Tuesday, August 17, 2004

The Elusive "Thing" of Heidegger

ANG MAILAP NA BAGAY NI HEIDEGGER
Isang Paglalahad ayon sa The Thing ni Martin Heidegger
JEREMY S. ELIAB

. . . Hindi magagawa lahat ng bagay
Ng mga kapangyarihang makalangit.
Ang mga mortal
Na darating na rin sa kahulihulihan sa bangin.
Kaya nasa mga ito ang pagbaling.
Mahaba ang panahon, ngunit darating ang katotohanan
Sa kanyang kakanyahan.

"Mnemosyne" ni Hölderlin (PLT, 92)

Pambungad


Paglalantad sa sariling wika at pag-iisip

Nasa buod ng pag-iisip ni Martin Heidegger ang isang katotohanan na ang lahat ay pangyayari ayon sa "paglalantad ayon sa nararapat na panahon" ng mismong laging nagpapakita sabay nagkukubli. At ang pagpapakitang ito ay laging nasa larangan ng Dasein, ang isang puwang, isang malayang pook ng nakabukas na pananaw, isang larangan, isang nakangangang liwasang maaring maglahad ang Meron ng kanyang pagpapakita, ng patuloy na pagpapakita ayon sa kanyang sariling ritmo. At sa lahat ng panahon, sa daloy ng panahon, lahat ng pangyayari ay kasaysayan ng pagpapakita at pagkukubli ng Meron.


Kasama sa paglalahad at pagkukubli ng Meron sa Dasein ang mismong kalagayan ng Dasein bilang makasaysayan, nasa panahon kasama ang mga hangganan at mga posibilidad nito (BT, 418). Ang paglalahad ay laging isang hamon, isang Stimmung, na nakahain at tumatawag sa Dasein, kasama ang nakapinid na nakaraan, ang nangyayaring kasalukuyan at ang kinabukasan na tigib sa posibilidad, ganap na pagkabukas at kalayaan. Mahirap talakayin ang mga katutubong pamimilosopiya ni Heidegger sapagkat may sarili siyang istilo ng paglalahad, mga pakahulugan at pananaw na lumalampas minsan sa kakayanan ng kahit na anumang pagsisikap, sa Pilipino man o sa Ingles. Ngunit isang pagtaliwas rin sa kanyang Dasein ang huwag pagsikapang pag-usapan ang kanyang pag-iisip sa larangan ng wikang Pilipino. Nagpapakita ang Meron sa wika, ngunit sabay nagkukubli rin sa mismong pagapakita – laging may hindi nasasabi ang wika. Ganyan ang Dasein.


Samakatuwid, ang pagsisikap rin itong maglahad sa wikang Pilipino ay isang paglalakbay tungo sa tuluyang pagbubukas sa daloy ng pagbubunyag ng Meron, isang dinamikong pakikisalamuha sa isip at kamalayan ni Heidegger sa wikang Pilipino – ngunit tunay ring angkinin ko na ang mismong katotohanan na naglalantad ang Meron sa lahat ng tao, sa lahat ng kultura at wika, sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Sapagkat tao, ang Dasein, ang pinangyayarihan ng Meron, ang malamakatang "entablado" ng lumalantad ang Meron.


Balangkas ng Pagtalakay


Tatalakayin sa buong papel na ito ang tungkol sa isang maikling sulatin The Thing ni Martin Heidegger sa kanyang librong Poetry, Language, Thought. Sa unang bahagi, susubukang ilahad ang mga buod ng mismong artikulo – kung paano ba nalalaman ng tao ang bagay at kung bakit ito laging mailap sa pagsisikap ng taong unawain ito. Sa huling bahagi, isang paglalagay ng bagay na ito sa kabuuang pamimilosopiya ni Heidegger, sa liwanag ng kanyang kabuuang pag-iisip upang mailagay sa tamang konteksto ang pakahulugan ng bagay na ito.


Ngunit ang lahat na ito ay inilalarawan ni Heidegger sa isang mala-makatang pagbubunyag, isang mala-musikang pagtatalakay na hindi pinipilit ang mga detalye na lumabas sa kanilang pinagtataguan. Hinahayaan niyang magpakita at lumantad sa kanyang pag-iisip ang galaw ng pagmumunimuning nakababad sa Ereignis, kung ano ang sadyang kumubli sa pag-iisip, upang antabayanan ito ng may taos pusong pagka-alisto.


Ang bagay


Malayo at malapit


Sa modernong panahon, habang lumalaganap ang matinding rebolusyon ng agham at teknolohiya, mas nagiging malapit ang mga malalayo, maging mga tao man, bagay, at iba pang nagmemeron. Ang mga dating hindi maabot na pook ay parang nandiyan lamang sapagkat may mga mabibilis na eroplano at iba pang sasakyang pamhimpapawid, may telebisyon at radyo. Mas madaling makausap ang mga kaibigan sa malalayong lugar sa pamamagitan ng mga telepono at satellite. Higit sa lahat ang pagdating kompyuter at Internet ang sumira sa kalayuan at mga sagabal sa pagitan mga tao, bansa, lahi at kultura.


Ang malayo ay unti-unting lumalapit. Layunin ng modernong agham na tawirin ang kalayuan upang dalhin malapit sa tao ang noon ay malayo sa kanya. Hindi lamang lumalapit kundi nangyayari ang paglapit sa mabilis na panahon. Nakaabot kaagad ang isang tao sa isang napakalayong lugar sa kaunting panahon. Dito nakikita nating ang panahon at kalawakan ay unti-unting kumikitid – patuloy na lumiliit ang pagitan, lumalapit ang nagkakalayuan. Pati na rin ang konsepto natin ng malayo o ng malapit ay nagbabago. Noon malayo ang Europa sa Pilipinas, pero ngayon ang malayo na ay ang karatig planeta. Nagkakaroon ng isang kamalayan ang tao na naabot na niya ang mga nakita niyang hangganan noon, pati ang hangganan ng kanyang sarili. May mga bagong hangganan nang nakikita, mga bagong abot-tanaw na kailangan niyang lampasan. Naglalaho ang mga dating limitasyon ng dala ng panahon at kalawakan. Sa halip na maging sagabal ang kalawakan at panahon, nagmistula itong hamon na unti-unting sinasalakay at nagagapi ng tao.


Ngunit itong walang sawang pagsisikap na buwagin ang mga distansiya ay hindi rin nagbubunga ng pagiging malapit ng mga malayo (PLT, 165). Hindi nangangahulugang ang may maikling distansiya ay malapit na o ang may kalakihang distansiya ay malayo na. Kaya sa kabila ng lahat na pagbubuwag at pagpapawalang bisa sa distansiya, nanatili pa ring hindi malapit. Sa kabila ng pananakop sa malayo, nanatili pa ring may kalayuan. Hindi pa rin natutupad ang layuning lumapit, na para bagang mailap hanapin. Hindi pa rin nagpapadanas ang malapit kahit inilalapit na nga. Sa halip ang nararanasan ng tao ay ang malalapit na bagay, ang mga bagay-bagay na nakapaligid sa kanya (PLT, 166). Ito ang mga bagay na madalas maaring ginagamit, nakikita, nararanasan at madaling abutin ng kamay tulad ng banga, kompyuter at iba pa. Kaya sa halip na hanapin kung ano ang malapit, na mailap naman talagang hanapin, ang pagtutuunan muna ng pansin ay ang mga malalapit na bagay.


Ano ba talaga ang bagay? Ano ba talaga ang pagiging bagay ng isang bagay? Nakikibagay ba tayo sa mga bagay? O bumabagay lamang ang mga bagay sa ating pag-iisip? Sapagkat madalas ba nating nararanasan at nakikita ang mga ito ay hindi na natin pinagsisikapang tanungin at bigyan ng pansin? Pangkaraniwan ang mga bagay sa ating kapaligiran ngunit mailap at mahiwaga upang hanapin natin ang katotohanan ukol dito. Bago natin tatalakayin kung ano ba ang ibig sabihin ng bagay, mahalagang tingnan mismo ang isang kongkretong bagay.


Ang Banga


Ang banga ay isang bagay. Ano ba ang banga? Sinasabi nating isang sisidlan, isang kuwan na sisidlan na maglalaman ng isa pang kuwan sa loob nito, banga na may sariling kakanyahan at kasarinlan . Sa kanyang kasarinlan, malaya ito sa anumang ibang kuwan, hindi nakabatay sa iba ang pagiging banga nito kundi sa kanyang sarili lamang, sa pagiging banga ng banga. Hindi ito isang obheto. Maaring maging obheto ito kung inihaharap sa isip, magpapakita’t maglalarawan sa isip. Ngunit ang pagiging bagay ng isang bagay ay hindi nagmumula sa isang pagiging inilarawang obheto sa isip (PLT, 166-167). Nanatiling sisidlang bagay ang mismong banga kahit hindi inilalarawan o inihaharap sa isip. Kaya lumalabas sa unang pagtingin na parang ang bagay ay nangangahulugan na basta’t isang kuwan na umiiral, may kasarinlan na hindi nangangailangan ng ibang sanhi upang manatiling umiral, may kakayahang magpakita na kanyang katutubong angking kalikasan, nakikita man ng tao o hindi.


Ngunit, hindi ibig sabihin na kung may sariling kakanyahan at kasarinlan ang pag-iral ng banga, masasabi nang naunawaan na natin ang pagiging bagay ng banga. Hindi pa rin nakasalalay sa kasarinlan at kakanyahan na umiral ng bagay ang pagiging bagay nito. Kahit hindi man naihaharap sa isip, ang pagkakaroon ng kasarinlan at kakanyahan ng bagay ay iniisip pa rin sa larangan ng obheto, iniisip pa rin na isang bagay na nagmumula sa proseso ng paggawa, paglikha, paglalagay.


Dito, ang ibig sabihin ni Heidegger na kahit hindi natin iniisip ang bagay bilang isang obheto bilang isang inihaharap sa pagmamalay. May isang taliwas na pagmamalay o ilusyon na ang bagay ay bagay dahil may naglagay, gumawa o lumikha nito. Nangyayari ito kapag ang isang bagay ay nagmumula sa paggawa o paglikha, ng creatio (HA, 89). Ito ang pag-iisip na ang mga bagay ay nilikha, mga bagay na "nandiyan, nanatiling nakatayo sa harapan", isang bagay na lumalantad at nanatiling nakalantad. Lahat na basta’t nandiyan bilang obheto, bilang nilikha’t ginawa (PLT, 168) ay matigas na nanatili. Kaya, lumalabas sa pangalawang pagtingin na ang isang banga ay "nanatiling nakatayo" at nagmamatigas na umiiral sapagkat may gumawa nito, may nagpatayo nito sa kanyang kinatatayuan.


Ngayon, may banga nga, at isang bagay ang banga. Nakaroon ng banga sapagkat may gumawa at naglagay nito dito sa harapan, itinayo upang gawing sisidlan. Ang banga ay ginawa ng isang magpapalayok at inilagay ito ng isang tao dito upang makita ng mga mata at maranasan bilang bagay. Ngunit ang pagiging bagay ng banga ay hindi nanggaling sa pagiging obhetong ginawa o nilikha. Ang konsepto ng pagiging nilikha at ginawa ay nagmumula sa isang "nandiyan, nanatiling nakatayo harapan," ngunit ang isang kuwan na "nandiyan, nanatiling nakatayo harapan" ay may pinagmulan, hindi lamang basta’t nandiyan. Ang isang "nanatiling nandiyan" na may kahulugan na itong nilikhang bagay, ay isang ginawang bagay na "nandiyan, nanatiling nakatayo harapan." At ang nilikhang bagay na ito ay isang paglalantad ng isang nandiyan na, ng isang umiiral na (PLT, 168). Ibig sabihin na ang nilikhang obheto ay isang pagpapakita lamang ng isang nandiyan na, ng isang lumantad at nagpakita na na bagay. Ang pagiging "nandiyan, nanatiling nakatayo harapan" ng banga ay isang paglalantad ng nandiyan na na bagay. Ngunit hindi pa rin ito ng paglalantad at pagpapakita ang pagiging bagay ng banga. Mailap pa rin at hindi tuwirang nararanasan ang pagiging bagay nito sapagkat hindi lumalantad sa mismong naglalantad, hindi nagpapakita sa mismong pagpapakita.


Ito ang pagmumulat na ang pagiging bagay ng banga ay wala sa mismong "nandiyan, nanatiling nakatayo harapan" na matigas na umiiral ng banga. Sapagkat ang landas ng pag-iisip ay nabababara ng "nandiyan, nanatiling nakatayo harapan", nasasagabal ng matigas at malinaw na presensiya ng banga, na hindi matatanggihan ng isip. Nakakalimutan na ng isip (Seinsvergessenheit) ang isang mas mailap na halaga na lumalampas sa basta’t "nandiyan, nanatiling nakatayo harapan."


Ang "kahungkagan" o "puwang": tanggap at nag-aalaga


Maaaninagan ang kakayahan ng banga bilang sisidlang bagay kung lalagyan ito ng tubig o alak. Sa unang pagtingin, hinaharang ng tagiliran at pusod ng banga ang pumapasok na tubig upang kumawala sa banga. Sinasalo at kinukulong ng tagiliran at pusod ng banga ang tubig. Kaya tama lang na sabihin na ang tagiliran at pusod ng banga ang gumagawa ng pagsasalo at pagkukulong sa tubig, sapagkat hindi nga tumatagos ang tubig sa tagiliran at pusod ng banga. Ang di-natatagusang tagiliran at pusod ng banga ang sumasalo at kumukulong sa tubig. Ngunit maari rin namang ibuhos ang tubig sa labas ng tagiliran ng banga o sa ilalim ng puwit ng banga – hindi rin tumatagos sa tagiliran ngunit hindi nakakapagsalo at nagkukulong ng tubig, umaagos at nasasayang lamang. Ano ba ang sumasalo sa tubig sa banga bilang sisidlang bagay? Hindi ang tagiliran at pusod ng banga. Tunay na hindi ang materyales ng banga. Ang pagiging sisidlang bagay ng banga ay hindi nakasalalay sa materyales na yari dito, ngunti sa puwang, sa hungkag na bahagi ng banga.


Kapag binubuhos ang tubig o ang alak sa banga, ang pagbubuhos na pumupuno sa banga ay dumadaloy sa walang laman na banga. Ang kalawakang nasa loob ng banga ay walang laman, isang kawalan, hungkag sa kahit na anumang bagay. Itong kawalan ang siyang sumasalo at naglalaman ng tubig. Niyayakap ng kawalan na ito ang tubig, hinahawakan ang tubig upang hindi umagos. Dito naaninagan ang mismong pagiging isang sisidlang bagay ng banga – hindi dahil sa materyales na yari dito, kundi sa kahungkagan. Ang hungkag na bahagi ang buod ng mismong pagiging banga ng banga, ng mismong pagiging sisidlan nito. Ang hungkag na bahaging ito ng banga ang sinusunod ng manggagawa ng banga. Minamasa niya ang putik, at hinuhugis ang kawalan, binibigyan niya ng hugis ang kawalan. At ang hugis ng kawalan, doon niya binabagay ang putik (PLT, 169), ang tagiliran at pusod hanggang magkaroon ng bangang "nandiyan, nakatayo sa harapan".


Samakatuwid, ang pagiging isang bagay ng banga bilang sisidlan ay hindi nanahan sa materyales na gawa dito kundi sa kawalan na humahawak at nasisidlan, sumasalo at tumatanggap. Ang mismong kawalan ay humahawak ng anumang pumapasok at buod ng pagiging sisidlan ng banga. Ito ang aspetong nagtatago, ang aspetong umuurong na hindi pa natatahak na metapisikong pag-iisip sapagkat nasa larangan ng kawalan, umuurong kung hahanapin. Ang pagiging bagay, samakatuwid, ng bagay tulad ng banga ay nakaugat sa wala, ang kawalan na nagpapakitang sumasalo, ngunit sabay umuurong sa pagsalo nito, na buod at kahulugan ng bagay, mga bagay-bagay. Sa kawalan na ito bumabagay ang mga "nandiyan, nanatiling nakatayo harapan", tulad ng putik na ginagawang banga. Ang mga bagay-bagay (nagmemeron) ay ang mga bunga ng bukal, ng "hungkag" na kawalan. Bukal ang wala ng lahat ng mga bagay-bagay, dito sa kawalang ito sumisibol ang mga bagay na malayo at malapit -- ngunit laging nagkukubli itong bukal, isang malalim na bangin ng kadilimang wala pang isip ang nakakatarok at nakakagala, isang Abgrund (HA, 274). May pagkakahawig ito sa orihinal na kataga ni Meister Eckhart ukol sa presentia bilang absentia, ang absentia bilang presentia. Habang lumalantad ang Meron, umuurong naman ito (EGT, 26).


Isang Punang Kritikal sa Agham


Maitatanong naman ng agham kung ang kawalan ba sa loob ng banga ay talagang wala. Sinasabi ng agham pisikal na hindi talaga kawalan ang loob ng walang laman na banga. Kung hahayaang gamitin ang metodo ng agham, ibang iba ang buong nangyayari at kung papaano tatalakayin ang banga sapagkat may sariling mundo na ginagalawan ang agham na iba sa pananaliksik ng Pilosopiya. May sariling metodo, dahilan at layunin ang lahat na pagsisikap na makaagham. Kaya kung pag-uusapan ang bangang walang laman, sasabihin ng agham na mayroong hangin sa loob. Ang pagbubuhos ng tubig sa banga ay pagsasalin lamang ng tubig upang palitan ang hanging nasa loob. Kaya nakatuon lamang ang pagtatanong ng agham sa mga pisikal na obheto, obheto na iniharap nila sa kanilang kaalamang superior daw dala ng mapusok na pag-eeksperimento. Ang presensiya ng mga obheto ang kanilang pinagkakaabalahan at nakaligtaan ng agham ang Meron na umuurong habang nagpepresensiya sa pamamagitan ng mga meron.


Ngunit kung hinahanap pa rin ang pagiging bagay ng banga, nanatiling nakakubli sa mundo ng agham, nanatiling nakatago sa inipong kaalaman ng agham. Kaya ang mismong kalikasan ng mga bagay-bagay ay hindi naaninagan, hindi naliliwanagan, hindi naririnig sapagkat pinapatay ng agham ang pagiging bagay ng bagay upang matulog ng mahimbing sa kanilang nakaprogramang pananaliksik. Nanatili sa dalawang ilusyon ang agham: (1) na pinakamagaling ang kaalaman ng agham kaysa sa anumang karanasan at disiplina; (2) ang isang patunay na hawak na ng agham ang malawak at mapagkakatiwalaang katotohanan ukol sa pagiging bagay ng kahit na ano (PLT, 170). Ito rin ang ilusyong nangyayari sa unang bahagi – na ang malayo ay nagiging malapit sapagkat may teknolohiyang walang patid na tumatawid sa mabilis na panahon ng mga dambuhala’t malayong distansiya. Ngunit sa kabila ng mapusok at ng may buong pananabik na sakupin ng agham ang lahat ng kalawakan at panahon, nanatili pa ring bigo (PLT, 166). Nanatili pa rin malayo ang malayo, nanatili pa ring matagal ang matagal. Ang kabiguan ay hindi lamang dahil sa kayabangan ng agham kundi sa katunayan, ang pagiging bagay ng mga bagay ay laging nakakubli, laging nasa "kawalan" at laging absentia. Kaya kahit nais ng agham na palabasin ang malapit, malayo pa rin, sapagkat umuurong ang malapit sa kalayuan. Ganoon rin ang malayo.


Ang pagiging tago at pagiging nagkukubli ay tunay ngang patuloy na nangyayari. Nangyayari ito ay sapagkat, una, hindi na hinayaang maging mga bagay ang mga bagay, maging meron ang meron. Pangalawa, ang mga bagay mismo ay hindi pa naman talaga lumantad sa pag-iisip bilang mga bagay (PLT, 171). Ang ibig sabihin nito na hindi maaring sisihin ang kahinaan ng pag-iisip kung hindi nito naiisalarawan ang pagiging bagay ng bagay, sapagkat hindi naman talaga mailalarawan ng isip ang hindi pa nailalantad at nagpapakita sa pag-iisip. Nailalarawan at nasasakyan lamang ng pag-iisip ayon sa kakayahan nito kung ano ang "lumantad na" sa harapan nito, ganyan ang agham. Nakikita lamang kung ano ang nasa liwanag, ang mga "naliliwanagan" sa gitna ng kadiliman. Itong pook na naliliwanagan ay ang Lichtung, isang nakabukas na pinangyayarihan ng paglalantad sa liwanag ng nasa kadiliman, nasa kawalan. Ang mga lumantad na tulad ng materyales ng banga ay ang mga nasisikatan ng liwanag na umuurong upang bigyang daan ang naliliwanagan. Ang Meron ay liwanag (EGT, 36) na umuurong sa paglanlantad ng naliliwanagan.


Samakatuwid, iba ang tinatanong at hinahanap ng agham – hindi ang pagiging bagay ng isang bagay. "Laging nakakasalamuha lamang ng agham kung ano lamang ang pinapayagan nitong tingnan na dapat mangyari bago pa mangyari" (PLT, 170). Nakapinid ang pinto ng agham sa mga bagay na hindi nito kayang mahawakan ng lubusan o maaring manipulahin ang iba’t ibang salik para sa obhetibong layunin ng eksperimento. Kaya sa simula pa lamang, kinitil na ng agham ang ibang paraan ng pagtatanong, tulad ng malayang pagbabad ng Dasein sa Meron. Nakukulong lamang ang mga tanong nito sa mga pisikal bagay, sa pahapyaw at mababaw na pamamaraan, at pinagsisikapan nitong huwag magtampisaw sa mga metapisikong usapin upang maiwasang maruminan at maputikan ang pagkadalisay ng siyentipikong pananaliksik. Kung babalikan natin ang banga, tunay ngang hindi makikita ng agham ang "kawalan", ang "hungkag na bahagi" na pinag-uusapan ni Heidegger sapagkat nakatuon lamang ang agham sa mga usapin na kaya nitong ipaliwanag sa siyentipikong paraan, ang mga obhetong "naliwanagan na". Sasabihing ang "kawalan sa loob ng banga" ni Heidegger ay hindi talaga wala, ay hindi talaga ang humahawak at sumasalo sa tubig, sa pananaw ng siyentipikong metodo.


Sa ganitong paningin ng agham, mailap pa ring kumakawala sa isip at pagmamalay, mas lalo na sa pag-iisip na nasanay sa larangan ng metodong siyentipiko, ang buod ng usapan: ang pagiging bagay ng isang bagay. Mas umaatras paurong ang mailapbagay at ang nakikita na lamang ay mga "nailantad na" na siyang obheto ng agham, na siyang pinag-aaralan ng agham.


Ang "kawalan": tanggap-imbak-bigay


Kung babalikan ang "kawalan sa loob ng banga", sumasalo at hinahawakan nito kung ano man ang isinalin dito. Sumasalo lamang kung sinasalinan ng tubig o alak. Ngunit hindi lang sumasalo at tumatanggap ang "puwang" na ito sa mga ibinubuhos dito, kundi umiimbak rin. Ibig sabihin, hindi lamang basta tumatanggap kundi nagtatago rin ng tinatanggap, umiimbak, nag-aalagay. Kaya ang pagsalo ay isang katangian rin ng pag-iimbak at pagtatago, pag-aalaga (EGT, 36). Itong pag-alaga o Wahr ay isang paglalantad ng "puwang" na laging nagtatago at nagkukubli.


Kaya nagkakaisa ang pagtatanggap at ang pag-iimbak (pagtatago o pag-aalaga). Ngunit ang pagkakaisa ng dalawang ito ay nakabatay sa pagbibigay nito (PLT, 172). Kaya tinatanggap ng "puwang" ang tubig, iniimbak ng "puwang" ang tubig, ngunit nagkakaroon lamang ng saysay ang pagtanggap at pag-imbak kung ang "puwang" rin handang magsalin at magbigay ang mismong tinanggap at inimbak. Kaya ang pagiging sisidlang bagay ng banga ay nasa pagtanggap-pag-imbak na pinagkakaisa ng pagbibigay, handang magsalin at magbugay nito upang maging puwang at walang laman muli.


