Ekonomiya sa Larangan ng Espiritu
Isang Pagmumunimuni mula sa Balangkas ng Penomenolohiya
at Metapisika ng Pag-asa ni Gabriel Marcel
Bong S. Eliab
Maaring napakadayuhan ang aking pamagat na pinili upang pag-usapan ang pamimilosopiya ni Gabriel Marcel. Isang pagtaliwas yata sa agos ng kanyang pag-iisip ang pagsingit ng katagang "ekonomiya" -- sapagkat halos lahat ng kanyang pinag-uusapan ay ukol sa karanasang relihiyoso, pag-asa, pasensiya, pag-ibig at Diyos na may matinding pagkiling sa oryentasyon ng tunay at nararapat sa meron (etrĂª). Lantaran naman niyang tinutuligsa ang aba, ako! (avoir) na may kulay ng pagkamakasarili at pag-aari.
Ngunit hayaan ninyong buksan ko ang posibilidad na pumasok ang pamimilosopiya ni Marcel sa "ekonomiya" hindi sa larangan ng materyal, kundi sa larangan ng espiritu. Una kong nakatagpo itong mga kataga sa librong isinalin ni Padre Roque J. Ferriols, S.J. mula sa Homo Viator, habang malalimang sinasalin sa wikang Filipino ang Pranses na teksto ni Marcel.
Bago ko pasukin ang mismong paksa, nais ko munang magbigay ng kaunting pambungad upang mailagay natin sa tamang konteksto ang ating pagmumunimuni. Tinatalakay ni Marcel ang espiritu ng tao sa kanyang pinakabuod na kahulugan -- at ngayon pa lamang kailangan na nating pagbawalan ang ating sarili na maglagda ng isang tumpak at malinaw na kahulugan (idea clara et disticta) sa "espiritung" ito. Mas sasabihin kong isang pagtatangkang kahangalan ang pagsikapang linawin at isuksok sa isang makitid na konsepto ang mahiwagang nangyayari sa tao. Itong espiritu ay mahihiwatigan na may kilos na laging sumasaibayo, laging may kakayahang lumampas sa mga partikular na bagay na akala noong una ay mga balakid sa pagsasaibayo. Tinatawag niya itong kilos ng espiritu bilang nisus: " . . . isang hindi masusupil na galaw ng loob na ang gawi at hilig ay lampasan ang lahat ng mga partikular na bagay na, noong una, parang siyang kinakapitan." Lalo niyang pinatindi ang pagkadalisay nitong di-masupil na galaw ng kalooban bilang likas na kilos pag-asa, ng pagtubo, ng hindi matapos-tapos na pagsasaibayo ng tao. Kaya masasabing isang pagbaling sa liwanag ang nisus, isang pagharap at pagtanggap sa tunay na kakayahan at posibilidad ng tao bilang tao.
Itong ubos lakas na pagbaling (nisus) ay nangyayari kapag ang espiritu ng tao ay nasa kalagayan ng kadiliman, isang kalagayang parang nabibilanggo ang kalooban. Nararanasan ang sitwasyong ito na parang binunot sa katutubong ikinabubuhay o tumpak na sabihing ". . . isang pagka-hindi-maaring-dumating sa isang kasaganahan ng mismong buhay . . . ." Sa katunayan, ang sitwasyon ng kadiliman ay siyang mismong katangi-tanging pagkakataon upang magpasakop ang tao sa pag-asa, pagkakataon upang bumaling sa mahiwagang kakayahang sumaibayo ng mismong buhay ng tao, (mag-ekonomiya, `ika nga) sa gitna ng kadiliman. Sa pagpapasakop niya sa pag-asa, sa pagbaling niya sa misteryong bumabalot sa pagmemeron ng tao -- may naaninagan siyang katutubong kakayahang ng tao na pinanatilling makahulugan at mahalaga ang kanyang buhay, ang kanyang kalooban sa gitna ng kadiliman: ang ekonomiya sa larangan ng espiritu.
Gumagalaw ang ekonomiyang tinutukoy ko dito sa malay-tao ng tao. Ang oryentasyon mismo ng pagmamalay ang may kinalaman rin, o sasabihin kong matindi ang talab at dating sa "pag-eekonomiyang" gagawin ng espiritu. Hilig ni Marcel na umayon lagi sa dapat at katutubo sa tao, sa tawag ng nararapat at makatao -- etrĂª. At itong oryentasyon ang kanyang kikilingan sa "pag-eekonomiya". Kaya, habang ang kalagayan ng espiritu ay nasa sitwasyon ng pagkabihag, ng kadiliman, ng pagkabilanggo, nanatiling buhay ang espiritu sa katutubong galaw nito. Ngunit kailangan rin ng pagmumulat na ganito ang katutubong kilos ng espiritu -- kailangang maging bahagi mismo ng pagmamalay ng tao, ng kanyang oryentasyon ang nisus. At habang may mga pagkakataong tinutukso ang loob na bumitiw, umurong at sumuko sa kalagayan ng pagkabihag, kadiliman, pagkabilanggo, dito ang mas tumpak na lugar upang patubuin ang binhi ng pag-asa: isang mulat, pinasya at sadyang pagpapatubo ng sarili sa gitna ng kadiliman sa halip na maging "baog", huminto, nakabara -- o hihiramin ko ang katagang pang-ekonomiya sa pinakaluwang na kahulugan nito, "nilugi at dinaya ko ang aking sarili".
Maaring unti-unting nakikita na natin ang pag-eekonomiya natin sa ating sarili sa pinakamababaw na antas. Sa pag-eekonomiya, gumagamit tayo ng kapital, ng puhunan. Itinataya natin ang ating puhunan sa pagnenegosyo -- ngunit mulat tayong ang negosyo ay laging kumpetisyon. Lalago at tutubo ang aking puhunan kung marunong akong magtimbang ng mga pagkakataon, o baka purong tsamba lamang ang negosyo, o baka nakasalalay ang kikitain ng aking pinuhunan sa "isang di-nakikitang kamay ng ekonomiya". Tatlo ang kahihinatnan, malulugi ako, kikita ako, o kaya tabla lamang - walang kinita, walang nalugi. Ganito yata ang ginagawa ng mga ekonomista: tinitimbang ang mga antas ng pangangailangan (demand) ng tao, ang antas na kayang tugunan itong pangangailangan (supply). Pagkatapos ilagay sa isang kurba ng x,y upang makita ang ugnayan nito sa presyo, sa buwis. Hahantong sa mga probabilidad kung tiyak bang lalago ang puhunan o malulugi lamang ang negosyo.
Kauungkat ko lamang ang nangyayari sa ekonomiya, ngunit ang nakasangkot sa sinasabi ko sa itaas ay pera, halagang kuwarta, halagang materyal. Sa pagpapalitan ng mga halagang materyal, nasa malay tao ang intensyon na kumita at gamitin ang lahat upang manalo sa paligsahang ito. At makikita nating iba ang nangyayari kapag halagang hindi kuwarta ang nakasangkot; kaya ibang klaseng "negosyo" rin ang nangyayari na hindi katulad ng pagnenegosyo sa tindahan. Ngunit minsan, itong oryentasyon na ang halagang materyal lamang ang tunay at kaisaisang kumikilos at gumagalaw sa malay-tao ang namamayani. Naging isang batayan ng pagtingin at pagsalo sa lahat ng pakikitungo ng tao sa daigdig -- at maaring maging isang kulturang popular, isang "kabihasnang" lumalaganap at unti-unting kinakain ang ang tao. Tulad lamang ng paglalaganap ng condom at ng AIDS, ng mga nagpapabili ng katawan at ang mga sabik bumili. Nagmistulang laruang materyal ang tao, isang "bagay" nna ipinabibili at binibili.
Ganyan ang hilig ng mundo ngayon -- lahat isasalin sa halagang materyal, lahat pipiliting iuwi sa halaga ng pera. Ganyan raw ang mga taong sawa na sa mga mas mahahalagang bagay na kadalasan hindi masusukat, humahantong sa mga bagay na tinitingnan lamang ang halagang materyal, ang masusukat.
Kung sasabihin mo sa kanila na nakakita ka ng bagong kaibigan, hindi ka nila tatanungin kung malamig ba ang boses niya, anong gusto niyang laro, nangungulekta ba siya ng paru-paro. Sa halip, kailangan nilang malaman: ilang taon na siya, ilan kapatid meron siya, ano ang bigat niya, magkano ang kinikita ng kanyang tatay? At kapag nalaman nilang ang mga numerong sinukat na iyan, sigurado na silang nakuha na nila ang pinakamahalaga na dapat malaman sa iyong bagong kaibigan.
Tumatakas ang malay-tao, maaring sinadya o hindi sinadya, tungo sa daigdig na ang larangang materyal ang mahalaga, at nawawala o mas tumpak na sabihing pinapahina ang kakayahang makita ang lampas pa sa materyal, sa katawan: pagka-persona ng tao. Maaring ganito ang mangyayari sa ekonomiya sa larangan ng espiritu, ngunit isang pagwawalang bahala sa espiritu sapagkat pinipilit ang pagmamalay na tumingin lamang sa halagang materyal. Nagnenegosyo ang bawat isa, ngunit ang sa malay-tao (mulat man tayo o hindi mulat) ang nangyayaring dahilan ay kung kikita ako, kung tutubo ako -- at lalabas na kasangkapang materyal ang kapuwa sa aking pagnenegosyo. Maaring humantong sa isang paggamit sa "pakikipagkapuwa" ngunit walang paggalang sa kapuwa, sapagkat ang pagsalo sa kapuwa ay kasangkapan lamang, hindi bilang kaibigan, persona, "ikaw".
Iba yata ang nangyayari kapag ang nakasangkot ay halagang nasa larangan ng espiritu. Kung sa malay-tao, ang pagsalo sa kapuwa ay hindi kasangkapan ko kundi kasama ko sa pagtubo, umiiba ng buong karanasan. Maaring ang mga detalye ay may pagkakahawig sa negosyong materyal na sinabi ko sa itaas, ngunit iba pa rin ang kabuoan dahil may ibang nangyayari sa pagmamalay ng taong tinatanggap niya ang kapuwa bilang kapuwa -- pagmamalay na siyang nagbibigay kulay sa karanasan, at patuloy na tumatalab at nagpapatalab sa karanasan. Kaya, kapag mulat ang malay-tao na ang kanyang pakikipagkapuwa tao ay hindi basta bastang negosyo tulad ng pagpapalitan ng halagang materyal o kuwarta. Ang nakasangkot ay pagbabahagi ng sarili, ng "kayamanan" ng kalooban. Masasabi nating ang isang taong ibinabahagi niya ang kanyang sarili sa atin: "nagmamagandang loob siya." O sa isang taong tinubuan ng pag-ibig: "nahulog ang loob niya kay kuwan." O sa taong mulat siya sa kanyang pag-ibig sa isang tao, inaalagaan at pinapatubo niya ito: "kusang loob niyang minanahal si kuwan". O sa isang taong namulat siyang tinulungan siya ng isang kapuwa: "may utang na loob ako sa aking matalik na kaibigan."
"Kalooban", isang sinauna at lumang katagang ang na kapag ginagamit natin, pinapahiwatig ang nasa "loob" na ". . . na nakikita ng puso . . . na hindi nakikita ng mata", nasa kaibuturan ng tao na laging nagpapaaninag at nagpapakita sa kanyang kilos-katawan. Gaya ni Marcel, hindi uli natin bigyan ng isang malinaw at tumpak na kahulugan itong salita sapagkat ikinukulong lamang natin ang isang dambuhalang mahiwaga sa isang supot ng konsepto. Ipinapalagay na nararanasan ito ng bawat isa - na merong kalooban na lampas sa materyal na katawan. Sa karanasan halimbawa na: "masama ang pakiramdam ko" at "masama ang loob ko sa iyo." Ang una ay pagpapakitang materyal, ang pangalawa naman ay nasa larangan ng halagang kalooban. Dito
. . . ginagamit ang katagang 'halaga' sa isang kahulugan na espesyal pero kilala pa rin. Iba ang halagang kuwarta at halagang kalooban ... hawig sa kaibhan ng utang na kuwarta sa utang na loob. Iba, halimbawa, kapag sinabi: Pitong piso ang halaga ng bolpen na ito. Kaysa kapag sinabi: Mahalaga ang bolpen na ito sapagkat ito ang rekuwerdo sa akin ng aking kaibigan.
Nakikita natin na ang halagang kalooban ay nasa larangan ng pakikibuklod ng tao sa tao, sa larangan ng pakikipagkapuwa at pakikipagkaibigan. Ito yata ang ibang klaseng "ekonomiya" na tinutukoy ni Marcel, meron tayong itinataya -- ang ating kalooban -- at kapag ating ibinibigay ng lubusan, hindi tayo nawawalan ng sarili kundi mas "nagkakaroon" pa ng sarili, mas tumutubo pa bilang tao. Tingnan natin ang katagang "pagtubo", iyan ay katagang materyal, halimbawa sa tumutubo ang tanim, tumutubo ang interes, tumutubo ang kuko. Maging alisto sana tayo na gumagamit tayo ng mga salitang madalas naglalarawan sa kilos materyal, ngunit matalinhaga nating gagamitin dito sa larangan ng espiritu. Kaya, kapag sinabi nating tumubo ang isang tao - maaring hindi siya tumangkad, hindi lumapad ang kanyang katawan, ngunit mulat ang taong ibang iba na siya kaysa noong una. "Tumubo kami sa aming pakikipagkaibigan. Ano ang ginawa nilng "pag-eekonomiya"?
Huminto muna tayo sandali sapagkat unti-unting lumiliwanag na ang materyal na halaga ay talagang salungat sa halagang kalooban. Ito ang pagkadelikado ng pakikipagkapuwa tao sapagkat tinatahak natin ang landas na ga-buhok ang pagitan. Kailangang gumalaw at kumilos na ang igting sa pagitan ng halagang materyal at halagang kalooban ay napapanatili. Hilig minsan ng malay-tao na kumiling sa isang bahagi na nakakaligtaang makita o maaninagan man lamang ang kabuoan. Lalo na sa panahon ng kadiliman, pagkabihag, pagkawasak, unti-unting nagbibigay hilig ang tao sa kung ano ang tawag ng laman, ng materyal na halaga.
Maaring makita natin itong igting kapag sisimulan nating talakayin ang purong instintong ingatan ang sarili. Lubhang may pagkaalanganin kung tatawagin nating ekonomiya sa larangan ng espiritu kung isang pag-iingat lamang ng aking kalusugan at ng aking katawan ang nakasangkot. Kung ito ang nangyayari sa malay-tao, nangyayari rin ang ibang klaseng pagsalo sa karanasan -- ang bawat kalagayang nakasangkot, ito ay hamon sa akin upang pangalagaan ko ang aking sarili. At sa buong pag-iingat ng sarili, unti-unting gumagawa ang malay tao ng moog, mga pader, mga muralya upang ipagtanggol lagi ang sarili. Nakikita lagi ang ibang nagmemeron bilang isang banta sa aking katawan, sa aking kalusugan, sa aking sarili. Lumalabas ng kulay ng pagkamakasarili at paligsahan na nagbabalatkayo bilang "pakikipagkapuwa."
Isang uring pakikipagkapuwa ang ginagawa, pero hindi talaga tunay na pakikipagkapuwa sapagkat ang taong nakikipagkapuwa ay alisto na ang presensya ng kapuwa ay isang banta . . . kaya isang lubusang pag-iingat lagi ng sarili sa bawat pakikitungo ang pinag-aabalahan. Isang taong hindi talaga itinataya ang sarili ng lubusan at tahasa sapagkat naroon ang pagka-hindi-maniwala, ang pagduda sa kapuwa - at siya lamang ang umiingat ng kanyang sarili, wala nang iba. "Lumalaganap ang diwang hindi kayang magbigay-tiwala -- hindi lamang sa kapuwa kundi pati sa buhay mismo." May kahiligan rin itong atitud na ito na manuod (homo spectans) lamang sa nangyayari. Isang uring tao na ni katiting ay hindi nakasangkot sa labanan, sa pakikipagkapuwa, sa karerang kanyang pinapanuod, ngunit kung magsalita'y parang kasali o kakampi ng ganito o ganoong panig habang ikinasasaya niya ang isang pagmumulat na talagang ligtas siya sa anumang mangyayari. Tinatanaw niya ang mga mga pangyayari mula sa sapat na kalayuan upang lumabas na mahina ang talab sa kanya. Isang taong nakikipagkapuwa ngunit walang pagtataya ng sarili, pinapanuod lamang niya ang proseso ng pakikipagkapuwa.
Sapat lang na sabihing ang purong instintong pag-iingat ng sarili ay may bahid ng aba, ako (avoir), isang oryentasyon na tahasan ang paghanga sa sarili, na sa lahat ng pagkakataon ang sarili lamang ang importante. Laging may kasangkap itong atitud na ang pagbaling sa kapuwa na nadarama ay tinutukoy na kalaban o saksi. Ito rin yata ang nakikita sa negosyong nagaganap sa pagtitinda. Laging ang mga taong kasangkot sa ekonomiyang ito ay mulat na ang bawat kasali ay kalaban sa kumpetisyon. At kung nasa antas na ako ang suwerte at ang iba ay naiwanan ko sa larangan pagnenegosyo, nakikita ko sila bilang mga saksi ng aking kahahangang ginawa. Aba, ako yata ito!
Sa oryentasyong ito, itinuturing na ako lamang ang pinag-iikutan ng lahat. Nais kong angkinin na ako ang nagmamay-ari sa kapuwa tao, at nais ko ring angkinin nila na pag-aari ko sila. Pinapakita na ang kapuwa ay isang uring kasangkapan, isang ari-arian tulad ng mga materyal na pag-aari ng tao. "Gagamitin ko siya upang makuha ko ang gusto." Kahit ang kapuwang nagpagamit ay minsan mulat dito, lalo na minsan sa mga babaeng inaamin nilang "nagpagamit" siya ng kanyang sarili sa isang lalaking bumibili ng aliw mula sa kanyang katawan.
Kaya't itong klaseng tao na ganito ang oryentasyon sa kanyang malay-tao ay tinatawag ni Marcel na moi-je na sa hubad na pagsasalin ay maaring lumabas na "sa akin ako" o "akong ako". Isang pampaaliw lamang ang kapuwa tao sa "ako". Ang pamumuhay ng taong ito ay isang uring palabas na kailangan may manunuod. Pinapanuod niya ang kanyang sarili at hinahangaan. Nagpapakitang gilas siya sa iba upang makabingwit ng paghanga. Ang bawat sinasabi at ginagawa ay laging isang pagkakataon na humihingi ng palakpakan. "At kailangan [niyang] marinig ang mga alingawngaw ng paghahanga upang huwag [niyang] ang talbog ng kanyang kahungkagan."
Kaya ang buhay ay isang mistulang paligsahan ng mga tao. Nagpapataasan ng ihi, `ika nga. Kailangan ng isa ang bawat isa sapagkat sila ay kasangkapan ko sa pagpapatingkad ng "ako!". Kung wala sila, walang titingkad sa akin. Kasangkapan ko sila sa aking pagtubo, isang pangangailang hindi ko maiiwasan. Parang kutsara at tinidor ang mga kapuwa, gagamitin ko, at kailangan ko upang maging komportable ang aking buhay. Kung hindi ko sila gagamitin, baka ako pa ang gagamitin nila. Isang kumpetisyon ng mga "ako" ang buong pakikipagsapalaran ng tao sa mundong ito. Ang bawat kapuwa ay ribal na hindi maaring pabayaang manalo kailan man sapagkat ang ribal ay isang "butas sa labador" na kailangan laging takpan. Kung hahayaan itong butas na ito, hihigupin lamang nito ang aking sarili hanggang maging isang katulad ng mga nilalang na walang pangalan, walang mukha.
Kaya sa isang taong nasa oryentasyon ng "pang-iingat ng sarili", may pagkahungkag na nangyayari sa kanyang sarili sapagkat sumasablay sa antas na materyal ang kanyang pakikipagkapuwa at tuluyan nang nakabara. Unti-unting kumakapal ang mga moog at sementong pader ng "aba, ako!" upang makipaligsahan sa ibang kalaban sa buhay.
Ang bawat isa ay nagsisikap, na -- sa galang na idinudulot sa kanya, at sa mga napapakinabangan niya sa buhay -- ay huwag siyang madaig ng sinomang kapuwa . . . . isa pang pagpipilit na masunod ang sariling kahiligan kapag may kaharap na kapuwa tao.
Kaya isang paglabag sa sariling dangal at pagtalikod sa sarili ang paggawa ". . . ng anoman na walang bayad o gantimpala." Ang nangyayari sa kanyang malay-tao ay isang nakakatuwang takot at malabis na paghihinayang na baka siya mawalan ng sarili kung makipagkapuwa siyang ibinibigay niya ang kanyang sarili. Samakatuwid isang napakahigpit na pagka-alisto at pagiging gising lagi na baka may sumantala sa kanyang simpleng kalooban.
Ngayong tahasang sinasabi ni Marcel na ang "ang pag-iingat ng sarili" ay hindi batayan ng tunay na ekonomiya sa larangan ng espiritu. Sa anong oryentasyon naman dapat at kailangang kumiling? Inaamin niya na naroon sa pagmamalay ng tao ang atitud pag-iingat ng sarili, isang purong instintong ipagtanggol ang sarili sa panganib, sa pagkawasak, sa sakit, sa pagtitiis. Ngunit kadalasan, itong atitud na ito ang nagiging sagabal sa pagtubo ng diwa ng tao, ng kanyang kalooban. Kailangan dapat patibayin ang isang oryentasyon naroon rin sa pagmamalay ng tao - ang etre, ang tunay na meron.
Sa etre, hindi "pag-iingat ng sarili" ang inaatupag ng pagmamalay kungdi ang "manatiling tapat sa pagka-sagrado ng sarili." Tinutukoy dito ang pagsulpot ng ibang klaseng ekonomiya na sinabi ko kanina -- isang pagbabahaginan ng sarili na hindi nawawalan ang nagbabahagi. Isang pagbabahaginan ng sarili na siya rin namang pagtanggap ng sarili ng ibang namamahagi rin ng "kayamanan" ng kanilang kalooban. Sa "pagbabahaginang" ito, dito naiisilang ang ekonomiya sa larangan ng espiritu. Naiisilang ang isang "daigdig" sa loob ng daigdig -- daigdig ng mga nagtatalabang persona, isang sanglibutan ng taong nakikipagkapuwa. At itong daigdig na ito ay ang "isang kaayusan na mapagbabahayan [ng tao] upang mapairal at mapanatili ang kahulugan at halaga ng aking buhay."
Kaya itong "pag-eekonomiya" ay laging isang pagsasaalang-alang ng katutubong pagmemeron ng kalooban ng tao. Sapat ring sabihin na ang "pag-iingat sa sarili" ay "isang pagtanggal-sa-katutubo na umiiral." Sa pagiging manatiling tapat sa pagka-sagrado ng sarili, lumalabas ang isang uring oryentasyon na sumasalungat at lumalampas (pag-ooo) sa kalusugan at katawan. Ang pinag-iikutan ng pagmamalay ang nasa larangan ng halagang kalooban. Samakatuwid, ang bawat pagpapasya at pagpapakatao ay nagaganap sa papawirin at liwanag ng pagpapahalaga sa "loob" ng tao, sa paggalang sa "loob" ng tao, sa pagpapatubo ng "loob" ng kaibigan. Sa panahon ng kadiliman, ng kalagayang tinanggal ang tao sa nakasanayang ikinabubuhay niya, iba ang kanyang pag-uugali kaysa sa isang taong iniingatan lamang niya ang kanyang sarili. Halimbawa, kung ang nanay ay nanatiling tapat sa pagkasagrado ng sarili, kapag panahon ng gutom, nanaiisin pa niyang ibigay sa kanyang musmos na anak ang isang pirasong tinapay. Iniingatan ba niya ang kanyang sarili? O tapat lamang siya sa tawag ng pakikipagkapuwa tao na naroon sa katapatan niya sa pagkasagrado ng sarili? Hindi tinapay na materyal ang kanyang ibinigay sa kanyang anak, ang kanyang sarili ang kanyang ibinahagi, "ipinagkaloob" bilang katapatan sa kanyang anak at sa kanyang kalooban.
Hindi nakabara sa "pag-iingat ng sarili" ang taong nasa oryentasyon ng etre. Isang kakayahan ng kalooban na "pinapaagos" ang likas na galaw nito tungo sa nararapat. Huwag nating kaligtaan muli na ang pagpapaagos na ito ay nagpapakita bilang hiwaga at hindi isang problema.
May isang malalim na pagbabago sa katangian ng pakikibuklod ng tao sa kanyang sarili -- na nagaganap sa pakikipagkaibigan at pakikipagkapuwa niya. Masasabi natin, sa salitang makahegel, na ang aking malalim pakikitungo at pakikibuklod sa aking sarili ay nagaganap sa pamamagitan ng pakikipagkapuwa-tao. Ang aking pagpapahalaga sa sarili ay dumadaan sa kung ano siya sa akin at kung ano ako para sa kanya. Nakikita ni Marcel na mas nararanasan ng tao ang kanyang tunay na kahulugan sa mismong pakikipagkapuwa: esse est co-esse.
Kapag ibinabahagi ng tao ang kanyang sarili sa kapuwa, isang pagbubukas ng kalooban sa kapuwa ang ginaganap. Ang kanyang "kayamanang" tangan-tangan niya ang ibinahagi sa kapuwa: pagmamalay, mga alaala, karanasan, mga kaibigan, mga pagtubong naganap, mga biyayang natanggap at tinatanggap. Tahasa niyang ibinibigay ang kanyang "loob", ang kanyang maliit na "daigdig" sa kapuwa. At habang ibinabahgi niya ang kanyang maliit ngunit mahiwagang "daigdig", pumapasok rin siya sa isang maliit at mahiwagang "daigdig" ng kapuwa, na ibang iba sa kanya. Mapitagang "umuurong" siya bilang paggalang, hindi isang pag-urong na tumakas kungdi "pag-urong" bilang pagkamangha at paggalang sa ibang iba na sarili, "loob" ng kapuwa.
Sa pagbabahaging ito, iniiwanan ng tao ang mabagsik na kumpetisyong atitud sa kanyang pakikitungo sa kapuwa. Sa pagmamalay, hindi isang kasangkapan o pag-aari ng ako ang kapuwa, ni isang tagapalakpak at tagahanga, ni isang ribal o kalaban sa buhay. Isang pagsalo sa kapuwa bilang kapuwa, bilang persona -- tinatanggap ko siya bilang siya, at hindi "tinatanggap ko siya kung ...." Ang pamumuhay sa daigdig na ito ay isang buhay ng pakikiisa at pakikipagkaibigan, hindi isang paligsahan ng purong "matira ang matibay". May lugar at puwang upang magtulungan, umibig at magbigay tiwala. May pagkakataon upang tulungan ang bawat isa na tumubo sa pamamagitan ng pakikipagkapuwa tao.
Isang uring pagbaling (conversio) sa pakikibahagi at pakikisangkot sa buhay (homo particeps) na tinatalikuran ng ugaling manuod lamang sa mga pangyayari. Hindi paghanga sa sarili at hindi rin pagtakwil sa sarili ang itong pagbubukas ng kalooban, kundi isang katapatan sa katutubo sa tao.
Ang pinagsisikapang gawin ay buksan ang aking sarili at tanggapin ang iyong sarili. Kapag binigkas ko ang `ako', binibigkas ko ang pagpasok sa aking sariling kalaliman at sabay pagtungo sa iyong kalaliman. Pag binigkas ko ang `ikaw', binibigkas ko ang pagtanggap mo sabay ang magalang na pag-urong sa hiwaga ng iyong sariling kalaliman. Ang tunay na meron [etre] ay gumagalaw sa mayaman na larangan ng ako, ikaw, kita, tayo.
Kaya sa pagbabahaging ito ng aking "loob" sa iyo, ay may mahiwagang nangyayaring ekonomiya ". . . ang bawat pagbigay ay pagtanggap din, at ang bawat pagtanggap ay pagbigay din." Kapag binigyan kita ng isang kuwan o tinulungan kita sa iyong ginagawa, hindi ito tunay na pagbibigay at pagtulong kung hindi ko sabay maligayang tinatanggap ang iyong ipinagkakaloob sa akin na pakikipagkaibigan. At kung tinulungan mo ako o inihandugan ng isang kuwan, hindi tunay ang aking pagtanggap kung hindi ko sabay na iniaalay sa iyo ang aking taos na pagmamahal at pasasalamat.
Kapag inibig ko ang isang linalang, hinihintay ko sa kanya ang isang hindi ko malaman at hindi ko mahulaan kung ano. Sabay nito, sa isang paraang `di ko rin malaman, idinudulot ko sa kanya ang kakayahang tumugon sa aking paghihintay. Oo, kahit na parang kabalintunaan, ang paghihintay ay isang uring pagbibigay. Ngunit ang kabaligtaran ay totoo rin.
Sa antas na ako'y nagbabahagi ng aking sarili, lumalabas dito ang isang napakahalagang istilo ng tunay na paghihintay na siya rin namang pagbibigay: pasensya. Ang taong nagpapasensya sa kapuwa ay sinisigurado niyang hindi niya basta-bastahin at hindi rin niya tatampalasanin ang kanyang kapuwa. Hindi niya inaagaw ang lugar ng kapuwa katulad ng taong nasa aba, ako! (avoir) kundi ginagalang niya ng kumpas at ritmo ng kapuwa o ". . . hindi niya tinatangka na ang kumpas ng kanyang ritmo ay siyang marahas na aagaw sa lugar ng ritmo ng kanyang kapuwa."
Ang taong nagpapasensya sa kapuwa ay hindi nanunuod kungdi nakikibahagi at nakikisangkot sa kanyang kapuwa sabay may paggalang na ang kapuwa rin ay may kalayaan. Pinapaligiran niya ang kapuwa ng isang papawirin na ginagawang posible o maaring lumago ang kanyang pagkatao. Sa kuwento ni Mencius, may isang magsasaka nais pabilisin ang pagtubo ng kanyang pananim na palay, hinatak niya ang mga punla, kaya nangamatay tuloy. Alam nating tutubo ang palay ayon sa kanyang pagkapalay, ayon sa ritmo ng palay at hindi ayon sa gusto kong ritmo. Ang taong nagpapasensya ay tapat sa pagkasagrado ng sarili ng kapuwa at sa kanyang sarili rin bilang nakikipagkapuwa. Ginagalang, sinasabayan, sinasakyan, nakikibagay siya sa ritmo at kumpas ng kanyang kapuwa at ng kanyang sarili.
Ang taong nakikibahagi ngunit hindi marunong maghintay, magpasensya ay isang taong nagmamadali at walang paggalang sa kapuwa. Kung wala na akong hinihintay sa isang tao, binabaan ko na siya ng senstensyang "pagkabaog", wala nang mahihintay pa, wala nang mararatnan diyan. Pinipilit ko sa kanya ang "alam kong ikabubuti mo." Ganoon rin ang taong naghihintay, ngunit hindi marunong makibahagi, makisangkot ay isang pagbitiw sa sarili ng kapuwa. "Naghihintay na lang ako, bahala ka diyan, sarili mo iyan."
Ang nagpapasensya ay naniniwala na ang buod ng kanyang pananatiling tapat sa kalooban ng kapuwa, sa pagkasagrado ng kanyang sarili, at sa pagtiwala sa posibilidad ng pagtubo ng sarili sa pakikipagkapuwa tao ay kabutihan. Nakikita niya na ang tunay na kilos ng espiritu ng tao ay ang udyok lagi na tumubo, at ang gagawin ng isang kaibigan ay magsubaybay, magbigay, maghintay. Kaya't ang pag-eekonomiya ay pagpapasensiya ng kaibigan sa kanyang sarili sabay sa pagpapasensya niya sa kumakaibigan.
Hindi ko alam kung matatawag ba itong ekonomiya sa istriktong kahulugan. Sapagkat ang ekonomiya ay isinilang sa abot tanaw ng mga materyal na pagpapalitan ng pangangailangan. Dito, isang pagbabahaginan hindi ng pangangailangan o dala ng pangangailangan, kundi ng meron. Ibinabahagi ng tao ang pagiging tao niya. Hindi niya ipinagbibili ang kanyang sarili o ang sarili ng kapuwa. Kungdi pinapalawak nila ang abot tanaw ng pakikipagkapuwa, pinapalaganap nila ang sinag ng pagtubo ng tao tungo sa buong sangkatauhan. At sa pagpapalaganap na ito, kailangan ang matinding pasensya.
`Nakakaunawa lamang ang isang nilalang sa kanyang kapuwang pinaamo niya. Wala nang panahon upang umunawa ang mga tao. Bumibili na lang sila ng mga bagay na yari na sa mga tindahan. Ngunit walang tindahan kahitsaanman na maaring bumili ng pakikipagkaibigan, ng katapatan, kaya walang mga kaibigan ang mga tao. Kung nais mong magkaroon ng kaibigan, paamuin mo ako,' sabi ng lobo.
`Anong gagawin ko para paamuin kita?' tanong ng munting prinsipe.
`Kailangan mo ang matinding pasensya,' sabi ng lobo.
Sa kabuuan, kinikilala ni Marcel na ang manatiling tapat sa pagkasagrado ng sarili ng tao ay mahirap. Ang bawat isa ay may atitud at kahiligang pag-ingatan ang sarili. Kaya matalinhagang sinasabi ni Marcel na ang bawat isa ay parang taong nakabalot ng kasuotang baluti, makapal na kasuotang bumabalakid sa sarili tungo sa pakikipagkapuwa. Aniya, parang isang nag-iisang kabibing nagkukulong sa loob ng kanyang malutong na tahanan. Parang isang malaking syudad na maraming distrito, maraming ginagawa, pero may mga sagabal na mga makakapal at matataas na pader at muralya sa pakikipagkapuwa. Pero natutuklasan niya na ang mahahalagang sangkap at pangangailangan ng kanyang mismong buhay at ikinabubuhay ay nasa mga dumarating sa kanya mula sa mga kapatid na lungsod, sa pamamagitan ng mga mahihiwagang maliliit na ilog na madalas ay hindi mabuti at tuwid ang pagdaloy, at marahil ay ni hindi niya alam ang mga pangalan o ang kung saan man itong mga lungsod na ito nakatirk o ano ba ang kanilang kalagayan. ". . . [M]eron pa yatang mga puwang, mga bitak sa baluti na ating pag-aari . . . [na] . . . maaring mangyari na . . . mapahinga pa ang diwa."
Karamihan sa atin ay laging nasa kalagayan ng pag-aari (avoir). Inaamin ni Marcel na halos lahat ay naninirahan sa talukbong ang avoir. Hindi niya sinasabi na hindi siya kasama sa "karamihan" na ito. At lalong hindi rin tayo magpapanggap na hindi tayo kasali sa "karamihan" na ito. Samakatuwid, bakit pa ba nating pinagkaabalahan ang pagmumunimuning ito? Kahit na nakalugmok at naksubsob siya sa pag-aari (avoir), kaya ng bawat tao, ng bawat isa sa atin, kung pagsikapan lamang niyang buksan ang kanyang kalooban ... kaya niyang makita at maranasan, kahit na mula sa malayo ang kanyang tunay na dinamismo tungo sa pakikipagkapuwa ....
Marahil, mula sa mga pagmumunmuning ito, nais kong pangatawang ibahagi sa inyo ang aking nakitang halaga sa pag-eekonomiya sa larangan ng espiritu, sa mismong ginagawa natin ngayon taon muli dito. Pagbabahaginan, pakikipagkapuwa, pakikipagkaibigan. At aangkinin ko ang pangwakas ni Marcel na sinipi ko:
masasabi natin
na ang buod ng pag-asa ay
ang pagka-handang-makipagkapuwa
na umiiral sa kalooban ng tao
na tao na nakasangkot
sa isang karanasan ng pakikipagkapuwa kalooban
sa matinding antas
kaya't ginaganap niya
ang kilus na umiigpaw
sa mga pagtutol ng loob at ng pag-uunawa;
kaya't matibay niyang binibigkas
ang buhay na sariwa at walang wakas;
ang karanasang ito ay
sabay simula ng pagkakaloob
at unang bunga
ng buhay na ito.
No comments:
Post a Comment