PAGPAPALITAN NG KURO-KURO AT DEMOKRASYAIsang Pananaliksik sa Pag-uunawa ni Jürgen Habermas
Ukol sa Demokratikong Lipunan
Ukol sa Demokratikong Lipunan
JEREMY S. ELIAB
Ateneo de Manila University
Ateneo de Manila University
"Ang pakikisangkot sa pulitika ay isang pamamaraan upang hawakan ang kilos ng ibang mga tao." Ito ang nakasanayang pagkilala sa pakikisangkot ng tao sa mga usaping panlipunan na mayroong mahalagang bunga sa pang-araw-araw na pamumuhay. Sa mga pangkaraniwang tao, ang kapangyarihang pulitikal ay kakayahan na "gumawa ng mga inaasahang parusa para sa mga hindi pagsunod" bilang paglalagay ng hangganansa mga kilos at gawain ng iba. Ngunit maari ring ang mismong kapangyarihan ang magiging sagabal sa pakikibahagi ng tao, sa pakikipagkapwa-tao, lalo na sa mga bansang nasa ilalim ng diktadurya o batas militar. Sa kabilang banda, maari ring ang kapangyarihang pulitikal ay maging isang kasangkapan ng isang malaya’t maayos na pakikisangkot ng tao sa lipunang demokratiko. Samakatuwid, kung ang pulitika ay isang sistema ng paghawak ng kapangyarihan upang magkaroon ng kaayusan sa lipunan at mabisang pakikisangkot ng mamamayan, isang napakahalagang aspeto ang pamamaraan ng pahawak sa kapangyarihang ito na isinaalang-alang ang pagpapalitan ng kuro-kuro ng mga tao sa lipunang kanilang ginagalawan.
Itong mga kuro-kuro ay laganap sa kahit saang lugar sa lipunan, kahit sa anumang panahon. Maaring sa isang simpleng sari-sari store na pinag-kakaumpukan ng mga tao, sa loob ng bus o sa barberya o sa mga NGO fora. Kung tunay ang pagsasalin ng mga kuro-kurong ito upang maging pormal na polisiya, magiging batayan ang mabisang komunikasyon, mabisang pagpapalitan ng usapin, at pagkakaroon ng kasunduan mula sa iba’t ibang sektor ng mga batas at kodigong nagagawa sa Kongreso.
Ito ang sinusubukang tingnan ni Jürgen Habermas sa kanyang librong Between facts and norms. Sa kanyang pagtalakay sa batas, nais niyang pagpagin ang iba’t ibang pananaw ng mga teorya ng batas at teorya ng katarungan. At sa pagpapagpag ng mga ito, nagkakaroon ng pagpapalitan ng kuro-kuro, sa kanyang pagtatalakay, upang palabasin ang isang bagong pananaw ukol sa batas, isang pananaw na naka-ugat sa malayang pagpapalitan ng kuro-kuro upang humantong sa isang lipunang malaya at makatarungan.
Ayon sa teksto ni Habermas, ang modernong pagtingin sa batas ngayon ay kailangang linawin. Kailangang makita ng mga nasa larangan ng gumagawa ng batas at mga nasa lipunang pangmamayan ang igting na nanahan sa batas. Itong igting ang siyang buhay ng lahat ng batas upang maging isang epektibong kasangkapan ng pakikisangkot ng tao sa lipunan at mabisang pamamahala ng gobyerno. Nasa puso ng bawat batas ang igting na ito, na kung makakaligtaang makita ay nagbubunga ng isang "tagilid na pananaw" (BFN, xx) sa dinamikong katotohanan ng batas.
Kaya ang pananaliksik na ito ay isang paglalahad ng halaga ng malayang pagpapalitan ng kuro-kuro, at kung paano ito nagbubunga ng isang malaya’t demokratikong lipunan na mayroong matatag na batas, na sinusunod ng mga mamamayan ayon rin sa tindi ng kanilang pakikisangkot sa pagpapalitan ng kuro-kuro. Sinisikap na ibalangkas ng pananaliksik na ito ang pag-uunawa ni Habermas sa batas at demokrasya. May mga halimbawa’t kongkretong pangyayari sa pulitika at lipunang Pilipino na tatalakayin sa huling bahagi, isang maliit na sanaysay ng manunulat sa Tambuli ng Maralita na tinatalakay dito ang P.D. 772 (Penalizing Squatting and Other Similar Acts) at ang Batas Pambansa 8368 (An Act Repealing Presidential Decree 772).
Sa modernong panahon, lalo na sa panahon na nauuga ang pundasyon ng ontolohikal na pagbibigay dahilan sa mga bagay-bagay na nangyayari sa lipunan, naging isang tunay na pagkakataon rin ito upang bumaling sa ibang ugat na wala ang mga sinauna’t di-natatanong na palagay ng metapisika. Ito ang pagsilang ng konsepto ng deliberatibong demokrasya, isang konsepto na ang demokrasya sa isang lipunan ay hindi lamang nakakasalalay sa isang paninindigan na ang sining ng pulitika ay isang pamamahala ng kapangyarihan upang magkaroon ng kaayusan ang lipunan, kundi isang konseptong ang kapangyarihan ng mga taong nakikipagkapwa ay isinalin sa batas, hindi lamang sa panahon ng halalan, kundi kahit na sa pangkaraniwang panahon ng pagsasabatas ng mga matinong panukala mula sa hinubog na opinyon ng mga mamamayan.
May ibang laganap na pananaw sa Pilipinas. Kapag ang isang pulitiko ay naihalal bilang isang lingkod-bayan, nasa pag-uunawa ng pulitiko na ang paghahalal sa kanya ay isang pagbibigay ng kapangyarihan sa kanya ng mga tao. Ibig sabihin na nawawala ang deliberatibong relasyon ng isang publikong opisyal sa mga tao kapag nasa posisyon na siya. Samakatuwid nangyayari lamang ang isang pagpapalitan ng kuro-kuro bago ang halalan, hindi pagkatapos ng halalan. Hinayaan na lamang ang isang mambabatas na gawin ang kanyang "nais gawin" na walan na ang patuloy na deliberasyon sa mga tao, na wala na ang tunay na pagpupulso sa mga mamamayan na kanilang sinasakupan o bilang kinakatawanan. Tunay itong makita sa usapin ukol sa pagbabago ng Saligang Batas noong 1997.
Ayon pa sa isang manunuri ng pulitika sa Pilipinas:
Kahit na ang batas [local government code] ay hindi magagamit [ng mga mamamayan], sapagkat sinasabi lamang nito ang mekanismo ng pakikisangkot; wala sapat na kapangyarihan [ang mamamayan] … . Kaya magiging mabunga lamang sa mga sektor na ito ang kanilang pakikisangkot sa lokal na pamamahala, lalo na sa mga pook na ang mayor o gobernador ay nagbibingingihan sa mga sinasabi ng mga tao, kung makakita sila ng isang tuwirang landas upang maihain nila ang kanilang mga problema sa isang mas may mabigat ang dating. At hindi makikita itong landas sa 1991 Local Government Code, kundi sa Election Code of the Philippines.
Kaya kung ang batas na naisasagawa ng mga pulitikong ganito ang pag-uunawa sa halaga ng kapangyarihang pulitikal, nagiging isang nakasarang pinto ang Kongreso at ang mga lokal na konseho. Nararapat lamang sa deliberatibong demokrasya ang pakikisangkot na nagbubukas ng dinamikong ugnayan ng pamahalaan sa mga tao. Itong pag-uunawa sa katangian ng demokrasya ay isang pag-aabala na ang pakikisangkot ng mamamayan sa prosesong demokratiko ay may isang katangiang rasyunal -- na ang pagboto, halimbawa, ay hindi lamang isang katipunan ng pagkiling ng ninanais ng mga mamayan kung sino ang mamamahala sa kanila, kundi sumusunod rin sa isang proseso ng pinagmunihang ugnayan at paghubog ng matinong kuro-kuro kung paano sila pamahalaan. Sa ganitong paraan, nahuhubog ang mga tao tungo sa isang mas pinag-isipang opinyon at mga usaping mas may kinalaman sa kanilang buhay, sa halip na ang pagkapopular ng mga kandidato.
Ang batas na nalilikha mula sa mabisang pagpapalitan ng kuro-kuro ay may malaking epekto tungo sa isang malusog na pakikisangkot ng mamamayan. Ayon kay Habermas, ang bawat batas na nalilikha ay may dalawang mukha – isang katangian na dapat makita sa modernong teorya ng batas (BFN, 32). Sa bawat batas nanahan (1) ang pagiging tunay na panlipunang katotohanan nito bilang umiiral at napapatupad, at (2) ang kakayahan ng isip rasyunal na angkinin ang katotohanan at pagka-lehitimo ng batas. Sa isang batas na ipinasa, halimbawa ng Kongreso at ipinapatupad ng Pamahalaan, nagiging isang parang "nilalang" ito na umiiral sa buhay ng mamamayan tulad ng mga bagay, na ipinapatupad at sinusunod. At ang batas ring ito ay hindi lamang basta ipinapataw ng maykapangyarihan, kundi nauunawaan, tinatanggap at sinusunod rin ng mamamayan bilang isang lehitimong patakaran na angkop para sa kanila.
Kaya ang batas ay hindi lamang mga patakarang "dapat sundin" ng mga tao, kundi nagpapakita ring may sinasabi ukol sa rason ng tao na tumatanggap at kumikilala sa batas. Kinikikaka ng mamamayan ang batas hindi bilang mga "dapat sundin" lamang kundi bilang mga adhikain at layunin upang ang kani-kanilang buhay ay maging isang maayos at masaya.
Iniugat ni Habermas ang kanyang pag-uunawa ukol sa pagka-lehitimo ng batas kay Kant. Bakit ba sinusunod ng mga tao ang pinapatupad na batas? Ayon kay Kant, ang pag-uunawa sa batas ay laging nasa liwanag ng pantay na mga batayang karapatan ng bawat isang taong malaya. Itong mga karapatan ay nakaugat sa isang unibersal na prinsipyo ng batas (Rechtsprinzip) na ang ibig sabihin "ang katipunan ng mga kalagayang posibleng gumalaw ang isang moral na nilalang, upang gawing pangkalahatan ang isang nais ipatupad na patakaran sa panlabas na kilos ng mga indibidwal" (BFN, xii).
Samakatuwid, ang batas ay may kinalaman sa kalayaan ng bawat isang indibidwal. Pinapalagay ng Kantianong pag-uunawa na ang batas ay "katipunan ng mga kondisyong maaring galawan ng malayang pagpapasya (Willkür) ng isang indibidwal na maaring pag-isahin sa mga malalaya ring pasya ng iba alinsunod sa isang unibersal na batas ng kalayaan." Kaya mayroong ibig sabihin si Kant ukol sa katangian ng batas na ginawa ng tao: na ang batas ang (1) nagbibigay ng hangganang angkop at sapat upang ang bawat isa ay maaring kumilos ng malaya upang hanapin ang kanilang tagumpay at kasiyahan; (2) na ang batas ay nakasalalay sa prinsipyo ng kalayaan, na lahat ay may kalayaan na dapat angkinin at galangin ng bawat isa. Hinihingi ang minimum na panggalang mula sa mga tao.
Kaya ang batas ay humihingi sa bawat tao ng paggalang, sapagkat ang paggalang dito ay pagkilala sa kalayaang nanahan sa bawat isa. Kaya nagiging lehitimo ang batas kung ipapatupad at ipapataw ito, kapag nakaugat ito sa konsepto ng kalayaan. "Ang pagpataw [ng batas] ay maaring bigyang-dahilan lamang kung iniiwasan nitong mangyari ang mga sagabal sa kalayaan" (BFN, 29).
Halimbawa, kapag ang isang batas ay ipinapatudad ng lokal na pamahalaan, kailangan isinaalang-alang na ang panukala ay dumaan sa proseso ng debate at pagdinig sa lahat ng kuro-kuro ng mamamayan o ng mga taong nasasangkot. Sa ganitong paraan, nakikita ng mga tao na ang batas ay karapat-dapat ngang sundin sapagakat dumaan ito sa isang rasyunal na pagpapalitan ng posisyon ng lahat na nakasangkot. Kapag ito ay naisabatas at ipinapatupad, may kasama itong parusa upang pigilin ang anumang paglabag. Ngunit hindi nakikita ng mga tao ang batas sa liwanag ng isang "masamang tao", ibig sabihin hindi nakikita lamang ang batas bilang sistema lamang ng mga parusa. Nauunawaan ng mga tao ang batas bilang isang positibong patakaran na kailangang sundin, sapagkat may sinasabi ito ukol sa kalayaan ng bawat isang indibidwal.
Samakatuwid, ang pag-uugat ng batas sa unibersal na prinsipyo ng kalayaan ng bawat isa, "sa isang pangkalahatang kapakanan ng tao," ang nagbibigay-dahilan upang sundin ng bawat moral na tao ang batas. Nakikita dito na bumabalik sa rasyunal na pagbibigay ng dahilan sa pagka-wasto, pagka-lehitimo ng batas. Nagiging isang batayan ang kakayahan ng rason na magbigay ng katwiran sa pagkalehitimo ng batas, na inaangkin naman ng isip at kumikilala sa batas bilang dapat sundin at tupdin. Bukal ng batas ang mismong deliberasyon, buhay ng batas ang patuloy pang deliberasyon at pagbibigay katwiran, at deliberasyon pa rin ang kikitil sa batas kapag hindi na ito ayon sa pantay-pantay na kalayaan ng bawat isa, hindi lamang ayon sa pangkalahatang kapakanan ng tao.
Sa teorya ng deliberasyon ni Habermas masisilayan ang pagsisikap na buhayin ang kakayahan ng rason, ang kakayahan ng isip na magmuni ukol sa mga bagay ng may halaga sa buhay pulitika ng tao. Higit sa lahat, kung ang batas na siyang puno at dulo ng sistemang pangkatarungan ng isang lipunan, matindi ang hamon sa isang mainam na deliberasyong rasyunal sa proseso ng pagsasabatas ng mga panukala. Ang sukatan ng mabuting batas o masamang batas ay nasa antas ng pagpapalitan ng kuro-kuro ng mga mamamayan, ng mga pangkat na hindi kasangay ng pamahalaan (NGO), ng mga iba pang lugar na maaring maging kalagayan ng pagsibol ng di-pormal na pagpapalitan ng opinyon.
"Ibig sabihin ng karapatan na makisangkot sa pulitika ay ang legal na pagsasalin ng publikong opinyon-at-paghubog-ng-loob tungo sa legal balangkas na nagiging ganap sa mga polisiya at mga batas" (BFN, 151). Mahalagang makita na sa pag-uunawa ni Habermas, ang pagsasabatas ay hindi lamang isang paggawa ng hangganan sa mga kilos ng tao at pagtatanggal ng mga sagabal sa kalayaan ng bawat isang kasapi ng lipunan. Ang pakikisangkot sa mga usaping pulitikal, lalo na sa pagsasabatas, ay isang pangangailangan upang lumikha ng mga lehitimo’t makatarungang batas. Nakasalalay ang pagkalehitimo ng at pagkamakatarungan ng batas sa antas ng pakikisangkot ng mga tao.
Kinakailangan ang malayang deliberasyon ng mga mamayan sa bawat pagsasabatas, sapagkat nagkakaroon lamang ng lehitimong kapangyarihan ang batas na dapat itong ipatupad kung nakikita itong may tuwirang ugnayan mula sa mga tao.
Ito ang kapangyarihan ng komunikasyon, ang kapangyarihan ng malayang usap-usapan ng mga mga mamayan na nagtitiyak sa pagiging lehitimo ng batas. Ayon pa kay Hannah Arendt, "Ang kapangyarihang bumubukal mula sa pagitan ng mga tao kung sama-samang kumikilos, at naglalaho sa sandaling maghiwa-hiwalay sila." Sa pananaw na ito, ang batas sa lipunan at ang kapangyarihan ng komunikasyon ay nanggaling sa opinyon, na marami ang publikong nagkakasundo (BFN, 147). Samakatuwid, may isang mahigpit na ugnayan ang pagkilos ng malayang usap-usapan sa pagsasagawa ng mga makatwiran at lehitimong batas.
Sa pamamagitan ng pagpapakilos ng kapangyarihan ng komunikasyon, na maaaring nangyayari sa kahit na anong anyo sa larangan ng mga di-pormal na pook-usapan, unti-unti itong naging isang potensyal, na lumalawak ang impluwensiya, kumakalat sa mga tao, at makakarating sa mga pormal na usapan. Ang mga ganitong namumuo na mga opinyon ay hindi dapat tanggihan ng mga may hawak ng kapangyarihang magsabatas ng mga adhikain ng mga tao sapagkat sa mga opinyong ito tunay na napupulsuhan ng pamahalaan ang bayan.
Kaya ang batas ay isang instrumento ng pagsasalin ng kapangyarihan ng komunikasyon sa kapangyarihan ng pamamahala (BFN, 149). Ang batas ay kailangang tingnan bilang isang kasangkapan ng pagdadala ng opinyon ng mga taong dumaan sa isang deliberasyon upang maging isang lehitimong batas maging isang legal na balangkas na tinatanggap ng mga tao. Ang pagka-lehitimo ng batas ay humihingi ng batayan mula sa mismong deliberasyon at pagtatanong ng rason, at hindi sa kakayahan at pulitikal na puwersa ng isang pamahalaan.
Laganap ang iba’t ibang anyo ng deliberasyon sa di-pormal na larangan. Kung tutuusin, buhay ng mismong pangkaraniwang mamamayan ang mismong deliberasyon sa mga usap-usapang nangyayari sa mga lokal pook sa kapaligiran. Ayon pa kay Rainier Ibana:
"Ginagawa ito sa pang-araw-araw na usap-usapan. Tuwing nag-uumpukan sa tindahan, naghihingutuhan sa mga baitang ng hagdanan, nagtatalo o nagtsitsismisan sa mga barberya o byuti parlor, tinutupad na ang deliberasyon. Totoong maliliit na antas lamang ang mga halimbawang nabanggit. Subalit maging isang higit na malawakang antas, ipinakikita ng mga umuusbong na mga kilusang hindi kasangay ng pamahalaan (NGOS) na maaring makabuo ng mga grupong nakabatay sa deliberasyon" (PM, 100).
Ito ang mga pook na dapat buhayin at bigyang pansin ng pamahalaan. Ayon pa kay Habermas, sa isang demokratikong pamamahala ay dapat isinasaalang-alang ang isang malinaw na proseso kung paano napapakinggan ang mga opinyon ng tao mula sa mga di-pormal na larangan (BFN, 349). Kailangan na sa isang sistema ng batas, lalo na sa Saligang Batas, may malinaw na patakaran at mekanismo ang pagsasalin ng mga kuro-kuro ng tao tungo sa paglikha batas, at may sapat ring kapangyarihan ang pamahalaan kung naipapatupad itong patakarang nangangalaga sa proseso ng deliberasyon upang maipagtatanggol ang mga tinig ng lahat, lalo na ang mga nangangailangan ng pansing panlipunan tulad mga abang maralita.
Isang panlipunang kalawakan ang publikong larangan ng deliberasyon (BFN, 360). Binubuo ito ng isang balangkas ng komunikasyon na nakaugat sa lifeword sa pamamagitan ng mabisang sapot na ugnayan ng mga pangkat na hindi kasangay ng pamahalaan. Ito rin ang mistulang "tainga" na nagbibigay ng babala kapag mayroong problema sa isang lipunan. Sa isang demokratikong lipunan, hindi lamang instrumento pakikinig sa mga suliraning panlipunan ang publikong larangan, maari rin nitong kilalanin ang mga problema ayon sa uri nito, magbigay ng mga mungkahing solusyon, ipadama at iparating ang mga ito sa pintuan ng demokratikong proseso, ang Kongreso man o lokal na konseho. Dahil na rin sa di-pormal ang talakayan, at nakabatay pana-panahong pag-usap-usapan ng mga tao, mayhangganan ang sariling kakayahan ng publikong larangan upang bigyang solusyon ang mga panlipunang problema. Hindi lahat ng problema at gusot ay naaayos sa publikong larangan.
Tunay ngang mayroong nakatago at pinapalagay na pagkakaunawaan na naroroon na sa lifeworld (BFN, xvi). Itong pagkakaunawaan ang nagpapatatag, umaayos, nagpapabuo ng mga pangkat. Ang sinaunang pagkakaunawaan ang sandigan ng pagpapalitan ng kuro-kuro – naroon ang mga sinaunang di-pormal na mekanismo upang ayusin ang di-pagkakaunawaan sa mababang antas, sa kakayahan ng rason at sa bisa pagkakaisa ng mga tao, at bunga ng pagkakahawig ng kanilang kultura, tradisyon at pagpapahalaga.
Kaya halimbawa lamang sa isang pangkat ng maralitang taga-lunsod, sa loob ng kanilang pamayanan, may sarili silang tradisyon at kultura kung paano harapin ang mga maliliit na problemang nakahain sa kanila, may sarili silang pamamaraan ng pagsasalita na madaling naiintindihan nila. Kaya kapag may namatayan sa pamayanan, may isang umiikot na tao upang humingi ng abuloy sa bawat tahanan. Hindi na tinatanong ng mga tao kung bakit may umiikot, hindi na sila tinatanong kung bakit kailangang humingi, hindi na nila dinadaan sa deliberasyon kung mangkano ang ibibigay. Ito sinaunang pagkakaunawaan na batayang sinasandigan ng pang-araw-araw na kilos at ugnayan ng mga tao. Sa pamamagitan nito, nasasala ang mga kailangang idaan sa deliberasyon – nababawasan sa mga kailangang ilagay sa usap-usapan.
Ibig sabihin, maaring ituon ang mismong enerhiya ng pagpapalitan ng kuro-kuro sa mga mas mahahalagang usapin sa halip na sa mga maliliit na mga bagay. Kung mas may mabigat na problemang panlipunan na hindi nakakayanang ayusin ng panloob na mekanismo ng isang pamayanan, lalo na pag may panlabas na salik o dayuhang nakasangkot, dito pumapasok ng mas malawak na deliberasyon at usapan na lumalampas sa konteksto ng pamayanan.
Mula sa lifeword nakaugat ang publikong larangan. Ang usapan sa antas ng publikong larangan ay maaring nakatutok sa isang usapin, na unti-unting gumugulong sa iba’t ibang liwasan, sa iba’t ibang pook ng usap-usapan. Sa daloy ng panahon, nagiging isang malakas na opinyon publiko ang mga ito na maaring makiugnay rin sa ibang usaping panlipunan. Dito sumusulpot ang papel ng pangkat o koalisyon ng mga pangkat na nagtataguyod ng mga usapin sa pamamagitan ng pormal na proseso upang dalhin ang opinyon sa pormal na larangan ng debate – gawin itong balangkas unibersal sa pamamagitan ng pagsasabatas.
Ayon kay Habermas, "ang daloy ng komunikasyon mula sa paghubog ng opinyon, sa pagsasabalangkas ng halalan at mga pasyang lehislatibo ay nagbibigay katiyakan na ang impluwensiya at kapangyarihan ng komunikasyon ay naisasalin sa pamamagitan ng pagsasabatas tungo sa pamamahala" (BFN, 299). Nagiging pormal na balangkas, hindi laman ang laman ng mga usapin, kundi ang uri ng malayang usap-usapan, kaya ang batas ay kinikilala, tinutupad at tinatanggap ng mga tao sapagkat may tuwirang sinasabi at inaayos ang batas sa kanilang buhay. Itong mga inaayos ng batas na nailikha ay ang mga bagay-bagay na hindi kayang ayusin ng di-pormal na balangkas ng lifeword at ng publikong larangan. Ang pag-aayos ay dumadaan sa isang komplikadong pagpapatupad ng pamahalaan, ng korte, at ng mga iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Ngunit ang batas ay kasangkapan ng nilalayong pagkakaunawaan ng bawat isa bilang may malayang pagkilos upang hanapin ang kanilang tagumpay, dapat may paggalang rin sa iba, na may karapatang ding hanapin kanilang tagumpay at katuparan ng buhay ng sama-sama. Dito lumalabas ang dalawang mukha ng batas na nangangalaga ng publikong kapakanan at ng pribadong kalayaan ng bawat isa. Nasa igting na ito makikita ang isang ga-buhok na pagitang nagsasagisag ng katarungan sa isang lipunan demokratiko.
Mayroong dalawang paradigma kung paano unawain ang modernong batas. Madalas may sinasabi ang mga tao ukol sa mga pribadong pag-aari at publikong ari-arian, publikong lupain at pribadong lupain. Kung sa lipunan umiiral ang dalawang laranga ito – ang larangan ng pribadong indibidwal at publikong maaring galawan ng indibidwal, kailangan rin isaalang-alang ito sa pagsasagawa at pagpapatupad ng batas. Kung ang isang batas ay wala sa igting ng dalawang larangan, lalabas ang pagka-hindi makatarungan ng batas, samakatuwid, hahantong sa pagka-hindi lehitimo nito, at samakatuwid, sa pagpapawalang bisa nito.
Kung may mga batas man na naipasa na isinaalang-alang lamang ang makitid na interes ng iilang indibidwal na walang pag-sasaalang-alang sa kapakanan ng pangkalahatan, sa huli, kailangang ipawalang bisa ring ito sa pamamagitan ng deliberasyon. Ang deliberasyon pa ring ang sukatan kung ang batas ay kailangang ipawalang bisa o panatilihin, sapagkat "tungkulin ng deliberasyon na ungkatin ang mga nagtatagong mga interes na humahadlang sa pakikipagkapwa-tao" (PM, 93). Lalabas ang pagka-hindi makatarungan ng batas kung hindi kayang magbigay ng sapat na katwiran ang mga gumawa nito upang panatilihing pinapatupad. Lalabas ang pagkiling nito kung hindi maipapaliwanag at bigyan ng sapat na katwirang sinasang-ayunan rin ng iba, ang mismong pagkiling nito sa mismong akto ng proseso ng deliberasyon.
Ang unang paradigma sa pag-uunawa sa katutubong katangian ng batas ay tinatawag na klasikong liberal na pinangugunahan ng mga pilosopong tulad ni John Locke (BFN, 296). Binibigyang diin ng pananaw na ito ang impersonal na katangian ng batas at ang pagtatanggol ng karapatang indibidwal. Ang pagkalehitimo ng pamahalaan ay nakabatay sa pangangalaga ng kalayaan ng bawat indibidwal, madalas itong tinaguriang karapatang pantao (BFN, xxv). Ang kaganapan ng kalayaan ay nasa pagsisikap na hanapin ng tao ang kanya-kanyang galing at kabutihan. Dapat isaalang-alang sa bawat pagpapatupad ng batas ang indibidwal na karapatan at kalayaan.
Ang isa namang pananaw ay ang republikanismo (BFN, 300) na bumubukal mula sa pag-iisip nina Platon, Aristoteles at Jean-Jacques Rousseau. Itinatanghal nitong pananaw ang demokratikong proseso bilang isang sama-samang deliberasyon upang magkaunawaan ang mga mamamayan ukol sa pangkalahatang kabutihan at kapakanan. Kaya ang kaganapan ng kalayaan ay hindi makakamit sa paghahanap ng pribadong kasiyahan kundi sa malayang pakikisangkot ng bawat kasapi sa lipunan, sa pakikiisa ng bawat kasapi sa mga pamamaraan ng pamamahala. Ang pagkalehitimo ng batas ay nakaugat sa isang popular na soberenya, sa isang kolektibong kasarinlan ng pamamahala.
Sa modernong pag-uunawa ng batas, ayon kay Habermas, naroroon itong igting o tensyon ng publiko at pribadong kapakanan, ang publikong larangan at ang pribadong larangang ginagalawan ng tao. Lahat ng batas ay nangangailangan ng panlabas na pagkilala ng mamamayan (publiko), ngunit nangangailangan rin ng rasyunal na batayan upang matanggap ng mga indibidwal na mamamayan (pribado) ang mga ito bilang lehitimong batas na humihingi ng kanilang pagtupad. Kaya ang mismong malinaw at rasyunal na pag-uugat ng pagkalehitimo batas ay kailangan, sapagkat dapat ipatupad ang mga batas na walang pagpapalagay na umiiwas sa pagtatanong ng rason, tulad, halimbawa, ng relihiyosong pananaw. Hindi maaring iugat ang pagka-lehitimo ng batas sa mga pagpapalagay na ibinabawal ang pagtatanong at deliberayon ayon sa kakayahan ng rason at pagbibigay katuwiran. Ganyan ang katangian ng modernong batas.
Sa ating nakita, kailangang ang bawat batas ay tiyak na nangangalaga ng dalawang larangan na nabanggit. Kailangang malinaw na nakasaad sa batas ang larangan na maaring galawan ng mga pribadong mamamayan upang malayang magpasya at hanapin ang kanilang personal na tagumpay at kasiyahan. Samakatuwid, dapat nasa diwa ng batas ang paggalang sa pribadong autonomiya. Sa kabilang banda naman, upang maging mabisa ang pagpapatupad ng batas, kailangang malinaw ring makita ng mga matitinong tao ang rasyunal na hangganang ipinapataw ng batas. At kapag nakita ito ng mga tao, maliwanag nilang kilalanin na ang kaayusang legal, ang publikong larangan na ginagalawan nila, ay nagmumula mismo sa kanilang kakayahang magsabatas ng matino’t katanggap-tanggap sa rason na mga panukala upang pangalagaan ang pangkalahatang kapakanan ng tao. Samakatuwid, nasa diwa rin ng batas ang paggalang sa publikong autonomiya.
Sa batas na laging may dalawang mukhang bumabaling sa pribado at publikong autonomiya, paano ito natatamo? Kung ang modernong batas ay laging isinaalang-alang ang kalayaan ng bawat kasapi sa lipunan sabay ang mismong kolektibong kapakanan ng mga tao, ano ang batayan upang tiyaking nasa tensyon ng dalawang sukdulan ang pagsasagawa ng batas at pagpapatupad ng batas? Ito ang papel ng deliberatibong pulitika ni Jürgen Habermas.
Kung hahanapin ang kondisyon na pinanggalingan ng batas, maliwanag na makikita ito sa lehislatibong pamumulitika, isang bahagi lamang ng masalimuot at malawak na larangan ng prosesong pulitikal. Ayon kay Habermas, ang pulitika ng pagsasabatas ay dapat sumusunod sa patakaran ng malayang pagpapalitan ng kuro-kuro upang maiugat ang mga nalilikhang batas sa deliberasyon ng rason at pagtitimbang ng iba’t ibang pananaw. "Tiyak na ang mga patakaran lamang na dumaan sa deliberasyon ang masasabing tunay at lehitimo kung ang mga nagkakasundo ang mga apektadong tao na bahagi sila ng proseso ng deliberasyon" (BFN, 107). Ibinabatay ang pagka-lehitimo ng batas sa prinsipyo ng deliberasyon upang maiwasan ang isang moralistikong interpretasyon ng at pagbibigay diin sapribadong autonomiya o pagpapalagay ng karapatang pantao. Nais ni Habermas na iwasan ang pagkukulang ng ibang teorya ng pulitika at batas na nakabatay sa bigat ng mga palagay ontolohikal, at sa halip iniuuwi niya ang batayan sa mismong proseso ng deliberasyon. Sa pamamagitan ng deliberasyon, inuugnay niya at nilalampasan ang pananaw ng liberalismo at ng republikanismo. "Kinukuha ng teorya ng pagpapalitan ng kuro-kuro ang mga elementong nanggagaling sa dalawang panig at pinagsasanib ito sa konsepto ng isang ideyal na proseso para sa deliberasyon at pagpapasya" (BFN, 296).
Ano ba ang nangyayari sa deliberatibong pulitika? At ano ang mga hinihingi ng ganitong proseso upang makamtan ang pagsasabatas ng makatarungan at lehitimong batas o polisiya? Una, sa liwanag ng tensyon sa pagitan ng pribadong autonomiya at publikong autonomiya, nangangailangan ng isang katipunan ng abstraktong karapatan na kilalanin ng mga mamamayang nagnanais na isailalim ang kanilang buhay sa isang lehitimong batas. Ang mga abstraktong karapatan ang magiging isang sistema ng mga karapatan na kinikilala ng bawat isang malayang kasapi ng lipunan bilang bukal ng pagkakasundo at pakikipagkapwa-tao (BFN, 409). Itong mga karapatan ang magtatakda ng mga pangkalahatang kalagayan na karapatdapat upang itatag ang mga prosesong demokratiko ng deliberasyon ukol sa mga batas at sa pulitika. Kaya, kailangan munang ihanda ang angkop na kalagayan na ginagawang posible ang mismong deliberasyon pulitikal.
Hinati ni Habermas sa limang mahahalagang karapatan itong nararapat na kalagayan: (1) ang batayang karapatan ng pagkapantay-pantay; (2) ang karapatang makibahagi sa pangkat; (3) ang karapatan sa isang makatarungan proseso (BFN, 122). Itong tatlo ang nangangalaga sa pribadong autonomiya ng bawat isa. Binibigyang diin nito ang kalayaan ng bawat isa, na pantay rin sa kalayaan ng iba, upang magpasya ukol sa personal na hinahanap na tagumpay at kaligayahan.
Sa kabilang banda, kailangan rin ang karapatan na nangangalaga sa publikong autonomiya. Ito ay ang (4) karapatang makibahagi sa pulitika (BFN, 127). Binibigyang diin ni Habermas na ang publikong autonomiya at pribadong autonomiya ay kinakailangan sa lahat ng pagkakataon sa deliberatibong pulitika. Hindi maaring lamunin ng kolektibong papapasya ang kalayaan ng indibidwal, gayundin, hindi maaring mangibabaw ang indibidwal na pagpapasya upang apakan ang pangkalahatang kapakanan.
Kung wala ang unang tatlong karapatan, maglalaho ang pribadong autonomiya. Ibig sabihin kalayaan ang mga mamayang nasa ilalim ng batas ay pumapangalawa lamang sa pangkalahatang kapakanan. Nagiging isang hungkag batas sa liwanag pagka-maaring-tanggapin ng mga malayang mamamayan. Ngunit kung wala naman ang mamamayan ang karapatang makibahagi sa larangan ng pulitika, lalabas na ang kalayaan ng bawat kasapi ay isang "maka-machong" pagpapataw ng kapritso sa halip na pagpapakita ng kakayahang pamahalaan nila ang patutunguhan na kanilang sama-samang pamumuhay sa isang matinong paraan.
Ang karapatang makibahagi sa pulitika ang nagbibigay sa mamamayan na hubugin at palaguin pa ang karapatang kanilang tinatamasa bilang mga malayang mamamayan na may pribadong autonomiya. Samakatuwid nagiging mambabatas ang mamayan sa pakikisangkot sa deliberatibong pulitika, na kung tutuusin, sila rin mismo ang sasailalim sa mga batas na malilikha.
Ngunit hindi lamang hanggang sa pakikibahagi sa pulitika ang karapatan. Ang (5) karapatan sa panlipunang pagkawanggawa ang ikalima na tumutugon upang maisasagawa ang nauunang apat na karapatan (BFN, 123). Ito ang karapatan na nagtitiyak na ang mga mamamayan ay may sapat na batayang pangangailangang materyal upang maging mabisa, magaling at mainam ang kanilang malayang pagkilos at pakikisangkot. Tunay ngang hindi maaring makisangkot ng lubusan sa deliberasyon o sa protesta ang isang taong gutom. Hindi nga mahahanap ng taong malaya ang kanyang tagumpay kung wala siyang sapat na tirahan at walang sapat na kita upang tustusan ang pang-aaraw-araw na buhay at pagpapalitan ng kuro-kuro.
Ang mga karapatang nabanggit ay mga pangangailangan upang mapangalagaan ang malayang pagpapalitan ng mga mamamayan. Ngunit hindi pa pumapasok doon ang papel ng poder ng pamahalaan na mayroong sangkap (pulis) upang ipatupad at panatilihin ang sistema ng karapatan. Ito ang isa pang pag-usad ng palitan ng kuro-kuro mula sa larangan ng mga mamamayan tungo sa larangan ng institusyon at mga balangkas panlipunan.
Ayon kay Habermas, ang pagpasok ng institusyon at balangkas panlipunan ay nangangailangan ng isang malinaw na prosesong demokratiko. Ang batas na ipinapatupad ng pamahalaan ay dapat kinikilala ng mamamayan bilang lehitimo at katanggap-tanggap sa pamamagitan ng malawak na pagpapalitan ng kuro-kuro ng mamamayan at kanilang mga kinatawan. Isinaalang-alang ng proseso ng pagpapalitan ang paghubog ng mga opinyong pulitikal at "loob" ng mga mamamayan (BFN, 159). Samakatuwid, ang pagpapalitan ng kuro-kuro o ang deliberasyong publiko ay hindi lamang isang intelektwal na diskurso ng mga pulitiko, kundi isang paggamit ng kakayahan ng rason, ng isip, ng debate na nanggagaling sa pagpapahalaga, interes at pagkatao ng mamamayan.
Dito makikita ang buhay ng demokrasya sa isang mainam na pagpapalitan ng kuro-kuro upang hubugin ang isang panukala. Kaya, "nanahanan sa patakaran ng deliberatibong pulitika ang pinakasentrong elemento ng prosesong demokratiko" (BFN, 296) Sa pamamagitan ng deliberatibong pulitika, pinagsasama-sama ng mga mamamayan sa isang "palayok" ang kayamanan ng kanilang pagmumuni-muni at pag-iisip upang bumuo ng isang mas bukas na pananaw, mahalagang panukala o matatag na opinyon. Bumubukal mula sa "palayok" na ito ang kapangyarihan ng komunikasyon na mayroong napakalakas na dating sa mga pormal na pagpapasya sa Kongreso man o sa Malacanang. Naisasalin mula sa mabisang pagpapalitan ng kuro-kuro ang "kalooban" ng mga mamayan upang maging isang kalooban pulitikal (political will), maging isang pasyang pulitikal, hindi lamang sa panahon ng halalan.
Kaya, ang demokratikong lipunan ay nakabatay sa antas ng deliberasyong nangyayari sa mula sa di-pormal na larangan hanggang sa institusyon at pagsasabatas. Ang layunin lagi ng deliberasyon ay ang paghantong sa isang pagkakaunawaan ng mga mamamayan, isang kalagayang maging posible ang pakikipagkapwa-tao upang hanapin ng bawat isa ang personal na tagumpay at kaligayahan, samakatuwid, magpakatao. "Hinihingi ng teorya ng pagpapalitan ng kuro-kuro ang mas mataas na antas ng pakikipagkapuwatao sa mga proseso ng pagkakaunawaan na nangyayari sa pamamagitan ng mga patakarang demokratiko o ang sapot ng komunikasyon sa loob ng publikong larangan" (BFN, 299). Ang deliberatibong pulitika ang hantungan ng masalimuot na paghubog ng opinyon at indibidwal na kalooban. Nakikita at nararamdaman ng ang tunay na pulso ng mamamayan, ng bayan sa prosesong ito.
Kawawa ang nagpapait ng hatol
at nagtatapon ng katarungan sa lupa!
Niyuyurakan ninyo ang dukha …
pang-aapi sa matuwid, panghihingi ng lagay,
pandaraya sa mga dukha sa hukuman.
(Amos 5: 7, 11a, 12b)
"Ligaya ang itawag mo sa akin." Ito ang aking naririnig sa mga batang maliliit na naglalaro sa kalsada. Naging uso ito sapagkat ang pelikulang Ligaya ang naging bukambibig sa showbiz, mga tabloid at maging sa usapan sa loob ng bus at jeep. Sino ba naman ang ayaw maging maligaya sa gitna ng paghihirap na nararanasan ng Pilipino, lalo na ng mga maralitang taga-lungsod? Kahit sa pangalan lamang, may bakas ng pangarap at pag-asa upang lumaya mula sa sakit, kirot at paghihirap ang mga batang ito.
Napapanahon sa palabas na Ligaya ang pagpapawalang bisa ng P.D. 772 sa ating Mababang Kapulungan. Isang panukalang batas bilang 5185 (HB 5185) na ipinasa ng dalawang komite, na pinangungunahan nina Mambabatas Andolana, Apostol, Lagman, Liban at Montemayor, ang nakasalang sa bulwagan ng Kongreso. Nilalayon nitong panukalang batas na baklasin ang matagal nang nakabaong paratang: kriminal ang mga mahihirap na walang lupa. Sapagkat ayon sa P.D. 772, otomatikong kriminal ang lahat na walang lupang nagtitirik ng kanilang tahanan sa mga nakatiwangwang na lupa. Dumaan sa isang mabagsik ngunit mababaw na talakayan sa Kongreso at Senado ang pagpapawalang bisa. Dito makikita na ang nangyayari sa bulwagan ng Batasan ay isang sirko lamang ng mga pagpapakitang tao ng mga pulitiko at hindi ang pagdedebate sa isang rasyunal na deliberasyon ukol sa mga panukalang may kinalaman sa buhay ng mamamayan. Lahat ng pagpapasya ay laging hindi ligtas sa mga nangyayaring kompromiso "sa ilalim ng mesa" na nangyayari sa madidilim na sulok ng Kongreso.
Ngunit sa labas nitong pormal (ngunit hungkag) na deliberasyon sa Kongreso at Senado, ano ba ang mga argumentong malinaw na pagbabatayan sa pagka-lehitimo ng batas P.D. 772? Unang una dito ang mabilis na paghatol ng batas P.D. 772 na kriminal ang mga taong nag-iiskwat. Maliwanag na isang pagtaliwas ng batas sa mismong diwa ng demokrasya na nakasaad sa Saligang Batas 1987 (Art. XIII) ukol sa "Panlipunang Katarungan at Karapatang Pantao". Bilang isang batayang pangangailangan, karapatan ng mamamayang ang may masilungan, kailangang may tirahan, at katitirikan ng tirahan ng kanilang pamilya. Ang pantay na karapatan na ang bansang ito, pati ang lupain nito ay hindi lamang sa mga mayayamang may lupa, o sa banyagang nagdadala ng pera, trabaho, at "pangakong" kaunlaran, kundi sa lahat na mamamayan, ang siyang payak na katotohanan ngunit mahirap maisagawang prinsipyong pulitikal.
Ang pagpapatupad at pagpapataw ng P.D. 772 ay sumasalungat sa kapangyarihang ibinigay ng Saligang Batas sa pamahalaan bilang isang nangangalaga sa kapakanan ng mamamayan. Tungkulin ng pamahalaan na itaguyod ang panlipunang katarungan, ngunit nauuntol ito sa mismong diwan ng P.D. 772. Tungkulin nito ang palayain sa mapang-aping balangkas ang mamamayan, ngunit sinisisi ng P.D. 772 ang mamamayang walang lupa bilang mga kriminal na "panganib" sa pangkalahatang kapakanan ng lahat. Hindi ba kasama ang mga mamamayang walang lupa na dapat ring ipagtanggol ng pamahalaan? Sa pagpapatubad ng mismong R.A. 7279 (Urban Development and Housing Act), ang madalas na lumalabag sa batas ay ang mismong gobyernong nagdedemolis ng mga bahay, ang mismong mga pulis, ang mismong mga kawani ng Munisipyo.
"Ang layunin ng batas ay upang panatilihin ang kaayusan sa pagitan ng malayang mamayan na nakabatay sa kolektibong interes ng lahat" (IR, 46). Salungat sa papel ng pamahalaan bilang parens patriae ang P.D. 772 sapagkat ayon sa konseptong ito, ang pamahalaan ay may papel at responsibilidad na maging isang "magulang" sa mga mamamayang nangangailangan at humihingi ng pagtatanggol ang kanilang karapatan, lalo na kapag ang sektor na ito ay mahina at walang kakayahang itaguyod ang sarili upang kalabanin ang mga mapang-aping kampanyang ginagamitan ng dahas, pera at pananakot, na harap-harapang nilalabag ang kanilang karapatan.
Sa halip na tulungan ng pamahalaan sa pamamagitan ng karapatan ng mamayang sa panlipunang kawanggawa (BFN, 123) ang mga mahihirap na walang tahanan, ipinapataw ng walang deliberasyon ng pamahalaan ang P.D. 772. Nabahiran ng krimen ang pagkatao ng mga abang maralita. Sapagkat ba ang isang Pilipinong walang lupa, naninirahan sa isang tiwangwang na lupa, otomatikong nagiging kriminal kaagad na walang pagpapalagay na inosente siya, na hindi isinaalang-alang ang tunay na kalagayan ng kahirapan? Kaya samakatuwid, isang batas na hindi makatarungan sapagkat ang pangunahing target na parurusahan nito ang isang sektor ng mga mamamayan --- ang mga taong walang lupa at mga taong walang kakayahang bumili ng lupa sa lungsod. Pumunta sila sa kalunsuran dala ng paghahanap ng trabaho at tagumpay, dala ng malawakang pagkasentralisado ng panlipunang kaunlaran.
Sa pagpapatupad nitong batas, wala nang makatarungang proseso, wala nang "presumption of innocence". Isang mabilisang pagparatang na kriminal ang taong nabubuhay at nakatira sa isang lupang hindi kanya, publiko man o pribado. Hindi na titingnan kung bakit walang lupa ang isang maralita, ibig sabihin, may makitid na interes ang pagsasagawa ng batas na ginagamitan ng rason upang maging lehitimo. Ang unang malinaw na rason ay "ang pangangalaga sa pribado at publikong ari-arian." Ngunit sa deliberasyon, may karapatan rin sa ang publikong ari-arian ang mga walang lupa, hindi lamang ang "organisadong" pamahalaan ang maaring gumamit ng publikong lupain, sapagkat "pag-aari ito ng bayan." Ganoon rin, sa deliberasyon, ang pribadong ari-arian ay may saysay lamang kung nakikita ito sa liwanag na pangkalahatang kabutihan, hindi lamang ng iilang sektor o indibidwal. Malinaw na hindi ito paggalang sa pribado autonomiya sapagkat kumikiling lamang sa karapatan ng may lupa laban sa mga walang lupa, at publikong autonomiya sapagkat hindi nakikita na bahagi ng pangkalahatang kapakanan ang mga walang lupa, na dapat pa ngan bigyang pansin ng pamahalaan.
Sapagkat hindi nito isinaalang-alang ang problemang dala ng urbanisasyon, ng sentralisadong ekonomiya, ng pagdagsaan ng mga tao sa mga lungsod, may makitid na pananaw sa lipunan at katangian ng mga taong kumikilos, samakatuwid, ang P.D. 772.
Kung kaligayahan ng mga may-lupa ang P.D. 772 dahil naipagtatanggol nito ang kanilang ari-arian, lampas sa batas ukol sa ari-arian na sa Penal Code, nagpapakita lamang ito ng isa pang butas ng batas. Sa halip na tugunan ang pagkaubos ng lupang tirahan sa komersyal na negosyo at pribadong pagpapaunlad gaya ng mga malls, parks, golf courses, itinataguyod pa nito ang mabilisang pagkawala ng lupa sa kamay ng iilang mahihirap. Isang katunayan na ibinebenta ng mahihirap ang lupa sa panahon ng kagipitan – kaya unti-unting nag-iipon ang pagmamay-ari ng lupa sa iilan lamang na may pera.
Sapagkat may sobrang pera ang mayayaman at maaring bumili, nang bumili pa, at magpalawak pa ng lupa, at sa prosesong ito, tuwirang nagiging kriminal ang mga walang lupa sa bisa ng P.D. 772. Hindi dumadami ang lupa, ngunit lumiliit ang pagmamay-ari ng lupa sa kamay ng nakakaraming maralita. Kumakalat ang mga maharlikang di-abot-kayang subdivisions sa kalunsuran, habang kumakalat at palipat-lipat naman ang mga maralitang taga-lunsod dahil sa malawakang demolisyon, na madalas ay marahas at madugo. Itong pagpaparami ng subdivisions, ang lantarang legal na pagkakamkam ng lupang para sana sa lahat, sa pamamagitan ng lubos na kapangyarihan ng pera ay isang nakatalukbong na pagkakait ng karapatang pantao ng mga maralitang tagalungsod para sa tunay na pabahay at desenteng paninirahan.
Kung ito ang ikinaliligaya ng mga nais kamkamin ang lupa upang mas lalong kumita, dahil sa kawalan ng sapat planong lokal ukol sa tamang paggamit ng lupa sa lungsod, ang kaligayahang ito ay tulad ng mga lalaking sa pelikulang Ligaya bumibili ng aliw, dahil meron silang pera upang maging maligaya, na sabay niyuyurakan ang karapatang-pantao ng mga babae. Baka magsasabi pa tayong, gusto naman ng mga babaeng ito ang magbigay ng aliw! Sino ba ang may nais maging mahirap at maghirap, maapi at maging aba? Sino ba ang hindi hahanap ng kaligayahan sa buhay niya? Naging mababa ng lipad ni Ligaya sapagkat kasama siya sa mga ginawang latak ng lipunan, kaya napilitan ng ganoong uring trabaho upang mabuhay … karapatan niyang mabuhay, karapatan rin niyang galangin ang kanyang malayang pasya upang tupdin ang kanyang mga pangarap. Ngunit sa sistema ng mga balangkas panlipunan na harap-harapang inaapi ang isang partikular na sektor, napipilitan ang mga taong kumapit sa patalim upang matustusan ang buhay.
Kung ang ngipin ng P.D. 772 ang hayaang maghari, saan pupunta ang abang maralita sa lungsod? Lulutang na lang sa hangin? Lulutang na lang sa tubig? Upang maging matuwid at iwasan ang pagiging isang kriminal? Naging isang dayuhan ang abang maralita sa kanyang sariling bayan, naging kriminal siya sa kanyang sariling bayang may Saligang Batas na nagtatanggol sa kanyang karapatan, sapagkat wala siyang lupa, at mahirap lamang siya. Sa halip na tulungan ng lipunan ang mahirap, minarkahan itong kriminal, na salot sa lipunan.
Ano na lang kaya kung pati ang tubig at hangin ay gawing pribado rin, tulad ng lupa? At kakamkamin rin ito ng mga may perang kayang bilhin ang lahat ng hangin at tubig sa legal na paraan? Kriminal ang lahat na humihinga, kriminal ang lahat na umiinom sapagkatninakaw ito sa mga nagmamay-ari nito. Kung babalikan ang deliberasyon ni Habermas, malinaw na hindi dumaan sa isang matinong deliberasyon ang batas na ito – sapagkat tigib sa pagkukulang, tigib sa pagsasalungatan, hindi lamang sa konsepto ng mga pribadong pagmamay-ari na may hinihinging panlipunang responsibilidad, kundi sumasalungat mismo sa pribadong autonomiya at sa publikong autonomiya.
Nilalabag nito ang mismong proseso ng deliberasyon. Ngunit nalalantad rin ang paglabag nito sa pamamagitan ng deliberasyon. Kung tutuusin, milyon-milyong Pilipino ang huhulihin sa bisa ng P.D. 772, hindi kakasya lahat sa mga bilibid ng bansa (IR, 66). Isang malagim na pahirap sa pamahalaan ang milyong bilanggo, at higit sa lahat sa mga biktimang maralita ang P.D. 772, sapagkat isang taliwas sa rason, sa matinong pag-iisip ang mismong diwa, pagpapatupad, pagpaparusa at pagpapanatili nito. Kung tutuusin, isang kahibangan ang P.D. 772 at hungkag na tunog ng mga pompiyang ng isang hindi lehitimong batas. Ang P.D. 772 ay harap-harapang uri ng modernong pang-aapi sa legal na paraan, isang mayabang na pagpapasikat ng mga makasariling may-lupa na walang karapatan ng maralita na makibahagi sa proseso ng pag-unlad at paghahanap ng solusyon sa problema ng urbanisasyon. Merong sapat na lupa, ngunit ang kasapatan ay nakamkam ng kasakiman, at ang kasakimang ito ay binabantayang legal ng P.D. 772.
Sa bisa ng deliberatibong pulitika, unti-unting naungkat ang mga nakatagong interes at mga pala-palagay, mga ideolohiyang nakatalukbong na nagpapakitang rasyunal. Naiparating na rin mula sa usap-usapan ng mga NGOs, mga POs at mga pangkat ng mga maralitang tagalungsod ang kanilang kapasyahang kailangang ipawalang bisa ang batas P.D. 772. Dumaan sa mahabang proseso ang debate, mula sa pagdinig ng mga kaso, hanggang sa malawakang pangangampanya sa Kongreso at Senado. Naging mainit ang deliberasyon, hindi sa bulwagan kundi sa pagitan ng mga may-ari ng malalawak na lupain at sa ang kinatawan ng maralitang taga-lunsod. Noong 21 ng Oktubre 1997, naisapawalang bisa ang P.D. 772 na ito sa bisa ng R.A. 8368. Isa itong monumental na tagumpay ng deliberatibong pulitika na nagpapalaya sa hindi makatarungang batas na lumusot sa sistema ng katarungan ng Pilipinas
No comments:
Post a Comment