Kaya ang inumin ay ang "regalo", ang "handog" na inilalantad ng puwang na tumatanggap, umiimbak, at nagbibigay. Umuurong sa likuran ang pagiging banga ng banga, at nasasarapan ang tao sa inumin, unuming nakakatawag ng pansin sa tao. Ang pagiging sisidlan ng banga ay nasa "regalo", nasa pagbibigay. Ang handog ng pagbibigay ay inumin. Ang pagbibigay ay naghahandog ng tubig, ng alak na maiinom (PLT, 172). Kahit na walang laman ang banga, ang kanyang pagiging banga ay nanatili pa ring sisidlan, sapagkat ang pagiging sisidlan niya, na laging may "puwang", ay nailalantad sa mismong "handog" nitong inumin. Ang handog na "inumin" ang siyang "paglalantad" na sabay pag-uurong na rin.


Tunay ngang sa regalo, ganoon ang nangyayari. Sa mismong pagbibigay ng regalo, ibinibigay rin ng nagbigay ang kanyang "sarili" kasama sa regalo, ngunit kailangan ng nagbigay "umurong" sa regalo upang lumabas ang saysay ng regalo sa binigyan. Ang pag-urong na ito ay isang pagbibigay-daan sa pagpapakita ng halaga ng regalo sa binigyan. Lumalantad ang sarili ng taong nagbigay sa regalo, na "wala naman" doon ang nagbigay. Ito ang presentia simul absentia, ang nagpepresensiyang sabay umuurong upang kumubli at di-magpresensiya. May kataga ang mga Griyego ukol sa katotohanang ito: aletheia. Ito ang galaw ng mismong mahiwagang Meron na "nagpapakita" ngunit mapitagang "umuurong." Ang pag-urong ay hindi dala ng kahinaan ng pag-iisip na hindi masakyan ang Meron, ngunit ito mismo ang ritmo at galaw ng Meron.


Pagbibigay, Pagdiriwang at Pag-aalay


Kung ating babalikan, nasa "puwang" at "kawalan" ang pagiging bagay ng banga. Ngunit itong "puwang" na nasa likod ng lahat na pangyayari ukol sa pagiging sisidlan ng banga ay may kinalaman at relasyon sa lahat na pumapaligid. Dito lumalabas ang pagiging makata ni Heidegger, isang espesyal na pananaw sa daigdig bilang "isang paglalantad" ng Meron.


Ang "puwang" o ang "kawalan" na sumasalo-umiimbak-nagbibigay inumin ay isang paglalantad ng Meron. Ang inuming tubig na nagmumula sa sapa, na mula mga malalaking bato, na nanahan sa pusod ng lupa, sa pusod ng lupa na tumatanggap ng ulan. Kaya sa tubig, na inuming handog ng banga, nagkakaisa ang langit at lupa. Ganoon rin sa alak na nagmumula sa bunga ng ubas, ang ubas na pinatubo’t pinalago ng lupa at ng sikat ng araw sa kalangitan. Kaya ang lupa’t kalangitan ay ikinasal sa mismong alak (PLT, 172), sa mismong tubig.


Nagiging inumin ng mga mortal ang tubig at alak. Kinikitil ng inumin ang kanilang pananabik na uhaw at pinasasariwa ang kanilang buhay, pinasasaya ang kanilang pamumuhay. Ngunit maari rin namang maging isang pagdiriwang ang inumin, hindi para sa mortal, kundi pagdiriwang para sa mga diyos. Maging isang sakripisyo, isang tunay na handog ng mga tao sa imortal na mga diyos. Ito ang pinakamatinding pagbibigay, isang matinding pag-apaw o pagbulwak ng masaganang inumin. Tinawag itong Guss ni Heidegger.


Ang pag-aalay para sa mga diyos ang pinakamataas na nibel ng pagbibigay. Ang pagbibigay inumin na mula sa "puwang" ng banga ay nakakaabot at umaangat sa pinakarurok ng paglalantad nito sa pag-aalay na banal. Ito ang isang pabulwak ng inumin, ang pag-angat sa nibel ng kabanalan, na hihina rin kapag humantong sa napapanahong kahinaan, at babalik ang inumin sa nibel ng mortal na paglalasing sa bahay inuman (PLT, 173). Kaya parang sunod-sunod na hampas ng alon sa dagat, na lalakas at hihina na rin pagdating ng panahon, ngunit minsan nakakarating sa tuktok ng bundok upang abutin ang kalangitan.


