakikipagkaibigan ay pagbibigayan ng sarili. Isang pagbibigayan na hindi
naman nawawalan kami ng sarili, kundi kusang nagkaroon pa. Mas tumutubo ako, mas tumutubo rin siya sa mismong pagbibigayan namin ng sarili, sa mismong pagkakaibigan namin.
Kay sarap ng tag-araw kung kapiling ang matalik na kaibigan -- maaring kasama sa pamamahinga, kasama sa pamamasyal, kasamang maglakad sa mabuhanging dalampasigan, o kasamang maligo sa dagat, o kasama sa pakikibaka -- lahat ay isang pagsasayang ng panahon sa matalik na kaibigan. Sayang ba talaga? Sayang sa mga taong hindi nakikita ang halaga ng isang tunay na kaibigan, sayang sa isang taong hindi nauunawaan ang kahulugan ng pakikipagkaibigan, sayang sa isang taong takot magtaya ng sarili sa isang kaibigan. Ang pagtataya ay handang magsayang, ngunit naroon rin ang handang mag-alay ng sarili, ng buhay sa isang kaibigan. Pagsasayang ang pag-aalay. Sayang ba talaga ang
mag-alay ng buhay para sa isang matalik na kaibigan? Sayang sa isang walang kaibigan, sayang sa taong sarili lamang ang inaatupag at laging nagsasabing "problema sa inyo, hindi kayo marunong makibagay at makipagkaibigan sa akin." Hindi ba na ang maging makasarili ay isang tunay talagang pagsasayang? Sayang ang mga pagkakataong tumubo sana ako, sayang ang mga pagkakataong nalampasan ko ang aking pagkamakasarili at takot magbukas ng sarili, sayang ang pagkakataong lumabas sa pader ng aking ego, sayang! natuklasan ko sana ang kayamanan ng isang matalik na kaibigan.
Tag-araw, araw ng panunuyo ng mga damuhan, ito rin ang panahon ng tag-init na nakakamatay sa mga sariwang dahon ng puno. Ngunit ang alam ko, hindi sila namamatay sapagkat pagdating ng Hunyo, tutubo na naman ang bagong mga dahon. Panunuyo ay pamamahinga, pamamahinga ay isang paghahanda. Ganoon rin tayo, nanunuyo rin ang
pakikipagkaibigan. Ngunit tag-araw ngayon! Susulyap uli tayo sa nakatagong yaman ng ating matalik na kaibigan. Sulyap dito, sulyap doon. Sisid dito, pahapyaw doon. At may natagpuan muli tayo. Isang mukhang kilala na natin sapagkat naging matalik nating kaibigan. Ngunit isang bagong mukha rin, sapagkat tumubo siya, tumubo ako, tumubo
tayo. Namamahinga tayong lahat kasama ang ating matalik na kaibigan, ang mismong pamamahinga ay isang pagpapatatag ng ugnayan, pagsasayang ng panahon sa isang napakahalagang kayamanan -- kaibigan.
"Bong, ahon ka na diyan! Malamig na ang tubig sa batis, gumagabi na …. Mamayang gabi uli, kuwentuhan na naman tayo sa tabing dagat. Sabihan mo ang iba nating kaibigan …..!" Patuloy pa rin ang pagbabahaginan sa ilalim ng mahiwagang buwan, sa saliw ng malamig at umudyok na hanging dagat. Parang huminto ang pag-usad ng panahon, parang walang namamagitan sa bawat isa. Ito ba ang isang sulyap sa walang hanggang
pakikipagkaibigan, ang walang hanggang pag-aalay at pagbabahaginan ng buhay.
Noong umalis na ako sa lugar pagkatapos ng dalawang araw upang bumalik sa aking summer classes muli, hindi ko mawari ang halu-halong nararamdaman. Sasakay ako sa eroplano pabalik sa Maynila, naroon sila, hinatid pa ako. Mga matang masaya at nakangiti, mga mukhang payapa at mahinahon – sapagkat magkaibigan. Walang masabi kung hindi isang
malutong na "Ingat" at isa pang "Ingat sila sa iyo." Ingat sila sa iyo, iyan ang tinig ng nagtitiwala, tinig ng katapatan. Ingat naman ang tinig ng pagmamahal at pagkalinga. At meron pang pahabol, "salamat sa imong pakig-angay, kita usab ta, padayon" na ang ibig sa ay "salamat sa iyong pakikibagay, magkikita tayo muli, patuloy!"Lumipad ang eroplano, ngunit ang puso ko’y nanahan sa kanila. Nakikita ko sa bintana ang isang abot-tanaw ng isang lugar ng mga taong nagsisikap maging tapat sa isa’t isa. Nakikita
ko na rin ang malawak pang abot-tanaw kung saan nagsasalubungan ang ulap at dagat – malawak pang lalakbayin ng mga magkakaibigan.
1 comment:
sert porno
Post a Comment