EX CONTINGENTIA AT POTENSYAL
Hango sa Nota sa Klase ni Fr. Roque J. Ferriols, S.J.
Jeremy S. Eliab, 1995
Dibisyon ng Pilosopiya
Pamantasan ng Ateneo de Davao
Hango sa Nota sa Klase ni Fr. Roque J. Ferriols, S.J.
Jeremy S. Eliab, 1995
Dibisyon ng Pilosopiya
Pamantasan ng Ateneo de Davao
Namumulatan natin na ang ating pagiging tao ay tigib sa kaligayahan, tigib rin sa pagkadapa. Maraming beses tayong nagtagumpay at magtatagumpay, maraming beses rin tayong nabigo at mabibigo. Ngunit laging nanatili ang ating potensyal. Laging kasama ng tao ang kanyang kakayahan na sumaibayo at lampasan ang kanyang sarili, ngunit isang paglampas na hindi iniiwan ang sarili, kundi laging kasama ang sarili. Potensyal: isang lumang kataga na nagpapahiwatig ng binhi ng nakatagong kakayahan na minsan pinapatulog ng tao. Maaaring gisingin, pangatawanan. Kapag pinapatubo, dinidiligan at patuloy na inaalagaan sa daloy na panahon, maaring maging isang kahanga-hangang paghakbang tao, ng buong sangkatauhan, sa paglalakbay sa buhay.
Sana wala . . . pero meron1
Habang naglalakad ako minsan sa likod ng seminaryo, may maliit na gubat doon na puno ng samu't saring klase ng tanim at insekto. Biglang may napagmasdan akong isang kakaibang kulisap na hindi ko pa nakita sa lahat ng aking paglalakad sa bahaging iyon, ibang iba sa mga ipis, langaw, kuto, at mga langgam. Parang patpat na mahaba sa malayo. Ang bagal kung lumakad, berde ang kulay ng buong katawan. Ginising ng mahiwagang kulisap na ito ang aking pagtataka sapagkat hindi nasanay ang aking mga mata at pag-uunawa sa ganoong uri ng insekto. Ngayon lang ako nakakita ng insektong ito. Ginigising ang aking kakayahang magtaka at magtanong. Ano kaya ito?
Posibleng ang dahilan kung bakit nawawala ang pagkamahiwaga at pagkailangang pagtakhan ng mga nagmemeron sa mundong ito ay dahil nasasanay na ang pag-uunawa ng tao na kinakasagupa niya araw-araw ang mga bagay, at nagiging pangkaraniwan na lamang. Nawawala sa iba't ibang antas ang pagtataka at mapagkilatis na pag-uunawa ng tao at nakaligtaan na niyang damhin ang pagkamahiwaga at pagkabukod-tangi kahit ng mga pangkaraniwang nagmemeron tulad ng bato, bulaklak, tanim, kapuwa, kaibigan, pag-ibig. Madalas kung meron nang pangalan at nakasulat na sa diksiyunaryo ay para bagang alam na ng tao ang lahat.
Itong "patpat" na insekto ang nagpabighani sa aking sarili, ginising ang katutubong pagtataka sa akin. Nagtatanong ako. Anong hayop ito? Nangangain kayo ito ng ipil-ipil? O ito ba ang kumain sa aming mga halaman sa likod ng bahay? Nangangagat ba ito kapag hinawakan? Alam na kaya ito ng mga siyentista? Meron na ba itong siyentipikong pangalan? Baka. Ngunit merong isang tanong na siyang ugat ng mga tanong: Bakit meron, sana wala. Hindi ito sumulpot dito sa kanyang sariling poder lamang. Kung siya lamang, walang wala sana itong insektong ito. Kung siya lamang maiwan sa kanyang sarili, hindi niya kayang magmeron siya. Hindi niya kayang likhain ang mga komplikadong galaw ng mga sidhay2 na nasa kanyang katawan, ni hindi siya mulat sa nangyayari sa kanyang katawan, sa kanyang sarili, sa nakakapaligid sa kanya. Ngunit buhay na buhay, totoong totoo na merong hayop sa aking harapan na gumagalaw at nagpapabighani sa akin.
Humantong ang pagmumuni sa isang pag-amin at pagtanggap na merong nagpameron sa insektong ito, at patuloy na nagpapameron sa kanya sa bawat sandali. At sabay sa pagmumulat na merong patuloy na nagpapameron, namumulatan rin ang pag-uunawa na may nakikitang kahulugan, kahit hindi sapat ngunit nakakagat pa rin sa katotohanan.
Bakit kaya meron, sana wala? Para ano pa? Ano ang dahilan kung bakit meron? Ano ngayon ang kahulugan nito, ang kahulugan ng presensya nito? Maaring may hula ka. At sabay totoo ring hula, ayon sa matinong pag-uunawa. Abot-kaya ng tao. Ngunit kahit hula lamang, tunay pa ring may dahilan at may tunay na kahulugan kung bakit meron ito. Ngayon, nasa antas ako ng pagtatanong na naghahagilap sa kahulugan ng kuwan na ito. Ngunit isang paghahagilap sa mailap, at hindi basta-basta mahuli-huling kahulugan. May naaninagan akong kahulugan, tumatalab rin sa aking pag-uunawa ang mismong kuwan na ito, meron akong nababakasan at natatanggap na kahulugan, pero, sabay hindi ko rin lubusang maunawaan.
Totoo na tumatalab ang aking pag-uunawa sa aking inuunawa, ngunit isang pagtalab na sabay alanganin. Ngunit tunay at totoo pa rin ang kahulugan na binababaran ng aking pag-uunawa, tinatablan, kinikilatis, niyayaman at inaangkin. . Natatauhan ako na pati ang aking pag-uunawa ay may hangganan rin sa paghahanap ng kahulugan. Mula sa malayo nararanasan ko na may isang pagkatiyak na merong tunay na kahulugan ito, ang mga iyon, at lahat lahat sa aking paligid. Kaya patuloy akong nagsisikap na unawain, hanapin ang kanilang kahulugan . . . maaring lumalayo o lumalapit ako sa tunay na kahulugan. Meron akong nasusulyapang kahulugan, kahit hindi ito ang buong kahulugan, tunay pa ring kahulugan, tunay pa ring kaalaman na dapat pagyamanin. Meron nga akong natuklasan sa meron, ngunit ang aking natuklasan ay tanong pa rin, bukal ng hindi matapos-tapos na pagtatanong at pagtataka.
Kaya humahantong tayo sa isang metapisikong paninindigan: kailangan na may tunay na kahulugan, may "dapat" na kahulugan at dahilan kung bakit nagmemeron ito o ang mga iyon, sa halip na "sana wala". Ang pagkakailangan ay hindi isang pagpipilit kundi isang mapagkumbabang pag-amin na may tunay na kahulugan, kahit ang nakikita ng tao ay aninag lamang ng tunay na kahulugan, ng "dapat" dahilan. Na sana walang insektong "patpat" sa gubat, pero meron. Ngayon, halimbawa, naglalakad ako sa kapaligiran ng Ateneo at ang karaniwang kong nakikita ay iyong mag-aaral, mga guro, gusali, kaktus, atbp. Hindi na natin tatanungin kung bakit walang insektong patpat dito. At bakit kailangang merong insekto? Pero ang pagiging `andodoon ng insekto ay napakahiwaga na maaring tanungin: bakit nandirito ito, sana wala. Bakit meron ito sa gubat, bakit merong gubat, bakit merong gubat sa malaking pinapaligiran ng tubig, bakit merong mga isla na pinapapaligiran ng tubig sa sanglibutan, bakit merong sanglibutan sa loob ng isang galaksi, bakit may galaksi sa loob ng sangkalawakan. . . . ? May dahilan, at may sapat na dahilan at kahulugan, ngunit laging nag-aapuhap ang tao sapagkat hindi sapat lagi ang kanyang pinakamabuting alam.3 At ang pagkakailangang merong nakakaalam nitong lahat, ang "Kuwan" na iyon ay nararanasan bilang makapangyarihan at nakabitin sa kanya ang lahat na nagmemeron.
Nakabitin ang ating buong pagmemeron at ang buong kahulugan nito sa Kanya. Kaya ang mga nagmemerong may hangganan at limitado sa mundong ito, tatawagin nating contingens (Latin, na ibig sabihin "nakabitin sa"). Sa isang pinakapayak na talinhaga maaring maaninagan ang ibig sabihin ng salitang contingens sa mga halimbawang ito: mainit ang bato sa aking bintana, ang init nito ay nakabitin sa araw na sumisinag sa bato. Kung wala ang init, wala sa poder ng bato ang maging mainit. May hindi-bato, lampas sa bato, na nagpapainit sa bato. Ngunit itong talinhaga na ito ay hindi pa rin sapat.
O ayon sa salita ng makata: "maghapong umaagos mula sa iyong kamay, parang alikabok na naaanod sa iyong sinag na makapangyarihan". Nakikita lamang ng ating mga mata ang alikabok sa pamamagitan ng sinag ng araw, parang nakabitin sa sinag ng araw ang pagmemeron ng alikabok. Ngunit hindi pa rin sapat ang talinhaga, sapagkat ang mismong Meron, lampas sa lahat na halimbawa at talinhaga, ngunit maaring makakatulong sa ating nag-aapuhap na pag-uunawa. Bakit hindi sapat? Sapagkat lahat na talinhaga, lahat ng bagay na ginagawang panturo ay mga panturo lamang. At kung tutuusin, nilikha niya ang mga panturo na ito, kaya kulang pa rin upang ihambing sa kanyang kadakilaan ang kahit na anumang paghahambing. Sa kabilang banda, mahalaga at kailangan pa ring gumamit ng mga talinhaga at panturo upang kahimanwari ay tumalab ang pag-uunawa ng tao sa kanyang kadakilaan.
Karupukan: Pagkamaaring hindi Magmeron
Sa ating pagharap sa daigdig na ating ginagalawan, nararanasan natin ang meron. Isang katipunan ng lahat lahat, na para bagang isang nandiriyan na may pagkakailangang tanungin at pagtakhan: sana wala, ngunit ang katakataka ay meron. Sana walang daigdig, ngunit meron, nagmemeron, nagpapaunawa, nagpapatuklas, nagpapakita. Kahit na ano man ang ating nahahagilap at nararanasan, laging contingens, laging nakabitin, sapagkat sana wala, wala sa kanyang poder na magmeron siya kung siya lamang. Nararanasan natin ang karupukan ng bawat isang nagmemeron: sana wala, maaring wala sana. Wala sa kanyang poder ang magmeron. Pero meron. Kaya may nagpapameron sa kanya. At sa bawat sandali ng kanyang pagmemeron, naroon pa rin ang posibilidad na hindi magmeron, naroroon lagi ang posibilidad na maglaho, naroroon lagi ang kanyang pagkamarupok. Kaya sa bawat sandali may nagbibiyaya sa kanya upang manatili siyang meron, pinapatatag, binubuo, hinihilom, sa gitna ng kanyang karupukan.
Sa ating pagtatanong, merong dahilan at sapat na kahulugan kung bakit meron at hindi wala. Merong nakakaunawa kung bakit ito ito at iyon iyon, meron ito at meron iyon. Hindi maaring sabihing purong aksidente at purong tsamba lamang ang mga nangyari, at nangyayari: sumikat ang araw kaninang umaga, bumaha sa amin, nahulog ang buko mula sa punong niyog, nag-aaral kami ng Pilosopiya ng Relihiyon, nag-aaral ako sa Ateneo, ipinanganak ako ni Nanay, kaibigan ko si Bedette, nakikipagkapuwa tao ako . . . . Kahit para bagang tsamba o aksidente minsan ang nararanasan ng tao, meron pa ring dahilan, kahulugan, alam-di-alam. Nag-aapuhap ang tao, laging naghahanap at may natutuklasan rin siyang liwanag, may nakikita rin siyang dahilan at kahulugan, sabay mulat na hindi pa ito lahat, "baka", "hula", ito nga pero bahagi lamang ng kabuoan.
Bumalik tayo sa ating mahiwagang insekto. Nasa isang kalagayan tayo na naghahanap kung bakit meron insekto dito. Ang hinahanap natin ay hindi kung bakit dito at hindi doon, kundi bakit meron. At kung maiwan lamang sa kanyang sarili, hindi kaya ng insekto, na "maging" insekto siya kung siya lamang. At hindi alam ng insekto na meron siya, at wala sa kanya ang dahilan kung bakit siya "magiging" o "naging" insekto, o dahilan kung bakit hindi siya "maging" insekto.
Sa atin mismong karanasan, nakakasagupa tayo ng kapuwa tao, pati na rin ang ating sarili. Meron kapuwa tao, meron sarili. Sana wala. Pero meron. Kung maiwan lamang siya sa kanyang sarili, sana wala, sapagkat hindi niya kaya na magmeron sa kanyang sarili. Kung ako lamang maiwan sa aking sarili ay sana wala ako. Meron Siya kaya meron ako, ikaw, meron tayong lahat. Nakabitin ang ating pamemeron sa kanyang biyaya at kapangyarihan.
Ang Walang Simula at Katapusang Nagmemeron
Hindi sapat sabihin na ang kahulugan ng isang nagmemeron dito sa mundong ito ay batay sa haba ng panahon ng kanyang pagmemeron. Hindi sinasabi ng isang geologo na, kung bakit merong ilog at bundok, matagal na ang mga ito kaya ganoon. O halimbawa ng isang tao, ang kahulugan ni X ay ito - mula sa panahong ito hanggang sa namatay siya. O sa isang insekto, bakit meron? sapagkat meron na iyan kahapon pa. O sasabihin pa natin, meron nang daigdig na hindi na maalaala ng tao kung kailan nagsimula. Ang tanong dito ay bakit meron at hindi ilang taon o haba ng panahon. Hindi nakabatay lamang sa daloy ng panahon ang kahulugan, ngunit sa mismong pagiging meron niya.
Kung magtatanong ang isang tao kung bakit merong tubig sa dagat, paano nagkaroon ng tubig, saan nanggaling ang tubig bago pa ito sumipot sa dagat, iyon ang buod ng tanong. O `di kaya sa siyentipikong pagmamasid, bakit meron tubig, bakit merong molekula, bakit meron atomo, o bakit meron elektrons o photons, sana wala. Hindi iyan tinatanong ng agham. Paano ito sumapit dito? Paano ito sumulpot, sumipot, dumating? Kailangan ang pagkilala na mapakumbaba na nakabitin ito sa isang lampas pa sa tubig, molekula o atomo, atbp. Contingentia: ang pagka-basta't-sumapit.
Tanda ng pagkamarupok kung nagsisimula at naglalaho ang isang nagmemeron. Kung titingnan natin ang mga nilalang na may buhay: kapuwa tao, pusa at aso, kamote at kalabasa -- lahat may buhay, ngunit sabay namamatay rin. Nalalanta ang mga dahon ng kamote, nanghihina at tumatanda ang pusa at aso. Lumilipas ang kanilang panahon -- at lalong lumilitaw ang karupukang tumatalab sa lahat na nagmemeron.
May mga naninindigan na kapag pinagmasdan ng tao ang ibang nagmemeron, tulad ng bato o tubig, apoy, hangin, mga mineral -- mga walang buhay, may simula at may katapusan ba sila? Ang buong sanglibutan nating yari sa bato, lava, buhangin, at mineral, saan galing ito. Kung sila lamang, sana wala. May simula ba ang ating galaksi? Sabi nga ni San Buenaventura, maaaring ang mundo natin ay walang simula at walang hangganan. Laging nandodoon, laging nagmemeron, laging gumagalaw. Patuloy ang pag-ikot nito sa bawat sandali tungo sa kawalang hangganan, tungo sa hindi matapos-tapos na pag-ikot. Ibig bang sabihin, na hindi contingens ang mundo sapagkat walang simula at walang hangganan? Hindi ito nakabitin sa kahit na anong kuwan, sapagkat nandodoon na? Basta nagmemeron lamang sa kanyang sarili?
Kung totoo mang walang simula at walang katapusan, contingens pa rin sapagkat nakabitin pa rin ang mundong umiikot ng walang hangganan sa lampas pa dito. Kung ang mundo lamang maiwan sa kanyang sarili, sana wala. Pero bakit merong mundong umiikot ng walang hanggan? Kailangang merong dahilan at kahulugan kung bakit merong mundong umiikot ng walang hanggan. Hindi mulat ang mundo kung bakit mundo siya. Kaya ang tanda rin ng karupukan kapag walang pagmumulat sa kahulugan. Tatalakayin ito sa mga susunod na bahagi.
Hindi aksidente at purong tsamba lamang na nagkaroon ng isang dambuhalang mundong maaring matitirhan ng mga may buhay. Kahit sabihin pang ang mundo ay patuloy na magmeron sa lahat ng panahon, ad infinitum, nanatili pa rin ang kanyang pagka-contingens sapagkat sana wala . . . . at ang kanyang paggalaw ay laging nasa panahon, lumilipas rin ang meron ng mundo.
Ang mga Nilikha at ang Maylikha
Tumutungo tayo ngayon sa isang pag-uunawa sa lahat na nilikha sa ating kapaligiran, na minsan nakakaligtaan nating makita ang katotohanang tumatalab sa bawat isang nagmemeron sa ating kapaligiran, mula sa katabi nating kapuwa at mga mahihiwagang mga bagay hanggang sa malayong mga bituin at galaksi. Nakikita ang pagkamarupok sa lahat na nagmemeron, mula sa napakapayak na mineral, tanim, hayup, hanggang sa pinakamasalimuot na tao. Ang mga may buhay (tao, tanim, hayup), isinisilang at namamatay, naglalaho. Ganoon rin sa mga walang buhay, kahit maaring walang simula at walang katapusan, ay may bahid pa rin ng pagkamarupok; kung sila lamang sana wala sila; at wala silang pag-uunawa tulad ng tao, walang pagmamalay, walang malay-sarili, at walang buhay. Mas matindi pa rin ang tao sa lahat na nagmemeron, sa lahat ng nilikha, sapagkat meron siyang pagmumulat, pag-uunawa na likas sa kanya. Ngunit sa kabila ng matinding pagmemeron ng tao, umiiral pa rin ang pagkamarupok niya, kung maiwan lamang siya sa kanyang sarili, sana walang wala siya.
Kaya nararanasan ng tao na ang bawat sandali ng kanyang pagmemeron ay isang biyaya, na patuloy na paglikha, paghubog, pagsasabuo sa kanyang marupok na pagmemeron na nasa bingit lagi ng kawalaan, na may pagkamaaring mawala. At kailangan ang mapakumbabang pag-amin na merong Meron na nagpapameron sa akin, at sa lahat, naglalang, lumilikha, humuhubog, sa pamamagitan ng kanyang mapagpalang kamay. Kaya, nakabitin sa Mismong Meron na ito ang lahat na nagmemeron. Ibinabahagi (participatio) niya ang kanyang meron sa lahat ayon sa nababagay (proportio).4
Magpatulong tayo sa talinhaga ng apoy sa kandila at liwanag mula sa apoy. Nakabitin sa apoy ang liwanag, palibhasa nagliliwanag ang apoy. Ngunit hindi nakabitin ang apoy sa liwanag, sabay likas sa apoy na laging nagliliwanag. Samakatuwid, nilikha ng apoy ang liwanag, nakabitin sa apoy ang liwanag. Ngunit hindi maaring hindi magliwanag ang apoy. Iba pa rin kung ang Banal ang pinag-uusapan, palibhasa ang kandila ay materyal at isang limitadong nagmemeron. Ang mismong Meron ay nagliliwanag ngunit hindi naaubos, hindi nalulusaw, laging buong buo, matatag. Kaya ang mga nilikha ay may pagkamarupok sapagkat nakabitin ang kanilang pagmemeron sa isang sukdulang Meron, Meron na Meron, super-Meron.
Saan at Kailan, Lugar at Panahon
Kahit na ang mga nagmemeron na walang simula at walang katapusan ay marupok at nakabitin pa rin sa Kanya. Halimbawa ng mundo na walang simula at walang katapusan, nasa loob lagi ng kalawakan at panahon, gumagalaw lagi sa loob ng saan at kailan. At ang nagmemeron na gumagalaw sa loob ng saan at kailan ay may bahid ng karupukan, may bahid ng wala.
Kung titingnan natin, gumagalaw lagi tayo sa panahon. Laging ang ating ngayon ay nagiging kanina, at ang kanina ay wala na. Wala pa ang mamaya, wala pa ang bukas. Isang pagmumulat na nasa loob ako lagi ng panahon, isang panahon na marupok, may hangganan, laging natatablan ng wala. Hindi posibleng ang ngayon ko, ito na ang buong panahon. `Ika nga nga makata: "parang mga tupang pinapastol tungo sa bukas." Lumilipas ang ating pagmemeron, at patuloy na naglalakbay ang bawat isa tungo sa bukas, paglalakbay na hindi natin maaring talikuran, bagkus tanggapin bilang biyaya na binigyan tayo ng pagkakataon higit sa lahat na "lumakbay", "makaranas", maging meron!
Ganoon din sa kalawakan. Laging nasa loob tayo ng ating saan, dito na may halong wala, kaya marupok. Ang meron ko dito, wala diyan, wala doon, may hangganan. Hindi maaaring narito ako, sabay doon, sabay diyan, o nandodoon sa lahat ng doon. Kumakalat ang aking karanasan sa iba’t ibang lugar. Hindi ko nararanasan ang lahat sa "iisang lugar" lamang. Minsan may pagkakataong iniipon ko ang naranasan ko mula sa iba ibang lugar upang buoin ko ang aking sarili. Ngunit minsan rin nararanasan ko ang "pagkakalat" ng aking sarili. "Sumasabog" ako, ngunit nararanasan kong may walang sawang umiipon rin sa aking pagkasabog. May nagbibiyaya sa akin ng kakayahang ipunin muli ang aking sarili, at hindi nawawala itong kakayahan at posibilidad na ito kahit sa gitna ng "pagkakalat", "pagsasabog".
Ang Mismong Meron na pinanggalingan ng lahat na limitadong nagmemeron, maaninagan nating siya ang sukdulan kaya may pagka-kailangan nasa labas siya ng karupukang nararanasan na tumatalab sa mga nagmemeron. Kaya kailangan nasa labas siya at lampas pa ng kalawakan at panahon, walang simula at katapusan, alam na alam ang lahat na nangyayari. Lampas pa siya sa lahat ng kalawakan at sa lahat ng panahon, sabay napapadoon sa lahat ng doon, napapanahon sa lahat ng panahon, nagpapasimula at naglalagay ng hangganan, nagpapatapos, nagpapaalam at di-nagpapaalam, nag-iipon sa mga kumakalat, nagpapatatag sa mga humihina, at patuloy na nililikha ang kanyang mga nilikha.
Kapit sa Kahulugan at Tindi ng Pagmemeron
Sa ating pagdanas sa meron bilang paksa, sa meron bilang analogia, nakikita natin ang iba-ibang nagmemeron, hawig na hawig, sabay ibang-iba. Hawig na hawig lahat sapagkat nasa mundo ng meron, nagmemeron. "Lumalaban" sa wala ang bawat meron, "itinitirik" ang sarili sa meron. Ngunit ibang iba sapagkat nauunawaan natin na ibang iba ang meron dito at ang meron doon. Ang pusa hawig sabay iba sa tanim, ang tanim hawig sabay iba bato, ang bato hawig sabay iba sa tao.
Sa mismong pagkakaiba doon nagkakahawig, sa mismong pagkakahawig doon nagkakaiba: analogia. Kaya kitang kita na lahat na nagmemeron, tinatanggap nila ang kanilang meron mula sa mismong Meron. Samakatuwid magkakawig ang lahat. Ang bato, kamote, talisay, kaibigan, lahat ay magkakahawig sapagkat ang meron nila ay galing sa mismogn Meron. Lahat ay nasa mundo ng sangkameronan, lumalaban sa wala, nagisisikap na mabuhay sa meron, manatili. Samakatuwid, walang hamak na pinagkaiba ang bato, ang tanim, ang hayup, ang tao … sapagkat lahat ay lumalaban sa wala, hawig na itinitirik ang kanilang sarili sa meron. Kaya hawig ang pagmemeron ng bato sa pagmemeron ko bilang tao.
Ngunit ang bawat isang nagmemeron ay iba sa bawat isa. Ang bawat isa, tinatanggap nila ang kanilang meron mula sa mismong Meron ayon sa nababagay at nararapat sa kanila o proportio. Kaya ang kanilang pagsasabuhay ng kanilang meron ay ayon na rin sa nababagay sa kanilang meron. Nagpapakatao ang tao, nagpapakahayup ang hayup, nagpapatanim ang tanim. May kanya kanyang pagmemeron ang bawat isa ayon sa nababagay sa kanilang meron. Kaya iba ang pagmemeron ng bato sa pagmemeron ko bilang tao.
Meron bilang analogia. Ang meron dito at ang meron doon, nagkakahawig. Nagkakaiba rin. Kailangan ang isang pag-uunawang mapagkilatis upang makita at mamulatan sa intrinsekong pagkakaiba sabay pagkakahawig ng meron.
Ngayon, sa lahat ng mga nagmemeron, naaninigan natin na ang tao ang pinakamatindi. Matindi sapagkat nakakaunawa siya, merong pagmumulat, merong pagmamalay, kaya mas matindi ang kanyang paglaban sa wala, pagtirik ng sarili sa meron kaysa sa mga hayop, tanim, at mineral. Mulat siyang meron siya, mulat siyang nagmemeron siya, sabay alam niyang lumalaban siya sa wala. Kaya ang lahat na ginagawa ng tao (kumain, matulog, maglakad, magtiyaga, mag-aral, manalangin, atbp.), isang patuloy na pagsisikap na lumaban sa wala, at alam niyang ginagawa niya ito, o kahit man lamang pinagsisikapang malaman na ginagawa niya ito. Iba lagi ang kalidad ng pamumuhay ng tao sa ibang nagmemeron. Analogia pa rin.
Kaya para bagang hagdan ang buong sangkameronan. Nasa tuktok ng hagdan ang tao, at sa ilalim ng hagdan ang mga mineral na walang buhay. Namulatan nating matindi ang tao sa kabila ng kanyang karupukan sapagkat meron siyang mahiwagang pag-uunawa, malay-sarili. Tao lamang ang nakapagtatanong ukol sa kahulugan: bakit narito siya, ano ang buhay, ano ang tao, para sa ano ang maging tao, ano ba ang kahulugan ng pag-asa, ano ba ang kahulugan ng buhay, pakikipagkapuwa, pakikitungo sa Banal, atbp. Ngunit minsan, may mga panahon na nasa krisis ang tao, at nasa kadiliman siya, may pagkabigo, humihina ang kanyang pagmemeron. Tulad ng tanim, humihina rin ang pagmemeron, nalalanta. At sa panahon na mahina ang pagmemeron, humihina rin ang kapit sa kahulugan, o malabo ang nakikitang kahulugan. Kaya minsan, sa gitna ng kadiliman, at nawawalan ng pag-asa ang tao, humihina ang kanyang kapit sa kahulugan, halimbawa, ng buhay. Kaya nararanasan ng tao ang kahinaan ng kanyang loob, na minsan lumalabas sa pagsasabing "sabog ako" o "kalat". Humihina ang loob. Hindi nakikita ang halaga at kahulugan ng buhay, ng pagiging tao. Ngunit likas rin sa taong ipunin muli ang kanyang sarili, magbalik-loob, maglakas loob. Nararanasan na merong umuudyok sa taong magpakatatag at magpatuloy pa rin.
Kahit humihina ang kapit sa kahulugan, sabay ng paghina ng pagmemeron, naroroon pa rin sa tao, kahit katiting, ang pagnanasa sa tunay na kahulugan, ang pagnanais na makita ang liwanag sa gitna ng dilim. Naroroon pa rin sa tao ang diwang naghahagilap sa gitna ng agaw-dilim, at panghihina. Likas pa rin sa kanya ang magpatuloy na tumugon sa tawag ng meron at kahulugan. Naroon pa rin sa tao ang likas na hanapin, kumapit sa meron at kahulugan. At itong pagnanasa, kakayahan, at potensyal ng tao na hanapin ang kahulugan ay hindi nawawala kahit sa pinakamatinding kadiliman at pagkakalat ng sarili. Ang mahalaga lamang ay buhayin ang "pinatutulog" na potensyal. Gawin ang magagawa ayon sa abot-kaya, at hindi ang kibit-balikat na pagsasabing "hanggang dito lang ang kaya ko" o "ako’y tao lamang".
May mga sandali na matinding nagmemeron ang tao, buhay na buhay rin ang kanyang kapit sa kahulugan. Sabay ang pananabik sa buhay, sa tindi ng pagkapit at pagnamnam ng tunay ng kahulugan. Nararanasan niya na ang pagiging tao ay isang patuloy na pagsisikap, patuloy na pagtubo, at patuloy na paghahanap. Nararanasan niyang mas nagiging tao siya, taong tao. Kaya't ang umiiral na may pag-uunawa at pagnanais sa kahulugan, ngunit mahina ang kapit sa kahulugan, ay umiiral na mahina rin ang meron. Ang karupukan, samakatuwid, isang landas ng nagpapamulat sa atin sa isang lampas pa sa ating hindi marupok. Ito ang pagkakataon na aminin na tao, sa isang mapagkumbabang paraan, na marupok nga siya. Ngunit sabay sa pag-amin ng kanyang karupukan, natutuklasan rin niya ang kanyang potensyal. Potensyal: lumang salita iyan na ang ibig sabihin ang pagkamaaari. Ang potensyal ay hindi nawawala, pinapatulog lamang ng tao, at sa panahon ng matindi ang karupukan, kailangan lamang buhayin niya ang potensya na nasa kanya. Hinti ito naglalaho. Isang binhi na kailanman hindi namamatay, laging naroroon sa puso ng bawat isang nagmemeron. Binhing nakatanim sa bawat nagmemeron na kailangan lamang gisingin, diligan, alagaan at patubuin.
Sinauna Bilang Potensyal5
Nagkataon na nasa tuktok kami ng bundok, sa isang bahay dasalan. Mga kasama ko'y gumaganap ng banal na pagsasanay bilang paghahanda sa ordenasyon sa pagkapari. Nagkataon na bumangon ang malakas na bagyo. Pusod ng bagyo ang huminto sa hindi kalayuan sa amin. Huminto ang pusod; hindi ang malalakas na hangin na iniikot ng pusod. Dalawang araw, dalawang gabi. Mga puno at bahay nalulunod, naaanod sa hangin. Nagtataka kami kung kami'y magigiba.
Isa sa pinag-usapan namin ay pamimilosopiya. Noong nag-aaral ng pilosopiya ang aking mga kasama, kasama sa kanilang mga babasahin ang ilan sa aking mga sinulat. Nagtaka sila kung may lalabas na pilosopikong pagtalakay sa ilang mga atitud na mapagmamasdan sa kalinangang Pilipino; mga atitud, na kung tutuusin mo, ay pilosopiko at karapat-dapat pagmunihan, palalimin sa isang pilosopikong pag-uunawa. Halus hiniling nila na gumawa ako ng ganoong pagtalakay.
Pagtataka sa maraming nibel ang ginigising ng kanilang mga sinabi, at nakita ko na kailangan kong isipin ito ng totohanan. Kaya't sinabi ko sa kanila: iisip-isipin ko, at anuman ang matagpuan ko ay aking ibabahagi sa inyo sa huling yugto ng isang libro na matagal ko nang sinusulat at hindi pa matapus-tapos.
Ngayon nakarating na ako sa huling yugtong ito at inaalok ko ang hindi isang pilosopikong pagsususuri, kundi ilang mga ligaw na puna at isang mungkahi ukol sa potensyal. Kung may interes pa kayo, mga kapuwa, at kung binabasa ninyo ito, heto ang ipinapangako ko sa inyo.
Pagpili sa Wikang gagamitin
Madalas may nagtatanong: Mag-iimbento ka ba ng pilosopiyang Pilipino? O kaya: Maari bang magkaroon ng pilosopiyang Pilipino? Ang mga tanong na iyan ay pag-aksaya lamang ng panahon. Kung talagang nais ng isang taong mamilosopiya, ang hinahanap niya ay ang totoo na nagpapakita sa kanya. At gagamitin niya ang anumang makakatulong sa paghanap sa totoo. Kung ang pinag-aabalahan niya ay Pilipino ba ako? O Intsik? O Indian? O kung ano? Hindi na siya namimilospiya. Lalabas siyang gaya ng taong tingin ng tingin sa salamin sa walang katapusang pagka-bagabag baka hindi siya mukhang Pinoy.
Bukal sa lahat ng tao ang hanapin ang katotohanan, at lahat ng wika ay likha ng tao. Kaya taglay ng bawat wika ang kapaitan at pananabik ng paghabol sa katotohanan: paghabol na ginaganap ng mga unang naghubog at ng mga sunod na gumamit sa wikang iyon. Kaya lahat ng wika ay maaring gamitin sa paghahanap sa totoo kung may kalooban ang gumagamit. At kung ayon sa totoo ang kanyang paggamit.
Madalas akong pagpunahan na kung katotohanan ang hinahanap mo, hindi importante kung anong wika ang gagamitin mo sa iyong pamimilosopiya. Iyan ay isang delikadong puna. Kung may tao sa aklatan, at sinubukan niyang mamilosopiya sa isang wika na ibang di hamak sa sinasalita ng mga nagmamaneho ng dyipni, nagwawalis-tingting sa mga kalsada, nagsisilbi sa mga turo-turo, masasabi kaya na ang taong iyon ay gumagalaw sa katotohanan? Sapagkat hindi mapagkakaila na, angkinin man ng tao o sadyang limutin, palaging mananatiling totoo na lahat ng tao, pati ang mga namimilosopiya, ay napapaligiran ng mga kapuwa tao na nagsasalita. At kapag nagsisikap mamilosopiya ay pumipili sa wikang gagamitin niya, ang kanyang pagpili ay bunga ng kanyang atitud sa salita ng mga pumapaligid sa kanya. At ang kanyang atitud ay maaring katotohanan, maaring kasinungalingan.
Kakayahang Tumingin
Kung ugali ng taong gamitin ang ngala't konsepto bilang bungang-isip (panturo sa totoo), mararanasan niya na ang bawat wika ay may kakayahang turuan siyang tumingin. Mararanasan din niya na ang bawat wika ay may kakayahang yumaman. Para bagang natututo pati ang wika. At lumalago ang kakayahan ng wikang magbigay ng udyok tumingin, kapag ang gumagamit ay sabik maturuan at maudyukan tumingin. Matutuklasan niya na maaring bastusin ang isang wika, at ang kakayang ng wika na magturo ay hihina at maglalaho. Pero may malalim na buhay ang bawat wika, at maaring gisingin ito kung maliksi at alisto ang gumagamit. Kaya't ang paggamit ng isang wika, sa anumang wika, ay pakikisalamuha sa mga gumamit at gumagamit sa wika, pagkilatis sa kayamanang iniwan nila sa wika, pagtanggap, pang-ingat, pagsisid sa kalaliman, pagtampisaw sa kababawan … at tuluyang pagpapatubo sa wika. Sapagkat ang matinong pag-ibig sa wika ay sanhi ng matinding pagmemeron para sa mga gumagamit at para sa kanilang kasalamuha.
Kuwentuhan
Nangyari na hindi kami magkasundo ng isang kaibigan. Nag-initan kami. Hindi ko maalaala kung bakit. Sa isang sandali, `ika niya, "Mabigat na sabihin ito sa iyo. Ayaw ko sanang sabihin at may utang ako sa iyo, pero sasabihin ko pa rin."
"Anong utang ito? Wala kang utang sa akin."
"Ikaw talaga. Kung makarinig ka ng `utang' wala kang maisip kundi kuwarta. Hindi utang na kuwarta ang sinasabi ko. Utang na loob! Hindi mo ba alam?"
Noong nag-aaral kami sa seminaryo, nagkataon na lumalangoy kami sa isang ilog na malakas ang agos sa gitna. Natangay ako ng agos at paglingon ko, napuna kong hinahabol ako ni X. Malakas siya at mabilis. Umabay siya sa akin. Sabi niya, "Magrelaks ka lang. Paglapit ko ilagay mo ang dalawa mong kamay sa aking balikat. Wala kang ibang gagawin." Sinundan ko ang sinabi niya, at sa ilang saglit nasa tabing ilog na kami.
Sa daloy na panahon nagtapos kami sa seminaryo at may mga hindi kanais-nais na ginawa si X. Madalas siyang pintasan kapag nagkukuwentuhan ang mga nakakakilalala sa kanya. Sa loob ko alam kong totoo ang kanilang mga ipinipintas sa kanya, pero hindi ako nakikisali sa istoryahan. At kung may pagkakataon ay ikinekwento ko kung papaano niya akong inaahon sa mabilis na agos ng ilog noong araw pa. Utang ko sa kanya na ingatan ang alaala ng kanyang kabutihan.
Tingnan natin ang isang bersyon Iloko ng Mga Gawa. Naaalaala mo iyong sundalo na guwardiya ng mga presong Kristiyano. Nagkaroon ng lindol sa gabi. Nabuksan ang pinto ng bilangguan at natanggal ang tanikala ng mga preso. Akala ng guwardiyang nakatakas na ang lahat ng kanyang sakop at sa kanyang takot mapapakamatay na lamang siya. Nang makita ito ni Pablo, "Huwag mong sasaktanin ang iyong katawan!" sigaw niya. "Nandito kaming lahat." Naghanap ng sulo iyong guwardiya at patakbong pumasok sa kanila't lumuhod na nangininig sa takot sa paanan nina Pablo at Silas. Saka inilabas niya sila at winika, "Mga Ginoo, ano ang utang kong gawin upang ako'y maligtas?"
Natatanaw yata ng mga sinaunang humubog sa ating mga sari-saring wika na ang abot-tanaw ng totoo ay tigid sa ugnayan at relasyon. Ugnayan ng pangyayari sa pangyayari, ng angkan sa angkan, ng kalooban sa kalooban. Naunawaan nila na bukal sa mismong pagka-sarili ng bawat tao na magkaroon, tumanggap, lumikha ng ugnayang ito. Tinatanaw nilang sagrado ang ugnayan. Mula sa ugnayang ito lumitaw ang salitang "utang". Utang ng taong manatiling tapat sa tunay na pakikipagkapuwa sa kinapal, sa kapuwa-taong nilalang, pakikipagkapuwa sa Maykapal. Alam nila na may tunay at mapaglikhang pagtupad sa ugnayan, at meron namang huwad at nakakawasak na pagpanggap tupdin.
Palaging nagtutulungan sina Juan at Pedro. Sabi ni Juan, meron siyang utang na loob kay Pedro. Sabi ni Pedro, meron siyang utang na loob kay Juan. Walang nakakaalaala kung sino ang unang nagtulong kanino at walang nag-aabalang makaalaala. Isang dangal ang magkaroon ng utang na loob sa isang kaibigan. Hindi binabayaran, tinatanaw ang utang na loob. Tanawin. Ingatan. Alagaan. Bigyang halaga. Ibigin.
Nagsustituto ako sa kura paroko sa isang bayang bulubundukin. Mga ilog na nakabaon sa pagitan ng matataas na pampang. Matatarik na gilid ng bundok. Dudulas sa putik iyong dyip. Dumidikit sa iyong pilik-mata ang pinong pinong patak ng ulan.
"Ilang linggo ka ba dito?"
"Tatlo"
"Mag-ingles tayo. O kaya managalog. Magpraktis kami para sa Maynila."
"Huwag na. Sa eskwela ang Ingles. At pagdating mo sa Maynila, tatlong linggo lamang at magaling ka nang managalog. Magbisaya tayo."
"Hindi ka magaling."
"Tatlong linggo lamang at magaling na ako." Kaya't nagbisaya kami.
Tatlong linggo at oras nang magpaalam. Nagprograma kami. Nagkanta ng ingles iyong isa, at napansin ko na may pagkukulang sa salita at bigkas. At natauhan ako. Kung tatlong linggo sana kaming nag-iingles o nananagalog, palagi ko sanang winawasto ang kanilang salita at bigkas. Ang yabang yabang ko na sana. Baka iniisip ko na ngayon : ako lamang ang edukado, at taga-bundok silang lahat.
Kakaiba talaga ang nangyari. Tatlong linggo nilang winawasto ang aking salita at bigkas, pero hindi sila yumayabang. Mapasensiya sila. Tatlong linggo nilang ibinabahagi sa akin ang kanilang wika: isang espesyal na uri ng pagtingin, ng pakiramdam, ng karunungan. Ibinibahagi nila ang buong sibilisasyon. Sa boses, sa galaw ng kamay, sa kilos ng katawan, tinuturuan nila akong magsalita. Sapagkat ang nag-aaral ng bagong wila ay parang batang nagsisimulang magsalita. At kung siya'y matanda na, muli siyang natututong matuto. Sa oras ng pagpapaalam nadama kong nagpapaalam ako sa aking mga guro. At noong inikot ng aking tingin ang mga bundok na pumapaligid, nagalak ako na kay yaman ng mga bundok.
Sabi ng isa, "Salamat sa iyong pakikibagay sa amin." Pakikibagay. Malalim na salita iyan sa bisaya. Pakig-angay. Salitang nagmumula sa ugnayan. Loob sa loob, puso sa puso, tao sa tao.
Huwaran
Tinatawag sa ating pansin ni Joseph de Finance, na nararanasan natin ang abot-tanaw ng meron bilang totalidad ng meron na iba iba ang tindi sa di-masukat na kalawakan.6 At sapagkat napakayaman nito, ang bawat kalinangan ay gumagamit ng iba't ibang huwaran sa kanilang pagsisikap na mabuhay sa isang diwang matino at malusog sa gitna ng nakakabulagang kayamanan nito. Halimbawa, ginigiit ni Heidegger na ang huwaran ng kanluran ay ang huwaran ng mga sinaunang Griyego. Mababakasan sa kanilang wika na ang dating ng meron sa kanila ayphysis, ang sanlibutan bilang sangtumutubo.
Ang mundong meron ay tumutubo. At katangian ng tumutubo na magtago at magpakita.7 Kaya't ang totoo ay ang meron na inakit magpakita, at nakita.
Ang huwaran ng ating kalinangan ay tao bilang malalim, sagrado, mapaglikha at nakikipagkapuwa sa kapuwa tao at sa Maykapal. Kaya't ang dating sa atin ng meron ay ugnayan. Ang sanlibutan bilang personal na pakikisalamuha sa atin ng Maykapal. Kaya't ang totoo ay tao na tapat sa tao, tapat sa ugnayan at sa pakikipagbuklod.
Mababakasan ang paggalang sa kalaliman ng tao, sa iba't ibang paraan, sa kayamanan ng ating sari-saring wika. "Loob", sabi nila sa Pilipino; "Kabubut-on", sa Cebuano; "Nakem" naman sa Iloko. Tiyak ako na may katumbas ito sa lahat ng ating mga wika; bakas ng pagkagulat ng mga sinauna sa kalaliman at hiwaga ng bawat tao. May buong daigdig ang loob. Masiraan ng loob. Palakasin ang loob. Kalamayin ang loob. Buoin ang loob. … Sapagkat ang tao ay … sarili, ako … nararanasan natin na may kalooban. Maaring masiraan ng loob, buoin ang loob, gumalaw sa kagandahang loob, maging masamang loob, magbalik-loob. Kayang magbayad ng utang na kuwarta (pisikal at kemikal). Kayang alagaan, pairalin, gawing mapaglikha …. Sa madali't sabi .. tanawin ang utang na loob.
At sapagkat malalim ang hiwaga ng tao, malalim rin ang kanyang pakikibuklod. Tingnan ang katagang "kapuwa" na palaging ginagamit. Kapuwa tayong naghihintay sa dentista. Kapuwa kitang nag-aantabay na bumerde ang ilaw ng trapik. Sa ulan ay kapuwa kitang nakikisilong. At ang "ka" na tanda ng pakikipagkapuwa sa kapatid, kabayan, kaibigan, kasintahan, katoto, kasama, kababata, katrabaho, kainuman, kaaway…
Mababakasan iyang lahat, at higit pa riyan sa ating samo't saring wika. At lahat niyan ay potensyal. Maari nating buhayin, likhain muli. Maari nating gawing bahagi ng mga hindi inaakalang kombinasyon. Halimbawa, baka magawa natin ang hindi pa nagagawa: maglikha ng kalinangan na personal at makatao, at sabay, teknikal. Teknolohiya dahil sa tao; at huwag baliktad.
Pero sa buhay pang-araw-araw ngayon ay madalas ituring na makaluma at katawa-tawa ang mga katagang gaya ng "loob", "pakikipagkapuwa", at iba pa. At ang metodo ng maraming manunuri ay iuwi ang kalinangan sa makikisig na konseptong nakasara at iuwi sa mga kasong matatalakay sa metodo ng pagsukat. Ang potensyal, paglipad, paglikha, ang hindi inaakala ay nawawala.
Mungkahi Ukol sa Potensyal
Sa panahon na gagala-gala sa kadiliman ang mga kalinangan, mabuting alalahanin ang kasabihang Intsik, "Lalong mabuting magsindi ng isang kandila kaysa sumpain ang dilim."
Ito ang aking kandila: Magpakaalisto sa buhay pang-araw-araw sa potensyal ng kalooban at ugnayan; buhayin ito, ulitin at sariwain. Mag-imbento ng bagong istilo ng pananatiling tapat sa halaga at hiwaga ng kalooban at ugnayan. Sapagkat bahagi tayo ng sangkatauhan. At ang malubhang pangangailangan ng buong sangkatauhan ay gawin ang hindi pa nagagawa: maglikha ng kalinangang personal at makatao, sabay teknikal. Teknolohiya dahil sa tao; at huwag baliktad.
Sa Huli
At sa katapusan matatapos na rin ang librong hindi matapos-tapos. Sinusulat ang mga talatang ito sa isang bahay sa isang baranggay na ang salita ay Iloko. Dito ko sinimulan ang librong ito …ngayon ang huling araw ng 1990. Ang malaking bahagi ng librong ito ay dito ko rin isinulat. Sa bolpen at papel muna. Nasa Maynila ang kompyuter.
Maraming salamat sa mababait na kaibigang nakatira dito. May katahimikan dito. Mayayapakan mo ang lupa at mararamdaman mo ang sinaunang bisa ng planeta. Matitingala mo ang langit at mararamdaman mo ang bagsak ng enerhiya mula sa buong sansinukob.
Napapaligiran kami ng palayan. Matagal nang natapos ang paggapas. Nabilang na ang ani. Lumalapit na ang hating gabi at nagsisimula nang magputukan ang mga babati sa bagong taon. Maliwanag ang buwan at maaaninagan mo ang mga dahon ng monggo at mais na nakatanim ngayon sa kabukiran. Ngunit aangkinin ko pa rin ang ilang talatang isinulat ng isang pari, meron na higit sa isang daang taon:
Endnotes:At wiwikain ko ay mapalad ako
Ang kahalimbawa ko ay nagsabog ng binhi;
Tinamaan ko ay ang mabuting lupa.
At sa kinakamtan kong tuwa
Ang nakakaparis ko
Ay isang magsasakang kumita ng aliw
Uupo sa isang pilapil
Nanood ng kanyang halaman
At sa kanyang palayan na parang inaalon sa hirap ng hangin,
At sa bungang hinog na butil na gintong nagbitin ng uhay
Ay kumita ng saya
Munti ang pagod ko, munti ang puyat ko;
At palibhasa ay kapos sa lakas na sukat pagkunan
Ngunit ang pakinabang ko sa pagod at puyat
Ay naibayuhan.8At ikaw, mambabasa, naririyan ka pa ba? Sa iyo rin, salamat.Urdaneta Bactad Proper
Urdaneta, Pangasinan
31 Disyembre 1990
1 Hinango ko ang mga paksa sa notang ito mula sa aking mga personal na nota sa Pilosopiya na pasingit-singit kong sinulat sa daloy ng mabagsik na pangangailangan, sa libro ni P. Roque J. Ferriols, S.J. na Pambungad sa Metapisika at Pilosopiya ng Relihiyon, at sa impluwensiya ni Sto. Tomas de Aquino, at mga gabay-sulatin ni Richard Taylor sa isang sulating Metapisika.
2 Sidhay: isang lumang kataga upang isalin ang salitang cell, isang batayang biolohikal na bahagi o elemento ng buhay. Ang salitang sidhay ay nagmumula sa dalawang salita na silid at buhay, isang silid ngunit may buhay sa kanyang sarili.
3 Madalas itong tinatalakay sa pamimilosopiya. Ibig sabihin ng pinakamabuting alam ay ang aking abot-tanaw, isang kaalaman na patuloy pinapatubo sa buong buhay, isang kaalaman na hindi nakasara kundi nakabukas sa posibilidad ng mas malawak pa na abot-tanaw ng meron. Kaya hindi isang matigas na konsepto ang ibig sabihin ng "pinakamabuting alam", kundi parang binhi na kapag patuloy na dinidiligan at inaalagaan, maaring tumubo at mamunga, humantong sa mga posibilidad na hindi inaakala.
4 Tingnan ang libro ni Roque J. Ferriols, Pambungad sa Metapisika (Quezon City: Ateneo de Manila University), 152 - 153. Ang pagbabahagi o participatio ay laging ayon sa proportio. Ibig nitong sabihin, ang pagbabahagi ng meron mula sa Mismong Meron sa mga nagmemeron ay ayon laging sa nararapat. Lahat ng nagmemeron, galing ang kanilang meron sa Mismong Meron, kaya magkakahawig ang lahat. Lahat ng nagmemeron, tinatanggap nila ang kanilang meron mula sa Mismong Meron, ayon sa nababagay, kaya ibang iba rin ang bawat isa. Hawig sabay iba: analogia.
5 Roque J. Ferriols, S.J., Pambungad sa Metapisika (Quezon City: Ateneo de Manila University, 1991), 235 - 241.
6 Joseph de Finance, S.J. Isang pilosopo na maraming librong sinulat. Pero ang tinutukoy ko rito ay galing sa ilang mga nota sa ontolohiya na nabasa ko noong araw sa microfilm. Balita ko na iyong mga notang iyon ay unang balangkas pala para sa isang libro.
7 Tingnan ang katagang batayan na Aletheia sa libro ni Fr. Roque J. Ferriols, S.J., Mga Sinaunang Griyego (Quezon City: Ateneo de Manila University, 1992).
8 Modesto de Castro, Urbana at Felisa (Manila: J. Martinez, 1902), 9.