Saturday, February 14, 2009
Tula 1: Salin Mula Kay Pablo Neruda
Ngayong Gabi Maari Kong Isulat ang mga Pinakamalungkot na Taludtod
Pablo Neruda
(Salin ni Bong Eliab mula sa "Tonight I can write the saddest lines")
Ngayong gabi maari kong isulat
Ang mga pinakamalungkot na taludtod.
Isulat, halimbawa, "Tigib ng tala ang gabi
At nanginginig ang mga bughaw na bituin sa kalayuan."
Sa gabing umalimpuyo ang hangin
Sa himpapawid, kumakanta.
Ngayong gabi maari kong isulat
Ang mga pinakamalungkot na taludtod.
Inibig ko siya, at minsan inibig rin niya ako.
Habang gabi tulad ngayon niyayakap ko siya
Paulit-ulit na hinagkan sa ilalim
Ng langit na walang hanggan.
Minahal niya ako minsan, at minahal ko rin siya.
Papanong `di maaring mahalin
Ang kanyang dakila't maamong mga mata.
Ngayong gabi maari kong isulat
Ang mga pinakamalungkot na taludtod.
Isip-isiping wala na siya sa akin.
Daramdamin na nawala ko siya.
Dinggin ang kalawakan ng gabi,
Nang nawala siya mas lumawak.
Umuulan ang mga berso sa kalooban
Parang hamog na dumadampi sa parang.
Ano ang halaga ng aking pag-ibig
Na `di kaya siyang panatilihin.
Puno ng tala ang gabi
At wala siya sa aking piling.
Ito lahat. Mula sa kalayuan merong kumakanta.
Mula sa kalayuan.
Mabigat ang kalooban
Nawalan.
Aking paningin naghahanap sa kanya
Tila tumutungo sa kanya.
Aking puso naghahagilap sa kanya
At sa piling ko wala siya.
Parehong gabi pinipintang puti sa mga puno.
Di na kami pareho, noong panahon na `yun.
Sa totoo lang, `di ko na siya mahal,
Ngunit mahal na mahal ko siya noon.
Nagsisikap makahanap ng aking tinig
Ng hanging dadampi sa kanyang pandinig.
Sa iba. Sa iba na siya.
Tulad noong una aking mga halik.
Ang kanyang tinig, ang kanyang maapoy na katawan.
Ang kanyang mapupusok na mga mata.
`Di ko na siya mahal, sa totoo lang,
Ngunit baka mahal ko pa siya.
Ang ikli ng pag-ibig,
Ang kalimutan matagal.
Dahil habang gabi tulad ngayon niyakap ko siya
Hungkag ang aking kaloobang
Nawalan.
Kahit na ito ang huling kirot
Pasakit niya sa akin
At ito na ang huling taludtod
Na isusulat ko alang sa kanya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment