Monday, September 20, 2004
Meron na meron
Padre Roque J. Ferriols, SJ: Guro, gabay, liwanag at higit sa lahat, kaibigan
Magtatanong tayo, si Padre Roque, nagteteks? Oo naman. Kung babasahin mo ang unang yugto ng kanyang Pilosopiya ng Relihiyon, bukod sa umaapaw ito ng pagtatalakay sa hiwaga ng presensiya at pakikipagtagpo, hindi maiiwasan ng tao na makipagtagpo sa kapwa tao katawan sa katawan, diwa sa diwa. Ang telepono ay sangkap na materyal, ngunit sa pamamag-itan nito, naipapamalas ng tao ang kanyang presensiya sa kapwang nasa malayo, diwa-sa-diwa, habang sa lalim ng kalooban andoon ang pagnanasa na sana man lamang makatagpo ang kapwang nasa malayo sa isang harap-harapang pakikipagkapuwa; diwa sabay katawan.
Nanaisin kong sipiin ang sumusunod mula sa Pilosopiya ng Relihiyon, pahina 14:
Si Alyosha ay nagdadalamhati sa kamatayan ng kanyang minamahal na guro. Itinuturing siyang santo ng mga tao, kaya 't inaasahan niya na hindi mabubulok ang kanyang bangkay. Nagbulong-bulungan ang mga tao. Nalungkot si Alyosha, hindi dahil sa pagkabulok, kundi dahil sa mga bulong-bulungan. Doon siya nakadanas ng hieropaniya: na ang buong buhay makalupa, hanggang sa nakalilitong dalamhati nito, ay pagsasaatin ng banal. Nakatulog siya sa lamay at napanaginipan niya ang namatay. Noong nagising siya, tumayo siya at lumabas sa mabituin na gabi.
"Ang katahimikan ng lupa ay parang naghahalo sa katahimikan ng langit. Ang hiwaga ng lupa at ang hiwaga ng mga bituin ay nagkaisa.
Tumayo si Alyosha, tumanaw at bigla siyang napataub sa lupa. Hindi niya malaman kung bakit niya niyakap ang lupa. Hindi niya masabi kung bakit niya hindi mapigilan ang kanyang pagnanais na halikin ang lupa, halikin ang buong lupa. Hinalik niya ang lupa, umiiyal, humihikbi, dinidiligan ang kanyang luha. At taos puso niyang isinumpa na iibigin niya ang lupa, iibigan niya magpakailanman."
Salin ni Padre Roque sa "The Brothers Karamazov" ni Fyodor Dostoyevsky
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment