MUSMOS NA PAG-ASA
Jeremy S. Eliab, 1992 (Matanglawin)
Jeremy S. Eliab, 1992 (Matanglawin)
Bata batuta, isang perang muta;
Saan ka nanggaling?
Ikaw ba’y hulog ng langit?
bunga ng putik at lupa?
Saan ka nanggaling?
Ikaw ba’y hulog ng langit?
bunga ng putik at lupa?
Ito ang malakas na pasigaw-kantang wala sa tono ng iilang mga batang lansangan habang nangagtipon upang maglaro sa isang parking lot sa Cubao; namimilipit makisakay sa musika ni Joey Ayala. Habang maririnig ang unti-unting nawawalang matitinis at maliliit na boses, hawak-kamay silang gumagawa ng bilog upang maglaro kasama ang mga volunteers ng isang organisasyon ng mga estudiyanteng kumakalinga sa mga batang lansangan, ang Musmos. Ilang minuto na lamang, maglalaro sila hanggang mapagod sa katatakbo, katatawa, hagikhikan at halakhakan. Pagkatapos ng paglalaro, kasama ang kanilang mga ate at kuyang mula sa Musmos, kakain sila ng masustansiyang pagkain mula sa lutong espesyal ng iilang mga iskolastikong seminaristang Heswita at mga estudiyante. Magdarasal, uupo, at kakain, at iyon na ang simula ng kuwentuhan at pagbabahagi ng mga batang lansangan – isang pinakamahalagang pagkakataon sa bawat naroroon na masulyapan at danasin ang miminsanan lamang marinig na ebanghelyo ng buhay lansangan.
Nang maupo na, at magsimulang higupin ang mainit pang sabaw, naitanong ko kung bakit kaunti ang mga batang dumating noong gabi. May bagansiya raw noong nakaraang Sabado. Marami ang hinuli at dinala sa kulungan ng mga pulis sa bisa ng isang M.O. mula sa DSWD, isang patakaran upang walisin ang mga batang lansangan, at upang madala ang mga bata na maglipana sa lugar. Marami raw sa kanila ang kinalbo, ipinasok naman ang iba sa mga institusyong publiko at pribado na nangangalaga sa mga bata. Marami sa kanila ang natatakot na mahuli at dalhin sila sa mga institusyong pribado. Takot? Bakit sila matatakot, hindi ba ito ang mas nakakabuti sa kanila, hindi ba’t para sa kanilang kapakanan ang bagansiya? Kung tutuusin kung mahuhuli ang isang batang lansangan, ipinasok sa isang institusyon at makaranas ng sapat na seguridad - libreng pagkain, tulugan, kaligtasan sa kapahamakan, pag-aaral at paghubog -hindi ba ito mabuti para sa kanila? Nalaman ko pala na mas pinapahalagahan ng mga bata ang kanilang kalayaan sa gitna ng marahas na mundo ng lansangan kanilang ginagalawan.
Isang napakalaking kabalintunaan nga kung bakit ang mga batang ito, nagmamatigas sa kanilang pag-ayaw pumasok sa institusyon upang ipagpalit ang kanilang kinabukasan sa "kalayaang" ayon sa kanila nararanasan sa lansangan lamang. Ngunit kalayaan ba at kaligayahan ang makisakay sa agos ng lansangan, sa daloy ng basura sa gitna ng mainit na araw, sa mga used plastic cups na ibenbenta nila, sa pagbabantay sa mga nakaparadang kotse, sa ihip ng mga kurakot at mapagsamantalang pulis? Kalayaan ba ang magkaroon ng maraming pagkakataong mahalay, mapagsamantalahan, malait, magutom at mamatay sa gitna ng marahas na lansangan, sa gitna ng mga lipunang may matang nandidiri sa kanila?
Bata batuta, isang perang muta.
Di ka mahal ng mundo.
Inulila’t iwinala. Sino ang aangkin sa iyo?
Madilim na Kalagayan ng mga Batang Lansangan
Ayon kay Undersecretary Corazon Alma de Leon ng DSWD mula sa kanilang Bantay-Bata Hotline Report, sa mga 741 batang tumawag sa telepono sa iilang linggo lamang, 260 ang marahas na sinaktan, 36 ang mga pinagsamantalahan, 26 ang hinalay ng ama. Sa mga batang ito, 165 lamang ang naiulat sa pulisya. Sa kabilang banda, ayon naman sa isang ulat ng mga organisasyon na kumakalinga sa mga bata, mas maraming batang lalaki ang pinagsamantalahan kaysa sa babae. Itinatayang ang 74% ng kaso sangkot ang mga batang lalaki at 36% nito ang sanhi ng mga tahanang nawasak dahil sa paghihiwalay ng magulang. 77% naman ng mga sinaktan ay mga batang babae, 50% ng mga batang babae mula sa tahanang wasak. Ngunit kahit na ganito ang nangyari, 76% ng mga karumaldumal na pagsasamantala sa mga batang lalaki ang hindi naidulog sa korte, 86% naman sa mga babae ang hindi naidulog sa korte. Ang karimarimarim na kalagayan ng mga batang lansangan ay nagpapahiwatig lamang sa uri ng pagpapahalaga na ibinibigay sa kanila ng lipunan.
Sa kabilang banda, walang nagtatanggol sa mga batang lansangan kapag nilabag ng sinuman ang kanilang mga karapatan at dignidad. Noong mga nakaraang taon, tinanggal ng Kagawaran ng Katarungan ang Juvenile and Domestic Relations Court, na naging sanhi rin ng walang konsiderasyon sa paghuli at pagtrato sa mga bata. Ang parusang ibinibigay sa mga bata ay kasimbigat sa ipinapataw sa mga matatanda. Maaring hulihin ang bata na walang warrant of arrest, at ang ginagawang dahilan ay sapagkat mayroong programa ang gobyerno sa kanila at hindi dapat pabayaan sa mga lansangan. Ngunit ang nangyayari naman pag hinuli ang mga bata, minamaltrato sila, ginagamit, hinahalay. Minor de edad sila kaya dapat kunin ng mga pulis sa lansangan at ilagay sa isang "tahanan" pero sa kahulihulihan ay nilalagay sa bilangguan kasama ang ibang kriminal na pumatay, nanghalay, at iba pa. Hindi ba ito ay isang tahasang paglalagay sa mga bata sa isang kalagayan hindi dapat sa kanila? Kung meron mang programa ang gobyerno, kailangan matindi ang kanilang iukol na panahon, lakas at tiyaga sapagkat bata ang pinag-uusapan: bata na sa lahat ng mga mamamayan, sila ang pinakamaselan at dapat bigyan ng sapat at tunay na atensyon ng lahat.
Totoo na ang Pilipinas ay lumagda sa Convention on the Rights of Children ng United Nations, ngunit napakalubha ng pagdami ng mga batang lansangan, napakalubha ng karahasan at pagsasamantala sa mga kabataan ngayon sa ating bansa, mula sa tahanan hanggang sa lansangan. Saan na lang pupunta ang mga bata? Sa tahanang wasak o sa lansangan marahas, sa bilangguang puno ng pagsasamantala o sa institusyong wala namang sapat na kakayahan at badget upang hubugin sila? Laganap ang paglabag sa karapatan at dignidad ng mga bata. Masidhi ang pagpapabaya at pagmamaliit sa karapatan ng mga bata na siyang pinakamaselan, pinakadelikadong nilalang, pinakamahalagang bigyan ng atensyon sa ating bansa.
Hindi lamang sa Maynila, kundi sa mga karatig lungsod at probinsiya. Naging isang mistulang laruan ng mga matatanda ang mga bata. Tingnan lamang ngayon ang nagsusulputang kaso laban kay Jalosjos at Lavides. Ilan pa kayang mga bata ang ginamit ng mga nasa kapangyarihan, sa isang pagbabalatkayong iskolar ng isang mambabatas, mayor o gobernador. Sa aming bayan sa Antique, hindi ko mabilang ang mga estudiyanteng naging iskolar ang hinalay, binuntis, naanakan ng isang mataas na opisyal ng gobyerno. Ang iba pa nga ay mga dati kong kaklase sa elementarya, magaganda, matatalino – ngunit winasak ang kanilang kinabukasan ng ganid, mapera at nanakot na opisyal. Sa probinsiya, baril at pera ang kapangyarihan kalaban ng mga batang maralita. Sa lungsod, kahirapan, wasak na tahanan, walang tahanan at kapabayaan ng magulang at pamahalaan ang unang dahilan.
Nakatakda sa ating Saligang Batas, Art. II, Section 13 na ang Estado ay dapat magtaguyod at magtanggol sa pisikal, moral, espiritwal at sosyal na kapakanan ng mga bata, lalung lalo na siguro ang mga batang walang tahanan at nasa lansangan, walang masisilungan, nasa kalye nag-aabang ng kinabukasan. Totoong tumutugon rin ang ating pamahalaan, ngunit sa gaanong antas? Ilang bahagdan ba ng ating pambansang badget ang nakalaan sa mga bata? Meron tayong Boystown Complex, sa Parang, Marikina. Isang 23 ektaryang compound na may paaralan, bahay, swimming pool, kapilya, gym, dorms, at iba pang facilities tungo sa ikauunlad ng mga batang lansangan. Tinatayang 1,500 na bata ang maaring manirahan dito, kasama ang higit kumulang na 67 na guro, 32 social workers, 8 nars, isang abogado, at iilang mangangalaga. Kung makatuntong ang bata sa 18 ang edad, sinasabing "graduate" na siya at maari nang umalis sa Boystown upang makipagsapalaran sa mundo. Maliban sa Boystown, meron ring mga pribadong organisasyon tulad ng Kaisa sa Buhay Foundation, Inc. (KBF), Kuya Drop-In Center, Laura Vicuna Foundation, Kanlungan sa Er-Ma Ministry, Inc.
Gayunpaman, dumarami pa rin ang mga batang lansangan, at noong nakaraang tatlong taon lamang may 50,000 hanggang 75,000 na ang nasa Maynila. Umaabot na ngayon, ayon sa isang ulat, 200,000 sa isang survey sa iilang lungsod sa Kamaynilaan. Hindi lahat maabot ng tulong at kawang-gawa ng mga ahensiya, organisasyon at ng DSWD. Umaalon at dumadagsa ang mga bata sa lansangan, maraming salik na pinanggalingan – tahanang wasak, walang magulang, walang matirhan, kahirapan, giyera. Nanggaling sa tahanang wasak, ngunit humahantong rin sila sa lansangan wasak rin sa kinabukasan. Pagkawasak ba ng kabataan ang hantungan ng lahat na ito?
Pag-asa sa Kabataan: Isang Pangarap Lamang?
Sinabi ni Gat Jose Rizal na nasa kabataan ang kinabukasan ng ating bayan. Ngunit itong pag-asa rin na inaasahan natin, winawasak ng isang lipunang walang pakialam sa mga bata. Hindi ba ito isang kahibangan? At gusto pa yata ng iba na manatili sa poder sa pamamagitan ng pagbabago ng Saligang Batas, naglalagak ng malalaking pondo upang maihalal muli, nagsisikap na kumapit sa kanilang posisyon habang may mga batang nakatunganga sa kanila. Tanungin kaya natin si Joe Almonte kung ano ang kanyang dakilang stratehiya sa mga bata, kung naniniwala siyang ang kinabukasan ay mula sa kabataan at hindi sa kanyang militaristikong utak. Tanungin kaya natin ang mga Pedrosa kung ang PIRMA ba ay isang nagbibigay ng pag-asa sa kabataan o maglulugmok lamang sa kinabukasan ng kabataan. Tanungin kaya natin ang Philconsa kung mas mahalaga sa kanilang ang Art. II, Section 13 kaysa sa pag-amienda ng palugit sa mga taong nanunungkulan.
Nakakalungkot isipin na maraming lakas, pawis, kayamanan ang naiukol sa mga maling pagpapahalaga. Kung tutuusin maraming dapat pagka-abalahan. Sa kabila ng karimarimarim na kalagayan ng buhay-lansangan, naiiwan ang mga bata sa kanilang sarili lamang. Ngunit ang binhi ng pag-asa ay patuloy na umiiral sa kaibuturan ng kanilang mga puso, kahit na ano man ang inaatupag ng mga matatanda. Itong pag-asa ay masasalamin ng mga volunteers ng Musmos, isang pag-asang nagpapabuhay at nagpapatatag sa kanila. Ang pag-asang hinahampas ng alon pagkabigo, ng pang-aapi, ng kasawian. Patuloy pa rin nanahan sa mga bata ang pag-asa. May mga pangarap sila sa buhay, mumunting pangarap para sa kanilang bayang Pilipinas na napakapayak at napakatunay kaysa sa Philippines 2000 ni Fidel Ramos at Joe Almonte. Pangarap para sa kanilang kinabukasan, na kinabukasan rin ng ating bayan, kinabukasan nila. Ipagkakait ba natin ang kinabukasang para sa kanila? Itanong mo kay Manong Joe Almonte.
No comments:
Post a Comment