KALIWANAGAN BILANG PAG-AABALA SA METODO
Jeremy S. Eliab
Pamantasan ng Ateneo de Manila
I. Pambungad
Isang pagsisikap na pagtingin itong papel sa panahon ng Kaliwanagan, bilang isang panahon ng mapusok na paghahanap sa katotohanang nakabatay lamang sa kakayahan ng pag-iisip rasyunal, ayon sa paglalahad ni Hans-Georg Gadamer sa kanyang aklat na Truth and Method. Tatalakin ang pag-usad ng nitong panahong ito mula sa Reformasyong relihiyoso hanggang sa haggang sa pagsilang historicismo bilang paghahanap ng Kaliwanagan ng angkop na metodo sa pag-uunawa sa mundong kinapapalooban nito. Ang panahon ng Kaliwanagan na nangyayari sa Europa noong ikalabinwalong ay ang pagsilang ng bagong pag-iisip mula sa laksa-laksang taon ng kadiliman at kawalang-alam tungo sa bagong umaga ng pag-iisip rasyunal.
Ang pagningning ng pag-iisip rasyunal sa halos lahat ng larangan ng buhay ng tao ang nagbigay ng lakas-loob na tingnan ang lahat ng may pagkadalisay, umunawa na wala ang bigat na dala ng tradisyon, ng mga nakaraang bagahe sa pag-uunawa, ng mga mahika’t superstisyon, at higit sa lahat ng umaaligid na kapangyarihan ng simbahan. Kasing halaga rin ng pagningning ng pag-iisip ang mga tanyag na pagtuklas at tagumpay na nagawa ng agham sa larangan nito, na nagpaangat nito sa isang posisyon bilang mapagkakatiwalaang disiplina at sukatan ng katotohanan. Ayon kay Gadamer, ito na rin ang panahon na bumaling ang buong pagkilos ng Kaliwanagan, lalo na ang agham panlipunan, sa metodo ng siyensiya upang talakayin at pag-aralan ang katotohanan ukol sa diwa ng tao (TM, 4).
Kaya dumako ang Kaliwanagan, bilang isang kultura o pananaw noong ikalabinwalong siglo, sa mabagsik na disiplina ng metodo, dala ng impluwensiya ng agham, upang hanapin ang katotohanan ng lahat. Naging laganap na ang katotohanan ay maaring makita lamang sa pamamagitan ng kabagsikan at disiplina ng pananaliksik, ng pag-iisip. Sapagkat hinahanap ang katotohanang obhetibo, na dinalisay mula sa mga sagabal na pagkiling sa pag-uunawa, naging isang mabilis at madaling takbuhan ang metodo ng agham upang hanapin ang katotohanan.
Ito na rin ang pagsisimula ng pamumukadkad ng agham bilang sukatan at batayan ng katotohanan, hindi lamang sa larangan ng pisikal at natural na agham, kundi pati na rin sa agham panlipunan, sa pag-uunawa sa kasaysayan. Sa halip na bumaling sa sining, sa halaga ng tradisyon, sa pilosopiya, nahalina ang agham panlipunan sa komportableng kanlungan ng metodong agham. "Dumikit ang lipunan ng may litong pagsunod sa kadalubhasaan ng agham, at ang huwaran ng mulat na pagpaplano at maaliwalas na pamamahala ay nangingibabaw sa bawat larangan ng buhay kahit pababa sa nibel na paghubog ng opinyong publiko."
Sa larangan ng pilosopiya, lalo na ng hermeneutika, nagdala ang Kaliwanagan ng isang pagtingin na ang pag-uunawa ay isang metodo lamang ng suheto upang maging obhetibo at tiyak ang kanyang nalalaman (Ibid, 178). At upang maging tunay ngang obhetibo at tiyak, kailangan na ang suhetong umaalam ay malaya sa mga sagabal nakukuha niya sa mundo, tulad ng mga palagay at pagkiling. At kung matamo man ang kalayaang ito, ito lamang kalagayang ginagawang posible ang paglitaw ng katotohanan sa pag-iisip.
Ito ang panahon pagkawasak sa pagiging orihinal at sinaunang ugnayan ng katotohanan at pag-uunawa bilang magkabahagi (Ibid, 262). Kung sinisikap ng Kaliwanagan na hubdan ang pagmamalay ng mga bagahe ng pagkiling, ng bigat ng tradisyon, nais namang pagpagin at buhayin ni Gadamer ang halaga nitong dalawa bilang kondisyon ng pag-uunawa, sa pamamagitan ng pagbabalik sa Dasein ni Heidegger. Nais ipakita ni Gadamer na ang pag-uunawa ay hindi isang metodo ng isip kundi isang ontolohikal na pangyayari sa kasaysayan. Ayon kay Gadamer, ang pag-uunawa ay isang pangyayaring natatablan ng at tinatablan ang tradisyon (Ibid., 300). Samakatuwid, imposibleng itakwil at bitawan ang mga palagay at pagkiling ng nasa pag-uunawa sapagkat sa pamamagitan ng mga ito posible lamang ang pag-uunawa. Ang bawat pag-uunawa ay laging pangyayaring makasaysayan, laging karanasang nasa kasaysayan. Nais niyang bigyang diin na ang pag-uunawa ay hindi kailanman isang metodo ng pag-iisip kundi isang pangyayari ng nagtatalaban ng abot-tanaw.
Pagkiling, palagay
Bilang isang kilusang makasaysayan, ipinapangibabaw ng Kaliwanagan na ang pinakamahalaga sa lahat ang makapangyarihang kakayahan ng pag-iisip (Ibid, 272). Ang pag-iisip rasyunal lamang ang tunay na magpapalaya sa tao mula sa pagkalitong dulot ng kawalang-alam at superstisyon, ng pagsunod sa may kapangyarihan sapagkat may relasyon ito sa nakaraan (Ibid., 277). Para sa kilusang ito, ang mga pagkiling ay "walang batayang hatol" (Ibid., 271). Itong paghatol ay isang pagwasak sa mismong pagkiling mayroon ang isip sa pag-uunawa nito, na ang mga hatol o pasiya ay may halaga lamang kung mayroong batayan sa mga bagay-bagay upang tiyakin ang katotohanan nito. At itong katiyakan ay magagawa lamang ng isang malayang pag-iisip, isang kalayaan mula sa mga di-pa-natatanong na palagay.
Isa sa mga pangunahing trabaho ng Kaliwanagan tungo sa pagpapalaya sa isip mula sa mga walang batayang pala-palagay ay ang pagpapakita na isang metodo ang pag-uunawa. Isa itong kasangkapan na ginawa ng umaalam upang palayain ang kanyang sarili sa mga kahiligan at sagabal ng pang-araw-araw na buhay. Isa rin itong tulay upang maunawaan ng umaalam sa isang paraang dalisay at malaya sa mga pala-palagay ng mundo. Dagdag pa rito, kailangan tiyaking obhetibo ang pagsasagawa at dapat walang bahid ng kaguluhan at pagkalito ang pag-alam na nagmumula sa mga may-kiling na kuro-kuro at pananaw. Kaya, hinihingi ang isang metodong nakatuon sa mulat na pag-iiwas at sadyang pagwawaksi ng mga pala-palagay na umaanino sa isip. Isang pilit na pagpipigil sa sarili ang pag-uunawa, isang disiplinang hinahawakan ng pagmamalay na natatakot sa mga di-tiyak na opinyon at pananaw.
Naging matindi itong uri ng pagtingin sa pag-uunawa bilang kasangkapan ng isip sa paglitaw ng modernong agham. Dahil sa mga dakilang tagumpay na natamo ng agham mula sa pagpapaliwanag nito ng may katiyakan at katinuhan ukol sa katotohanan ng mga bagay sa larangan ng pisika, naging isang sukatan ang metodo nito sa halos buong karanasan ng tao (PH, 111). Kaya isang sistematikong pagkamuhi sa mga sinauna’t di-pa-natatanong na kuro-kuro at paninindigan mula sa tradisyon ang unang hakbang ng pagsasadalisay ng isip sa kasalukuyan. Ang pagsasadalisay ay dapat kung kailangan ang posibilidad ng paglitaw ng katotohanan.
Dogmatikong tradisyon at ang Reformasyong relihiyoso
Ang Kaliwanagan ay panahon ng matapang na pagtatanong sa mga nakasanayang palagay na nagmumula sa mga institusyon at ang kapangyarihan nilang magbigay ng interpretasyon sa mga bagay-bagay. Ang ganitong uri ng pagtatanong sa awtoridad ay nagsimula ito sa panahon ng Reformasyon na pinangungunahan ni Martin Luther. Ang Reformasyon ay isang relihiyosong pag-aalsa laban sa kapangyarihan ng Simbahang magbigay liwanag ukol sa kahulugan ng Banal na Kasulatan. Ito na rin ang nagwakas sa makapangyarihan at impluwensiyang eklesiyastiko, partikular ang Simbahang Katoliko, sa mga bansang Kanluran. Ito na rin ang simula ng malayang pagtatanong mga Protestante, hindi lamang sa kapangyarihan ng Papa, kundi sa kapangyarihan ng Simbahan bilang Mater et Magistra sa pag-uunawa ng Bibliya. Ayon sa mga Protestante, pinapangibabawan at pinapalabo ng dogmatikong tradisyon ng Simbahan ang pag-uunawa sa Bibliya (TM, 174).
Ang paninidigan ng mga reformistas na hindi kailangan ang tradisyon ng Simbahan ay malinaw na pagbibigay pabor sa kakayahan ng isip sa kanyang kasarinlan na maunawaan ang teksto. Ang tradisyon na nagbibigay liwanag sa pag-uunawa ng banal na kasulatan pagpapadilim lamang ng isip. Nauunawaan ang Bibliya isa itong buo na maaring mauunawaan sa pamamagitan ng mga bahagi (Ibid., 176). Ang pag-uunawa sa mga bahagi ay humahantong sa pag-uunawa ng kabuuan, na siya namang gumagabay upang maunawaan ang mga bahagi. Ang proseso ng pag-uunawa ay isang pagpapalitan ng kabuuan at ng bahagi. Nalilikha ang isang prinsipyong unibersal na ang pagbabasa ng teksto ay mauunawaan mula sa contextus at sa scopus – ang katipunang kahulugan na patutunguhan ng kabuuan (Ibid., 175).
Kaya itong kalayaan ng pag-uunawa ng Bibliya mula sa pagkagapos sa dogmatikong tradisyon, nabigyang diin ang pribadong interpretasyon ng teksto. Ito rin ang nagbigay ng paraan upang ipawalang-bisa ang mga pagkiling at palagay na walang batayan. Nakikitang sagabal lamang sa pag-uunawa ang mga palagay na mula sa tradisyon at nakaraan, na hindi na tinatanong at sinusuri. Kahit itinaboy ng Reformistas ang dogmatikong tradisyon ng simbahan, ayon kay Gadamer, pinalitan naman nila ito ng isang pang dogma: na isang kabuuan ang Bibliya. Pati ang kanilang pagteteolohiya ay dogmatiko pa rin sapagkat hindi tinatanggap ang indibidwal na interpretasyon (Ibid., 176).
Samatuwid, ang Reformasyon ang simula ng pagsilang ng pagdududa sa tradisyon at kasaysayan bilang batayan ng pag-uunawa sa mga tekstong klasikal. Ito ang simula ng kagyat na pag-uunawa sa kahit na anumang inihaharap sa isip at pagmamalay, at mula sa kasarinlan ng isip, kaya nitong maunawaan ang kahit na anumang inihaharap sa pag-iisip.
Ang tagumpay ng agham at ang mabagsik na metodo
Sa panahon ring ito, naging matagumpay amg agham sa pghahanap ng metodong angkop sa sa pananalisik. Nagsimulang maging mulat ang agham sa sarili at mga palagay nito ukol sa mundo, sa metodo ng sistematikong paghihiwalay ng siyestista sa obhetong kanyang pinag-aaralan upang mapanatili ang pagka-obhetibo. Naging mulat na rin ang agham sa isang napakalawak at walang hanggang posibilidad na hinaharap nito (Ibid., 460). Kaya sa mga tagumpay ng agham, naging kahalihalinang huwaran ang agham sa pananaliksik at pag-uunawa, sa pagtuklas at paghahanap, sa wasto at tumpak na pag-iisip.
Ang wastong paggamit lamang ng malayang pag-iisip ang pinakatumpak na mapagkatiwalaang batayan kung ano ang totoo. Ang malayang pag-iisip lamang ang mismong may autoridad na magpasya sa mismong pag-uunawa kung anuman ang nakalatag sa pagmamalay, laban sa kapangyarihan ng tradisyon na magbigay liwanag at tulong sa pag-uunawa (Ibid., 272). Samakatuwid, ang paghina ng tradisyon ay tanda ng marahas na pananakop ng agham sa kahit na anumang larangan ng pananaliksik o paghahanap ng tunay na katiyakan ng pag-alam.
Kung ang agham ay alisto sa pagbabantay at pagwawaksi sa sarili nito sa mga pala-palagay na walang batayang empirikal, kinikilala ng Kaliwanagan ang dalawang uri ng palagay na nangyayari sa pag-uunawa. May palagay na mula sa isang pag-aapura ng pag-iisip at ang mga palagay ng kapangyarihan (Ibid., 277). Maiiwasan lamang itong pag-aapura kung may metodo na magdidisiplina at magpipigil sa pag-iisip upang hindi ito magkamali. Kung sa pag-aapura lamang nangyayari ang lahat ng pagkakamali, na siyang paggamit ng pag-iisip na walang sinusundang sistema at disiplina, ang pagkakaroon, samakatuwid, ng isang tamang sistema ay hahantong sa isang tunay at dalisay na pagtingin sa mga bagay-bagay. Ito ang kalagayang nilalayon upang maging posible ang paglitaw ng katotohanan.
Ganoon rin sa autoridad, ito ang palagay na hindi ginagamit ang pag-iisip kundi hinahayaan na lamang ang may kapangyarihan ng tradisyon na magpasya at maghatol kung ano ang tunay at wastong interpretasyon at pagbabasa sa mga bagy-bagay (Ibid., 277). Sumusunod na lamang sa sinasabi ng may kapangyarihan na walang pagtatanong, dala ng pagbibigay galang at pagpapakumbaba sa harapan ng nagpapataw na kapangyarihan. Kaya sa pagtaboy ng autoridad, doon lamang nangyayari ang tunay na malayang pag-alam at ganap na kaliwanagan.
Kung ang pag-iiwas sa pagkakamali ay matatamo sa pagkakaroon ng metodo, dapat ang metodo ay hiwalay rin sa mga bagahe na mga pala-palagay. Bago pa ang Kaliwanagan, nagsimula itong paghahanap ng metodong dalisay kay Descartes noong ninanais niyang maghanap ng tiyak na metodo upang mabagsik na maiiwasan ang mga sagabal sa pag-uunawa. Natuklasan niya ang kakayahan ng pagmamamalay na maaring sistematikong humiwalay mula sa impluwensiya ng nasa labas nito sa pamamagitan ng pagdududa. Kaya ang Cartesianong katiyakan, samakatuwid, ay nagmumula sa malayang galaw ng isip na tiyak sa kanyang sarili.
Lumabas ang isang posisyon ng isip na may kakayahangna kumalas at lumayo sa impluwensiya ng mga may-kiling na palagay. Kaya ang metodong ito ang magpapalaya sa pagmamalay mula sa kadena ng mga palagay na walang batayan. Dagdag pa, kailangan ang metodo upang baklasin ang may bahid na kalagayan ng pagmamalay at gumawa ng mga posibilidad upang maunawaan ng pagmamalay ang mundo ayon sa kabagsikan ng metodo na hindi mapagdududahan (Ibid., 238). Nakakahantong ang pagmamalay sa isang ganap na pag-uunawa, sa isang tunay na kaliwanagan sa pamamgitan nitong situwasyong ligtas sa mga pala-palagay.
Kinikilala na nagmumula sa agham natural ang ganitong metodo, bilang batayan ng katiyakan sa pagbabatid ng kahit na ano (Ibid., 236). Kinuha ng agham ang huwaran ng pagdududa-pagkatiyak ni Descartes upang umangat sa tunay na pagtingin at pag-uunawa ng kalikasan at kaayusang natural. Nagiging mabagsik ang proseso nito, lalo na ang pagsusukat ng matematika at pagmamaniobra ng lahat ng kondisyon upang subukang ilagay ang kalikasan sa pamamahala ng maka-suhetong pagmamalay para sa layuning makatao. Kaya itong pag-usad ng agham at ang kabagsikan ng metodo nito ang nagtayo ng pundasyon ng pag-aabala sa proseso ng pag-uunawa bilang metodo ng pagsasadalisay ng suheto ng kanyang pagmamalay upang malaman ang mundo.
Romanticismo at paghalina sa nakaraan
Ang pangingibabaw ng paggamit ng mabagsik na metodong nadidiktahan ng pag-iisip ay hindi lamang sa larangan ng agham nanatili, kundi lumaganap pati sa pag-uunawa sa kasaysayan, sa pagbabasa ng mga tekstong klasikal, maging sa mga likha ng sining. Ngunit hindi lahat ng teksto at obheto ng pag-uunawa ay nauuwaan at nasasakyan kaagad. May mga pangyayaring wala sa kakayahan ng kapangyarihan at kapusukan ng pag-iisip ang mauunawaan kaagad ang mga karanasang nakapadayuhan sa pag-uunawa (Ibid., 179).
Sinabi ni Gadamer na nagbigay ng isang solusyon si Spinoza sa kanyang puna sa Bibliya. Sa kanyang Tractatus-theologico-politicus, sinabi ni Spinoza, ayon kay Gadamer, na kailangan malaman ng bumabasa ang iniisip ng manunulat upang maunawaan ang teksto. Mangyayari itong pag-uunawa sa isip ng manunulat sa pamamagitan ng mga datos sa kasaysayan (Ibid., 181). Isang metodo ng pag-uunawa sa mga bagay na hindi kayang nauunawaan ng mambabasa ang pag-uunawa sa isip ng manunulat. Ibig sabihin nito na tingnan kung ano ang iniisip ng manunulat sa pamamagitan ng pagsasalarawan ng konteksto ng manunulat. Kaya ang pag-uunawa ngayon ay isang metodo ng pagbabalik-tanaw sa kung ano ang ibig sabihin ng manunulat sa kasaysayan. Sa pamamagitan nito, nalalampasan ng mambabasa ang palagay at pagkiling sa kasalukuyang panahon, at walang pagka-abalahan kundi kung ano ang posibleng iniisip ng manunulat sa panahong kinabibilangan nito. Kaya mhagla ang interpretasyong "ayon sa diwa ng manunulat" (Ibid.), lalo na kung walang landas ang pag-uunawa upang malaman ang teksto kundi sa kasaysayan ng manunulat.
Ito ang panahon ng romanticismo. Isang mabagsik na pagbabalik sa mga nakaraan. Itong pagkukulang ng kagyat ng pag-uunawa ang isang pagliko ng Kaliwanagan sa kasaysayan, kung tuuusin isang pagbaligtad sa nilalayon ng panahong ito. Ang pagbabalik sa nakaraan sapagkat ito’y nakaraan ay hindi sapagkat nangingibabaw ang kapangyarihan ng pag-iisip na umunawa, kundi ang kapangyarihan ng nakaraan na lumalampas sa kakayahan ng pag-iisip, ang orihinal na pangyayaring hindi pa nababahiran ng pagmamalay at interpretasyon. Ayon kay Gadamer, pinatunayan na romanticismo na ang "tradisyon ay may sapat na batayan na nagmumula lampas pa sa pag-iisip at sa kabuuan ang binabatayan ng mga institusyon at atitud" (Ibid., 281). Iniwan ang kagyat na pag-uunawa upang lumipad sa nakaraang panahon upang maiwasan ang mga pala-palagay sa kasalukuyan, ito ang layunin ng romanticismo.
Kaya ang pag-uunawa ngayon ay naging isang metodo ng panunumbalik sa nakaraan upang makaligtas sa pagkagapos sa mga may-kiling na palagay sa kasalukuyan. Upang maging dalisay ang pag-alam sa teksto, kailangang likhain muli ng mambabasa ang nakaraang kalagayan ng manunulat at dalhin ang sarili sa ganoong uring kalagayan upang masakyan niya ang kahulugan ng teksto, sa pamamagitan ng paglikha ng kalagayan na posibleng galawan ng pag-iisip ng manunulat. Kaya ang batayan ng katotohanan ay hindi nananahan sa kasalukuyan kundi sa nakaraan, sapagkat hindi mapagkakatiwalaan ang mga may-kiling na palagay ng kasalukuyan. At kasama sa bawat pag-uunawa ang pagkakailangan bumalik lagi sa nakaraan.
Ang panunumbalik sa nakaraan ang nagbigay ng halaga sa kasaysayan, na nagsilang na rin sa isang kilusan, ang historicismo (Ibid., 198). Hindi lamang ang pag-uunawa sa mga indibidwal na pangyayari sa nakaraan kundi sa buong tradisyong historikal na kinapapalooban ng mga ito. Kaya ang mga teksto at mga indibidwal o bukod-tanging pangyayari ay bahagi ng kabuuan ng kasaysayan. Mula sa romanticismo, naisilang ang isang sistematikong pananaliksik sa kasaysayan, nagkaroon ng hugis ang interpretasyong historikal. Nauunawaan ang buong kasaysayan sa pamamagitan ng mga indibidwal na karanasan, gayundin, ang mga indibidwal na pangyayari ay naliliwanagan na rin ng buong kasaysayan.
May paninindigan na ang nakaraan ay isang bukod-tanging pangyayari lagi. Ito ang nagbigay ng halaga sa nakaraan bilang isang pangyayaring hindi maaring maunawaan kung hindi nakabatay sa mismong karanasang iyon. Ibig sabihin na ang nakaraan ang mismong batayan sa pag-uunawa nito, at hindi ang kahit na ano dayuhan dito. Ang isang pangyayari sa nakaraan ay isang kaganapan at katuparan mismo sa kanyang sarili na hindi na mauulit kailanman. Oo nga’t may bahid pa rin ito ng isang mabagsik na romanticismong pananalig sa nakaraan, ngunit hindi ito matatanggap ng historicismo sapagkat hindi kayang ipaliwanag ng ganitong paninindigan ang kasaysayang unibersal, ang halaga ang kabuuan ng kasaysayan.
Ayon kay Gadamer, ipinahayag ni Wickelmann ang katotohahang ang bawat pangyayari ay may katangiang pagkabukod-tangi ng nakaraan (Ibid., 200). Ibig sabihin na mayroong pagkaespesyal ang bawat pangyayari na hindi na maaring ulitin pa sa daloy na panahon. Ngunit kasama rin ng pagkabukod-tangi ng bawat pangyayari ang pagiging huwaran nito (Ibid.). Ang pagiging huwaran ng nakaraan para sa kasalukuyan. Dinagdagan ni Herder ang pananaw ni Wikcelmann, na may dialektong nangyayari sa pagkabukod-tangi at pagiging huwaran ng nakaraan. Kaya sa may isang uring hiblang bumubuhol sa nakaraan tungo sa kasalukuyan – ang pagkamaaring ulitin ito sa kasalukuyan. Ngunit ang nakaraan ay kaganapan mismo, na hindi tinutupad ng kasalukuyan.
Hindi tinanggap ng historicismo ang maka-teleolohikal na paninidigan ni Hegel, na hahantong ang galaw ng kasaysayan sa kanyang ganap na katuparan sa Aufhebung (Ibid., 202). Itong maka-Hegel na pananaw ay nakabatay sa labas ng kasaysayan, hindi bahagi ng kasaysayan na kaganapa’t hangganan ng kasaysayan. Para sa historicismo, mauunawaan lamang ang kahulugan at halaga ng kasaysayan sa pamamagitan ng tradisyon mismo. Ang oryentasyong nagmumula sa kasaysayan mismo ang sukatan at batayan ng lahat ng pag-uunawa sa kasaysayan sapagkat "walang hangganan ang kasaysayan at walang anumang umiiral sa labas ng kasaysayan" (Ibid., 199). Samakatuwid, ang kasaysayan at pag-uunawa dito ang siyang landas ng pag-uunawa sa katotohanan ng mga bagay.
Nangangailangan na sa "tuwirang daloy" ng mga pangyayari, may isang oryentasyong lilitaw mula sa kasaysayan na magbibigay ng layunin sa kabuuan. Kung nauunawaan ang kasaysayan bilang katipunan ng iba’t ibang puwersa, kailangan ang paggabay na mula sa kabuuan ng lahat upang posibleng maunawaan na ang bawat pangyayari ay mauunawaan bilang pagpapakita ng buhay ng tao (Ibid., 208). Ito ang bahaging ginampanan ni Wilhelm Dilthey.
Dilthey: pagpapakita ng buhay
Sinabi na Gadamer na ang ginawa ni Wilhelm Dilthey ay ang pagkukulang ng oryentasyon at paliwanag sa pagkakaisa ng mga karanasan sa kasaysayan (Ibid., 218). Nagsimula si Dilthey sa romantisismo (Ibid., 507). Ngunit nilampasan niya ito sa pamamagitan ng kanyang pagtingin sa kasaysayan bilang isang kabuuan, bilang sumasakop ang lahat. Sa pamamagitan ng isang makasaysayang abot-tanaw na ito, nagbigay si Dilthey ng batayan upang magkaroon ng metodong angkop sa pag-uunawa ng buong kasaysayan para sa agham panlipunan.
Dagdag pa ni Gadamer, ito na ang simula ng pagkakaroon ng sariling metodo ang agham panlipunan bilang pagsisikap unawain ang buhay ng tao, na iba sa ginagawang pananaliksik ng agham natural (Ibid., 221). Kung ang tutok ng siyentista ay ang kalikasang nasa labas ng tao, lahat ng nasa ng paksa sa labas ng kalikasan ay obheto ng pananaliksik historikal. Kaya naging isang malinaw na obheto ng pananaliksik historikal ang mga obhetong may kinalaman sa kasaysayan at sa nakaraan.
Ayon kay Dilthey, ang kaalamang historikal ay nakasalalay sa pagiging magkauri ng suhetong umaalam at ng obhetong kanyang inaalam. At ang ugat na batayan ng kaalamang historikal ay ang karanasan o Erlibnis (Ibid., 222). Mayroong isang napakahalagang ugnayan ang suheto at obheto na naroon sa kanyang konsepto ng buhay, at sa ugnayang ito sumisibol rin ang pagiging magka-ugnay-ugnay ng mga pangyayari sa daloy ng kasaysayan.
Itong pagkakaisang-uri ng suheto at obheto ang naging batayan ng pag-alam sa mga pangyayari sa kasaysayan. Ang partikular na mga karanasan ay pagpapakita ng buhay, kaya itong mga karanasan ang bumubuo ng tuwirang daloy ng mga pangyayari sapagkat ang buhay ay may balangkas na inaayos ang sarili tungo sa pagkamatatag upang lumikha ng isang tuluyang kabuuan (Ibid., 223). Kaya nakaukit na sa buod ng buhay ang pagiging isa dito habang nagpapakita sa iba’t ibang anyo – nanatili ang sariling katangian na makikita sa iba’t ibang pagpapakita. Sa ganitong paninindigan, kinabit ni Dilthey ang pagkakaugnay-ugnay at sunod-sunod na daloy ng pangyayari sa kasaysayan upang ipaliwanag ang isang makasaysayang abot-tanaw.
Upang maunawaan ang buhay, kailangang unawain ang mga pagpapakita nito sa iba’t ibang anyo, mga anyong dito lamang lumilitaw, natutupad at nagpapakita ang buhay. Ang kultura, kaugalian, wika, pamilya, lipunan at batas ang bumubuo sa mga anyong ito (Ibid., 228). Samakatuwid, ang kasaysayan ay isang tuluyang daloy ng pagpapakita ng buhay na inuugnay ang tao sa kanyang sarili. Naging isang tuwirang pag-aaral ng sarili ang pag-alam sa kasaysayan na kinabibilangan ng sarili. Ang tinatanggap na ng sariling umuunawa ang kanyang pagiging bahagi ng kasaysayan, pagiging nasa loob ng kasaysayan. Pagiging historikal, `ika nga.
Ang pagiging mulat sa kasaysayan ay isang pag-angat sa kalagayan ng pag-alam ng sarili (Ibid., 235). Kaya ang tao ay nagiging mulat sa kanyang sariling kasaysayan sa mismong pag-uunawa niya sa tradisyon na kinabibilanga’t nililikha niya. Ayon kay Dilthey:
Ang unang kalagayan upang maging posible ang agham ng kasaysayan ay ako bilang isang makasaysayang nilalang. Ang taong nag-aaral ng kasaysayan ang lumilikha ng kasaysayan (Ibid., 222.)
Habang nagpapakita ang buhay sa iba’t ibang anyo, ang mga karanasang historikal ay pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang sarili, na hindi mahihiwalay sa kabuuan ng pagpapakita ng buhay. Ang bawat buhay ay laging nakaugat sa kalagayang historikal bilang lugar na nililitawan nito.
Sa pamamagitan ni Dilthey, humantong ang Kaliwanagan sa isang pagbabagong anyo sa larangan ng kasaysayan. Kung ang Kaliwanagan ay lubusang nag-aabala sa pagtaboy sa mga palagay ng kasalukuyan, makikita kay Dilthey ang mas malawak na pagsasadalisay, hindi lamang sa kasalukuyan ni sa nakaraan, kundi sa buong kasaysayan. Nilampasan ni Dilthey ang pagkukulang ng rationalismo at ng romanticismo sa pamamagitan ng pag-ugat ng lahat sa mga pagkikita ng buhay ng tao – na sinauna kaysa sa pag-iisip bilang batayan at ng nakaraan bilang sukatan ng katotohanan, bilang mga elementong bumubuo sa kasaysayan, bilang mga nagkakaugnay-ugnay ng elemento ng nakaraan, kasalukuyan, at ng kinabukasan. Sa kalaunan, lumalapit si Dilthey kay Hegel sapagkat may sinasabi rin siyang "diwa" sa halip na "buhay" (Ibid., 228).
Ngunit ayon kay Gadamer, naniniwala pa rin si Dilthey na kaya pa ring malalaman pagmamalay ang obhetibong kasaysayan, kahit na nakatali ito sa daloy ng kasaysayan. Maaring magbalik-tiklop ang pagmamalay sa kanyang sarili at kasaysayan na kinapapalooban nito. Sa pamamagitan nito, nauunawaan nito ang sarili sa pamamagitan ng sariling kasaysayan (Ibid., 235). Sa pamamagitan nitong metodo ng pagbabalik-tiklop ng pagmamalay at pagsusuring pilosopiko, namamalayan nito ang obhetibong kasaysayang bahagi siya at namamalas sa kanya (Ibid., 236).
Sa pamamagitan ni Dilthey, humantong ang "Kaliwanagan sa kanyang kaganapan bilang kaliwanagan historikal" (Ibid., 239). Nabago niya ang kabagsikan ng agham natural na nagpaapoy sa Kaliwanagan upang umangkop sa pangangailangan ng agham panlipunan, lalo ng ng mundo ng kasaysayan. Sa pamamagitan ng kamalayang historikal makikita ang pagsisikap ng historicismo na lampasan ang suhetibong pagkukulong nito sa pamamagitan ng pagsusuring pilosopiko. Naging posible magkaroon ng obhetibong kaalaman ukol sa kasaysayan mula sa kamalayan historikal, na isang pag-uunawa na rin sa sarili (pagbabalik-tiklop) ng agham panlipunan.
Metodo: pag-uunawa sa katotohanan
Kung babalikan ang buong pasikot-sikot na istorya ng Kaliwanagan, may makikitang pag-aabala ang buong pag-usad nito mula sa Reformasyon hanggang sa historicismo sa igting ng kabaliwan sa metodo ng agham at paghahanap ng wastong metodong angkop para sa panlipunang agham. Ngunit ang paghahanap ng metodo ay nakaugat sa pagtatanong na "paano ba ang umunawa?" na humahantong "paano ba at sa paanong paraan nalalaman ang katotohanan?."
Sa simula ng Kaliwanagan, matindi ang pagtatanong sa mga di-natatanong na palagay, mga pagkiling. Ito ang Cartesianong pagtatanong at pagdududa ng pagmamalay sa mga nakikita at namamalayan. Hinahanap ang batayan at ugat ng lahat, ugat na hindi kailanman magiging kadududa (Ibid.,, 328). Sa pamamagitan ng mga patunay at katiyakan ng agham, naging malinaw na ang metodo nito ang huwaran ng mismong pag-iisip. Saksi ang agham sa pagsisikap na pagpapadalisay ng mga palagay sa pamamagitan ng metodo nito at pagpapatunay nito, saksi rin ang agham sa matinding paghihiwalay ng siyentista sa obhetong kanyang pinag-aaralan upang maging obhetibo ang pananaliksik.
Dahil sa katiyakan ng agham, naging dambuhalang trabaho ang katakot-takot na pagsira ng tradisyon at ng awtoridad upang bigyang daan ang malayang pag-iisip sa kanyang katutubong kakayahan na umunawa ng mga nangyayari. Humantong sa Rebolusyong Pranses itong mapusok na pakikibaka laban sa tradisyunal na kapangyarihan. Sa pamamagitan Reformasyong relihiyoso, pinuna rin ang awtoridad ng Simbahan at ng tradisyon nito ukol sa Bibliya. Ito ang panahon ng matinding pagpapadalisay sa pamamagitan ng metodohikal na pagpipigil ng pag-iisip sa mga palagay na nababahiran ng tradisyon at ng nakaraan.
Ngunit may mga sandali ng pagkukulang ang isip, lalo na kapag napaharap ito sa mga napakadayuhang teksto ng nakaraan. Ito ang pagsilang ng romanticismo bilang tugon, ngunit isang tuwirang kabaligtaran ng Kaliwanagan. Nais bumalik ng romanticismo sa nakaraan sapagkat naroroon ang dalisay at di-pa-nababahirang katotohanan. Kaya iniiwanan ng romanticismo ang malayang pag-iisip upang tanggapin ang kapangyarihan ng tradisyon. Pinaninindigan nito na may lampas pa sa pag-iisip na nasa tradisyon, na bago pa man ang pagmamalay, may sinauna’t orihinal na naroroon na sa nakaraan. Ngunit ito ring sinauna’t orhinal ay may pagkamaaring ulitin at may pagkabukod-tangi ng mga pangyayari.
Ngunit nagkukulang pa rin ang pag-uunawa sa nakaraan dala ng romanticismo. Hindi maipaliwanag ang pagkakaisa at tuwirang daloy ng mga pangyayari sa kasaysayan -–na bumubuo sa mismong kasaysayan. Kailangan na ang isang oryentasyon na magbibigay paliwanag sa pagkakaisa ng mga bukod-tanging karanasan. Itong oryentasyon ay dapat manggagaling sa loob mismo ng kasaysayan at hindi ang maka-Hegel na "Absolutong Diwa".
Kaya, humantong sa katuparan ng pagbubuo ang Kaliwanagan kay Dilthey. Nagkaisa ang romanticismo at rationalismo sa kanyang konsepto ng pagpapakita ng buhay – isang paglampas sa pananalig sa kakayahan ng isip at isa ring paglampas sa pananalig sa nakaraan bilang batayan ng katotohanan. Ang katotohanan ay nauunawaan lamang ng tao sa pamamagitan ng pagpapakita ng buhay sa iba’t ibang anyo, at sa katotohanan mismo.
Sa puntong ito, natupad ng agham panlipunan ang angkop na metodong obhetibo na iba sa katangian ng metodo ng agham natural. Samakatuwid, nakita ni Gadamer na itong pagkakaabala ng Kaliwanagan sa metodo ay isang paghahanap ng katiyakan – na nagmumula sa pagdududa ng pagmamalay, ng pag-iisip. Itong pagdudada at kawalan ng pananalig ng pagmamalay sa sanglibutan ang nag-udyok na humiwalay upang lumaya ang pagmamalay, ang pag-iisip sa mundo. Isang kalayaan mula sa mundo ng kawalan ng katiyakan.
At sa mismong pagiging malaya nito, ito lamang ang kalagayan na posibleng makiugnayan ang pagmamalay sa mundo. Ito ang isang kabalintunaan nangyari sa Kaliwanagan – na sa paghahanap ng metodo upang humiwalay sa obheto, gumawa ng metodo na uugnay sa suheto sa mundong kanyang kinabibilangan. Ngunit itong mga metodo ay nakabatay lamang sa mga prinsipyo at kagustuhan ng pagmamalay at pag-iisip – mga metodong nilikha upang sundin ang katiyakang ninanais ng isip.