Kaya ng pagbibigay, ang langit, lupa, mortal at mga diyos ay naiipon sa iisa lamang (Einfalt). At nanatili ang kanilang pagkakaisa ng apat, ngunit hindi isang pananatiling metapisiko, na "nandiyan, nakatayo at lumalaban sa wala," kundi isang pananatiling may inaangkin. Inaangkin nito ang pagiging nagkakaisa ng apat, na ang bawat isa ay kabilang ng bawat isa. At habang ang bawat isa ay sumasa-bawat-isa, lumalantad sila sa liwanag. Naliliwanagan sila, lumalabas sila sa liwanag sa pamamagitan ng patuloy na pagbibigay ng "puwang", ng "kawalan". Iniipon ng umaangkin ang apat na nagkakaisa, sa bisa mismo ng pag-iipon, sa pamamagitan ng pagbibigay na nakabatay sa puwang o kawalan. Pinagkakaisa ang lahat sa pamamagitan ng paglalantad na tumatawag, umiipon sa lahat, sa Lichtung, sabay umuurong rin.


Ang buod ng banga ay ang pagpepresensiya bilang bagay. Dito natin makikita kung paano nauunawaan ni Heidegger ang bagay, iba sa nakasanayang pakahulugan na isang obhetong "lumalaban sa wala". Ang bagay na ito ay kailangan makita sa liwanag ng pagbibigay-pag-iipon-pag-angkin na pag-iisip.


Paurong na Hakbang: Tawag sa Pag-iisip


Nais pangatawan ni Heidegger na ang bagay na tinutukoy niya ay ibang iba sa salitang bagay na ginamit ng mga naunang kultura at uri ng pag-iisip. Sa huling bahagi, pinupuna niya ang kahulugan na Latin na res bilang bagay na maaring pag-usapan at bigyan ng kuro-kuro. Kaya nga ang res publica ay isang bagay na kailangan ng kuro-kuro ng masa, ng publiko (PLT, 174). Ganoon rin ang salitang Giryegong eiro, ang pag-usapan ang bagay-bagay. Pati na rin ang salitang la cosa o la chose o thing na katulad rin ng res.


Ngunit ang res, pinag-uusapan lamang nito ang tungkol sa mga bagay-bagay ukol sa tao, mga interes at mga pamamaraang makatao. Kahit na ano na basta’t may kinalaman sa tao ay res. Kaya ang katotohanan ng bagay, and realitas ng res ay laging nasa ilalim ng impluwensiya ng Griyegong pag-iisip na kinuha ng mga Romano. Kinuha ang kahulugan ng res sa Latin na ens na ang ibig sabihin ay "isang nandiyan, nanatiling nakatayo sa harapan", isang matigas na tumitindig, nagpapakita sa pag-iisip, nagpapaunawa sa isip. Kinuha na rin itong kahulugan sa panahon ng Medioebal na ang res ay naging ens qua ens na ang ibig sabihin ang lahat na umiiral sa kahit na anong paraan, kahit na umiiral lamang sa isip o isang paglalarawan ng isip bilang ens rationis (PLT, 176). Sa ganitong mga kahulugan ng salitang bagay, hindi pumapasok ang pag-iisip ukol sa katangiang maka-aletheia, ang aspetong kumukubli, ang umurong na bumibigay sa likod ng mga binibigay, na sa mismong paghahanap, nay nailalantad at natatago. Ang res na may malaking impluwensiya sa kahulugan ng salitang bagay sa Pilosopiyang Kanluran ay nakatuon labang sa matigas na presensiyang nawawala ang buhay na pagpapakita at pagkukubli dinamiko ng Meron.


Kaya isang bagay ang banga hindi ayon sa kahulugan ng res ni sa kahulugan ng medioebal na ens o ang obheto ng modernong pilosopiya. Ang banga ay isang bagay habang nagpapakabagay ito (PLT, 177). Ibig sabihin nito ay pagbibigay-pag-iipon-pag-aangkin. Kaya ang presensiya ng banga ay mula sa pagpapakabagay nito, lumalantad mula sa "kawalan", nagpapakita, umaangkin at nagbibigay katiyakan sa sarili nito sa mismong pagpapakabagay nito. Ang bagay na nagpapakabagay ay umuurong, kumukubli, habang nagpepresensiya ang bagay.


Pangkalahatang tingin


Kasaysayan ng Paglalantad at Pagkukubli ng aletheia


Inilalahad ni Martin Heidegger sa itaas ang kanyang puna sa pagtalakay ng pilosopiya sa bagay. Sa isang makasaysayang pagtalakay, mula sa isang kongkretong halimbawa, pinapakita niya na ang lahat ng pagpapakita ng bagay na ito, mula sa iba’t ibang kataga at wika, ay kasaysayan ng paglalantad ng bagay. Ngunit nanatiling nakakubli ang bagay sa tao, sapagkat ito naman talaga ang kalikasan ng bagay.


Kaya, nauwi na lamang buong kasaysayan ng Pilosopiyang Kanluran, mula sa mga Griyego hanggang sa modernong panahon, bilang isang paglimot sa Meron. Nakaligtaang makita ng tao ang Meron sapagkat (1) abala siya sa mga nagmemeron, nakaligtaang maranasan ng tao ang Meron sapagkat nabubulag ang tao sa mga nagmemeron; (2) nakalimutan ng tao ang Meron bilang isang nakatago, sapagkat buhay na pagkukubli-pagtatago-paglalantad naman talaga ang kalikasan ng Meron sa tao. Napakatindi ng pagkalimot sapagkat nakaligtaang makita ang Meron bilang Ereignis, bilang isang paglalantad at pagpapahiwatig ng Meron sa panahon. Sumasapanahon ang Meron, bilang isang pangyayari, ngunit sabay umuurong sa panahon (ITM, 115).


Itong galaw ng pagpapakita sabay pag-urong, galaw aletheia, ay isang pangyayaring napapanahon – isang pagpapanahon ng Meron, isang paglalantad sa kasaysayan. Kaya ang bawat panahon kay Heidegger ay mahalagang pangyayari – may bukod-tanging pinapahiwatig ang Meron sa bawat panahon. Laging napapanahon ang pagpapahiwatig at paglalantad, laging nasa wasto’t tamang panahon, ito mismo ang katotohanan ng kapalaran (Geschick). Kaya may bukod-tanging tawag rin ang pagpapakita sa bawat panahon. Hinahamon (Stimmung) ang tao, mula sa kanyang kapalaran, nakapinid na nakaraan, na gumalaw sa nakangangang kinabukasan tigib sa posibilidad.


Dasein: Taya lagi


Hindi maiiwasang "taya lagi" ang tao, hindi siya makakatakas sapagkat siya ang larangan pinaglalantaran at pinahihiwatigan ng Meron, Dasein. Ito ang mismong larangang "nakabukas" (Lichtung) na pinangyayarihan ng Meron. Ito ang isang pananaw, isang uri ng pagtingin na nakabukas at handang sumalo at tumanggap. Mga katipunan ng mga posibilidad na maaring gumalaw ng may kalayaan upang tumugon sa pahiwatig at tawag ng Meron na nagpapakita’t lumalantad sa panahon. Nangyayari ang Ereignis sa panahon, sa pamamagitan ng Dasein, ngunit hindi nakabatay sa Dasein ang pagpapakita, ang Ereignis. Darating ito sa kanyang panahon, may sarili itong panahon na hindi natitiyak ng Dasein. Ang mahalaga lamang sa Dasein ay manatiling nakabukas, manatiling alisto, hayaang mangyari ang pagpapahiwatig, hayaan ang Meron na magmeron. Samakatuwid, isang pagpapalaya sapagkat hinayaan ang katotohanan na magpakita. Ibig sabihin nito ay ang papaging responsibleng pagharap, isang pakikipag-ugnayan sa nangyayari (BW, 127).


Kaya kahit na ang Dasein ay may mga kondisyon ng hangganan, mula sa kanyang nakaraan, ngunit mayroon naman itong kakayahang magbukas, maging malaya sa sarili nito sa Meron, sapagkat sa bahagi siya ng Meron, may sinauna na siyang ugnayan sa Meron. Nahiwalay lamang ang tao sa Meron noong pinagpilitan ng Pilosopiya ang pagka-indibidwal ng ego, ng suheto, ng obheto – na para kay Heidegger ay mga bahagi ng kabuuan na hindi naman talaga maaring paghiwa-hiwalayin. Itong paghihiwalay ang sanhi ng pagkalimot ng Pilosopiya sa Meron – unti-unting humiwalay ang tao sa Meron na nagpapakita at nagkukubli.


Sa kabuuan, nais iparating ni Heidegger sa pagtalakay niya sa bagay, na maaring makita ng tao ang angkop na pag-iisip na nakaantabay sa pintuan ng nagpapakita at nagkukubli. Sa halip na tanggapin lamang ang mga pinapakita at malasing sa pagkamarami nito, kailagang mag-isip ang tao sa larangan ng Ereignis -- na ang bawat paglalantad ay isa lamang sa samu’t saring paglalantad pa, at kailangang maging alisto sa mismong paglalantad na sabay kumukubli sa mismong paglalantad. Ang pagtalakay sa banga ay isang pagpapakita tungkol sa puwang na nasa loob na siyang pinag-iikutan ng pagiging banga ng banga, na siyang buod ng pagiging sisidlang bagay ng banga. Ito ang pag-iisip na iniiwasang talakayin ng metapisika sa kasaysayan Pilosopiyang Kanluran sapagkat nasa larangan at hangganan ng pagtalakay sa wala (BW, 93). Ito ang nakalimutan ng kasaysayan ng Pilosopiya na nais buhayin ni Heidegger.


. . . Hindi magagawa lahat ng bagay


Ng mga kapangyarihang makalangit.


Ang mga mortal


Na darating na rin sa kahulihulihan sa bangin.


Kaya nasa mga ito ang pagbaling.


Mahaba ang panahon, ngunit darating ang katotohanan


Sa kanyang kakanyahan.


"Mnemosyne" ni Hölderlin (PLT, 92)